1973. SITIO SANLAKAS, PROBINSYA NG PINAGTIPUNAN.
NAGMAMADALING naligo at nagbihis si Leopoldo matapos ang ginawang pagtatrabaho sa bukid mula pa kaninang madaling-araw. Kung dangan lang kasi at hindi kaagad nagising ang kapatid na si Abe para siya halinhan kanina sa bukid.
Ngayong araw ang kasal ng kaibigan niyang si Ric sa nobya nitong si Jeneth. Pagkatapos ng ensayo sa pagmamartsa sa kapilya kasama siyempre ang ikakasal at ng ilan sa mga abay ay naglagay pa sila ng mga gayak sa entrada at sa mismong loob ng kapilya, sa mga gilid ng upuan sa gitna na daraanan nila sa pagmamartsa. Alas onse na rin siya nakauwi dahil tumulong pa silang mga abay at ilan pang kaibigan sa pagsasaayos din ng mga hinabing gayak na pawang yari sa dahon ng niyog para sa pagoda (lugar ng pagdarausan ng kainan sa kasalan). Idinikit nila ang mga dekorasyon sa pamamagitan ng p*gtatali niyon gamit ang tangkay ng dahon ng niyog sa mga kawayan na nakapalibot sa pagoda na nakalagak sa harapan ng bahay nina Ric.
Isinuot niya ang suot pang-abay niya—ang kulay tsokolate na pantalong ambel cut at kulay puting long sleeves na polo. Samantalang kinuha niya mula sa pagkaka-hanger ang ipang-iibabaw na kulay tsokolate rin na Amerikana. Mamaya na lang niya iyon isusuot kapag nasa kapilya na. Umupo siya sa sahig na gawa sa pinagdikit-dikit na pinagputol-putol at kininis na kawayan bago isinuot ang puting medyas saka siya tumayo at isinuot naman ang itim na sapatos na balat. Daig pa nito ang disco ball sa kintab at kinang palibhasa’y bagong kuha lang niya iyon sa pinagpalinisan niya ng sapatos.
Pagkabihis ay saka siya lumabas ng silid nilang magkakapatid na lalaki at saka pumanaog sa ilang baitang ng hagdan na tulad ng sahig sa ikalawang palapag ay yari din sa kawayan, ‘yon nga lang, mas matibay ang bawat baitang dahil yari ito sa tatlong pinag-ugnay-ugnay na solidong kawayan. Maingat niyang ibinaba sa sandalan ng mahabang upuan na yari sa kahoy ang bitbit na Amerikana bago siya nagdiretso sa may kabinet na nasa gilid ng sala at kinuha ang pomada ng tatay niya. Naglagay siya ng kaunting pomada at inilagay iyon sa kaniyang dalawang palad bago ipinahid sa buhok niya saka iyon ibinalik sa loob ng kabinet. Pagkuwa’y kinuha naman niya ang panlalaking suklay na kulay karamel bago siya nagtungo sa tapat ng kinasasabitan ng lumang salamin na may halos limang pulgada ang lapad at walong pulgada naman ang haba na nakasabit sa haligi ng bahay nila na yari sa kahoy. Nakapaloob ang salamin sa isang lumang kuwadro na gawa sa kahoy na binarnisan at may simpleng ukit sa bawat sulok bilang disenyo. Nagsuklay siya at inayos ang pagkakahati ng buhok na uso sa panahong iyon sa mga kabinataan. Mayamaya’y mula sa salamin ay sinipat niya ang parisukat at matandang orasan na yari din sa kahoy na nakasabit sa pagitan ng dalawang silid sa ikalawang palapag ng kubo nila. Napabuntong-hininga siya at mas minadali ang pag-aayos.
Alas-nuebe ang nakatakdang kasal nina Ric at Jeneth at pasado ala-otso na ay naroon pa siya sa bahay. Ang usapan pa naman ay dapat naroon na silang mga abay na lalaki sa bahay nina Ric ng eksaktong alas-otso para sabay-sabay na silang pupunta ng kapilya. Malilintikan na naman siya sa mga kaibigan niya nasisiguro niya.
