TROY
Napanganga na lang ako nang bigyan ako ni Eliza ng isang mabilis na halik sa pisngi.
Hindi ko inaasahang ganito siya ka-cooperative. Alam kong matinong babae ang sekretarya ko kaya naman siya ang napili ko at bagay na maging girlfriend ko kahit kunwari lang. Hindi siya 'yung tipo ng babae na halos magpakamatay na mapansin ko lang. Napaka professional niya sa trabaho. Natatakot pa nga ako noong una, akala ko ilalaglag niya ako kina tito Magno. Mabuti na lamang at mabilis niyang na-gets ang sitwasyon.
Noong una ay naiinis ako sa kaniya muntik ko pa nga siyang sesantehin dahil napakalamig ng pakikitungo niya sa akin pero nakita ko ang dedikasyon at pagiging seryoso niya sa trabaho kaya tiniis ko na lang ang pakikitungo niya. Siguro ay dahil nasanay lang ako sa sobrang atensyon na ibinibigay sa akin ng mga nagdaang sekretarya ko. Halos kasi may pa-extra service pa ang mga 'yon. Iba si Eliza. Walang paki-alam sa paligid at nakatutok lang sa trabaho niya. Kung hindi ko nga siya utusang ipagtimpla ako ng kape ay hindi siya magkukusa, dahil nga naman hindi niya trabaho iyon. Mayroon namang naka toka sa pagtitimpla ng kape sa buong opisina.
Napangiti ako nang makita ko ang makurba niyang balakang habang nakatalikod pabalik sa kaniyang mesa. Napaka seksi niya. Sa taas na limang talampakan at limang pulgada ay mas matangkad siya sa karamihan. Morena ang makinis niyang kutis. Lagi namang naka lugay ang mala sutla niyang buhok na hanggang balikat lamang. Maliit ang hugis puso niyang mukha na binagayan ng katamtamang tangos ng ilong at bulugang mga mata na tila ba laging nang-aakit sa tuwing magtatama ang aming paningin.
Napalunok ako sa isiping iyon. I can't resist Eliza's charm, kung hindi ako magpipigil ay baka kung ano ang magawa ko sa kaniya sa tuwing maglalapit kami.
Noong una ko pa lamang siyang nakita at napansin ko na ang bukod tangi niyang ganda kahit pa napaka simple lamang niyang mag-ayos at medyo estrikto ang aura.
Matagal na kaming nagsasama sa mga business trip pero sadyang mailap siya at laging naka distansya sa akin lalo na kapag tapos na ang trabaho niya. Nito lamang trip namin sa baguio na medyo nagkalapit kami dahil wala kaming driver pabalik ng Maynila.
"Oh, anong iniisip mo d'yan? Sir?" untag niya sa akin at idiniin pa ang salitang 'Sir'. Hindi ko namalayang nakatanga na pala ako sa kawalan.
"H-ha? N-nothing! Mabuti naman at nagkakaintindihan tayo," sagot ko saka nagkunwaring may hinanap sa drawer ng mesa ko.
Mahirap basahin ang saloobin ni Eliza napakaseryoso kasi niya lalo na sa oras ng trabaho. Hindi siya katulad ng ibang babae na kapag may guwapo na sa harapan ay halatang halata mo na ang pagpapa-pansin o kaya ay nagpapa-cute. But Eliza stay calm na para bang walang pakiramdam. Pero kahapon ay nakita ko ang itinatagong side ni Eliza. She's funny at may sense of humor. Hindi ko man aminin ay alam kong attracted ako sa nadiskubre ko.
"Sir?" Untag niya sa akin. Nakatingin na naman pala ako sa kawalan.
"H-ha? Yes?" Nagmamadaling tugon ko.
"Are you okay? May sakit ka ba?" tanong niya saka lumapit sa akin at sinalat ang noo ko.
"Para kang namamatanda, magpatawas ka kaya?" aniya. Hindi ko alam kung seryoso o sadyang nanunukso dahil walang mababakas na reaksyon sa mukha niya. Nanatili naman akong nakatitig lang sa kaniya.
"Hindi ka pa ba uuwi? Half day lang tayo ngayon," pagkuwan ay paalala niya.
