LIGAYA'S POV:
-
"MARHAY na aga!" Magiliw na sigaw ko habang nasa dulo ng hagdan. Napatingin pa sa akin ang mga kasambahay namin dito sa bahay dahil sa biglaang pagsigaw ko nang ganito ka aga.
Ang salitang marhay na aga ay isang salita ng mga bicolano na ang ibig sabihin ay magandang umaga.
"Ka-amay-amay, sige mong kurahaw dyan?" Natatawang sambit sa akin ni Yaya Molly. Aniya, ang aga-aga raw eh panay ang sigaw ko.
Paanong hindi?
Ito ang araw kung kailan ako ipinanganak at ito rin ang araw na ipagdidiriwang ko ang ika-labing walong taong gulang.
Patakbong bumaba ako ng hagdan at lumapit kay Yaya Molly na may dalang feather duster at niyakap ito sa kanyang bewang nang hindi alintana ang alikabok sa paligid namin.
"Syempre, nauugma ako ta 18th birthday ko na. Saro sa mga aldaw na tig-aabangan ko." Sagot ko sa kanya. Na ang ibig sabihin ay natutuwa ako dahil birthday ko na at ito ang araw na pinakahihintay ko dahil papayagan ako ni Mama at Papa na mag-aral sa Amerika.
Kung nagtataka kayo kung bakit ganun ang lenggwahe namin? Sa bicol kasi naninirahan ang angkan namin at may sarili kaming hacienda na pinapamahalaan. Dito na rin ako lumaki sa probinsiya at ngayong 18th birthday ko, papayagan ako ni Mama at Papa na mag-aral sa Amerika at isa yun sa mga pangarap ko.
Nakapasa kasi ako sa isang prestihiyosong paaralan sa Amerika kung kaya't hindi na ako makapaghintay na mapadpad doon sa oras na matapos ang kaarawan ko mamayang gabi. Ayun sa balita ko ay maraming imbitadong kilalang personalidad ang mga magulang ko. Lumaki ba naman ako sa mayamang angkan, malamang kabilang ang pamilya namin sa alta-sosyudad. May mga artista, politiko at business man ang dadating para sa birthday party ko mamaya.
"Sus, ang sabihon mo makakabwelo ka na sa paglaskwatsa?" Pang-aasar pa ni Ate Molly pero inismiran ko na lang ito.
Ako nga pala si Likhil Ganika Yaeger at ang tawag nila sa akin dito sa bahay ay Ganika dahil mukha raw akong manika.
Binitawan ko na si Ate Molly at saka ako dumiretso ng kusina para kumain ng agahan. Kung gaano kaabala ang mga tao sa sala, mas naging abala sa kusina dahil magluluto sila ng handa ko para mamaya. Ayoko sana nang bonggang birthday party kaso hindi pumayag si Mama. Bilang isang heredera, kailangan ko raw humarap sa mga tao at makisalamuha sa mundo ng alta-sosyudad. Kaya nga pinili kong manirahan dito sa probinsiya para malayo sa mga mayayamang angkan, sina Mama naman ang nagpupumilit na dalhin sa probinsiya namin ang ganoong mundo. Hindi naman ako makaangal dahil sila pa rin naman ang masusunod.
"Magandang umaga ho, Maam Ganika. Kami ho yung inatasan ng iyong Ina na magluto para sa mga putaheng nais niyo pong ihanda para sa mga bisita niyo mamaya." Wika nang isang may katandang lalaki. Malaki ang katawan nito pero mukha namang mabait.
"Magandang umaga rin ho. Nasa sa inyo na po yun kung akong luto po ang ihahanda niyo. Hindi naman po ako maarte pero ewan ko lang po sa Mama ko."
Nginitian na lamang ako ng chef at saka inatupag nito ang gagawin sa kusina. Isang masunurin at ulirang anak si Likhil Ganika at syempre ako yun. Minsan ko lang mabigyan ng sakit ng ulo ang mga magulang ko kung kaya tuwang-tuwa sila na ipagdidiriwang namin ang ika-labing walong taong gulang ko sa araw na ito. Handa na rin ang lahat maging ang mga damit na susuotin ko na pinakuha pa ni Mama sa Maynila.
Bilang nag-iisang anak ni Liviea Yaeger at Ganikus Yaeger, ibinubuhos ng mga magulang ko ang perang meron sila para sa akin. Hindi naman ako materialistic na tao dahil kontento naman ako sa mga bagay na meron ako. Mas gusto ko ngang magtanim sa bukid namin kaysa makisalamuha sa mga spoiled brat ng Maynila. At kaya rin pinili kong mag-aral sa Amerika, mas tahimik ang buhay doon kaysa rito sa Pilipinas. Kung Maynila lang rin ang kababagsakan ko, baka dito na lang ako sa hacienda namin at tumulong sa mga magsasaka. Pinaka-ayoko sa lahat ay yung mga maaarteng nilalang.
