Malalim na ang gabi, ngunit gising na gising pa rin si Patrisha. Ilang beses na niyang sinubukang matulog, ngunit hindi niya alam kung bakit hindi siya dinadalaw ng antok. Paulit-ulit kasing bumabalik sa kanyang isipan ang mga bagay na nakita niya kanina.
Ang tila komportableng pakikipag-usap ni Archer sa babaeng iyon, ang paraan ng pagngiti nito, at kung gaano ito ka-relaxed sa presensya ng babae. Hindi niya maintindihan kung bakit, pero sa tuwing naaalala niya ang mga iyon ay may kung anong iritasyong kumikirot sa kanyang dibdib.
Sa buong buhay niya, halos lahat ng lalaking nakikilala niya ay palaging nagpapakita ng interes sa kanya. Kaya hindi niya maintindihan kung bakit tila naiiba si Archer. Hindi niya alam kung bakit parang wala siyang kahit kaunting epekto rito.
Ni hindi man lang ito ngumingiti sa kanya. Maging ang simpleng pagtitig sa kanyang mga mata ay tila napakahirap para sa lalaki. Ramdam na ramdam niya ang bawat pag-iwas nito, na para bang sadyang iniiwasan nitong mapalapit sa kanya.
Ilang sandali pa siyang nanatiling nakahiga, ngunit hindi pa rin siya dinadalaw ng antok. Sa huli ay napabuntong-hininga siya at tuluyan nang bumangon mula sa kama.
Nakasuot lamang siya ng manipis na pantulog na hanggang kalagitnaan ng hita. Hindi na niya ito pinag-isipan pa habang lumalabas ng silid at dahan-dahang bumababa sa kusina upang uminom ng tubig.
Tahimik ang buong mansion nang mga sandaling iyon.
Pagdating niya sa kusina ay agad siyang nagtungo sa counter at kumuha ng baso. Kumuha siya ng tubig at saka bahagyang napahinto nang mapansin ang isang pamilyar na lalaki sa kabilang bahagi ng kusina.
Si Archer. May hawak itong isang baso at tila katatapos lamang uminom ng tubig.
Nagkatinginan silang dalawa. Ngunit tulad ng dati, si Archer ang unang umiwas ng tingin. At bago pa man siya makapagsalita, ay mabilis nitong ibinalik ang baso sa counter. Tahimik itong tumalikod at nagsimulang humakbang palayo.
Napakunot-noo naman si Patrisha. Again. Hindi man lang nito siya kayang kausapin nang maayos at sa halip ay basta na lamang aalis upang makaiwas.
Mabilis siyang napatingin sa hawak niyang baso. Isang ideya ang biglang sumagi sa kanyang isip.
“Archer,” tawag niya sa lalaki.
Huminto naman si Archer ngunit hindi lumingon sa kanya.
“Aalis ka na agad? Bakit parang nagmamadali ka? Para kang nakakita ng multo, ah.” Pilit niyang itinatago ang inis na nararamdaman.
“Uhm… kailangan ko kasing magbanyo,” saad ng lalaki.
Agad namang napangisi si Patrisha. Alam niyang palusot lamang iyon. “Talaga?” tanong niya. “Pero bakit hindi mo ako matingnan?”
Nanatiling tahimik si Archer. Ilang segundo muna ang lumipas bago ito dahan-dahang humarap sa kanya. Ngunit hindi rin nagtagal ang tingin nito sa kanya at mabilis ding binawi ng lalaki.
Napasinghap siya sa inis dahil doon. Saka siya nagsimulang humakbang palapit dito.
“Sabihin mo nga, may problema ka ba sa akin?” seryosong tanong niya rito.
Nakita niya ang paggalaw ng lalamunan nito bago ito sumagot. “Wala.”
“Pero bakit ganyan ka?”
“Sorry, hindi ko maintindihan ang ibig mong sabihin. Pasensya ka na kung may nagawa akong hindi maganda para sa’yo,” wika ni Archer, ngunit ang mga mata ay nanatiling kung saan lamang nakatingin.
