Tanghali na nang magising si Patrisha. Paano’y halos madaling-araw na siya nakatulog dahil sa mga nangyari kagabi.
Ilang sandali siyang nanatiling nakahiga habang nakatitig sa kisame. Pagkatapos ay nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga nang mapansin niya ang maliit na benda sa kanyang daliri.
Dahil doon ay agad na sumagi sa isip niya si Archer. Ang seryosong titig nito, ang bakas ng pag-aalala sa mukha nito, at ang kakaibang pagkabog ng kanyang dibdib dahil dito. Isa-isang nagbalik sa kanyang isipan ang mga iyon.
Kinapa niya ang unan sa tabi niya at agad itong itinakip sa kanyang mukha.
“Ba’t ba paulit-ulit ’yon sa isip ko?” naiinis na tanong niya sa sarili habang nananatiling nakatago ang mukha sa ilalim ng unan.
Ngunit bahagya siyang nagitla nang makarinig ng sunod-sunod na katok mula sa pinto ng kanyang silid. Dahil doon ay tuluyan na siyang bumangon.
Pagbukas niya ng pinto ay bumungad sa kanya ang anak na si Eros.
“Mommy! Are you sick?” alalang tanong ng bata sa kanya.
Agad siyang pumantay sa anak at niyakap ito.
“No, Baby. I’m not sick. I’m all good.”
“Then what is it?” tanong ni Eros habang hawak ang daliri niyang may maliit na benda.
Sandali siyang natigilan saka sumagot sa anak. “Wala ito, Anak. Maliit na sugat lang.”
“But how did you get it?” curious na tanong ni Eros.
Napalunok siya bago nagsalita. “Nabitiwan ko ‘yong baso kagabi. May nakita kasi akong malaking daga sa kusina eh.”
“Really, Mommy?”
“Yes! Bakit ba ang dami mong tanong? Kumain ka na ba?”
“Yes, Mommy. Kanina pa po. Pero ikaw, kakagising mo lang that’s why hindi ka pa nakapag-eat.”
Napangiti si Patrisha sa anak dahil sa pilipit nitong pagsasalita ng Tagalog.
“Don’t worry, kakain na si Mommy.”
“After mo po kumain, puwede po tayo mag-swimming ulit, Mommy?”
Sasagot sana siya sa anak nang biglang dumating si Lucy.
“Gising ka na pala. Iinitin ko lang ang pagkain mo.”
Marahang tumayo si Patrisha.
“Ako na po, Nanay Lucy,” awat niya sa matanda.
“Ako na. Sandali lang naman iyon. Pagkatapos mong mag-ayos ay bumaba ka na.”
Agad naman siyang umiling dito.
“Ako na po. Ayos lang po ako. Samahan niyo na lang po muna si Eros. Gusto niya pong mag-swimming.”
“Sigurado ka ba?”
“Opo,” nakangiting sagot niya sa matanda, saka siya bumaling ng tingin sa bata. “Susunod si Mommy sa pool. Mag-behave ka at huwag magpasaway kay Nanay Lucy, okay?”
“Yes, Mommy!” masiglang tugon ni Eros na ikinatawa niya.
Pagkatapos no’n ay tuluyan na nga siyang iniwanan ng dalawa.
Nagtungo siya sa banyo upang maligo. At pagkalipas ng ilang minuto, lumabas siya ng silid na nakasuot ng simpleng damit.
Tahimik ang buong mansion nang bumaba siya sa ground floor.
“Good morning, Miss Patrisha,” bati ng isang kasambahay nang makita siya.
“Good morning.”
“May almusal po sa dining area. Ipapainit ko po kung gusto ninyo.”
“Huwag na. Ako na ang bahala.”
“Sigurado po kayo?”
Nakangiti siyang tumango sa kasambahay saka siya nagtungo sa dining area, ngunit bago pa man siya makarating doon ay narinig niya ang pamilyar na boses mula sa kusina.
“Off duty mo ngayon, ah. Tinanghali ka yata nang gising. Hindi ka uuwi sa inyo?”
Natanaw niya si Lance na nakatayo at kausap si Archer, na abala naman sa pagkain.
Napahinto siya, kasabay ng muling pagbilis ng t***k ng kanyang puso nang makita ang lalaki.
“Bukas ako uuwi.” Narinig niyang sagot ni Archer kay Lance.
“Bukas? Bakit?”
“Gusto ko lang.”
Pagkasabi no’n ni Archer ay bumalik na ito sa tahimik na pagkain.
Aalis na sana no’n si Patrisha, pero kaagad na nag-angat ng tingin si Lance hanggang sa dumapo ang mga tingin nito sa kanya. Namilog ang mga mata niya nang masalo niya ang tingin nito.
“Miss Patrisha!” masayang bati ni Lance sa kanya. Dahan-dahan naman siyang nilingon ni Archer hanggang sa masalo niya ang titig nito.
Hirap siyang lumunok dahil doon.
“Good morning, Miss Patrisha! Kagigising niyo lang din po ba?” tanong ni Lance sa kanya na hindi niya alam kung paano niya sasagutin.
“G-Good morning…” Hindi na niya talaga alam ang susunod na sasabihin niya.
Mabuti na lang at biglang dumating ang isang kasambahay.
“Miss Patrisha, nakakain na po ba kayo?”
Agad niyang nilingon ang kasambahay.
“Huh? Uhm… busog pa ako. Mamaya na lang siguro,” sagot niya.
