Limang buwan na ang nakalipas mula nang mapadpad ako sa tunay kong magulang, at namalagi dito sa Maynila. Madalas akong magkulong dito sa aking kuwarto kapag nandito si tita, pero minsan ay wala akong magawa kapag nariyan ang aking tutor, dahil kailangan ko talagang lumabas kahit na iniiwasan ko si tita.
Noong ikalawang linggo ko dito ay tuluyan nang kumuha si daddy ng tutor para sa'kin, para makapag-exam ako't maipagpatuloy ko na ang aking pag-aaral. Nang sinabi niya 'yon ay sobrang saya ang naramdaman ko, kahit sobrang sama na ng tingin sa'kin ni tita. Pero kahit ayaw niya, si daddy pa rin ang nagdesisyon, kaya wala na siyang magagawa pa.
Si Ms. Emprez, isang teacher din sa eskwelahan na papasukan ko. Pribado ito't talagang tinuruan ako magsalita ng Ingles. Kaso lang ay mas nasanay na talaga ako sa Filipino, pero minsan ay sinusubukan ko naman. Ang kaso ay pakiramdam ko, hindi bagay sa boses ko, ang pangit kasi ng pag-pronounce ko sa mga English words. Hindi pa ako ganoon ka-bihasa.
Noong nakaraang linggo ay nag-take na ako ng exam, at kahapon lang nagtapos ang pagtuturo sa'kin ni Ms. Emprez, at ngayong araw ay malalaman na namin kung makakapasa ba ako o hindi, magi-email lang daw ang school ng letter of acceptance, kung sakali mang nakapasa ako. Pero alam ko naman sa aking sarili na ginawa ko ang lahat ng makakaya ko, ginalingan ko't nagdasal para pumasa at nang maipagpatuloy ko na ang aking pag-aaral.
Oo nga pala, pinag-exam nila ako agad sa 10th grade, para raw hindi ako mahuli. Medyo mahirap, pero kinaya naman.
"Hey!"
Napalingon ako sa aking gilid at nakita ang nakasimangot kong kapatid, nakaupo kasi ako dito sa sala, at wala naman si tita dahil nag-out of the country sila ni dad, just to fix some matters at the company. Kahit na magkaiba naman kami ng nanay, ay magkapatid pa rin naman kami, kaya 'di ko siya pinapatulan kahit na sobrang taray niya.
Halatang nagmana kay tita. Napailing na lamang ako dahil sa aking naisip.
"Yes?"
"Can you buy me a hairpain? I want the new one at El Grande's, they have a historical kind of golden hairpain. I want that!" Pasigaw niyang sabi at ipinagkrus ang kaniyang mga braso.
"You can tell that to your mom—"
"She doesn't want to buy it!" Bulyaw niya na nagpagulantang sa'kin. Medyo naluluha na nga siya, at ang cute.
9 years old na nga siya, bata pa rin, pero kung makapag-demand ay parang si Leonora. Naku po! Ang ganda-ganda nitong batang 'to. Napaka-puti niya't tuwid na tuwid ang itim niyang buhok, magkaparehas din kami ng kulay ng mga mata.
"Ano ang dapat mong sabihin, if you want something from me?"
"I don't want to say it!"
Nagkibit-balikat ako. "Then, I will not buy your hairpain, little miss."
Nang dahil sa batang ito ay napipilitan akong magsalita ng Ingles. Kulang na lang ay bitbitin ko ang balde dahil baka magsuka na ako ng dugo, hindi na simpleng nosebleed 'to.
"Diane!"
Ngumisi ako. "What did you said?"
Bigla ay tinakpan niya ang kaniyang bibig at umiling-iling.
Maldita. Last week lang ay sinabi ko nang ate ang dapat na itawag niya sa'kin, pero dahil iba ang batang 'to, mas tinatawag niya ako sa pangalan ko. At kapag may kailangan niya lang ako tatawaging ate.
Kahit na pangit ang ipinapakita sa'kin ng batang 'to, alam ko naman na gusto niya rin akong makausap. Pero sa tuwing nandito si tita, ang kilay ng aking kapatid ay kasing taas pa ng kalawakan.
Paano naman kasi, ayaw ni tita na nalalapit sa'kin si Lhiyet.
Bigla siyang lumapit sa'kin at lumambitin sa leeg ko na tila ba isang kuting na naglalambing. "Please, a-ate... Ate Diane buy me one, please."
At dahil cute siya, hindi ko na napigilang yakapin at halik-halikan ang kaniyang pisnge. Sigaw pa siya nang sigaw kaya napatingin sa'min si Manang Lei, ang mabait na mayordoma namin, pero nakita ko naman pag-ngiti niya.
