Damien Angelo Corpuz Mondragon
Kinabukasan na ng magising si Damien na nasa kanyang silid. Nakabantay ang kanyang Mama at Papa. Maingay pa din ang paligid dala ng malakas na hangin at ulan mula sa bagyo.
"Mama," mahinang sabi nito.
"O thank you God, gising ka na anak."
Nawala na din ang kinig ng kanyang katawan sa lamig pati ang kanyang lagnat.
"What happened?"
Nagkatinginan ang mag-asawa sa tanong ng anak.
"Umalis ka kahapon para mangabayo at nagpunta sa bundok at dun ka inabutan ng malakas na ulan anak, mabuti na lang at nailigtas ka ng batang anak ng isang tauhan sa tumana. Sinundan ka. Sa ginaw mo, binalutan ka ng plastic at ng mawalan ka ng malay ay humingi ng tulong sa mga tauhan mabuti na lang at nasa may bungad lang iyon at kahit malakas ang ulan ay nagawa ka nilang iligtas at madala dito." Kwento ng ama.
"What in the world made you do that, anak?" Tanong ng ina. "Walang nakakaalam na umalis ka, we thought you we're just here, nalaman na lang namin umalis ka nung pinapaakyatan kita ng meryenda mabuti na lang maya maya pa ay dala ka na ni Mang Gardo dito kasama ang ilang kapit-bahay."
"Anak, alam mo na mang may bagyo bakit kasi umalis ka pa, kaya nga hinde ka na namin pinayagan sa party dahil maulan na sa paparating na bagyo at baka di kayo makauwi rito." Dugtong ng ama.
"Iho, promise me you won't do that again, halos mamatay ako sa pag-aalala sa'yo." Naiiyak na sabi ng ina. "Please, anak."
Tango na lamang ang naisagot niya at aminado siyang na-guilty siya sa nangyari lalo at may sakit sa puso ang ina.
"Sige anak at magpahinga ka na muna, magpapakuha lang ako ng pagkain."
Nagmamadali ng lumabas ang ama para makakain siya ng maayos, Alas diyes na pala nuon ng umaga. Hinde niya matandaan paano siya nakauwi o kung ano pa ang nangyari ngunit naalala niya na may batang babae ang humatak sa kanya.
"Rian po."
'Yon ang nadinig niyang pangalan nito at ang maamong mukha ng bata ang natatandaan niya bago siya tuluyang nawalan ng malay.
"Anak kilala mo ba kung sino ang batang tumulong sa'yo?" Tanong ng ina.
"Hmmmnn hinde po Mama." Sagot ni Damien.
"Si Rian 'yon, 'yung panganay na anak ni Mang Gardo at Malou, sila 'yung namimitas ng gulay at nagdadala dito."
"Ah ganon po ba?" Matamlay niyang tugon.
Hinde niya makakalimutan ang mukha at medyo may kalyong kamay ng batang iyon. Marahil dahil hirap na din sa tumana ng ganoong edad kaya naman magaspang ang kamay nito. Ngunit hanggang ngayon ay ramdam niya pa din ang init ng palad nito habang minamasahe siya kahit na alam niyang nilalamig na rin ito sa ginaw gawa ng pagkakabasa sa ulan.
Humanga siya sa tapang at abilidad ng bata. Kung iba siguro 'yon ay hinde na siya nito pag-aaksayang sundan at tulungan.
Tama ang ina na ito ang batang nakita niya sa kusina dati ng minsang nagdala ito ng kulay ngunit noon ay hinde niya nabigyan ng atensyon dahil malayo, ngayon lamang niya nasilayan ang ganda niyo ng malapitan.
Sumunod niya iting nakita pagkatapos ng bagyo, sinadya niya itong puntahan at natatanaw niya ito sa malayo na kalaro ang kapatid.
Alam niyang kapatid ang kasama nito dahil malaki ang pagkakahawig nila.
Nilikuban siya ng inggit na mga panahong iyon dahil kahit simple ang pamumuhay nito ay masaya ito sa piling ng pamilya, may kapatid na maaaring makalaro at makasama. Samantalang sita ay nag-iisa at madalas pa ay wala ang mga magulang dahil busy sa negosyo.
Hinde din niya nagawang magpasalamat dito ng personal dahil nakahiyaan na niya lalo at ang alam ng lahat ay hinde niya ito nakilala.
Magmula nuon ay hinahanap hanap niya ang presensya ng batang iyon ngunit ayaw niyang maging kaibigan ito dahil anak ito ng tauhan nila. Gusto niyang ang kanyang mapapangasawa ay ka-level ng kanilang pamumuhay.
Nagpatuloy lang ang buhay ng binata, gigising sa umaga, papasok sa ekwela, uuwi at matutulog sa gabi ngunit kapag nakikita niya ang batang iyon ay biglang nagkakakulay ang kanyang malungkot at boring na mundo.
