“Gwapo ba talaga ‘yong lalaki na niligtas mo? Sayang talaga at hindi ko nakita iyon dahil bigla akong pinag-saing sa bahay. Grabeh!”
Hindi ko alam kung matatawa ako o mapapa-iling dahil sa sinabi ni Margarita, kaya nginitian ko na lamang siya na nagpatili sa kaniya. Ilang araw na rin mula noong mapadpad ang lalaki dito, at panay pa rin ang pagtatanong nitong kaibigan ko.
“Iyang mga ngiting ‘yan! Hala! Gwapo nga? Grabeh! Pwede bang makita? Ilang araw na rin ang nakalipas, pero ni minsan ay hindi mo ako inaya na tingnan ang lalaki.”
“Hindi pwede.” Ngumisi pa ako na para bang isang kontrabida, kaya tuloy pinitik niya ang aking noo’t ipinag-krus ang kaniyang braso.
“At bakit?”
“Wala lang.”
Umirap siya’t mas lumapit sa’kin. “Anong sabi ng pamilya mo nang dalhin mo siya sa inyo?”
Napanguso ako. Hindi ko nga inaasahan na magiging mabait sila doon sa lalaki, ang nasa isip ko kasi ay hahayaan na lang nila iyon at uutusan akong paalisin sa bahay. Iyong si Leonora ay halatang nagkagusto na doon sa iniligtas ko dahil madalas niya itong titigan, medyo naiirita nga ako, pero hinayaan ko na lamang. Si nanay naman ay tinatarayan pa rin ako, pero hindi naman nagalit nang iuwi ko ang lalaki. Habang si tatay naman ay muntik na akong pagsabihan, kaso pinigilan siya ni nanay. Ewan ko ba, siguro mukhang mayaman talaga iyong lalaking ‘yon kaya naging mabait si nanay.
“Wala namang sinabi. Nag-iba nga sila ngayon.”
“Sus! Baka kasi mukhang—mayaman kaya ‘yon?”
Nagkibit-balikat ako, at saka ipinagpatuloy na ang pagdidilig ng iilan na mga halaman namin dito sa labas ng bahay. Bigay ito ng mga kakilala namin sa bayan, at halos sa isang linggo ay pinadadalhan sila nanay kapag nagagawi sila sa bayan. Kaso ang iba ay sobrang nalalanta na, kaya tinatapon na lamang. Pero ngayon ay alagang-alaga ko na ang mga ito dahil nakakakalma sila kapag titingnan ko.
Pagkatapos kong magdilig ay pumunta ako sa likod ng aming bahay para magmuni-muni na. Agad namang sumunod sa’kin si Margarita, tuloy-tuloy lang ang pagsasalita niya kahit hindi ko na maintindihan ang nais niyang sabihin.
“Pero kailan kaya gigising iyong lalaki?”
Napatigil ako at saka napaharap sa kaniya. “Hindi ko nga rin alam. Sana ay magising na siya, para naman makauwi na siya kanila.”
“Naku! Buti na lamang ay dito siya napadpad, at suwerteng nakaya niya pa. Grabeh kaya ‘yon! Nilamon siya ng dagat, pero ito at nailigtas pa siya.”
“Oo nga, eh. Mabuti na lamang ay nakita ko siya.”
Napailing-iling si Margarita. “Kung bakit ba naman kasi lumalalaot pa, eh alam naman na may parating na bagyo.”
Napanguso na lamang ako’t iniabot ang stick na nasa aking harapan. Pinaglaruan ko na lamang ang buhangin habang nag-iisip.
Sana magising na ‘yong lalaki.
“Ay teka! Bakit hindi ka na lang sumama sa’min mamaya? May disco-an sa bayan, at pupunta kami ni Penri. Siguradong nandoon din ang pamilya mo, kaso baka iwan ka nila dito. Kaya sumama ka na lang sa’min.”
“Talaga?”
Hinampas niya ang braso ko. “Oo naman!”
