Sebastian POV.
Hindi ko inalis ang tingin ko kay Alexandrea. Kahit kitang-kita ko ang pagkalito sa mga mata niya. At kahit ramdam kong natatakot siya sa direksyong tinatahak ng usapan namin.
Hindi ako umatras, narito na ako kaya ipagpapatuloy ko. Dahil mula pa noong unang araw na nakita ko siya… alam ko nang hindi ako basta-bastang makakalayo sa kanya.
Lalo pa ngayon na mas nakilala ko siya, mas lalong imposible.
Tahimik lang si Alexandrea habang nakatingin sa akin. Pero alam kong magulo ang isip niya. Makikita ‘yon sa paraan ng mabilis niyang paghinga. At bahagyang panginginig ng mga daliri niya.
Higit sa lahat ang paraan ng pag-iwas niya ng tingin sa tuwing tinititigan ko siya ng matiim.
Parang may takot… pero hindi dahil sa akin. Kundi dahil sa nararamdaman niya para sa akin.
“Sebastian…” mahina niyang tawag.
Marahan kong hinaplos ang likod ng kamay niya.
“Hindi kita pine-pressure.”
“Pero parang gano’n na rin.” mahina niyang sagot.
Napabuntong-hininga ako bago ako bahagyang napangiti.
“Kasalanan mo rin kasi.”
Agad siyang napatingin sa akin.
“A-Ano?”
“Paano mo ako mapapanatiling kalmado pagkatapos mong pumasok sa buhay ko?”
Bahagyang namula ang pisngi niya. “Damn it!” bulong ko… mas lalo siyang gumaganda sa paningin ko.
At mas lalong nagiging kaakit-akit kapag nahihiya dahil sa pamumula ng pisngi.
Unti-unti akong lumapit hanggang halos wala nang espasyo sa pagitan namin.
“Alex…” mahina kong tawag.
Hindi siya umatras, hindi man lang gumala at alam kong maling desisyon niya iyon.
Dahil lalo akong nawawalan ng kontrol sa sarili ko.
“Alam mo ba kung gaano ko pinigilan ang sarili ko ngayon at nitong mga nakaraang araw?”
Napakagat siya sa labi habang nakatingin lang sa akin.
“At first, gusto ko lang talaga ang pera.” diretsahan kong sabi. “Pero habang tumatagal… mas lalo akong naging gahaman.”
“Seb…”
“Gusto kong ako ang unang lalaking tatawagin mo kapag natatakot ka.”
Dahan-dahan kong hinawakan ang baba niya upang mapatingin siya nang diretso sa akin.
“Gusto kong ako ang kasama mo sa bawat pagpasok mo sa opisina.”
Napansin kong bahagya siyang natigilan.
“Gusto kong ako ang nasa tabi mo kapag umiiyak ka.”
“Sebastian…”
“At higit sa lahat…” marahan kong hinaplos ang pisngi niya.
“Gusto kong akin ka.”
Tuluyan siyang natahimik at kitang-kita ko ang mabilis na pagtaas-baba ng dibdib niya.
Hindi na niya kayang itago ang epekto ko sa kanya. At lalo lang akong naging determinado.
“Inuulit ko hindi lang ito tungkol sa sperm donor.” paos kong saad. “Hindi ko hahayaang gamitin ka lang ng kahit sino… higit sa lahat ay manipulahin ka ng iyong mama. Sapagkat hindi ka na bata, Alexandrea, karapatan mong magdesisyon sa iyong sarili.
“Hindi mo naman siya kilala… ang ibig kong sabihin, hindi mo kilala ang napili ni Mama.” mahina niyang depensa.
“Exactly.” sagot ko at bahagyang tumigas ang panga ko bago nagpatuloy sa pagsasalita. “Hindi mo rin siya kilala.”
Napayuko siya. At doon ko tuluyang nakumpirma ang isang bagay. Hindi talaga niya gusto ang setup na iyon… napipilitan lang siya sa kagustuhan ng kanyang mama.
Kapag naiisip kong may ibang lalaking hahawak sa kanya… may ibang lalaking magkakaroon ng koneksyon sa kanya habang-buhay… parang gusto ko na lang siyang dalhin sa lugar na hindi siya makikita ng kanyang mama o ng kahit sino.
Ngunit pag ginawa ko iyon sigurado magagalita siya sa akin. At hindi ko hahayaang mangyari iyon.
Ngayon pa lang sisimulan ko ng gawin ang mga bagay na hindi niya magagawang tanggihan.
At kahit sabihin pa ng pinsan nito na si Isaac na babaero ako, sisiguraduhin kong bago pa siya makatutol sa aming dalawa ni Alexandrea ay nakagawa na ako ng paraan upang hindi niya magawa pang tumutol.
Kaya kong patunayan na marunong din akong magmahal. Hindi puro karahasan, pakikipaglaban at misyon ang nasa isip at katawan ko.
“Alex.” Marahan kong inangat ang mukha niya. “Look at me.”
Dahan-dahan siyang sumunod. At halos huminto ang aking paghinga nang makita ko ang emosyon sa mga mata niya.
Takot, pagkalito, pangamba at attraction. Sa mga nakita doon ako mas naging sigurado. Hindi ako nag-iisa ng nararamdaman may katugon iyon.
“Hindi ako perpektong lalaki.” mahinahon kong sabi. “Wala akong malaking pangalan. Wala akong milyon-milyon.” wika ko bago bahagyang ngumiti. “Pero sigurado ako sa isang bagay.” ani ko pa at saka siya initigan nang diretso.
“Hinding-hindi kita sasaktan.”
Parang may kung anong nagbago sa ekspresyon niya. Mas lalo siyang naging tahimik. At alam kong unti-unti nang bumibigay ang pagpipigil niya sa sariling nararamdaman.
“Sebastian…” nangangatal ang boses niyang saad.
“Hayaan mong patunayan ko.”
“Paano?”
Ngumiti ako nang bahagya. “Bigyan mo ako ng pagkakataon na mapalapit sa’yo.”
Napalunok siya.
“At kapag dumating ang araw na kailangan mo nang pumili…” marahan kong inilapit ang noo ko sa kanya.
“Sisiguraduhin kong wala ka nang ibang gugustuhing piliin kundi ako.”
Namilog ang mga mata niya pero mabilis nakabawi, tumaas ng konti ang kilay. Ngunit bago pa siya tuluyang makapag-isip… marahan kong hinalikan ang noo niya.
Isang halik na punong-puno ng respeto.
Dahil kung hindi ko pipigilan ang sarili ko ngayon… baka tuluyan ko na siyang dalhin sa ibabaw ng kama at bukas ng umaga ay hindi na siya makalakad.
“At isa pa…” mahina kong bulong habang nakadikit pa rin ang noo ko sa kanya. “Naalala mo ba ang sinabi ko noong una tayong nagkita?”
Hindi siya agad nakasagot. Ngunit ramdam ko ang mabilis niyang paghinga.
Bahagya akong ngumiti. “Sabi ko sa’yo…” dahan-dahan kong hinaplos ang pisngi niya gamit ang hinlalaki ko.
“Kapag napunta ka sa akin…” mas lalo kong ibinaba ang boses ko. “Hindi na kita pakakawalan pa.”
“Seb…”
“Hayaan mong patunayan ko muna kung gaano kita kayang pahalagahan.”
Dahan-dahan akong lumapit muli ngunit sapat lang para hindi siya mailang.
Hindi ko siya hinawakan, hindi ko rin siya nilapitan.
Sapagkat gusto kong maintindihan niya na kaya kong pigilan ang sarili ko para sa kanya… na kaya kong maghintay.