Marahil dahil sa pride ay hinde niya nagawang magpakilala o makipaglapit man lang rito hanggang namasukan ito sa kanilang tahanan. Dalaga na ito ngayon at lalong lumabas ang angking ganda, hinde man kaputian ay makinis naman ito at ang balat ay pagkalambot lambot tingnan, alagang alaga iyon kahit pa mahirap lang ang kanilang pamumuhay gamit ang mga natural na bagay tulad ng herbal. Makapal ang maitim at bagsak na buhok nito. Ang mga labi ay kaninipis na parang kay sarap halikan. Lumundag ang puso niya lalo na sa mga panahong inaasikaso siya nito kahit pa lagi niya itong nasisigawan at nasusungitan ay sige lang ito.
Palaging nakangiti ang dalaga at excited na makita siya kaya alam niyang meron itong pagtingin sa kanya ngunit ang pamumuhay nito, kailanma'y hinde makakapantay sa estado niya.
Minsan na din niya itong pinuntahan sa eskwelahan na ang ginawang dahilan ay ang pagsundo sa ina.
Nakita niya itong magiliw na nakikipag-usap sa mga kaklase at mga lalaking kapwa niya estudyante.
Graduate na siya ng panahong iyon at ito naman ay kolehiyo.
"Rian, ano sasama ka ba lalabas tayo mamaya?" Tanong ng lalaking kasama nila. "Kayo guys, game?"
"Oo sige, game," masasayang sagot ng mga kasamang babae.
"Sorry guys, hinde ako pwede, alam naman ninyong nakikitira lang ako ngayon at hinde ako pwedeng mahuli sa pag-uwi."
"Ay sus, kj naman Rian, Andrew, ihatid mo si Rian mamaya para makasama." Sabi ng kaibigang si Mitch.
Si Mitch ay isa sa matatalik niyang kaibigan at si Andrew naman ay isa sa kanyang masugid na manliligaw.
"O, sure, akong bahala sa'yo, I'll keep you safe. Sige na pumayag ka na at ihahatid kita." Pamimilit ni Andrew.
"Hmmnn Rian!" Malakas na boses na tawag ni Damien.
"Senyorito?" Nauutal na sagot ng dalaga.
"Sumabay ka na sa amin ng Mama, let's go."
"Opo, opo," mabilis niyang tugon tsaka tumayo para sumunod. "Sorry guys, mauna na ako ha."
Nag-aalangang ngumiti si Rian sa mga kasama bago nagmamadaling sumunod sa binata.
"Ganito ba ang ginagawa mo, pagbubulakbol?" Madiing sabi nito habang naglalakad.
"Senyorito?" nagulat niyang tanong. "Bulakbol po ba yon eh hinde naman po ako sumama? Isa pa po wala pa po ang driver para makauwi po ako."
Nairita si Rian sa pamimintang nito sa kanya at hinde niya kayang manahimik kaya nakukuha niyang sagutin ito. Hinde niya mapigilang hinde ipahalata ang pagkapikon niya sa amo.
Si Damien naman ay nagngingitngit sa inuukol ng tingin ng mga lalaki sa magandang si Rian. Kung maaari nga lang niyang bigwasan ang mga ito ng hinde inaalala ang reputasyon ng ina na isa sa board of directors at may-ari ng paaralang iyon.
"Ma, let's go." Sabi nito sa ina na halata pa rin ang pagkainis. Sumilip lamang ito sa opisina para ayain sa pag-uwi ang ginang.
Nagulat naman ang ina sa inasal ng anak lalo at ng tuloy-tuloy na itong naglakad palayo.
"Good afternoon po," nakangiting bati ni Rian at inabot ang mga dala dala nito.
"O Rian, mabuti at nandito ka ng makasabay ka na sa amin. Nandyan na ba ang sundo mo?"
"Tinext ko na po kanina nung makita ko si Senyorito at tinawag ako. Mabuti nga po at hinde pa nakakaalis. Cancelled lang po kasi ang klase ko ngayong last subject."
"Ah ganon ba? O siya sige magmadali na tayo at mukhang may topak ang unico iho ko. Pagpasensyahan mo na ha," nakangiting sabi pa nito.
"Naku Senyora, wala po iyon, sanay na po ako sa kanya. Baka po magunaw ang mundo kapag hinde ako nasungitan niyan sa araw-araw na ginawa ng Diyos."
"Ikaw talaga masyadong palabiro."
Pagdating nila sa parking lot at nakapahalukipkip na siya at inip na inip sa dalawang babaeng sige sa pag-uusap habang naglalakad. Lalo lang din umiinit ang ulo niya sa tuwing napapa second look ang mga kalalakihang nadadaanan nito.