Mapait akong ngumiti habang nakatitig sa harapan ng salamin. Sariwa pa rin sa aking isipan ang nangyari kahapon, at hindi ko man lang magawang komprontahin ang ginawa ni Leonora. Parang lumalabas pa na pinagtakpan ko ang ginawa niya dahil hindi ko sinabi na siya ang totoong kumuha ng napaka-halagang bagay na iyon.
Bakit ba kasi hindi ko magawang ipaglaban ang aking sarili? Napabuntong-hininga na lamang ako. Pang-ilang beses na kaya ito?
"Diane! Diane!"
Napabalikwas ako at nagmadaling lumabas ng bahay nang marinig ko ang matinis na boses ni Margarita, ang nag-iisang kaibigan ko sa lugar na ito. Aminado akong medyo bulgar kung magsalita ang babae na 'to, pero sigurado namang mamamatay ka sa katatawa dahil sa mga kabaliwan na naiisip niya.
"O, bakit?" Agad kong tanong. Nginitian ko siya, pero napanguso lamang siya't binatukan ako.
"Bakit nabalitaan kong galit na galit daw si Ate Wilan kahapon? Kinaladkad ka raw pauwi."
Hindi ako sumagot. Tumingin na lamang ako sa medyo makulimlim nang kaulapan at saka sa dagat na medyo malalakas ang mga alon na inihahatid patungong pampang.
"Uy!" Sinundot niya ang tagiliran ko, kaya medyo napaatras ako. "Si Leonara na naman ang may kasalanan, 'no? Lagi ka na lang talagang pinagti-trip-an no'n. Masyadong iinggit sa'yo. Napaka-gandang nilalang mo naman kasi, ikaw ata ang pinaka-maganda dito sa isla at gusto pa ng halos lahat ng mga tiga-rito na lalaki."
"Hindi naman."
"Anong hindi? Naalala mo ba last year, iyong ginupitan niya ang buhok mo? Iyong inutusan ka niya ng kung anu-ano tapos sa huli ay pagagalitan ka pa dahil mali ang ginawa mo. Aba! Bruha—"
"Kumalma ka nga, Margarita."
"Kakalma ako kapag sinabi mo kung ano talaga ang nangyari!" Bulyaw niya't gigil na tinitigan ako. Pinag-krus niya pa ang kaniyang braso habang hinihintay akong magsalita.
Napabuntong-hininga ako. "Ganoon pa rin ang nangyari."
"Anong pinagawa ng bruha na 'yon? Grabeh talaga ang mag-ina na 'yan! Si Kuya Elricc lang ata ang mabait sa'yo. Parang anak na talaga ang turing sa'yo, pero 'yong dalawa, kulang na lang ay gawin kang katulong. Grabeh! Kung umasta ay—"
"Tama na. Kasalanan ko rin naman at nagpa-uto ako kay Leonora."
Hinampas niya ang braso ko. "Hindi ka uto-uto." Nagsalubong ang kaniyang kilay. "Sadyang wala ka lang magawa para um-hindi sa mga pinagagawa nila sa'yo. Pero ano nga ang pinagawa ngayon ni Leonora? Malala ba?"
"Inutusan niya akong ibigay iyong box na lagayan ng kuwintas kay Rayver. Hindi ko naman alam na kuwintas pala talaga ang laman no'n. Nang ibigay ko kay Rayver ay hindi alam ni nanay, pero ang bilis ng mga pangyayari at hawak na agad ni nanay ang kahon." Kinagat ko ang pang-ibaba kong labi at huminga ng malalim. "Tapos 'yon na nga, kinaladkad ako pauwi dahil bigay pala ni lola ang kuwintas na 'yon kay nanay, at sinabihan ng kung anu-ano."
"Sinaktan ka ba?"
"Hindi naman." Pero nasaktan ang aking damdamin.
"Hindi nga?"
"Ayos lang ako."
Tiningnan niya na lamang ako na para bang alam niyang nagsisinungaling ako. Nginitian ko naman siya na naging dahilan nang pag-irap niya. Muntik pa akong mapatalon sa gulat nang i-angkla niya ang kaniyang kamay sa aking braso.
"Tara, lapitan na lang natin si Penri," kinikilig niyang sabi at agad akong hinatak palapit sa may puno ng niyog.
Ang bilis talagang magbago ng ugali ng isang 'to.
Nakasalubong pa namin si Leonora na may bitbit na mga plastic. Inirapan niya kami kaya muntik na siyang sabunutan ni Margarita. Mabuti na lang talaga at mabilis kong nahawakan ang braso niya, nagpupumiglas pa nga siya, pero kinurot ko na lamang siya sa tagiliran dahilan nang pagdaing at pagri-reklamo niya. Napailing na lamang ako't tuluyan na siyang hinila palapit kay Penri, ang lalaking matagal niya nang kinahuhumalingan.
"Penri!"