Tumingin ako sa orasan sa dingding, pasado alas dose na pala ng tanghali.
"M-mamaya na, tatapusin ko lang 'to," sabi ko sabay kawak sa mga papeles sa ibabaw ng mesa ko pero wala na pala ang mga iyon.
"I-i mean may gagawin pa ako," palusot ko na lang. Ano bang nangyayari sa akin at para na akong lutang sa pag-day dreaming?
"Mauna na ako," aniyang sumaludo pa bago lumabas ng pinto. Alam kong may pangako siya sa kaibigan niya ngayong weekend kaya hindi ko na s'ya kinulit na sumama kina uncle Magno sa Tagaytay. Hindi ko saklaw ang personal niyang buhay. Pumasok nga lamang ako ngayon dahil gusto kong makita siya.
Napabuntong hininga na lamang ako nang maiwang mag-isa. Nag-inat ako at sumandal sa malambot na sandalan ng swivel chair. Dumako ang paningin ko sa family picture namin na nasa mesa ko. Labing walong taong gulang lamang ako nang kinunan ang larawang ito. Nasa Maldives kami nang mga panahong iyon, treat sa akin ni Dad nang gumraduate ako sa kolehiyo. Hindi lingid sa aking kaalaman ang pagiging adopted ko. Pero kahit ganoon pa man ay itinuring at minahal nila ako na parang tunay na anak, lalo na ni Mama. Napaka suwerte ko sa pagkakaroon ng magulang na katulad nila kaya naman mahal na mahal ko sila.
Ipinagkatiwala sa akin ni Dad ang lahat ng negosyo niya dito sa Pilipinas dahil sa kalagayan ni Mama. Sa Amerika sila naglalagi since last year dahil sa problema ni Mama sa kalusugan.
Perpekto ang family namin, masaya kami kahit na minsan ay nararamdaman ko ang kalungkutan ni Dad sa hindi pagkakaroon ng sariling anak dahil sa pagiging baog ni Mama pero sinisikap kong punan at maging mabuting anak sa kanila. Ni minsan ay hindi ko nakitaan na nagtalo ang dalawa. Dad loves Mom at ganoon din si Mama.
Nagulat ako nang biglang tumunog ang cellphone ko. Kinuha ko iyon at sinagot.
"Iho! Kumusta naman ang auntie at Uncle Magno mo?" si Mama iyon. Masigla ang boses.
"Okay naman po Ma, hayun nag-eenjoy sa bakasyon nila," tugon ko.
"Ipinakilala mo na ba sa kanila si Alegra, your girlfriend?" muntik na akong mabulunan sa tanong niya. Si Alegra kasi ang huli niyang nakilalang girlfriend ko. Akala niya ay kami pa rin hanggang ngayon.
"Yes Ma," maikling sagot ko. Siyempre hindi ko naman ikokompromiso si Eliza dahil hindi ko naman talaga siya girlfriend.
"Good, alam mo iho kapag medyo naka-recover ako by next year ay kailangan n'yo na talagang magpakasal ng girlfriend mo. Aba! gusto ko naman munang makapag-alaga ng apo ko bago ko lisanin ang mundong ito," may halong birong tinuran ni Mama pero alam kong ang kalahati ng mensaheng iyon ay totoo.
"Ma naman!" natatawang saway ko sa kaniya
"Kumusta naman kayo ni Dad?" pag-iiba ko ng usapan.
"Heto maayos naman, sabi ng doctor ko I'm getting better at kapag nagtuloy tuloy ito ay maaari na akong umuwi next year!" masayang balita niya.
"Wow! That's great! Miss ko na kayo ni Dad. I want to go there but my schedule doesn't let me," medyo may halong lungkot na pahayag ko. Pero masaya ako dahil sa wakas ay nagiging maayos na ang kalagayan ni Mama. Last two years kasi ay na diagnose si Mama na may cervical cancer, actually ay hindi ito ang unang beses. Noong dalaga pa raw siya ay nagkaroon rin siya nito kaya nawalan siya ng kakayahang magkaroon ng anak.
"Don't be sad baby, I'll be there soon," pang-aalo niya.