“Gusto kong tingnan mo ako ngayon sa mga mata ko,” utos niya sa lalaki.
Humugot ng malalim na paghinga si Archer saka ito diretsong tumingin sa mga mata niya.
“Ayan. Mahirap bang gawin ‘yan?” Hindi na niya naitago pa ang inis na nararamdaman niya. “Bakit ba sa tuwing kinakausap mo ako, ay iniiwasan mo ako ng tingin? May problema ba sa itsura ko? Hindi ba ako maganda para sa’yo?”
Nanatiling tahimik si Archer, ngunit nanatiling nakatitig sa kanya ang seryosong mga mata nito. Halos mabingi siya sa katahimikang sandaling bumalot sa kanila.
“Bakit ba kasi ang hilig mong magsuot ng maninipis at maiiksing damit?” Malalim ang boses na iyon ni Archer. Ramdam niya ang tila biglang pagiging seryoso nito.
“Huh?” Sandali niyang tiningnan ang sarili. “Anong masama sa suot ko?”
“Mainit ba sa kwarto mo? Sira ba ang aircon mo?” magkasunod na tanong ni Archer sa kanya.
“Ano?” Kumunot ang noo niya.
“Hindi ka ba nilalamig dahil sa nipis at iksi lagi ng suot mo?”
“Ah! Kaya paulit-ulit mo akong sinusuotan ng jacket mo? Bakit? Naiinis ka sa paraan ng pananamit ko?”
Hindi sumagot si Archer, ngunit nakita ulit ni Patrisha ang paggalaw ng lalamunan nito.
“Gets ko na! Ayaw mong may maakit akong lalaki rito? Lalo na si Lance?”
“Tama ka,” mabilis na sagot ni Archer na ikinatigil sandali ni Patrisha.
“A-Ano?”
“Ayaw kong may ibang lalaking titingin sa’yo dahil sa iksi at nipis ng suot mo. Lalo na si Lance,” seryosong sabi ni Archer.
Kaagad namang nakaramdam ng kakaibang pagkabog ng dibdib si Patrisha dahil doon.
“H-Huh? I-Ibig mong sabihin… bakla ka nga?”
Agad na kumunot ang noo ni Archer sa sinabi ni Patrisha.
“What?!”
“Bakla ka? Kaya naiirita ka sa akin kasi ang ganda ko at ang sexy ko? Ayaw mong maakit ko si Lance kasi gusto mo siya?” sunod-sunod na tanong ni Patrisha.
“What the—ano bang pinagsasasabi mo?!”
Nahimigan ni Patrisha ng pagkainis si Archer.
“Eh… sabi mo, ayaw mong may ibang lalaking titingin sa akin. Lalo na si Lance.”
Humugot ng malalim na paghinga si Archer habang nananatiling nakatitig lamang sa mga mata ni Patrisha.
“Hindi ako bakla. Okay? Kaibigan ko si Lance at wala akong gusto sa kanya kasi hindi ako bakla!” Mariin ang pagkakasabing iyon ni Archer.
“Huh? Kung hindi ka bakla… ano pala ‘yon?” nagtatakang tanong ni Patrisha.
“What?” iritang tanong naman ni Archer sa kanya.
“Iniiwasan mo ako, hindi mo ako magawang tingnan nang diretso kung hindi ko pa sabihin sa’yo. Kapag magkasama tayo, ramdam kong naiilang ka at hindi ka komportable. Sa iba, nagagawa mong ngumiti, pero sa akin… kahit isang beses hindi mo ako nginitian. Noong una, akala ko bakla ka kaya ganoon ka sa akin. Parang ang sungit mo. Para kang walang pakialam. Pero ngayon… malinaw na lahat.” Sinalo ni Patrisha ang mga titig ni Archer sa kanya. “Hindi ka bakla. Sadyang… wala ka lang talagang interes sa akin. At alam mo bang bago ang lahat ng iyon sa akin. Ngayon lang may lalaking walang interes sa akin,” matapang na pahayag niya.
Muli silang binalutan ng katahimikan dahil hindi nagsalita si Archer matapos ang lahat ng sinabi niya.
Suminghap si Patrisha at sa huli ay sumuko na. Nagmumukha lang siyang ewan sa harapan nito. Bakit ba niya kailangang sabihin pa ang lahat ng iyon dito?
“Kalimutan mo na.” Tanging nasabi niya na lamang, saka siya tuluyang tumalikod sa lalaki.
Pero bago pa man siya makahakbang ay kaagad na dumulas sa kamay niya ang basong kanina pa niyang hawak. Bumagsak iyon sa sahig at agad na nabasag.
Bahagya pa siyang napasigaw dahil sa gulat. Mabilis naman siyang yumuko upang pulutin ang mga nagkalat na bubog. Ngunit tila nakalimutan niyang may mga matutulis pang bahagi ng salamin.
“Ah!”
Napaatras siya nang tumama ang isang maliit at matulis na piraso sa kanyang daliri. Mabilis niyang hinawakan ang kamay niya hanggang sa may dugong unti-unting lumabas mula sa kanyang daliri.
Agad na lumapit si Archer sa kanya.
“Don't move.”
Napatingin siya sa lalaki.
Halata ang pag-aalala sa mukha nito habang hinahawakan nito ang kanyang kamay upang tingnan ang sugat.
“You're bleeding.”
Binawi ni Patrisha ang kamay mula sa lalaki. “It’s okay. It’s just a small cut.”
Ngunit muli naman iyong kinuha ni Archer upang maingat na tingnan. “You shouldn't have picked it up with your bare hands,” wika nito.
Nakatutok lamang ang mga mata ni Archer sa kanyang kamay habang maingat nitong sinusuri ang sugat niya.
“Wait here. I'll get the first-aid kit,” sabi pa ni Archer saka ito mabilis na tumalikod upang kunin iyon.
Binuksan ni Archer ang isa sa mga drawer doon sa kusina saka kinuha ang isang box. Pagkatapos ay bumalik siya sa kinaroroonan ni Patrisha.
“Sit down,” maikli nitong saad.
Hindi na kumontra si Patrisha at agad na umupo sa isa sa mga upuan sa kusina. Umupo naman si Archer sa tabi niya at inilapag ang first-aid kit sa mesa.
Maingat nitong binuksan ang kahon bago kinuha ang bulak at antiseptic.
“Give me your hand.”
Iniabot naman ni Patrisha ang kanyang kamay. Maingat na hinawakan iyon ni Archer at dahan-dahang nilinis ang maliit na sugat sa kanyang daliri.
Napangiwi siya nang bahagyang humapdi ang sugat.
“Masakit?” tanong ni Archer.
“Medyo.”
Bahagya itong tumingin sa kanya bago muling ibinalik ang atensyon sa kanyang daliri.
“Tiisin mo lang. Saglit lang.”
Tahimik na lamang si Patrisha habang pinagmamasdan ang lalaki. Ngayon lamang niya napansin kung gaano ito kaingat sa bawat kilos nito.
“Hindi naman malalim,” saad ni Archer matapos suriin ang sugat. “Pero kailangan mong mag-ingat.”
Hirap na napalunok si Patrisha. Hindi na niya maintindihan ang sarili. Kanina pa nagwawala ang dibdib niya at hindi niya maalis ang mga tingin sa lalaking nasa harapan niya ngayon.
Kumuha si Archer ng maliit na bandage at maingat na idinikit iyon sa kanyang daliri. “Sa susunod, huwag mong pulutin ang bubog gamit ang kamay mo.” Nag-angat ng tingin si Archer sa kanya. “Bumalik ka na sa kwarto mo. Ako na ang bahala rito,” saad pa ng lalaki sa kanya.
Magsasalita sana siya, pero sa halip ay bigla na lamang siyang sininok habang nakatitig sa mga mata ni Archer, na hindi rin inaalis ang tingin sa kanya.