Napalingon siya sa'min at saka ngumiti. Kahit nagbabanat ng buto ang isang ito ay hindi talaga nawawala ang kakisigan niya, kaya nga kinababaliwan siya ni Margarita at ng iba pang kababaihan dito sa isla. Nilingon ko ang aking kaibigan at napatampal sa aking noo nang mapagtantong malapit na siyang maglaway dahil sa katititig niya sa mga batak na dibdib ni Penri. Napakamot naman sa ulo si Penri at saka kinaway-kawayan si Margarita.
"Jusko, aba naman! Bakit ba ako nakakakita ng biyaya?" Tumakbo pa siya palapit kay Penri at agad na pinunasan ang noo nito.
Napailing na lamang ako habang tinitingnan sila. Hindi naman mapagkakailang may gusto rin si Penri sa kaniya dahil pulang-pula na ang tainga niya dahil kay Margarita, kulang na lang ay halik-halikan niya ang lalaki dahil sa sobrang lapit niya dito.
"Margarita."
Nakagat ko ang pang-ibaba kong labi para pigilan ang pagtawa. Pakiramdam ko ay nanonood ako ng palabas dahil sa ginagawa nilang dalawa.
"Hmm..."
"Tama na." Nagulat kaming dalawa nang bigla siyang hapitin nito, ipinulupot ni Penri ang braso niya sa baywang ni Margarita at hinila palapit sa kaniya.
Magsasalita na sana ako, pero bigla ay mas lalong dumilim ang kalangitan at lumakas din ang hangin. Agad akong nagpaalam sa dalawa at tumakbo na pauwi. Ngayon nga pala dadaan ang bagyo dito sa'min, pero bukas ng hapon ay mainit na ulit, sa ibang lugar daw kasi talaga mas tumama at nagtagal ang bagyo. Rinig na rinig ko pa ang malalakas na hampas ng alon at unti-unti ko na ring nararamdaman ang malalaking patak ng ulan kaya mas binilisan ko ang pagtakbo.
Pagpasok ko sa bahay ay naabutan kong nakahilata si Leonora sa papag, at tulog na tulog. Wala sila nanay dahil nasa palengke sila mula pa kaninang umaga't mukhang makikitulog muna sila sa kakilala namin sa bayan dahil hindi na nila pwedeng tawirin ang dagat dahil sa malakas na ang alon. Mabuti na lang din ay sementado ang bahay namin kahit na medyo hindi kami kasya dito dahil may kaliitan.
Napatalon ako sa gulat nang biglang kumulog ng malakas. Bigla namang nagbalik sa aking ala-ala ang aking panaginip kaya nag-uumpisa nang mangatog ang aking mga kamay. Agad na lamang akong pumasok sa kuwarto at nahiga. Itinalukbong ko ang aking sarili sa kumot at saka taimtim na nanalangin.
"Mommy! Mommy!"
"Anak!"
"Mommy!"
Kinagat ko ang pang-ibaba kong labi nang sunod-sunod kong marinig ang mga boses sa aking panaginip. Mas ipinikit ko ang aking mga mata at pinag-igihan ang pagdarasal. Gusto ko na ngang takpan ang aking mga tainga, para hindi na isipin pa iyon, kaso mukhang mababaliw na ako dahil sa mga boses na paulit-ulit sa aking pandinig. Paulit-ulit na lamang akong nagdasal habang unti-unting nawawala ang mga tinig, pero malalakas na kulog naman ang pumalit.
Natatakot ako...
---
Naalimpungatan ako nang makaramdam ako ng malakas na yugyog sa aking balikat. Unti-unti kong idinilat ang aking mga mata't mas idinikit sa aking sarili ang kumot dahil sa lamig ng panahon.
"Gumising ka na, Diane!"
Napaungot ako't muling pumikit at tumagilid, niyakap ko pa ang unan na nasa tabi ko't napangiti nang maramdaman ang papalayong yabag ng mga paa.
Ayaw ko pang bumangon. Ang sarap matulog.
Pero lahat ng ngiti ko ay napawi nang maramdaman ko ang malakas na pwersa ng pagbuhos sa'kin ng malamig na tubig. Agad akong napatayo at hindi alam ang dapat na gawin, kung dapat ba akong tumakbo papasok sa banyo o kumuha ng kung ano na magpapatuyo sa'kin. Ngunit napatigil ako nang may marinig akong tawa, kaya napalingon ako sa aking gilid at nakita si Leonora na patawa-tawa habang hawak ang tabo.
"Ang bastos mo." Napatigil siya dahil sa aking sinabi at saka tinaasan ako ng kilay.
Bakit hindi niya na lang ako gisingin ng maayos?
"Anong sabi mo?"
"Pwede mo naman akong gisingin ng maayos, hindi mo naman kailangang gawin 'to."