"Maaa! Baka marinig ka!" protesta ko sa sinabi niyang baby. Ito pa rin kasi ang tawag niya sa akin sa tuwing naglalambing siya. Ako pa rin daw ang baby niya kahit na magka-edad at mag-asawa pa ako.
"Alright, sige na iho baka mamaya magka-iyakan pa tayo. I miss you son!" aniya at narinig ko ang mahinang halik.
"I love you too mom, ingat kayo d'yan," tugon ko saka ibinaba ang telepono nang marining ang end call button sa kabilang linya.
Huminga ako ng malalim at tumingin na paligid. Wala na akong naririnig na tao sa labas, siguro ay nagsi-uwian na sila. Lumabas ako ng opisina at tama nga ako, wala nang kahit isang tao sa paligid. Lumabas na ako at tanging nadatnan ko sa lobby ang guwardya.
"Sir nahuli yata kayo?" aniya.
"Oo, may tinapos lang ako," tugon ko habang naglalakad papunta sa kotse. Ipinarada ko lang kasi iyon sa harap ng building.
"Ingat po Sir!" sabi pa ng guard at bahagyang sumaludo nang pasakay na ako sa kotse.
"Salamat!" tugon kong ikinumpas rin ang kamay para tumugon sa saludo niya.
Gusto ko rin sanang mag-relax kahit papano. I've been busy lately, sunud-sunod ang mga out of town at meeting with new clients. Sasama sana ako kina Uncle Magno pero baka maka-istorbo lang ako sa kanila.
Luminga linga ako habang nagmamneho. Napako ang tingin ko sa billboard ng isang nakakatakam na pagkain. Biglang kumalam ang sikmura ko. Naalala kong hindi pa nga pala ako nag-aagahan. Naalala ko ang resto na dati naming pinupuntahan ni Alegra, Masarap ang pagkain doon. Kinabig ko ang manibela saka kumaliwa sa kahabaan ng McArthur highway. Halos tatlumpong minuto rin bago ko narating ang resto.
Sa labas pa lang ay amoy ko na ang mabangong simoy mula entrance. Mabilis akong humanap ng bakanteng mesa saka umupo. Nasa bandang sulok ako, marami na kasing tao at tanging mga pandalawahang mesa na lamang sa mga sulok ang bakante.
Mabilis naman akong nilapitan ng waiter at kinuha ang order ko. Naghintay lang ako ng kaunti at maya-maya rin ay dumating na ito. Natakam ako sa amoy ng mga pagkaing inilalapag pa lamang ng waiter.
"Oh come on! Hanggang ngayon torpe ka pa rin?" anang pamilyar na tinig. Kahit hindi iyon malakas at parang medyo galing sa malayo ay kilalang kilala ko kung kanino ang boses na iyon!
"Eliza!" sigaw ng utak ko. Mabilis na lumikot ang mga mata ko at hinanap kung saan galing ang tinig.
Nakita ko agad sa kabilang dulo, naroon si Eliza! May ka hawak-kamay na lalaki. Kahit nakatalikod ay kilalang kilala ko ang bulto niya! Aba at napaka sweet pa ng mga ito! Bumubulong-bulong pa si Eliza sa katabing lalaki habang hawak ang isang kamay. Pa-akbay akbay rin ang lalaki sa kaniya! Kahit na may mga kasama sila sa lamesa ay aakalain mo talaga na may relasyon ang dalawa sa sobrang sweet ng mga ito.
Biglang nawala ang gutom ko sa tanawing iyon. Dumilim rin ang mukha ko. Habang tinitingnan ko sila ay tila may bahagi ng isip ko ang nagpoprotesta. Gusto kong sugurin ang lalaking iyon at pagsusuntukin. Pero wala nga pala akong karapatan.
Tinawag ko ang waiter at hiningi ang bill. Pagkatapos bayaran ay sinabi kong paki balon na lamang niya ang mga pagkain at ibigay sa mamang nagtitinda sa labas.
