bc

Sail In A Storm [Filipino]

book_age18+
371
FOLLOW
1.2K
READ
spy/agent
sensitive
independent
CEO
drama
bxg
humorous
city
secrets
slice of life
like
intro-logo
Blurb

Lumaki si Diane sa isla. Bata pa lamang siya noong mawalay siya sa kaniyang totoong pamilya, at isang mangingisda ang kumukop sa kaniya. Pero lahat ‘yon nagbago nang isang araw ay matagpuan niya ang lalaking sugatan na tinangay ng alon. Ang lalaking tinulungan niya ang naging daan para magkita silang muli ng totoo niyang pamilya.

Nang tuluyang pumasok sa eskwelahan si Diane ay nakatagpo niya ang lalaking magpapatibok ng kaniyang puso, si Zyker. Pero isang trahedya ang naganap sa karagatan at di mahanap ang katawan ng binata.

Dalawang taon ang makalipas nang muli niyang makita si Zyker. Buhay ito at may nakalingkis na babae.

At hindi siya nito kilala.

chap-preview
Free preview
Kabanata 1: Sampid
“Mommy!” “Mommy!” Kitang-kita ko kung paano nahulog ang katawan ng batang ako sa bangka na sinasakyan naming dalawa ng tinatawag kong mommy, at kasabay no’n ay ang pagdagundong ng malakas na kulog at pag-lamon sa akin ng malaking alon— “Diane!” Agad akong napaupo sa papag na hinihigaan ko’t habol ang hininga na napatingin kay Leonora na masama na naman ang timpla. Napabuntong-hininga ako’t tulayan nang tumayo. Sa pagtuntong ko ng labing-anim na taong gulang noong nakaraang araw ay labis ang tuwa ko dahil sa wakas ay nadagdagan na naman ang aking edad, pero nakakalungkot namang isipin na sa bawat taon na pagtanda ko’y nalalapit na rin ang dapat na gawin ko, ang magtungo sa lugar kung nasaan ang aking pamilya… Ang totoo kong pamilya. “Hoy, Diane! Sabi ni nanay, mangingisda na kayo!” “Saglit lang,” mahinahon kong sabi at agad na tumayo upang magpalit ng damit. Hindi naman sinasadyang napatingin ako sa harapan ng salamin na may kaunti nang lamat. Tinitigan ko ang aking mga mata na kakulay ng kalangitan, pero hindi ganoon kalalim ang pagka-asul, ang aking balat naman ay kutis porselana na akala mo ay lumaki sa isang napakayaman na lupain. “Diane!” “Ito na!” Paglabas ko ng bahay ay nakita ko agad si nanay na nilalagay na ang mga gagamitin sa pangingisda. Mabilis na lamang akong naglakad palapit sa kaniya, kahit na gusto ko munang mag-agahan. Malalagot na naman kasi ako kapag hindi ako sumunod agad, at saka mas lalo dahil nga tinanghali ako ng gising. “Nanay,” tawag ko at tuluyan nang lumapit sa kaniya. “Mabuti naman at gising ka nang bata ka! Bilisan mong kumilos at nang makapag-benta na tayo sa palengke. Huwag kang pabagal-bagal!” Kinagat ko ang aking pang-ibabang labi at saka kumilos. Inilagay ko ang isa pang lambat sa bangka, at saka malalim na planggana para paglagyan namin ng mga nahuling isda. “Nasa palengke na po ba si tatay?” Tanong ko’t nang matapos ay agad nang itinulak ang bangka. “Malamang sa malamang!” Tumango ako’t sumakay na sa bangka. Sumunod naman si nanay at saka ito pinaandar, motor naman ito kaya hindi na namin kailangan pahirapan ang sarili namin sa pagsagwan. Tumingin na lamang ako sa dagat na akala mo’y patay na dahil hindi na ganoon ka-asul, pero kapag nasa gitna ka na ng dagat ay sobra ang pagka-asul at gugustuhin mo na lamang na manatili sa gitna ng dagat, nang mapagmasdan ang ganda nito. Sabi nila, nakita nila akong palutang-lutang sa tabing dagat ng islang ito. Hindi ko naman sila maintindihan, pero kapag napapanaginipan ko ang sarili ko na nahuhulog sa dagat ay pinaniniwalaan ko na sila. Hindi rin naman nila ipinagkait sa akin ang katotohanan na napulot