“Eh paano ‘yong lalaki?”
Biglang nawala ang ngiti niya’t napaisip din. Kahit gustuhin ko man na sumama sa kanila sa bayan, ay hindi pwede dahil siguradong walang magbabantay sa lalaki. Paano na lang kung bigla siyang magising? Baka kung may anong kailangan siya, at walang tutulong sa kaniya dahil walang tao na matitira dito sa bahay.
“Hay naku!” Ipinag-krus niya ang kaniyang braso. “Dalhin na lang kaya natin?”
“Baliw! Dadalhin? Margarita, hindi pa nga okay ‘yong tao.”
“Eh paano na?” Ngumuso kaming dalawa at saka ilang beses na napabuntong-hininga dahil sa problema.
Tumayo na lamang ako’t nag-unat-unat. Humawak ako sa aking balakang, at pinagmasdan ang mapayapang karagatan. Kalmado ito ngayon dahil wala pang delubyong dumarating, pero siguradong magwawala naman ito sa oras na dumating ang delubyo na wiwindang sa dagat. Parang karanasan lang din nating mga tao.
Napahikab ako’t napatingin kay Margarita na nakaupo pa rin. Itong si Margarita talaga ay mas iniisip ako kaysa sa sarili niya. Simula noong magkakilala kami, noong siyam na taong gulang pa lamang ako’t siya ay sampung taong gulang na, ay siya na ang madalas na nagtatanggol sa akin kapag inaasar o inaaway ako ni Leonora at ng iba niyang mga kalaro dati. Kaya nga hanggang ngayon ay tinuturing ko siyang matalik na kaibigan, kahit na iba ang ugali niya kaysa sa’kin.
Kung ako ay walang pakialam sa mga ginagawa o pinaparamdam sa’kin, siya naman ay palaban.
“Tara na, Margarita.”
Umangat ang tingin niya sa’kin at napakunot-noo. “Saan?”
“Ipapakita ko na sa’yo ‘yong lalaki.”
Agad na nanlaki ang kaniyang mga mata’t dali-daling tumayo, at kumapit sa aking braso. Napailing na lamang ako’t naglakad na kami papasok sa bahay.
Ako lang naman ang mag-isa dito ngayon dahil nasa palengke sa bayan sila nanay at tatay, si Leonora naman ay hindi ko alam kung nasaan, at saka madalas talaga siyang wala dito sa bahay kaya sanay na ako. Pero ngayon ay iba, dahil nga nandito iyong lalaking iniligtas ko.
Nang makapasok kami sa aking kuwarto’y bigla akong natawa dahil sa reaksiyon ni Margarita. Lumaki ang kaniyang mga mata nang makita ang lalaki, at agad na nilapitan ito na para bang manghang-mangha siya sa taong nakahimlay at mapayapang natutulog.
“Grabeh! Totoong tao ba ‘tong nakikita ko? Tama pala talaga ang mga naririnig ko sa tabi-tabi.”
“Margarita, kumalma ka at baka magselos si Penri.”
Natawa siya. “Pagselosin ko kaya? Nakakainis naman kasi, wala man lang siyang kakornihan sa katawan.”
Napangiwi ako. “Ang gusto mo ba ay korni?”
“Oo!”
“Malala na ang tama mo.”
Humagikgik lamang siya at saka lumuhod para mas matitigan ang lalaki. Napapailing na lamang ako dahil naririnig ko ang hindi makapaniwalang singhap niya.
Lumabas na lang muna ako ng kuwarto at pumunta sa kusina para magluto ng tanghalian, dahil siguradong pauwi na sila nanay. Inuna ko muna ang pagsasaing, at nang matapos ay niluto ko na ang tinapa at adobong kangkong.
“Hala!”
Napakunot-noo ako nang marinig ko ang malakas na boses ni Margarita. Hindi ko na lamang siya pinansin, dahil baka namamangha na naman siya sa pinaggagagawa niya sa lalaki.
“Diane!”