Padabog akong umalis. Mabilis na nagmaneho at dumiretso sa bahay. Muling kumalam ang sikmura ko kaya dumiretso ako sa kusina. Mabuti na lamang at nagluto si Manang Marie, ang kasambahay namin. Nang umalis sina Mama at Dad ay si Manang na ang kasama ko rito. Palaging nagluluto si Manang dahil alam niyang tuwing uuwi ako ay kusina agad ang tuloy ko. Masarap magluto si Manang lalo na ang pinakbet niya. Ilocana kasi siya at sabi niya ay iyon daw ang specialty nila.
"Oh, uuwi ka pala. Ba't hindi ka tumawag o nagbilin kanina? Edi sana nakapagluto ako," aniya. Nadatnan ko siya sa kusina.
"Manang naman, 'yan oh, hindi ba pagkain yan?" sabi kong itinuro ang pagkain na nasa kawali pa lang at nakasalang pa sa stove.
"Ang tanong eh kaya mo bang kainin yan?" naghahamon na tanong niya.
"Bakit may bomba ba 'yan?" nagbibirong tanong ko. Halos nakalimutan ko na ang nakita ko sa resto kanina.
"Ay naku bata ka, baka humiwalay ang kaluluwa sa katawan mo 'pag kumain ka n'yan?" tugon niya.
"Eh adobo lang naman yan ah!" sabi ko habang kumukuha ng pinggan at kutsara. Ganito kasi kami simula nang wala sina Mama. Kung ano ang gagamitin namin sa pagkain ay iyon na lamang ang dinadala namin sa mesa. Hindi na uso ang fine dinning katulad noong narito si Mama. Siya kasi ang maselan at medyo estrikto pagdating sa pagkain. Akala mo laging nasa five star hotel kahit sa bahay lang kumakain.
"Akin na at ipagsasandok kita, umupo ka na doon at ihanda mo yang sarili mo," sabi ni manang at saka inagaw ang hawak kong plato at kutsara.
Kumuha na lamang ako ng malamig na tubig sa ref at dinala sa dinning table. Umupo ako at naghintay. Mamaya pa ay dala na ni Manang ang pagkain. Una kong tinikman ang laing, masarap iyon sa kanin. Kaya medyo tumataba ako kapag narito lang sa bahay dahil napaparami ang kain ko sa kanin.
Tumingin ako kay manang nang mapansin kong hindi siya umaalis sa tabi ko.
"Bakit Manang may masama bang mangyayari sa akin?" biro ko sabay kagat sa isang hiwa ng adobong manok. Napaka sarap tingnan, juicy, mamula-mula pa ang sauce at parang napakalambot.
"Uhmm..sarap," sabi ko sa unang sayad ng pagkain sa bibig ko. Masarap ang timpla niyon. Pero ilang segundo pa ay naramdaman kong tila nagliliyab na ang bibig ko. Pakiramdam ko ay biglang namula ang buong mukha ko. Tumingin ako kay Manang, namimilog ang mga mata ko at hindi makapaniwala sa lasa ng niluto niya.
"Aaaaaahhh!" sabi ko sabay tayo diretso sa lababo. Iniluwa ko ang kasusubo kong pagkain.
"Naku sabi ko na nga ba!" Natataranta na rin si Manang. Mabilis na binuksan ang ref at kinuha ang gatas saka ipinainom sa akin.
"Heto inumin mo para maalis ang anghang, batang 'to hindi kasi nakikinig!" aniyang umiiling.
Mauubos ko na ang isang pitsel ng gatas pero hindi pa rin naaalis ang init sa bibig ko.
Muling inilabas ni Manang ang pakwan mula sa ref.
"No, manang I'm full already," protesta ko nang akmang hihiwain niya iyon.
"Pero maanghang ang-"
"I'm okay, nabigla lang ako," sabi ko pero ang totoo halos maglaway pa rin ako sa init ng bibig ko.
"Sa kuwarto na lang ako," sabi ko saka nagmadaling umakyat sa kuwarto ko. Baka ipakain pa niya ang napakalaking pakwan na iyon.
Pagdating ko sa kuwarto ay nahiga akong naka buka pa rin ang bibig. Bakit ba napakamalas ko ngayong araw? Muli kong naalala si Eliza.
Humanda siya sa Lunes!