Chapter 1
Sa apat na sulok ng malamig at maputing kwarto ng ospital, nakahiga si Nanay Celi—mahina, payat, at halos di makagalaw. Ang bawat hinga niya ay may halong paghihirap, at minsan ay may kasamang pag-ubo na kumakabog sa puso ko.
Ang puting kisame sa itaas ay may mga guhit ng bitak na parang bakas ng mga panahong hindi rin naging mabuti sa ospital na ito.
Sa paligid, ang amoy ng alcohol at gamot ay nakakapagpaalala sa akin na malayo kami sa tahanan.
Hawak ko ang kamay ni Nanay, marahan kong pinipisil paminsan-minsan, parang sinasabi sa kanya na nandito lang ako. Mainit pa rin ito kahit nanlalamig ang paligid. Sa bawat pagpikit niya, hindi ko alam kung matutulog lang siya o… baka hindi na muling magising.
Sa gilid, nakaupo si Jun, walong taong gulang, naglalaro gamit ang luma at gasgas na laruan niyang kotse. Paikot-ikot lang sa sahig, wala sa sariling nagbubunggo sa pader ng kwarto, saka isasahod sa kamay at iikot ulit.
“Jun, matulog ka na. May pasok ka pa bukas,” mahina kong sabi. Sinubukan kong gawing normal ang tono, kahit may lamig na gumagapang sa dibdib ko.
“Gusto ko dito matulog, Ate. Ayokong iwan si Nanay.”
Napabuntong-hininga ako. “Alam ko… pero kailangan mong magpahinga. Para kay Nanay.”
Tumango siya pero hindi pa rin bumitaw sa laruan. “Ate, ikaw din ha? Matulog ka rin.”
Napangiti ako. “Oo, mamaya.”
Kahit halos mabaliw kami sa problema, mas pinipili naming ngumiti. Para kay Jun. Para kay Nanay. Para sa kaunting pag-asang kumakapit pa sa amin.
Dalawang taon lang ang nakalipas, ibang-iba ang buhay namin. Maaga kaming gigising sa amoy ng sinangag na kanin at pritong tinapa.
“Mariana, gising na! Malalate ka!” sigaw ni Nanay mula sa kusina. "Opo, eto na po bumabangon na"
Paglabas ko ng kwarto, nakikita ko si Jun na nangingialam sa prituhan, nakangiti habang tinutulungan si Nanay.
Noon, kahit maliit at luma ang bahay namin, puno ito ng ingay, tawa, at kwentuhan. Walang araw na walang halakhak si Nanay habang nagsasabi ng kwento tungkol sa kabataan niya.
Hanggang isang hapon, habang naglalaba siya sa likod ng bahay, bigla na lang siyang napaupo at hinahabol ang hininga.
Dinala namin siya sa health center, at doon ko unang narinig ang salitang pneumonia.
“Gamot lang ‘yan,” sabi ko noon sa sarili ko. Pero lumipas ang mga buwan, dumalas ang pag-ubo niya, at bumigat ang dibdib niya. Isang araw, bumagsak siya sa sahig, at hindi na namin siya nagawang gisingin agad.
Simula noon, naging pamilyar na sa amin ang amoy ng ospital, ang lamig ng sahig ng waiting area, at ang tunog ng mga makina na nagbabantay sa buhay ng mga mahal sa buhay.
Lumapit ako sa nurse na nagmomonitor kay Nanay. “Kumusta po ang lagay niya?”
“Sa ngayon po, medyo ayos na siya. Kaunting gamutan na lang, makakauwi na rin kayo.”
Napangiti ako. “Salamat po…” Pero sa likod ng ngiting iyon, sumisiksik ang tanong na matagal ko nang tinatakasan, saan ako kukuha ng pambayad?
Binuksan ko ang bag ko, nandoon ang mga ilang pirasong papel ng mga reseta ni Nanay, at isang mahabang listahan ng bayarin sa ospital. Wala ni isang perang papel. Tumikhim ako, pilit nilulunok ang kirot sa lalamunan.
Kung makakalabas man si Nanay dito, hindi pa rin sigurado kung may uuwian pa kaming masisilungan bukas.
Pagbalik ko sa kama, napansin ko ang pasyente sa kabilang kama—isang matandang babae na may bisita. Tatlong apo niya, nagdadala ng prutas at pagkain. Rinig ko pa ang tawa nila habang nagkukwentuhan.
Napasulyap si Jun, at sa mata niya, alam kong iniisip niya kung bakit wala kaming ganoong eksena.
Maya-maya, naramdaman kong kumakalam na ang sikmura ko. Kanina pa ako walang kain, at ang huling tinapay na kinain ko ay kagabi pa.