Kasalukuyan niyang inaayos ang kuwelyo ng polo niya nang mapabaling siya may kusina nang marinig ang pagkayod sa lupa ng pintuan sa likod-bahay nila na yari din sa kawayan. Bumungad roon ang nanay niya na may bitbit na isang palanggana na puno ng mga gulay at prutas na pinitas nito sa taniman nila sa may likuran ng kanilang kubo.
“Aba’y napakaguwapo naman ng anak ko!” nakangiting bati ng nanay niya sa kaniya. Bakas dito ang saya at paghanga sa hitsura niya na minsan lang nito makita palibhasa’y minsan lang siya dumalo sa mga ganoong okasyon. “Ah, siyanga pala, dumaan dine kanina sina Berting at hinahanap ka. ‘Ika ko’y naliligo ka pa. Eh, mauuna na raw sila sa kasalan at sumunod ka na laang daw,” imporma ng nanay niya sa kaniya at saka itinukod ang isang tuhod sa pahabang upuang-kahoy bago isa-isang inilipat ang mga pinamitas sa isang basket na buli na nasa ibabaw ng lamesang-kahoy.
“Eh, kayo po? Kanina pa ba po kayo? Akala ko’y tumulong kayong maggayat ng mga sahog sa kasalan kanina?” usisa niya habang papunta sa kusina. Kumuha siya ng isang baso mula sa mga nangataob sa kawayanan sa may banggerahan at saka siya kumuha nang malamig na tubig mula sa tapayan at ininom iyon.
“Oo. Pagdating ko, eh, papasok ka naman ng kasilyas. Umuwi laang ako’t pinitas ‘tong mga ‘to para maidaan sa mga Kaka mo’t umungot sa akin kanina. Magbibihis na rin ako’t gusto kong mapanood ang kasal sa kapilya mamaya,” sagot nito.
Tumango siya at inilagay sa banggerahan ang baso bago nagpaalam sa ina. “Una na po ako, ‘Nay.”
“O, siya. Magmadali ka na’t nakakahiyang ikaw pa ang hintayin ng nobyo’t abay,” taboy sa kaniya ng nanay niya habang siya naman ay kinuha mula sa pagkakasampay sa sandalan ng upuan ang pang-abay niyang Amerikana.
Pagkalabas niya ay muli siyang bumaling sa kubo nang tawagin siya ng nanay niya ‘di pa man siya nakakalabas ng harapang-bahay nila.
Mula sa bintana na yari sa pawid at may tukod sa pagitan ng hamba ng bintana at nakabukas na takip ng bintana ay iniabot ng nanay niya ang puting panyo sa kaniya.
“O, dalhin mo’t nang hindi mamuo ang pawis sa mukha mo. Sayang at kaguwapo mo pa naman ngayon,” tudyo ng nanay niya.
Napakamot na lang siya sa may sentido bagama’t bumalik siya at kinuha mula rito ang panyong iniaabot nito.
Tulad ng inaasahan ay paalis na si Ric kasama ang mga abay sakay ng kulay pulang Sarao dyip. Naabutan niya ang sasakyan papalabas na ng looban nina Ric. Hindi naman nalingid sa pansin niya ang iba’t ibang klase ng kuwintas ng bulaklak bilang dekorasyon na marahil ay ginawa ng mga kababaihan kagabi. Nakasabit ang mga iyon sa may kulay silver na kabayo na nakatayo sa ibabaw ng hood.
Kaagad siyang sumampa sa likuran ng dyip at saka umupo sa tabi ng kaibigang si Berting bago binati si Ric na halatang kabado at ‘di mapakali sa pagkuyakoy ng mga binti habang nakaupo at nakahawak sa hawakan na nakasabit sa bubungan ng dyip.
“Nasaan nga pala ang nanay mo, Leo? Hindi ko na nakita nang bumaba ako kanina,” usisa ng nanay ni Ric na nilingunan pa siya sa likuran. Nasa unahan ang nanay ni Ric na pusturang-pustura ang mukha at nakasuot ng bestidang puti habang ang tatay naman ni Ric na siyang nagmamaneho ay nakasuot din Amerikana ng tulad sa mga abay na lalaki.