Dinuro-duro niya ang ulo ko, kaya medyo humakbang ako palayo sa kaniya. Halata namang nagalit ko siya, pero kailan ba ang araw na hindi siya nagalit sa'kin? Parang araw-araw naman kasi siyang galit sa'kin. Dapat ay masanay na ako.
"Ano? Gaga ka ba? Kanina pa kita ginigising, pero ayaw mong bumangon. Kapal ng mukha mong pagsabihan ako. Ano ka, reyna? Lumayas ka na nga sa harapan ko! At saka, ineng, tanghali na, wala na 'yong bagyo kaya kumilos ka na at lilinisin mo pa ang pampang. Kainis! Panira ka talaga ng araw ko!"
Pinanood ko na lamang siyang umalis ng kuwarto. Napayuko naman ako't napabuntong-hininga.
Ganito na lang ba talaga ang magiging takbo ng buhay ko? Para akong isang karakter sa istorya na inaapi-api, pero hindi naman nagbabago ang aking pamumuhay.
Napailing na lamang ako't iniwasan na ang pagda-drama. Mabilis kong kinuha ang tuwalya ko't dumiretso sa banyo.
Sa sobrang lamig ay parang ayaw ko nang maligo. Kung hindi lang talaga ako binuhasan ng tubig, hindi ako maliligo.
Pagkatapos kong maligo ay mabilis kong isinuot ang aking mga damit at saka nagsuklay. Tumingin ako sa harapan ng salamin at saka malamyang ngumiti.
Nang tuluyan akong matapos sa pag-aayos ng aking sarili ay agad akong lumabas ng bahay, bitbit ang garbage bag. Kailangan kasi naming linisin ang buong isla, para naman malinis din ang karagatan.
"Diane!"
Napalingon ako sa 'di kalayuan at nakita si Margarita na nginitian ako't kinawayan bago ipagpatuloy ang pagpupulot ng mga kalat na naanod papunta dito. Kinawayan ko na lamang siya pabalik at naglakad na sa medyo malayo-layong puwesto, dito talaga ako laging naka-toka dahil medyo mabato ng kaunti at maraming mga plastic na sumasabit, at dinadala ng alon dito.
"Ang dami. Kaya mo iyan, Diane," pagsasatinig ko sa aking sarili. Ngumiti ako ng malawak at nag-umpisa nang magpulot.
Sa totoo nga lang ay dapat kasama ko dito si Leonora, pero hindi niya naman ako tinutulungan. Tapos kahit hindi siya gumagawa ng paraan para makatulong, wala silang sinasabi na kung ano sa kaniya. Pero kapag ako ang gumawa no'n, siguradong masakit na ang aking tainga dahil sa mga sasabihin nila. Hindi naman ako naiinggit sa posisyon ni Leonora, pero sana ay pantay-pantay ang trato namin sa bawat isa.
Napabuntong-hininga ako. Kailan pa kaya mangyayari 'yon?
Pasipol-sipol na lamang ako't hindi na ininda pa ang pagpupulot mag-isa. Masaya rin namang mag-isa dahil tahimik at masarap sa pakiramdam. Rinig ko rin ang mga hampas ng alon na para bang gumagawa sila ng munting musika para sa'kin. Natatawa na lang tuloy ako kapag naiisip ko 'yon.
Lumingon ako sa parteng may mga malalaking bato, at medyo napakunot-noo nang mapansin na may kakaiba rito. Dahan-dahan akong lumapit at medyo napalunok nang mapansin kong damit iyon.
Paano naman magkakaroon ng damit dito? Inanod kaya galing sa kabila?
Kinagat ko ang pang-ibaba kong labi at saka nagpatuloy. Mahigpit kong hinawakan ang plastic at napapadasal. Nang tuluyan akong makalapit ay pumikit muna ako't huminga ng malalim.
"Ta... Tao!" Bulalas ko nang saktong pagdilat ng aking mga mata ay bumagsak ito sa baba kung nasaan ang taong mukhang inanod papunta dito.
Agad ko siyang nilapitan at iniharap sa'kin. Napalunok pa ako nang mapagtantong lalaki pala ito, at para siyang isang artista kahit na may iilan siyang sugat sa kaniyang mukha. Anong gagawin ko?
"Tao..."
"Lalaki... Gising..."
Niyugyog ko siya, pero hindi man lang siya nagising. Hindi kaya... Agad akong napailing at napalunok. Inilagay ko ang kaniyang braso sa aking balikat, at kahit mabigat siya ay pinilit ko ang aking sarili na kayanin siyang i-puwesto sa tuyong buhangin.
"D-dito ka l-lang," sabi ko kahit na hindi niya naman ako maririnig.
Mabilis akong tumayo't nag-huling sulyap pa sa kaniya. Hindi ko alam kung bakit kinakabahan ako't gusto ko siyang iligtas, siguradong pagagalitan na naman ako nila nanay dahil sa gagawin ko. Pero mas importanteng ma-iligtas ang lalaking iyon, mukhang may tyansa pa siyang mabuhay.
Bahala na.