“Kumain na po kayo, Miss Patrisha. Sabayan niyo na po si Archer dito,” biglang singit na sabi ni Lance.
“Huh?”
Nakangiti ang lalaki sa kanya. Isang ngiti na tila may ibang kahulugan. Saka niya naalala na nagawa niya nga palang tanungin ito ng kung anu-anong bagay tungkol kay Archer kahapon.
Napakagat siya sa ibabang labi nang maisip na baka sinabi na nito kay Archer ang lahat ng itinanong niya.
Marahan niyang sinulyapan si Archer at nakita niyang seryoso pa rin itong nakatingin lamang sa kanya.
“Ah… hindi na. Busog pa ako. Sige,” saad niya, saka siya mabilis na tumalikod sa mga ito at naglakad palayo.
Malakas pa rin ang pagkabog ng dibdib niya, kaya naman napahugot siya ng malalim na hininga nang tuluyan na siyang makalayo sa kusina.
Hindi niya alam kung bakit tila bumaliktad yata ang mundo. Dahil siya na ngayon ang umiiwas sa lalaki.
Kinagabihan, bumaba si Patrisha sa dining area para sa hapunan. Pagkatapos kasi ng mga nangyari kanina, nagkulong na lamang siya sa kanyang silid at doon na nagpalipas ng buong maghapon. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang nawalan ng gana sa mga bagay-bagay.
Bukod doon, hindi pa rin maalis sa isip niya ang tagpong nangyari sa pagitan nila ni Archer kagabi.
Paulit-ulit na bumabalik sa kanyang alaala ang seryosong mukha nito, ang paraan ng pagtingin nito sa kanya, at ang pag-aalalang malinaw niyang nakita sa mga mata nito nang makita nitong nasugatan siya.
Hindi niya alam kung bakit hindi niya iyon basta-basta makalimutan. At mas lalong hindi niya maintindihan kung bakit sa tuwing naiisip niya si Archer, lalo lamang bumibilis ang t***k ng kanyang puso.
Pero kasunod no’n ay naaalala niya ang mga huling salitang sinabi niya sa lalaki.
“Hindi ka bakla. Sadyang… wala ka lang talagang interes sa akin. At alam mo bang bago ang lahat ng iyon sa akin. Ngayon lang may lalaking walang interes sa akin.”
Marahil ay iyon ang dahilan kung bakit bigla siyang nawalan ng gana. Naiinis siya sa kanyang sarili dahil sa kahihiyan. Pinagsisisihan niyang sinabi niya ang mga bagay na iyon.
Pagdating niya sa dining area ay naroon na sina Don Carlo, Eros, at Lucy. Sa kabilang bahagi naman ng mesa ay nakaupo si Archer, na gaya ng dati ay tahimik lamang na kumakain, kasama si Lance at ang ilang kasambahay.
Bahagyang nagbago ang ekspresyon ni Patrisha nang makita ang lalaki. Muli na namang bumilis ang t***k ng kanyang puso. Dahil doon ay agad niyang iniwas ang tingin at mabilis na lamang na naupo sa tabi ni Eros.
“Masama ba ang pakiramdam mo?” tanong ni Don Carlo sa kanya.
“Po?”
“Maghapon ka lang nagkulong sa kwarto mo.”
Napalunok siya nang maramdaman niyang nakatingin sa kanya si Archer. Napansin niya iyon sa kanyang peripheral vision.
“Hindi naman po. Nagpahinga lang po ako,” sagot niya sa matanda, saka niya kinuha ang kanyang plato at nagsimulang kumain.
Pilit niyang itinutuon ang atensyon sa pagkain, ngunit hindi niya maiwasang mapansin ang lalaking nasa kabilang bahagi ng mesa.
Paminsan-minsan ay napapatingin siya rito. At sa tuwing mahuhuli niyang nakatingin si Archer sa kanya, agad niyang ibinababa ang kanyang mga mata. Hindi niya maintindihan kung bakit bigla siyang naging conscious sa presensya nito.
“By the way, Patrisha.”
Napatingin siya kay Don Carlo. “Yes, Lolo?”
“Bukas ay may darating na bisita sa resort. Puwede mo ba akong samahan?”
“Opo naman po.”
“Sa totoo lang, darating si Mayor Benjamin Borja. At gusto ko sanang magkakilala kayo.”
Natigilan si Patrisha sa narinig saka mabilis na nag-angat ng tingin sa matanda.
“Po?”
“Anak siya ng isa sa mga kaibigan ko. Bata pa siya, pero ilang taon na rin siyang nagsisilbi bilang mayor.”
Tahimik lamang si Archer sa kabilang bahagi ng mesa, ngunit napansin ni Patrisha ang bahagyang pag-angat ng tingin nito nang marinig ang sinabi ng kanyang lolo.
Sandali siyang natahimik at napaisip. Wala naman sigurong masama kung papayag siya sa gusto ng lolo niyang makipagkilala siya sa mayor na iyon.
“Okay po,” sagot niya matapos ang ilang sandali.
Bahagyang napangiti si Don Carlo. “Pumapayag ka?”
Tumango siya. “Yes, Lolo. I can meet him.”
“Good. I’ll arrange it.”
Muli siyang bumaling sa pagkain, ngunit hindi niya napansin ang bahagyang pag-angat ng kilay ni Archer bago ito muling nagpatuloy sa pagkain.