Napatigil ako. “Bakit?”
“Diane! Halika dito!”
“Ano bang nangyari, Margarita? May ginagawa pa ako dito.”
Nakarinig ako ng kalabog, kaya mas lalong napakunot ang aking noo. Sunod naman ay ang naghihingalong si Margarita, na ngayon ay nasa aking harapan na. Eksaherada pa siyang humawak sa kaniyang dibdib habang nakaturo ang kaniyang hintuturo sa kuwarto.
“Anong nangyari?” Tanong ko’t tinakpan muna ang kaldero na pinaglutuan ko ng kangkong.
“K-kasi…”
“Ano?”
Dali-dali muna siyang lumapit sa lagayan ng baso at nagsalin ng tubig. Diretso niyang ininom ang tubig at tumingin sa’kin na para bang nakakita siya ng multo. Gusto ko nga siyang tawanan, pero hindi pwede dahil baka ibato niya sa’kin ang hawak niyang baso.
“Iyong lalaki!”
“Huh?” Naguguluhan kong tanong.
“Gumalaw ‘yong daliri niya.”
Agad akong napatayo at pumasok sa loob ng kuwarto, naramdaman ko naman ang pagsunod ni Margarita. Sinuyod ng aking paningin ang buong katawan ng lalaki, pero wala man lang senyales na gumalaw ito. Baka naman namamalik-mata lang itong si Margarita. Napailing ako’t yumuko para ayusin ang kumot sa katawan ng lalaki, pinasadahan din ng aking daliri ang pisnge niya.
“Mukhang hindi pa naman siya magigising, Margarita.”
Umiling-iling siya. “Hindi ako nagsisinungaling, ‘no. Kilala mo ako, kaya sigurado akong nakita ko talaga.”
“Baka malapit na siyang magising.”
“Oo nga.” Lumingon siya sa’kin. “O siya, uuwi na muna ako’t baka mapagalitan na ako dahil tanghaling tapat ay nandito ako sa inyo. Ikaw nang bahala sa gwapong nilalang na iyan, baka iyan na ‘yong tinatawag nilang forever mo.”
“Sira.”
Humagalpak siya ng tawa at sinundot-sundot ang aking tagiliran. Natatawa na lang din ako’t marahan siyang tinulak palabas ng aming bahay, at kinawayan siya nang maglakad na siya palayo.
Pumunta muna ako sa kusina para patayin ang kalan, at nang matapos ay bumalik ako sa kuwarto. Kinuha ko ang maliit na bangko sa gilid, at saka umupo’t pinagmasdan ang lalaki.
Mayaman nga talaga ata ito. Balat pa lang, halatang sensitibo na.
Binuksan ko na lang muna ang radyo para aliwin ang sarili, at saka kumuha ng walis. Sinasabayan ko pa ang masayang tugtugin habang nagwawalis ako’t minsan ay natatawa na lamang sa aking sarili.
Hay! Anong oras kaya sila uuwi?
Nang matapos akong magwalis ay pasipol-sipol na lamang akong naglagay ng ulam sa mangkok at inilapag ito sa ibabaw ng lamesa. Pagkatapos ay naglagay na rin ako ng mga pinggan, at saktong dumating naman si Leonora.
“Kain na, Leonora.”
Sunod namang dumating ay sila nanay, kaya niyaya ko na rin sila. Nang lahat kami ay nasa harapan na ng hapag-kainan, ay nag-umpisa na kaming kumain ng tahimik. Paminsan-minsan ay may tanong lang si Leonora kay nanay kaya gumagaan ang hangin dito’t hindi na kasing bigat no’ng tahimik kaming lahat, habang seryosong kumakain.
“Nanay, pupunta ba kayo mamaya sa disco-an?”
Napatigil ako sa pagsubo at saka nilingon sila. Pinagtaasan naman ako ng kilay ni nanay, kaya mabilis kong iniwas ang aking mga paningin.
“Oo naman. Nagyaya rin si kumareng Alari, kaya talagang pupunta kami.”