"Okay, ate will buy the baby."
Ngumuso siya. "I'm not a baby anymore!"
"Yeah, because you're already liking someone." Binigyan ko siya ng mapanuksong mga ngiti. "Am I right? You have a crush at school."
"No!" Tumili siya't nagtatakbo paakyat sa taas, sa kaniyang kuwarto.
Napahinto ako nang mag-ring ang aking cellphone sa ibabaw ng lamesa. Kung noon ay wala ako nito, ngayon ay meron na at touch screen pa.
Sayber is calling...
Bigla ay naalala kong ngayon pala ang alis ni Sayber. Nakapasa kasi siya sa isang unibersidad sa USA, at nandoon din ang kaniyang pamilya, kaya doon niya na raw tatapusin ang kolehiyo. Pero babalik pa rin naman daw sila dito dahil may company at bahay sila dito sa Manila.
"Hello?"
Lihim akong natawa sa aking isipan. Alam kong alam niyang nakalimutan ko na naman. Nang dumating ako dito sa Maynila, parang naging makakalimutin na ako't laging lumulutang ang aking isipan.
"Where are you? Pasakay na ako ng eroplano, in just an hour. Nandito pa rin ako sa labas ng airport, at naghihintay."
Agad akong tumayo't naglakad palabas. Sinenyasan ko si Mang Fred, ang driver namin, at agad naman akong sumakay sa kotse.
"I'm coming."
Rinig ko ang pag-tsk niya sa kabilang linya.
"Faster."
"Yes, chill."
Humagikgik ako't inayos ang aking buhok.
"Ewan ko sa'yo, Diane."
Nang ibaba niya ang tawag ay pinakiusapan ko na si Mang Fred na bilisan ang pagmamaneho. Hindi na rin ako nag-ayos, ang suot ko lamang ay simpleng black na tee at leggings na white, at tsinelas na parang pang-alis na rin.
Mga ilang minuto lamang ay nakarating na ako sa airport. Dali-dali naman akong lumabas ng kotse, at saktong nakita ko si Sayber sa may entrance, nakasimangot habang naghihintay, hawak niya ang cart na kung saan nakapatong ang mga bagahe niya.
"Sayber!"
Lumingon siya sa'kin at pag-irap ng kaniyang mga mata ang sagot niya. Patakbo ko siyang nilapitan at niyakap.
"Sorry."
Ginulo niya ang buhok ko. "Akala ko ay 'di ka na aabot."
"Kailan ka ba babalik?"
"Not sure. Bakit, mami-miss mo 'ko?" Tinaas-baba niya ang kaniyang kilay at saka ngumiti ng malawak.
Noong mga panahong bago pa lamang ako dito sa Maynila at sobrang dami nang nangyari sa'kin, sobrang lungkot ko, hindi niya ako iniwanan. Tinuring ko na rin siyang matalik na kaibigan, at unti-unti na rin akong nagiging masigla, parang nababalewala na nga rin ang mga irap na ibinibigay sa'kin ni tita sa tuwing magkakasalubong kaming dalawa sa mansyon na iyon.
"Oo naman!" Niyakap ko siya. "Baka doon mo na mahanap ang magiging girlfriend mo."
"No way!"
Ngumisi lang ako. "O siya! Baka iwan ka na ng eroplano, pumasok ka na sa loob."
"Goodbye, Diane—"
"Huwag kang magpaalam! Parang sinabi mo naman na hindi na tayo magkikita ulit." Umiling-iling ako. May nabasa kasi akong ganoon daw ang ibigsabihin no'n.
"Eh ano?"
"See you again, Sayber."
Lumapad ang kaniyang ngiti. "See you again, Diane."
Kinawayan ko na siya, panay pa ang lingon niya sa'kin hanggang sa makapasok na siya.
Hmm... Bibilhan ko pa nga pala ang maldita kong kapatid ng hairpin sa El Grande's. Ewan ko ba kay Lhiyet, mas marami pang alam sa mga ganoon kaysa sa mas tutukan ang study. Pero alam ko namang matalino ang batang 'yon, isang araw ay nakapasok ako sa kaniyang kuwarto, inutusan kasi ako ni daddy na gisingin siya at ang itsura pa ni tita no'n ay kunot na kunot ang kaniyang noo, nakaraming medalya at may mga trophy pa. Kaya dapat talaga 'di na ako magtaka kung ganoon magsalita at kumilos ang batang 'yon.