lang nila ako noong anim na taong gulang pa lamang ako, at alam ko rin naman na na-trauma ako sa mga nangyari noong ako’y bata pa. Mabuti na nga lang ay nawala ang takot ko sa karagatan, pero may mga alaala pa rin talagang nagbabalik sa aking isipan. “Ang kapal ng mukha mong magbuhay senyorita dito! Eh napulot ka lang naman sa tabing-dagat!” Iyan lagi ang madalas sabihin sa’kin ni Leonora, pero hindi ko na lamang siya pinapatulan dahil nga may utang na loob ako sa kanila. Sa edad ko ngayong labing-anim ay marami na akong naranasan, bukod pa sa loob ng pamilyang aking nakagisnan. Nang nasa gitna na kami ng karagatan, sa parte kung saan ay mas marami kaming mahuhuli, agad kong kinuha ang lambat at mabilis na inayos ito at inihagis sa dagat. Ganoon din ang ginawa ni nanay at saka naghintay kami ng ilang minuto bago kunin pabalik ang lambat. Nang makuha namin ay napangiti ako dahil marami agad ang nahuli, naka-limang tapon kami ng lambat sa dagat kaya marami-rami ang nakuha namin. Pagbalik namin sa pampang, ay agad akong tumakbo patungo sa bahay namin para kunin ang styrofoam na box dahil hindi nagkasya ‘yong ibang isda sa planggana na dala namin nang mangisda kami kanina. “Bilisan mo, Diane!” “O-opo!” Agad akong sumakay sa bangka at mabilis na nilipat ang ibang isda sa styrofoam box na dala ko. Nang matapos ay iniwan ko muna ito sa bangka at saka patakbong bumalik ng bahay. Si nanay naman ay nakita ko sa ‘di kalayuan, at kausap si Mang Tonio. Pagpasok ko sa bahay ay agad kong kinuha ang lagayan ng pera dahil nga ibebenta namin ang mga nahuling isda sa palengke. Nakita ko pa si Leonora na nagma-manicure na naman, parang araw-araw ata niya ginagawa ito kaya pabago-bago ang kulay ng kaniyang mga kuko. Hindi ko na lamang siya pinansin at bumalik na sa bangka para ihanda ito at nang makaalis na kami. “Hoy! Sandali!” Napatigil ako sa paglalakad nang sumigaw si Leonora. Kahit hindi niya ako tinawag gamit ang pangalan ko’y alam kong ako ang tinatawag niya dahil kaming dalawa lang naman ang tao dito. Napabuntong-hininga na lamang ako’t humarap sa kaniya, na ngayon ay nakataas na ang kilay. “Nasaan si nanay?” “Kausap si Mang Tonio.” “Pupunta na ba kayo sa palengke?” Mataray niyang tanong at saka maarteng sinuri ang kuko niyang bagong manicure. “Oo. Bakit?” Agad na sumilay ang kakaibang ngiti sa kaniyang labi at tumakbo papasok ng bahay. Paglabas niya’y may bitbit na siyang may kaliitan, pero mahaba na kahon. Parang lalagyanan ito ng kuwintas. Tiningnan ko siya nang may pagtataka, kaya inirapan niya ako. “Ibigay mo ‘to kay Rayver.” “Bakit ako? Baka pagalitan—” “Wala akong pakialam! Basta ibigay mo ‘to.” Pinilit niyang buksan ang nakakuyom kong kamao at nang mabuksan ay agad niyang ipinatong ito sa aking palad. “Ayan! Ibigay mo ‘yan.” “Pero paano ka nakabili—” “Huwag ka na ngang maraming tanong! Itago mo ‘yan at ibigay sa kaniya. Kapag hindi mo iyan naibigay… Malilintikan ka talaga sa’kin, Diane.” Napabuntong-hininga na lamang ako’t tinanguan siya. Inilagay ko na lamang ito sa bulsa ng suot kong maong na shorts at saka tumakbo na pabalik sa daungan. “Bakit ang tagal mong bata ka? Tapos na akong makipag-usap at lahat, ngayon ka lang bumalik?” Napailing siya. “O siya! Tara na nga. Pambihira ka! Sinasayang mo ang oras natin.” Napakamot ako sa aking ulo at nagmadaling tulungan si nanay na itulak ang bangka. Nang medyo naka-puwesto na sa dagat ay agad kaming sumakay at pinaandar ang motor. Saglit lang naman ang biyahe namin dito sa dagat at makararating na kami