“Umuwi laang po saglit at nagbihis. May dadalhin laang daw po sa mga kaka ko’t manonood na rin ng kasal,” tugon niya.
Tumango-tango lang ang matandang babae bago ibinalik ang atensyon sa daan at manaka-naka’y kinakausap ang asawa.
Pagdating nila ay naabutan nilang marami-rami na ring mga tao ang nag-aabang sa harapan ng kapilya. Pagkababa nila ng sasakyan ay nangagsigawan ang mga naroon lalo na ang iba pa nilang kaibigan at mga pinsan ni Ric. Kaagad na lumapit ang mga ito sa kanila at binati si Ric.
Makalipas ang ilang minutong batian ay tinawag na sila ng kumpare ng tatay ni Ric na siyang maglilitrato sa kanila at pinatayo sa gilid ng kapilya kung saan may magagandang tanim at ilang namumulaklak na halaman.
“Wala pa ba ang nobya at mga abay na babae?” tanong ng isa sa mga kasama ng naglilitrato dito sa ama ni Ric.
Luminga-linga ang matandang lalaki at saka umiling.
“Baka mayamaya ay dumating na rin sila. May beinte minutos pa naman siguro bago ang seremonyas,” tugon nito bago tinawag ang anak. “Ric, hena’t salubungin natin ang magkakasal,” yaya nito kay Ric pagkakita sa ministro na magkakasal sa anak at nobya nito na noo’y kalalabas lang mula sa bahay-ministro.
“Sige po.” Sinenyasan sila ni Ric bago mabilis na tumalima sa ama nito kasunod ang mga magkukuha ng litrato.
“Tara, doon na tayo maghintay sa loob at sayang ang ayos natin kung mahuhulas laang ng pawis,” yakag sa kanila ni Berting.
Ngunit hindi pa man sila nakakapasok sa loob ng kapilya ay muli silang napabaling sa may gate ng kapilya nang mangagsilabasan ang kanina’y naroon sa loob ng kapilya pagkakita sa mga nagsisibabang grupo ng mga abay na babae mula sa Sarao dyip na tulad ng sinakyan nila kanina ay nadedekorasyunan din ng mga ginawang kwintas na sariwang bulaklak ang unahan. Pagkaalis ng sasakyan ay siya namang dating ng isang karwahe sakay naman ang nobya ni Ric na si Jeneth na hindi pa muna bumaba ng karwahe.
Tumabi ang mga babae ‘di kalayuan sa karwahe habang ang grupo naman nilang mga abay na lalaki ay lumapit sa mga ito.
Pakiramdam niya ay tumigil ang mundo niya sa pag-inog nang masilayan niya ang isa sa mga abay na noon niya lang nakita. Paano’y wari mo siya nakakita ng anghel na nahulog sa langit. Ang babaeng iyon na yata ang pinakamagandang babae na nakita niya sa tanang buhay niya.
“O, natulala ka na riyan,” untag sa kaniya ni Berting na binigyan siya ng nanunuksong tingin pagdaka’y nagpatiuna nang lumapit sa grupo ng abay na babae kasunod ng iba pang abay na lalaki. Lalong nanlaki ang mga mata niya nang lapitan ni Berting ang mismong babaeng tinititigan niya at saka nakangiting binati at inaya palapit sa tapat niya. Hindi ito kasama sa ensayo sa pagmamartsa na ginanap kagabi.
“Cris, si Leo, kaibigan ko. Leo, si Cris, pinsan ko,” pakilala ni Berting sa kanilang dalawa ng babae.
Tila naman naumid ang dila niya sa pagsasalita lalo na nang kiming ngumiti ang dalaga at nagisnan niya ang dalawang gintong ngipin nito at ang biloy sa pisngi.
‘Kumalma ka, Leopoldo!’ saway niyang maigi sa sarili at saka kinamayan ang babae.