Lugi ako sa katalinuhan niya.
Pagdating ko sa mall ay agad kong hinanap ang El Grande's na 'yon. Located pala siya sa first floor, at wala masyadong bumibili. Ang presyo naman kasi ng mga hairpin nila ay mas mahal pa sa buhay ko.
Inipit ko sa likod ng aking tainga ang buhok ko't pumasok na sa loob. Napanganga ako nang makakita ako ng iba't ibang mga hairpin, mayroon din iyong parang tulad sa sinaunang panahon, sa dynasty na hairpins.
"Good morning, Miss. Do you want something here?"
Napalingon ako sa sales lady na ngayon ay dama ko na minamaliit niya ako, tiningnan niya kasi ako mula sa paa hanggang ulo, parang hindi makapaniwala na nandito ako sa loob ng shop nila.
Anong problema sa suot ko?
"Ahm... Can I see your new hairpin? The gold one. Is it still available?"
Tumango siya. "Yes, Ma'am. Do you want to buy it?"
Bakit tunog hindi makapaniwala?
"Ahm... Yes, for my sister."
"Oh..." Parang nagdalawang-isip pa siya at saka nauna nang maglakad, na sinundan ko naman. "Here's our new hairpin. Nag-iisa na lang po ito, Ma'am."
What? Nag-iisa na lang? Ganoon kabilis ma-sold?
Tiningnan ko ang hairpin. Stick lang siya, tulad ng hairpin na napapanood ko sa mga Chinese dramas, pero gold siya at kumikinang.
Aesthetic design.
Ibinaba ko ang aking paningin sa presyo, at halos mawalan ng kaluluwa nang makitang presyong gold talaga. Halos kalahating milyon! Kaya naman pala ayaw siyang bilhan ni tita. Grabeh! Stick lang, pero umabot ng kalahating milyon! Jusko po!
Bibilhan ko ba talaga ang batang 'yon? Ay bahala na—
"Excuse me, Miss. Where's your new hairpin?"
Sabay kaming napalingon sa nagsalita. Sumalubong sa aking piningin ang maangas na dating ng lalaki, pero mukha siyang masiyahin, base na rin sa lawak ng pagkaka-ngiti siya. Nagpapalit-palit pa siya ng tingin sa'min.
"Hey?"
"Ah, yes! Here it is, Sir..."
Lihim akong napabuntong-hininga. Ako na nga ang nauna, eh.
"Ah miss, I'm going to buy it na," I said at inilabas ang card ko. Napatingin sa'kin ang lalaki at tinaasan ako ng kilay, ipinagsawalang-bahala ko na lamang iyon at 'di na siya pinansin.
"Oh. Sir—"
"I'll buy it, one million."
Parehas na nanlaki ang mata namin ng sales lady, nagkatinginan pa kami at nang ma-realized niya, agad siyang tumikhim at hinarap ang lalaki.
"But Sir—"
"I'll buy it, one million. Come on."
Ang hambog!
"Hoy, nauna ako," kalmadong sabi ko.
Nginisihan niya ako. "Miss."
"Hoy, walang dayaan dito."
"I have a name, it's Zy—"
"Wala akong pakialam!" Hinarap ko ang sales lady. "I'm the first one who saw it. And I'll buy it."
"Miss, I'll buy it, one million."
Ngayon lang ako nakaramdam ng pagkainis, nagbago na ata talaga ako.
"Hoy, wala ka sa bidding event! Nasa shop ka, may fixed na presyo na. Anong one million ka diyan Saksak mo 'yang milyones mo sa baga mo. Hindi ako nakikipag-bidding sa hindi marunong mag-isip!" Hinarap ko ang sales lady. "Here."
Napakamot sa ulo ang sales lady. "Ahm, Sir... Tama po si Ma'am. Sorry."
"Oh." Sinuyod niya ang kabuuan ko. "Hindi halata na kaya mong bilhin—"
"Tumahimik ka na lang, dahil ako ang nauna."
Ngumisi lamang siya sa'kin at ipinasok ang kaniyang kamay sa bulsa ng pantalon na suot niya at saka lumabas na. Kasunod naman ay ang pagdating ng sales lady at pag-abot sa'kin ng binili ko't ng card ko.
Ang akala naman nila ay basta na lamang akong papayag. Hindi 'no! Para sa kapatid ko 'to, at gustong-gusto niya 'to. Kaya ipaglalaban ko.
Ako naman talaga ang nauna. May pa-"I'll buy it, one million." Pa siya, eh wala naman siya sa bidding room.
Yabang.