Prologue
Minsan mo na bang na isip na wakasan ang buhay mo dahil sa hirap na pinagdadaanan mo araw-araw?
Yung tipong gusto mo na lang lumambitin sa isang tali gamit ang iyong leeg? O kaya tumalon sa matataas na lugar at hayaan ang sarili mo na mahulog?
Ako kasi naranasan ko...
Nandyan 'yong pagod ka na,
Nandyan 'yong problema sa pera,
Nandyan 'yong problema sa pamilya,
At higit sa lahat, nandyan 'yong pati kaibigan ay poproblemahin mo.
Nakakapagod na at higit sa lahat nakakapangahina na kahit gusto mong maging matatag ay wala kang ibang magagawa kundi ang makisama na lang sa agos ng buhay.
Minsan na rin akong tumayo sa pintuan ni kamatayan at isang tulak na lang ay malalagutan na ako ng hininga pero meron sa loob ko ang pumipigil sa akin sa hindi ko malamang dahilan.
Nagsasawa na rin ako sa mga katagang 'wala kang kwenta', 'isa ka lang palamunin sa bahay', 'wala kang ambag!'.
Napapatanong na lang ako kung magkano ba talaga ang kailangan para may maiambag naman ako sa mundo? Baka sakaling mapag-iponan ko habang humihinga pa ako sa mundong ibabaw. Hindi pa siguro sapat ang lahat ng paghihirap ko para sabihing may ambag ako.
"Huling sahod mo na ito, Ligaya." Masungit na sambit sa akin ni Aling Gemma na siyang may-ari nang karinderya na pinagtatrabahuhan ko.
Padarag na iniabot nito sa akin ang tatlong daang piso na kabayaran sa serbisyo ko bilang dishwasher niya sa loob ng ilang buwang pagtatrabaho ko rito.
"Wala na po ba talagang pag-asa na ma-extend ang serbisyo ko, Aling Gemma?" Pagbabakasakali ko sa Ginang.
"Aba, huwag kang swapang hija. Pasalamat ka nga at kinupkop kita at baka nakakalimutan mong puro advance ng sahod ang ginagawa mo kaya yan na lang ang natira sa'yo!?" Aniya habang dinuro-duro pa ang noo ko at saka ako nito tinalikuran dahil masyadong abala ang karinderya para pagtuunan pa ako ng pansin ni Aling Gemma.
Napayuko na lamang ako sa kamay ko habang hawak ang tatlong daang piso at saka ako naglakad palayo sa karinderya ni Aling Gemma.
Pang-limang trabaho ko na ito na tinanggal ako at wala na akong ibang mapagkukunan bukod sa kakarampot na sahod na nakuha ko mula sa kanila.
Halos one thousand five hundred lang ang naipon ko at hindi ko alam kung saan aabot yun?
Kulang pa 'yon sa pangkain ko araw-araw, pamasahe, pangbayad sa ilaw at tubig at higit sa lahat ay sa mismong bahay na inuupuhan ko.
Sa hirap ng buhay, hindi na isang kahig at isang tuka ang tawag rito dahil halos kainin ko na ang lupa para lang makaraos sa buhay na meron ako. Hindi naman ako nagsisisi na mamuhay nang mag-isa dahil pinili ko ito kaysa sa buhay na meron ako dati.
Hindi ko namalayan na napunta ako sa tulay at wala sa sariling sumampa ako sa barandilya ng tulay at umupo roon na parang sarili ko ang lugar na 'yon.
Napatitig na lang ako sa tubig na nasa ibaba ko na ilang dipa ang layo mula sa tulay. Kung tumalon ba ako rito masusulusyonan ang pagiging hampas lupa ko?
"Do you think that jumping in there will solve the problem you are facing?"
Natinag ako nang may magsalita sa likuran ko at marahan akong lumingon rito. Isang bulto nang lalaki ang tumambad sa akin habang nakasandal ito sa kanyang kotse na tila walang pakialam kung maging dahilan man ito ng traffic sa tulay na kinaroroonan namin.
"Paano mo naman nasabi na may problema akong kinakaharap?" Tila pagod na sambit ko nang hindi man lang umaalis sa kinauupuan ko.
"I meet different kinds of people every day and people like you who are going through a lot are no different from me. You can talk to me if you are carrying something heavy on your chest and maybe I can help you?"
Ibinaling kong muli ang paningin ko sa ilog at tila inaanalisa ang sinasabi nang estranghero na ito. Hindi ko naman kailangan ng kaibigan dahil sila mismo ang sumusuko sa akin. Isa pa, ayokong maging pabigat sa ibang tao lalo na't hindi ko naman kilala ng personal.
"Kung ibebenta ko ba ang sarili ko sa'yo? Handa ka bang bilhin ako?" Wala sa sariling sambit ko.
Kung sa ibang pagkakataon baka ginawa ko lang biro ang mga pinagsasabi ko pero sa sitwasyon ko ngayon, desperada na ako.
"If that makes you feel better, how much?"
Napatingin akong muli sa lalaki pero ngayon nakalapit na ito sa pwesto ko nang ganun kabilis.
"Tatlong daang piso. Bibilhin mo ba ako?"
--