“Eh paano ‘yong lalaki?”
Muli ay napalingon ako sa kanila dahil sa tanong ni Leonora. Natutop ko pa ang aking bibig nang pagmasdan ako ni tatay.
“Edi iyang si Diane ang magbabantay. Siya naman ang may pakana kung bakit nandito iyong lalaki na hanggang ngayon ay tulog parin,” sabi ni nanay at saka umismid. Napayuko na lamang ako’t tuluyan nang tinapos ang pag-kain.
Pagkatapos naming kumain ay agad kong hinugasan ang aming pinagkain, at saka ipinagpatuloy na lamang ang paglilinis ng bahay. Pagsapit ng alas-sinko ay nagpaalam na sila nanay, at mahigpit na inihabilin sa’kin ang bahay. Puros tango na lamang ang sagot ko, dahil medyo nakakalungkot isipin na maiiwan akong mag-isa dito.
Hindi rin nagtagal ay dinaanan ako nila Margarita para magpaalam. Pinipilit pa nga akong isama, kaso nga ay wala talagang bantay iyong lalaki.
Napabuntong-hininga na lamang ako nang isara ko ang pinto. Agad ko namang kinuha ang nakatabing aklat na bigay ni Kuya Asler noong nakaraang linggo. Ang sabi niya pa ay sikat sa mga kabataang katulad ko ngayon ang romantikong babasahin, kaya binilhan niya ako, nang may mabasa raw ako kapag wala akong magawa.
“What is love?”
Unang basa ko pa lamang ay nakagat ko na ang aking labi. Hindi naman kasi ako ganoon kagaling sa pag-intindi ng wikang Ingles. Napakamot na lamang ako sa aking ulo’t ipinagpatuloy na ang pagbabasa.
“Huh? Anong intimate?”
Napanguso ako’t inilipat sa susunod na pahina. Kaunti na lang ay pakiramdam ko, dudugo na ang utak ko dahil sa mga Ingles na ito. Grabeh!
“Idiot? Ano naman kaya ang ibigsabihin nito?”
Grabeh talaga! Hi, hello, good morning, good evening, good afternoon, goodbye, lang ata ang alam ko sa wikang Ingles.
Habang nagbabasa ay tumayo na lamang ako’t pumasok sa aking kuwarto. Kinuha ko ang maliit na upuan at umupo sa gilid, humarap naman ako sa natutulog pa rin na lalaki.
“Gusto mo bang basahin ko rin sa’yo ang kuwentong ito? Baka sakaling magising ka. Sabi nila, nakakakilig daw ito. Pero wala naman akong maramdaman na kilig, sakit ng ulo ang nararamdaman ko ngayon.” Umiling-iling pa ako’t sinulyapan ang lalaki, at saka ibinalik muli ang aking atensyon sa libro.
Muli kong ipinagpatuloy ang pagbabasa. Medyo naiintindihan ko na rin dahil mas marami nang Filipino.
“Hala! Grabeh!”
Napapalakpak pa ako dahil sa magaling na bidang babae. Parang hindi mo aakalain na napakahinhin niya dahil nakaya niyang tadyakan ‘yong gangster na lalaki.
“Hala! Grabeh ang ganda—”
Agad akong napatayo’t napalunok nang mahuli ko ang paggalaw ng daliri ng lalaking payapang natutulog sa aking higaan.
“G-gising ka na b-ba?”
Napakurap-kurap ako’t hinintay na magbigay siya ng senyales, pero walang nangyari. Inilapit ko naman ang mukha ko sa kaniyang mukha at sinuri ito.
Grabeh! Hiyang-hiya ang mukha ko na nagkakatigyawat. Itong mukha niya kasi, parang ‘di man lang tinubuan ng kahit isang tigyawat.
“Gising ka na—”
Napatigalgal ako nang dahan-dahan niyang imulat ang kaniyang mga mata.
Ang… Ang ganda ng kaniyang mga mata!