"Diane..."
Naalimpungatan ako nang may tumapik sa aking pisnge at bumulong sa aking tainga. Pupungas-pungas kong idinilat ang aking mga mata, at ang mukha ni Sayber ang sumalubong sa aking paningin. Bigla akong umayos ng upo at napatingin sa loob ng sasakyan.
Bakit kami na lang ang nandito?
Humagikgik si Sayber, kaya napakunot ang aking noo. "Nandito na tayo, Diane. Kanina pa kita ginigising at naghihintay na sila sa loob."
Nanlaki ang aking mga mata at parang tinamaan ng hiya dahil sa kaniyang sinabi. Agad kong inayos ang aking buhok, tinanggal ang muta sa aking mata, at pinunasan ang bibig. Baka kasi may panis na laway ako't nakakahiyang humarap sa kanila nang dugyot.
Binuksan ni Sayber ang pinto ng sasakyan at nauna nang bumaba, inalalayan niya naman ako kahit na ayaw ko. Mapilit kasi siya, at saka nakakahiya dahil nakalahad na ang kaniyang kamay.
Nang tuluyan akong napatingin sa tapat, ay nakita ko ang bahay—mali, dahil isa na ata itong mansyon! Ang ganda at ang laki nito. Naglalaro sa itim at puti ang kulay, mayroong fountain sa gitna, may iba't ibang mga kotse rin na nakaparada, ang kapaligiran ay puno ng mga halaman, puno, at mga bulaklak. Mayroon pa akong naririnig na musika mula sa loob, mukhang may pagtitipon na nagaganap.
Nakakahiya naman dahil sa ganitong araw pa talaga ako dumating, kung kailan nagkakasiyahan ang lahat.
"Anong meron—"
"Sayber, iho!"
Sabay kaming napalingon sa tumawag kay Sayber, at nakita namin ang isang babaeng glamorosa. Mula sa pananamit at pustura ay halata mo na talaga ang kalidad na mayroon siya sa buhay.
Medyo may edad na siya, pero kung manamit ay parang kasing edad lang namin. Maganda at kahit na halata ang pagkatanda, kung tititigan, sa unang tingin naman ay iisipin mong isa siyang teenager. Nakasuot siya ng bestidang itim na mayroong hiwa hanggang sa kaniyang hita, malalim rin ang bandang dibdib at saktong-sakto sa kaniya ang damit.
Samantalang ako ay losyang na, kahit menor de edad pa lamang. Napailing na lamang ako sa aking isipan.
Nakangiting naglakad palapit sa'min ang babae at niyakap si Sayber na ngayon ay nakangiwi. Natawa pa ako nang kurutin ng babae ang kaniyang pisnge, animo'y parang batang napagsabihan.
"I miss you, my Sayber."
"Mom!" Natawa naman ang mommy niya.
Mommy niya pala ang babae na ito. Para lang silang magkapatid kapag magkatabi.
Lumingon sa'kin ang mommy niya at humiwalay na kay Sayber. Nagulat ako nang yakapin niya ako't suminghot siya.
"Diane..." Hinaplos niya ang buhok ko. "You're back, and we're glad."
"You need to thank me, mom," singit ni Sayber, kaya humiwalay na sa'kin ang mommy niya't binatukan siya. Inirapan pa siya nito at saka hinawakan ang aking kamay.
"Let's get in. Kanina pa namin kayo hinihintay."
Napalunok ako. Ibigsabihin maraming tao sa loob?
Nasagot ang aking katanungan nang bumukas ang pinto. Sumalubong sa'min ang maraming tao, nakangiti ang mga ito't parang sobrang saya nang tumama ang mga mata nila sa'kin. Bigla tuloy akong kinabahan at hinanap ng aking mga mata si dad.
Ganito ba talaga ang mayayaman?
Sinuyod ng aking paningin ang paligid, kahit na naiilang ako sa mga matang nakatuon sa'kin. Napahanga ako sa pagka-enggrande ng mansyon na ito. Modernong-moderno, tulad ng mga napapanood namin ni Margarita sa mga teleserye. Sa gitna ay may mahabang hagdan, pasalubong ito kapag aakyat sa taas, mayroon din iyong tinatawag na chandelier, mga paintings, may mga flower vase rin na halatang ginto ang presyo base na rin sa itsura't pagkakagawa nito. May sofa, at ngayon ay may mga lamesa't upuan para sa mga bisita.
Party?
"Anak!"
Napalingon ako sa may hagdan at nakita si daddy. Agad ko siyang nginitian, ngunit napatigil ako nang makitang may kasama siyang babae at batang babae.
Siya na ba ang mommy ko? Pero bakit mukhang hindi naman siya excited na makita ako?