sa bayan, siguro mga kinse minutos lang naman. Nang makarating ay agad kaming dumaong at binuhat ang styrofoam na box kung saan nakalagay ang mga isda na ibebenta sa palengke. Ang iba naman ay iiwan muna namin, iyong nakalagay sa planggana. Babantayan naman iyon ni Kuya Asler, siya iyong nagbabantay dito sa daungan. “Mukhang marami kayong huli, ah!” Nakangiting bungad na sabi ni Kuya Asler. Napasulyap naman ako kay nanay at nakitang wala siyang pakialam kay kuya, kaya ako na lamang ang lumingon dito at ngumiti siya. Sampung taon ang tanda sa’kin ni Kuya Asler. At kung titingnan ay halatang may kaya sila sa buhay, sa pagkakaalam ko’y may-ari sila ng grocery store sa palengke, trip niya lang daw talagang mamalagi dito sa daungan. Moreno siya’t itim na itim ang kaniyang mga mata, bagsak na bagsak din ang itim niyang buhok, at kung puputi man siya ay baka mag-mukha na siyang foreigner dahil may itsura naman talagang ipagmamalaki itong si Kuya Asler. Mabait din naman siya at balita ko’y maraming nagkakagustong kababaihan sa kaniya dahil magaling siyang sumayaw, pambato raw siya sa eskwelahan nila. “Uy, Diane! Tulala ka na. Masyado ba akong gwapo para titigan mo?” Napanguso ako. “Gwapo ka naman talaga, kuya! Kaso… Hindi ikaw ang type ko.” “Grabeh ka talaga, bunso. O siya…” Nginuso niya ang kinaroroonan ni nanay, kaya napalingon ako doon. “Mukhang bad trip ang nanay mo. Tulungan mo na at baka mapagalitan ka na naman.” “Sige, Kuya Asler. Salamat.” Nagmamadali kong nilapitan si nanay, at saka tinulungan siyang ilagay ang styrofoam na box sa tricycle na tinawag niya kanina. Medyo masama pa ang tingin sa’kin ni nanay kaya napalunok ako. Matapos maayos ang pagkakalagay ng styrofoam na box sa bubong ng tricycle, ay agad na kaming sumakay at umalis. Nakita ko pang kumaway si Kuya Asler kaya nginitian ko na lamang siya, pero agad ding nawala ito nang bigla kong makapa ang kahon na ibinigay ni Leonora. “Bakit ba close na close kayo ng Asler na ‘yon?” Napalingon ako kay nanay at saka ngumiti. “Mabait siya at pala-kaibigan, nay. Kaya siguro naging close kami agad.” “Ang sabihin mo, lumalandi ka lang. Aba naman, Diane! Ni hindi mo pa nga naitutuloy ang pag-aaral mo, ay humaharot ka na? Ang kapal ng mukha mo.” Natutop ko ang aking bibig at napayuko dahil sa kahihiyan. Medyo napapikit pa ako dahil siguradong narinig iyon ng drayber ng sinasakyan naming tricycle. Hindi na lamang ako umimik. Masama bang maging close kami ni Kuya Asler? May nobya na nga iyon, tapos ganito pa ang iisipin sa’kin ni nanay. Pero imbes na sabihin iyon ay nanatili na lamang akong tahimik. Pagkarating namin sa palengke ay agad kaming bumaba’t tinulungan naman kami ng drayber na kuhanin ang styrofoam sa bubong ng tricycle. Pagkatapos ay agad ko siyang binayaran at sinundan na si nanay na hila-hila ang box. “Hi, Diane!” “Diane! Ang ganda mo talaga.” “Asul!” “Mukha ka talagang foreigner.” Imbes na ngitian sila, ay napayuko na lamang ako dahil sa sama ng tingin sa’kin ni nanay. Kilalang-kilala na ako dito sa palengke dahil ako ang laging isinasama ni nanay, pero hindi ko naman nagagawang makipag-kuwentuhan sa kanila dahil pinagagalitan ako ni nanay. Hindi ko alam kung bakit ayaw niyang may napapalapit sa’kin. “Diane, salamat ulit sa tulong mo kahapon!” Nginitian ko si Bebang nang tumapat ako ang puwesto nila. Nagpatulong kasi siya kahapon sa pagtitinda, at dahil sa ginawa ko’y nakatikim na naman ako ng sermon. “Walang anuman,” sabi ko na lamang at tumakbo na palapit kay nanay na ngayon ay