“Teka, Jun, baba muna ako. Bibilhan kita ng gatas,” sabi ko, kahit alam kong baka tubig lang ang mabili ko.
Sa baba, dumaan ako sa vending machine, tinitigan ang mga de-latang pagkain at snacks. Nagtago ako sa sulok at binilang ang baryang hawak ko—walang isang daan.
Bumili ako ng isang maliit na bote ng tubig at ibinalik ang natira sa bulsa.
Pagbalik sa kwarto, dumiretso ako sa upuan sa tabi ng kama. Nilagok ang tubig, saka pinikit ang mata. Saglit lang, sabi ko sa sarili ko. Saglit lang akong magpapahinga.
Hindi ko alam kung ilang minuto ang lumipas nang mapansin ko ang malayong tunog ng sirena sa labas. Akala ko sa isip ko lang, pero sumunod ay may dumaan na dalawang nurse, nagbubulungan tungkol sa sunog. Hindi ko pinansin.
Bumalik ako sa pag-upo, hawak ang kamay ni Nanay.
Hindi pa rin mawala sa isip ko ang mga sinabi ng nurse kanina. Oo, masaya ako na medyo gumagaling na si Nanay, pero paano kung hindi ko makayanan ang bayarin? Saan ako kukuha ng ganitong kalaking halaga? Ilang beses na rin akong lumabas ng ospital para maghanap ng pwedeng umutang sa’kin, pero puro iling at “Pasensya na” lang ang naririnig ko.
Pinagmamasdan ko si Nanay Celi na nakahiga ng biglang tumunog ang cellphone ko. Si Becky pala ang best friend ko, matagal ko na rin siyang hindi nakakausap. Pinindot ko agad ang green na button.
“Hello, Becky? Kamusta?”
“Mariana…” napansin kong nanginginig ang boses niya, at parang pinipigilan ang iyak. “Pasensya ka na, pero may masama akong balita.”
Nanlamig ang kamay ko. “Ano yun?”
“Yung bahay niyo… nasunog.”
Parang huminto ang oras sa paligid ko. Napatingin ako sa natutulog na si Jun, at parang biglang lumiit ang mundo ko. “Ano? P-paano?!”
“Hindi pa malinaw, pero sabi ng mga kapitbahay, nagsimula daw sa kuryente. Wala na halos natira, Mari…”
Nanlaki ang mata ko, at hindi ko namalayang tumulo ang luha ko. “Salamat, Becky… sa pagsabi.” Mahina kong tinapos ang tawag at napaupo ako. Hindi ko alam kung matatawa ako o iiyak — parang lahat ng malas, sa amin na dumating.
Kinabukasan, maaga akong gumising. Hindi ko kayang maghintay. Kailangan kong makita mismo kung anong nangyari. Pinagbilinan ko si Jun na magbihis dahil ihahatid ko muna siya sa tita naming si Sabel.
Pagdating namin sa bahay nila, agad akong sinalubong ni Tita. “Ano na naman ‘to, Mari? Ang aga-aga.”
“Tita… pasensya na, makikiusap po sana ko na kung pwede ko po bang iwan muna si Jun dito? Kailangan ko lang puntahan yung namin bahay.”
Sumingit bigla si Tito Romy, ang asawa ni Tita. Nakatitig siya sa akin mula ulo hanggang paa, at parang may ngising hindi ko gusto. “Iiwan mo dito yung kapatid mo? Eh, anong kapalit?”
Napayuko ako at kunwari hindi ko narinig. “Sandali lang po ako, babalik din agad.” Tumango si Tita, pero ramdam ko ang mabigat na buntong-hininga niya.
Pagdating ko sa dating bahay namin, halos gumuho ang tuhod ko sa nakita. Ang dating makulay na dingding ay naging abo. Ang mga laruan ni Jun, sunog na sunog. Ang mga damit at litrato, wala na. Tanging amoy ng nasunog na kahoy at bakal ang bumalot sa paligid.
Napaluhod ako sa gitna ng guho, dinampot ang natira sa larawan naming tatlo — may bahid pa ng uling at halos kalahati na lang ang mukha ni Nanay. Pinisil ko iyon at humikbi nang tahimik.
Pagbalik ko sa bahay nila Tita Sabel ay kinausap ko siya na sana ay patuloyin kami dito pansamantala dahil nga ang bahay ay natubok ng apoy. "Tita, pasensya kung ikaw ang nalapitan ko dahil alam kung matutulongan mo kami. Saglit lang naman po kahit 2 months lang alam niyo naman po ang kalagayan ni Nanay e." ito ang sinabi kong pakikiusap kay Tita Sabel. " Naiintidihan kita Mariana, Sige magpahinga ka na."