"Daddy." Niyakap ko siya't naramdaman ko naman ang paghaplos niya sa aking ulo at paghalik sa aking buhok.
Nang humiwalay ako sa kaniya ay hinarap namin ang babae na hindi nalalayo sa edad ni daddy. Mukha siyang istrikta at hindi niya man lang ako nginitian.
"Darling... This is my wife, Venirie Asernozia." Ngumiti ng malumanay si daddy. "And our daughter, Lhiyet Asernozia."
Naguguluhan akong lumingon kay daddy. "Mommy ko po siya?"
"No—"
"Of course not! I am now the wife of your father, and this is our only daughter," mataray na sabat ni Ms. Venirie.
Ibigsabihin...
"Daddy?" Kinakabahan kong tawag. At nararamdaman ko nang may hindi tama dito.
Nasaan si mommy?
"Anak..." Lumunok siya at pumungay ang kaniyang mga mata. "Ito ang bago kong pamilya, ang bago nating pamilya."
Napaatras ako't napailing. Hindi... H-hindi pwede na... B-bakit?
"N-nasaan po si m-mommy?"
Bigla kong napansin ang pagkislap ng kung ano sa mga mata ni daddy. Agad siyang nag-iwas ng tingin at sumagot, "We didn't save her, we're late. Patay na ang mommy mo noong makita namin siya sa isang Isla. Pero anak, sana matanggap mo ang bago nating pamilya. Meron ka pa ring mommy, at may kapatid ka na rin."
Nilingon ko si Ms. Venirie, sinamaan lamang ako ng tingin nito at ang batang babae naman ay inirapan ako.
Parang ikalawang bersyon sila ni nanay at Leonora.
Parang nauulit na naman ang lahat. Gusto kong makita si mommy, gusto ko siyang makita. Gusto kong makilala ang tunay kong ina, bakit ganito ang nangyayari sa buhay ko? Akala ko ba...
"My baby, I love you anak ko."
"Mommy! Mom!"
"Anak nasaan ka?"
"Mommy I am here!"
"Anak ko!"
Napapikit ako nang manumbalik na naman ang mga pangyayari. Ang bagyo na siyang pinaghiwalay ang bata at ang babae. Ako at ang aking ina.
Napaatras ako't napadaing, hinawakan ko ang aking ulo.
"I want to be like you, mom."
"Oh! My precious daughter. Mommy loves you."
Mas napadaing ako. B-bakit ganito?
"Diane!"
"Diane!"
"Oh my goodness! What happened to Diane?"
Bakit hindi nakaligtas si mommy? Bakit ako naligtas? Bakit ang sakit?
---
"This child suffered post-traumatic stress disorder because of the tragedy that happened to her life, that resulted in losing her childhood memories before that event. Her trauma on something might be long gone, but some situations might triggered her memories to come back. I suggest that take a good care of her, because anytime soon, she'll be going to remember every details that happened."
"Thank you, doc."
Unti-unti kong idinilat ang aking mga mata. Unang sumalubong sa'kin ay ang puting kisame, narinig ko rin ang papalayong mga yabag ng paa, at ang pagbukas at pagsara ng pinto.
Dahan-dahan akong umupo habang sapo ang aking ulo. Medyo masakit kasi ito at saka nilalamig din ako.
Napatingin ako sa paligid at napansin na isang kuwarto ito, hindi hospital. Akala ko ay nasa hospital ako dahil sumalubong ang puti sa aking mga mata, narinig ko rin ang boses ni daddy kanina na nagpasalamat sa isang doktor. Kaya akala ko talaga ay sinugod nila ako sa hospital.
Halos mayayaman ata ay ganito na. Doktor na mismo ang pumupunta sa kanila. Sila ata 'yong mga private doctors na tinatawag, katulad sa mga teleserye na pinanonood namin ni Margarita. Mala-teleserye talaga ata ang buhay ko.
Napalingon ako sa pinto nang bumukas ito. Nakangiting mukha ni Sayber ang bumungad, may bitbit siyang basket na may lamang mga prutas at simpleng t-shirt na white at black na shorts lamang ang kaniyang suot, magulo rin ang buhok niya.
"Hey," bati niya't inilapag sa lamesang nasa gitna ang prutas at saka lumapit sa'kin. "Mabuti at gising ka na."
"Anong nangyari?"
Nagkibit-balikat siya. "Hindi namin alam, at bigla ka na lamang nawalan ng malay-tao. Pero nakausap naman na ng daddy mo ang private doctor niyo, kaya siguradong maayos na rin ang pakiramdam mo maya-maya. Nagugutom ka ba? Gusto mong ipagbalat kita ng prutas?"
"Ahm... Gusto ko ng saging," nahihiya kong sabi, na nagpangiti sa kaniya.