nasa tapat na ng isda-an ni Mang Canyor. “Marami-rami ang huli!” “Aba naman!” Hindi ko na lamang sila pinakinggan at isinuyod ang aking paningin sa paligid para hanapin si Rayver, pero ang nakita ko ay si tatay na abalang nagtitinda ng mga gulay. Nang lumingon siya sa gawi namin ay tinanguan niya lamang ako’t ipinagpatuloy na ang pagkausap sa mga bumibili. Muli ko na lamang isinuyod ang aking mga paningin at halos mapapalakpak nang makita ko si Rayver, kausap niya si Daliyah, iyong babae na sexy manamit. Nanlaki pa ang aking mga mata nang maghalikan sila. Babaero. Napailing ako’t nag-umpisa nang kaawaan si Leonora na baliw na baliw sa babaerong si Rayver. Kinapa ko ang box sa aking bulsa at saka pasimpleng nilingon si nanay. Nang makitang abala pa rin siya sa pakikipag-usap ay kinuha ko na ang pagkakataon upang tahakin ang daan patungo sa puwesto ni Rayver. Nang makarating ay sabay pa silang napatingin sa’kin. Tinaasan ako ng kilay ni Daliyah, habang nakangisi naman si Rayver. Alam kong matagal na akong gusto ng lalaking ito, pero hindi ko naman siya type, kaya wala akong pakialam. “Pwede ka bang makausap?” Mas lalong lumawak ang ngisi niya’t binulungan si Daliyah. Nagpapadyak pa ang babae at binigyan ako ng matatalim na mga tingin bago kami iwan. “O, bigay ni Leonora,” sabi ko’t iniabot sa kaniya ang box. “Ito na ba ‘yon?” Napakunot-noo ako. “Huh?” “Ito ‘yong—” “Diane!” Napatigil kami nang marinig ko si nanay. Halos manlamig ako nang mapagtantong palapit siya sa’min at sobrang sama na ng tingin. Gusto ko na sanang gumalaw, pero parang napako ako sa aking kinatatayuan at hindi makagalaw. Nang tuluyan siyang makalapit sa’min ay mas napakunot ang kaniyang noo nang makita ang hawak ni Rayver. Inagaw niya ang box kay Rayver, kaya nanlaki ang aking mga mata’t kasabay ng pagdagundong ng aking puso. Nilingon ko ang lalaki, pero parang wala naman siyang pakialam. “Aba!” Galit na tiningnan ako ni nanay at hinila paalis ng palengke. Tinatawag pa ako ng iba dahil sa pag-aalala, pero parang dragon na si nanay dahil sa pag-aalburuto. Nanginginig ako hanggang sa tuluyan kaming makarating ng bahay. Hinigit niya ako sa aking braso, at medyo naluluha na ako dahil sa higpit ng hawak niya sa’kin. Pagpasok sa bahay ay nadatnan pa namin si Leonora na pasipol-sipol at nginisihan ako. “Tarantada kang babae ka! Sinong nagsabi sa’yo na ibigay itong kuwintas na ‘to sa lalaki mo?” “Nanay… Hindi po—” “Aba! Anong hindi? Ang kapal ng mukha mong kunin ang kuwintas na ito. Partida kang sampid ka! Bigay pa ‘to sa’kin ng nanay! Sampid at palamunin ka na nga lang dito sa bahay, nagagawa mo pang magnakaw para ibigay sa mga lalaki mo! Ganiyan ka ba kaharot? Kay bata-bata mo pa, ang dami mo nang nilalandi!” Napasinghot ako’t pilit na pinipigilang kumawala ang aking mga luha. Marahas na huminga ng malalim si nanay at saka tinulak ako, dahilan ng pagka-plakda ko sa sahig. “Sampid. Sana hindi ka na lang namin nakita!” Tuluyan nang kumawala ang aking mga luha’t kahit ayaw kong marinig, ay narinig ko na naman ang mga katagang iyon at ang halakhak ni Leonora. Bakit ko ba nararanasan ito?

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

His Obsession

read
104.8K
bc

The Cold Billionaire

read
17.9M
bc

Journey with My Daughter

read
1.2M
bc

De Silva's Temptation

read
22.7M
bc

MAGDALENA (SPG)

read
31.2K
bc

Chasing his Former Wife- (Montreal Property 2nd gen.)

read
104.4K
bc

HIDING MY BOSS' HEIRS | SPG

read
1.1M

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook