“If you’re going to walk around the mansion, go back to your room and change.”
Paulit-ulit na bumabalik sa isip ni Patrisha ang mga salitang sinabi sa kanya ni Archer. Paulit-ulit din niyang iniisip kung ano ba talaga ang ibig sabihin nito.
“Ibig sabihin ba no’n… ayaw niyang makita ng ibang tao na ganoon ang suot ko kasi masyadong revealing? So, pinoprotektahan niya ako?” mahina niyang tanong sa sarili bago siya sandaling natigilan sa sarili niyang naisip.
“Oh no! Mukhang hindi naman ganoon ‘yon, ‘di ba?” agad niyang bawi sa sarili niyang sinabi nang maramdaman niyang umiinit ang magkabilang pisngi niya.
“Ano naman sa kanya kung revealing ang suot ko? Eh mukha naman siyang walang pakialam sa akin.”
“Mommy?”
Nagitla pa siya nang biglang magising si Eros sa kanyang tabi. Mula kanina ay ngayon lamang ito nagising.
“Oh, anak, good morning!” masiglang bati niya sa bata.
“Good morning, Mommy. Have you been here in my room all this time?” marahan at tila inaantok pa na tanong ni Eros sa kanya.
“Oh… Not really, sweetheart.”
“I told you, I’m a big boy now, so you don’t have to watch over me while I sleep anymore.”
Napatawa nang mahina si Patrisha sa sinabi ng anak. “No, sweetheart! You’re still my baby. Don’t grow up too fast.”
“Okay, Mommy. I’m your baby, but I’m a big boy now.”
Napalabi siya saka niyakap ang anak. “Alright. I understand now that you’re a big boy. But still, you’re my baby, okay?”
“Okay, Mommy.”
Nakangiting hinalikan niya sa noo ang anak bago ito tuluyang bumangon sa kama.
“Come on. Let’s get you ready for breakfast.”
Tumayo na rin si Patrisha at inayos ang buhok ni Eros bago sila parehong lumabas ng silid.
Pagbaba nila, ay agad niyang napansin ang ilang mga kasambahay na abala sa paligid ng mansion. May ilan na naglalakad papunta sa kusina, habang ang iba naman ay may inaasikasong mga gawain.
Habang naglalakad sila ni Eros, hindi sinasadyang napatingin si Patrisha sa kabilang bahagi ng hallway nang may marinig siyang mga ingay at boses.
“Archer!”
Nakita niya ang isang lalaki na masayang lumapit kay Archer. Sa itsura nito ay tila kaedad lamang ito ni Archer. At sa unang tingin pa lang ay mapapansin nang mukhang matagal nang magkakilala ang dalawa.
Pagkalapit ng lalaki ay agad nitong inilagay ang isang braso sa balikat ni Archer. At ang mas ikinagulat ni Patrisha ay ang sumunod na nangyari.
Ngumiti si Archer.
Bahagya lamang, pero malinaw na nakita iyon ni Patrisha. Napahinto siya sa paglalakad dahil doon.
“Mommy?” tawag ni Eros.
“Hmm?”
“Why did you stop?”
Napabaling siya ng tingin sa anak.
“Uhm… wala… It’s nothing.”
Muli siyang napatingin sa dalawang lalaki. Hindi niya maiwasang mapakunot ang noo.
Ngumiti si Archer. At sa pagkakaala-ala niya, iyon ang unang beses na nakita niyang ngumiti ang lalaki. At dahil iyon… sa isang… lalaki?
Samantalang kapag siya ang kaharap nito ay halos hindi man lang siya tingnan nang diretso.
“Let’s go, Mommy. Gutom na po ako,” yaya ni Eros sa kanya.
“Okay, baby,” kaagad na tugon niya sa anak, saka sila nagpatuloy sa paglalakad.
Pero hindi na nawala sa isip ni Patrisha ang nakita niya.
Sa buong panahon na nakikita niya si Archer ay hindi niya ito nakikitang ngumiti. Kaya hindi niya maiwasang magtaka kung sino ang lalaking iyon at kung bakit tila ibang-iba ang kilos ni Archer kapag kasama nito.
Nang gabing iyon, palabas sana si Patrisha ng mansion upang magpahangin saglit nang muli niyang makita si Archer.
Nakatayo ito malapit sa sasakyan at tila may hinihintay. Sinulyapan niya ang oras sa suot na relo.
“Alas-onse na ng gabi. May lakad pa rin sila ni Lolo?” mahinang tanong niya sa sarili dahil sa pag-aakalang may pupuntahan pa ring trabaho ang kanyang lolo.
Ngunit maya-maya lang ay lumabas ang lalaking nakita niya kaninang umaga na kasama rin ni Archer.
“Are you ready?” Narinig niyang tanong nito kay Archer.
“Yeah,” simpleng sagot ni Archer, ngunit muli niyang nakita ang ngiti sa mga labi nito.
“Masyado mo talaga akong na-miss, ano?” sabi pa nung lalaki na ikinatawa lamang ni Archer.
Pagkatapos no’n ay binuksan pa ni Archer ang pinto ng sasakyan para sa lalaki.
Namilog ang mga mata ni Patrisha at bahagyang umawang ang mga labi niya dahil sa nakikita niyang kilos ng dalawa ngayon.
Hindi nagtagal ay sumakay ang dalawang lalaki sa sasakyan. At bago pa niya tuluyang mapigilan ang sarili, isang kakaibang hinala ang sumagi sa kanyang isip.
“Hindi kaya…” Bahagya siyang napakurap. “Oh, no way.”
Ngunit habang pinagmamasdan niyang unti-unting umaalis ang sasakyan, lalo lamang nabuo sa isip niya ang hinalang iyon.
Kanina, nakita niyang ngumiti si Archer sa lalaking iyon. Ngayon naman, aalis silang dalawa nang magkasama. At higit sa lahat, hindi niya kailanman nakitang ganoon kakomportable si Archer sa ibang tao.
Napahawak si Patrisha sa kanyang baba habang pinagmamasdan ang sasakyang tuluyang nawala sa kanyang paningin.
“Could it be…?” Napailing siya agad. “Okay, Patrisha. Don’t jump to conclusions.”
Ngunit makalipas lamang ang ilang segundo, muli siyang napaisip.
“Pero… what if he’s actually gay?!” bulalas niya sa kanyang sarili.
TAHIMIK na kumakain si Patrisha habang pinagmamasdan ang kanyang anak na abala sa pagkain. Samantala, si Don Carlo naman ay panaka-nakang nakikipag-usap kay Eros tungkol sa kung ano ang gusto nitong gawin sa araw na iyon.
“Lolo Two, can we go swimming later?” masayang tanong ni Eros.
“Of course. You can swim whenever you want,” sagot ni Don Carlo.
Napangiti si Patrisha habang pinagmamasdan ang dalawa.
Makalipas ang ilang sandali, matapos niyang uminom ng tubig, bahagya siyang umayos ng upo.
“Lolo, aalis po pala ako mamaya.”
Napatingin sa kanya si Don Carlo.
“Saan ka pupunta?”
“Ngayong araw po ang dating ni Nanay Lucy. Susunduin ko po siya.”
Tumango si Don Carlo. “Okay. You can take one of the cars.”
“Thank you po, Lolo,” masayang pahayag niya.
“Ako na muna ang bahala kay Eros,” sabi pa ni Don Carlo.
“Sigurado po ba kayo? Baka maging abala lang po si Eros sa inyo. Puwede ko naman po siyang isama sa akin.”
“Ayos lang, iha. Gusto ko ring magkaroon ng oras para sa bata. Gusto niyang mag-swimming, kaya sasamahan ko siya. Ipapasyal ko siya sa resort.”
Marahang tumango si Patrisha. “Sige po,” pagpayag niya sa huli dahil mukhang desidido naman na ang kanyang lolo sa gusto nito.
Ilang sandali pa ang lumipas nang matapos sila sa pagkain. Kaagad na naghanda si Patrisha ng kanyang sarili sa pag-alis.
Nagsuot siya ng simpleng puting satin camisole na bahagyang manipis ang tela, ipinares niya iyon sa high-waisted na jeans at sandals. Hindi naman siya nagbabalak magtagal sa labas. Susunduin lamang niya si Nanay Lucy bago bumalik sa mansion.
Paglabas niya ay nakita niya si Don Carlo kasama ang anak niyang si Eros, na tila naghihintay sa kanya.
“Mommy!”
Nakangiti niyang nilapitan ang anak.
“Behave yourself with Lolo, okay? Don’t give him a hard time. Okay?”
“Yes, Mommy! I’ll behave, I promise!” masiglang sagot ni Eros.
Pagkatapos ay nag-angat ng tingin si Patrisha kay Don Carlo. “Aalis na po ako.”
Tumango ang matanda bago ito nagsalita. “Archer can go with you.”
Bahagya siyang natigilan sa sinabi ni Don Carlo. “Po?” Paglingon niya ay nakita niya si Archer na tahimik na nakatayo, ilang hakbang lamang mula sa kanila. Sa tabi nito ay nakatayo rin ang lalaking nakita niyang kasama nito kahapon. Bahagyang kumunot ang noo niya dahil doon.
“O kung gusto mo, si Lance na lang ang sumama sa’yo,” pahabol ni Don Carlo.
“Lance?” ulit ni Patrisha.
“This is Lance. Isa rin siya sa mga pinagkakatiwalaan kong bodyguard,” wika ni Don Carlo.
Ngunit bago pa siya makasagot ay agad na nagsalita ang lalaki.
“Sure, Don Carlo. I can go with Miss Patrisha.”
Napatingin si Patrisha kay Lance. Nakangiti ito habang bahagyang tumatango, tila wala naman itong pag-aalinlangan sa pagsama sa kanya.
“Okay lang po sa akin,” sagot niya sa huli, saka siya bahagyang lumingon kay Archer.
Ngunit tahimik lamang si Archer na nakatayo roon at walang ipinapakitang reaksyon sa usapan nila. Ni hindi man lang din nagbago ang ekspresyon.
Hindi niya alam kung bakit, pero bahagya siyang nainis. Sa kanya siya unang gustong pasamahan ni Don Carlo, ngunit wala man lang itong sinabi. At ngayong si Lance na ang nagpakita ng kagustuhang sumama sa kanya, ni hindi man lang ito nagpakita ng kahit anong reaksyon.
Napailing si Patrisha sa sarili.
Hindi niya alam kung bakit niya inaasahang magkakaroon ng reaksyon si Archer.
“Then it’s settled,” sabi ni Don Carlo. “Lance will go with you.”
“Okay po, Lolo,” sagot ni Patrisha, saka ngumiti kay Lance.
Ngumiti pabalik si Lance saka nagtungo sa isang sasakyan para ihanda iyon sa pag-alis.
Si Don Carlo naman ay niyaya na si Eros patungo sa kabilang bahagi kung saan naroon ang isa pang sasakyan na gagamitin nila patungo sa resort.
Nagtaka naman nang bahagya si Patrisha nang magpahuli si Archer at manatiling nakatayo lamang sa harapan niya, ngunit nasa malayo ang mga tingin nito. Tahimik at kalmado, na para bang wala itong pakialam kung sinuman ang sumama sa kanya.
Ano pa nga ba ang aasahan niya mula sa lalaki?
Muli siyang napailing sa sarili bago tuluyang tinalikuran ang lalaki. Ngunit bago pa man siya makakahakbang, nagulat siya nang bigla niyang maramdaman ang makapal na telang dumampi sa kanyang magkabilang balikat mula sa likuran.
Natigilan siya dahil doon at marahan siyang humarap sa lalaki. Napansin naman niya ang mabilis na pag-iwas nito ng tingin nang magtama ang kanilang mga mata.
Hindi maintindihan ni Patrisha kung bakit bigla na naman siyang nakaramdam ng kakaibang kaba dahil doon.
“A-Ano ‘to? Bakit mo na naman ako sinuotan ng jacket mo?”
“Manipis ang suot mo,” simpleng sagot ni Archer sa kanya.
“Huh? Pero hindi naman ako nilalamig—”
“May lalaki kang kasama,” putol ni Archer sa sinasabi niya.
“Huh?”
“Basta isuot mo na lang ‘yan.”
Pagkasabi no’n ay mabilis nang tumalikod si Archer sa kanya at naglakad palayo.
Naiwan naman siyang napanganga sa sinabi nito.
“Worried ba siya dahil baka mapansin ni Lance na manipis ang suot ko?” Napatingin siya sa likuran ni Archer. “Baka ayaw niyang matukso si Lance sa akin dahil may gusto talaga siya kay Lance?!” pagkausap niya sa kanyang sarili.