Kumuha siya ng isa at binigay sa'kin. Binalatan ko naman ito't kinagatan. Ito talaga ang paborito kong prutas, ang sarap din dahil hinog na.
"Kumusta ang pakiramdam mo? May masakit ba sa'yo?"
Umiling ako. "Ayos naman na ang pakiramdam ko. Siguro ay nabigla lang ako kanina."
"Diane..." Bumuntong-hininga siya at saka hinila ang silya palapit sa tabi ng hinihigaan ko. "Sorry."
"Okay lang."
Nang malaman ko na may bagong pamilya si daddy, at isa na naman akong saling-pusa ay sobrang nasaktan ako. Dama ko pang ayaw sa'kin ng bago niyang asawa't anak. Akala ko naman ay magiging masaya na ako dahil nalaman ko na kung nasaan ang aking pamilya.
"Galit ka ba?"
Umiling ako. "Hindi naman. Hindi ko lang inaasahan na ganoon pa rin ang magiging buhay ko. Nakikisali pa rin ako sa isang buong pamilya. Kumbaga ay saling-pusa na naman ako."
Bumuntong-hininga siya't hindi na sumagot. Tumayo na lamang siya't binuksan ang telebisyon. Inilipat niya ito sa palabas na nakakatawa, pero parang wala naman akong naiintindihan at hindi ako natatawa. Ilang oras din iyon hanggang sa magpaalam si Sayber at kukuhaan niya raw ako ng tanghalian, ayaw ko pa sana, pero lumabas na siya kaya wala na akong magawa.
Ngunit ilang segundo lamang ay biglang bumukas ang pinto. Akala ko si Sayber na ang dumating, at baka tatanungin ako kung ano ang gusto kong kainin. Pero ang iniluwa ng pintuan ay ang bagong asawa ng aking ama.
Ngayon ay nakasuot siya ng bestida na itim, abot hanggang sa kaniyang talampakan. Nakalugay rin ang kaniyang mahaba't tuwid na itim na buhok. Ang kilay ay nakataas, ang kaniyang mga mata ay puno ng pagka-disgusto habang ini-eksamina ang buo kong katawan.
"How are you?"
Kumusta na raw ako?
Kinakabahan man at natatakot na magkamali ay nginitian ko pa rin siya. "Ayos naman po ako."
"So, what are you trying to show earlier?"
Nalusaw ang aking ngiti at biglang naguluhan sa kaniyang sinabi. "Po?"
"Oh! I forgot. Laking Isla ka nga pala, kaya bakit pa ako magtataka kung hindi ka marunong magsalita ng Ingles?" Taas kilay niyang ani at naglakad na palapit sa'kin. "Bakit ka pa nagpakita ulit?"
"Ah..." Natameme ako't natatakot sa maaari niyang gawin. Inirapan niya lamang ako't umupo sa sofa.
"Well, ano pa nga bang magagawa ko?" Ipinagkrus niya ang kaniyang mga braso. "Iha na mula sa Isla. Huwag na huwag mo akong tatawaging mommy. Wala na ang mommy mo, matagal nang patay. At kung gusto mong manatili sa pamamahay na ito, sumunod ka't huwag magpa-bida sa ama mo. Ito ang bagong tahanan mo, kaya sa ayaw o sa gusto mo, susundin mo lahat ng utos ko."
Natulala ako sa kaniyang sinabi. At tila ba namamasa na naman ang aking mga mata.
At sa ikalawang pagkakataon, tuluyan nang nagsibaksakan ang aking mga luha, kasabay ng papalayong yabag at ang marahas na pagbukas at pagsara ng pinto. Parang pinilipit ang aking puso't purong kirot na lamang ang nararamdaman. Ang mga kamay ko'y nanginginig na tila ba natatakot na makita na naman ang mga pangyayari noon.
Sa huli ay pinili ko na lamang na humiga at tumagilid. Ipinikit ko ang aking mga mata't pigil ang paghikbi nang bumukas ang pinto.
"Diane?" Rinig kong tawag ni Sayber. "Are you sleeping?"
Hindi ako sumagot at pinanatili ang pagkakalmado ng aking katawan. Ngunit ang aking mga luha ay tuloy-tuloy pa rin sa pag-agos.
"Sleepyhead."
Narinig ko ang pagsara ng pinto, at doon ay tuluyan ko nang niyakap ang kumot na nakapalibot sa aking katawan.
"Wala na ang mommy mo, matagal nang patay."
Kailan ako makakaramdam ng kasayahan? Kailan ako makakakita ng totoong mga ngiti sa aking labi? Hanggang kailan ako iiyak?
Pero sa kabila ng lahat, mas pinili ko na lamang na mahulog sa malalim na tulog, kaysa lumubog sa aking mga luha.