Pumasok ako sa Silid kung saan nandun si Jun natutulog. Mahigpit ko siyang niyakap bigla siyang nagising “Ate, bakit?” tanong niya, pero sabi ko ay "Wala lang namiss lang kita, sige na matulog ka na may pasok ka pa" sabay ngiti "Ate, dito muna ba tayo kila Tita Sabel?" sabi niya nakatingin sa'kin. " Oo Jun dito ka muna ha, babantayan ko lang si Nanay sa hostipal"
Noong nakatulog na siya ulit ay lumabas na ako para bantayan si Nanay sa hospital.Matagal na akong naghahanap ng trabaho pero ang palaging sagot sa'kin ay “Pasensya na, kulang ka sa experience” o kaya “Dapat college graduate." minsan pa ay " Tatawagan ka na lang namin" akala ko ay matatanggap na ko ngunit hindi pala.
Noong umuwi ako sa bahay nila tita halos wala nang lakas, at sa sala nakita ko si Tito Romy na umiinom. Nakatitig siya sa akin habang papalapit ako sa kwarto. “Mariana…” malumanay pero may ibang tono ang boses niya. “Kung gusto mo, may alam akong trabaho… pero baka hindi mo magustuhan.” sabay ngisi sa'kin
Napakagat ako sa labi, tinapunan siya ng mabilis na tingin, at pumasok sa kwarto nang hindi nagsasalita. Ramdam ko pa rin ang titig niya kahit nakatalikod na ako.
Nakahiga na ako katabi ng katapid ko pero hindi pa rin mawala sa isip ko ang titig ni Tito Romy habang papasok ako sa kwarto. Parang nakakapasok sa balat ko yung paraan ng pagtingin niya—mabagal, parang sinusuri ang bawat galaw ko. Sinara ko agad ang pinto at sumandal dito, pilit hinahabol ang hininga ko.
“Hindi ka dapat matakot,” bulong ko sa sarili ko, pero kabaligtaran ang nararamdaman ko.
Lumipas ang ilang minuto, narinig ko ang mahihinang yabag sa labas. Bumukas nang bahagya ang pinto, at sumilip ang ulo ni Tito Romy na ikinatakot ko,
“Wala pa ang Tita Sabel,” mahina niyang sabi, pero malinaw ang bawat salita. “Kung gusto mong may makatulong sa’yo… may paraan ako.”
Napahawak ako sa kumot, pilit tinatakpan ang katawan ko kahit suot ko pa ang maluwag na t-shirt at pantalon. “Tito… ano po ang sinasabi niyo dyan.Magpahinga na po kayo parang awa niyo na po.”
Lumapit siya ng isang hakbang, ang kamay nakahawak sa gilid ng pinto. “Alam kong hirapan ka na, Mariana. Nakikita ko. Kung ayaw mong umalis dito ni Jun… pwede naman tayong magkasundo.”
Parang may kung anong malamig na gumapang sa batok ko. “Tito, mali po ang iniisip niyo. Pamangkin po ako ng asawa niyo kaya parang awa niyo na po, huwag.”
Ngumiti siya, pero hindi iyon ngiti ng isang mabuting kamag-anak—iyon yung uri ng ngiting may ibig sabihin. “Mag-iisip ka nga Mariana. Sa panahon ngayon, bihira ang taong gustong tutulong nang libre.”
Bago pa siya makalapit, biglang bumukas ang pinto ng sala. Narinig namin ang boses ni Tita Sabel, malakas at matapang gaya ng dati. “Romy! Nasaan ka ha?! huwag mong sabihin nagiinom ka na naman!!”
Para bang natauhan si Tito Romy at mabilis na isinara ang pinto. “Humanda ka sa'kin tamo” sabi niya, pero sa boses niya, parang may banta.
Huminga ako nang malalim nang marinig ko ang mga yabag niyang papalayo. Nang masigurong wala na siya sa paligid, niyakap ko ang kapatid at napapikit, pero hindi para matulog—para pigilan ang mga luha na kanina ko pa pinipigil.
Kinabukasan, iniiwasan ko si Tito Romy. Hindi ako lumalabas ng kwarto maliban na lang kung kasama si Jun o si Tita Sabel. Kahit sa hapag-kainan, palagi akong mabilis matapos kumain para makaalis agad. Pero ramdam ko pa rin ang mga tingin niya—yung mga tingin na hindi dapat nararamdaman ng isang babae mula sa isang kamag-anak.
Alam kong hindi kami ligtas dito, pero wala akong magawa. Wala na kaming bahay, wala akong trabaho, at si Jun… kailangan niya ako.