Kahit na lumaki ako sa mayamang angkan, alam ko ang trabaho sa loob ng bahay o kahit construction worker ay alam ko. Kaya kahit saan ako dalhin, kaya kong mamuhay ng mag-isa nang wala ang yamang meron ang pamilya ko.
"O, amay mo baya nagimata?" Untag sa akin ni Mama nang makita ako nitong kumakain sa kusina kaya naman nilapitan ko ito at hinalikan sa kanyang pisngi.
"Good morning, Ma. Excited lang ako kasi birthday ko na mamaya." Sagot ko.
"Ay sus. Ang sabihon mo excited ka sa regalo mi ni Papa mo saimo." Aniya na siyang ikinatawa ko. Wala naman akong ideya sa regalo na ibibigay nila sa akin dahil kung materyal lang yun, marami na ako sa kwarto.
Walang pinalagpas na okasyon ang mga magulang ko na walang regalo sa akin kahit na abala sila sa kani-kanilang trabaho. Hindi ko naranasang maging malayo ang loob kay Mama at Papa dahil hand-on naman silang dalawa sa akin.
"Hindi naman regalo ang hinihintay ko kundi ang plane ticket papuntang Amerika." Nakangising sambit ko kay Mama kaya naman nginitian din ako nito.
"Ikaw talagang bata ka, siya ubusin mo na 'yang kinakain mo at marami pang aasikasuhin para sa birthday mo mamaya. Dapat nakapaghanda ka na bago pumatak ang alas-sais ng gabi dahil ipapakilala ka namin ng Papa mo sa mga amiga ko." Tumango na lang ako kay Mama at saka ako bumalik sa mesa at pinagpatuloy ang pagkain ko.
Maaga pa naman at may oras pa ako para magliwaliw kaya naman nagmamadaling inubos ko ang kinakain ko at muntikan pa akong mabilaukan. Labas pasok rin ang mga kasambahay at tauhan sa buong hacienda dahil nga sa enggrande ang birthday party na gaganapin dito sa Hacienda Liliana.
Ang hacienda Liviea ay nakapangalan sa Mama ko na ipinamana ng kanyang mga magulang mula nang ikasal sila ni Papa. Akala ko nga perpekto ang pagsasama nila ni Papa pero hindi ko naman akalain na pinagkasundo lang silang dalawa.
Ayun sa kwento ni Mama sa akin noong bata pa ako, pinagkasundo raw silang dalawa ni Papa. Hindi nila mahal ang isa't-isa at halos hindi raw sila magkita rito sa hacienda. Isang business man si Papa at si Mama naman ay heredera katulad ko. Nang maipanganak ako ni Mama doon nagbago ang pakikitungo ni Papa at yun ang dahilan para mahalin nila ang isa't-isa.
Ang cliché masyado diba? Ipinagkasundo lang kayo ng magulang niyo nang hindi mahal ang isa't-isa? Parang ang saklap naman no'n kasi hindi ka binigyan ng kalayaan para piliin ang taong totoong mahal mo.
Kung ako siguro ang gagawan ni Mama at Papa na ipagkasundo sa isang lalaking hindi ko mahal, baka isumpa ko silanga dalawa. Kaso alam kong mahal nila ako kaya hindi nila 'yon gagawin sa akin.
Nang matapos akong kumain, nagpasya akong lumabas muna ng mansyon at naglakad-lakad patungo sa sakahan. Sobrang lawak ng lupa na siyang kinatatayuan ng mansyon at ang sakahan na halos umabot sa paanan ng bundok. Sariwa rin ang hangin at ang sarap sa pakiramdam na ganito ang bubungad sa'yo araw-araw.
Agad kong tinungo ang kwadra kung saan naroon ang alaga kong kabayo na si Goldie. Nadatnan ko pa si Jerome na siyang tagapangalaga sa naturang kwadra.
"Magandang umaga, Ganika." Nakangiting bati sa akin ni Jerome kaya naman ginantihan ko ito ng ngiti.
"Magandang umaga rin sa'yo, Jerome. Nasa kundisyon ba si Goldie? Balak ko kasing maglibot sa hacienda eh."
"Oo naman. Araw-araw naka-kondisyon si Goldie kaya pwede mo siyang ipasyal kahit saan mo gusto."
Inilabas ni Jerome si Goldie sa kwadra at lumapit naman ako sa alaga kong kabayo. Isang stallion horse na binili ni Papa sa isang auction mula sa bansang Spain at dinala rito sa Pilipinas para alagaan.
Inalalayan ako ni Jerome para sumampa sa kabayo at sa isang iglap, nasa likuran na ako ni Goldie. Humalinghing pa ito at mukhang excited din sa paglilibot namin. Nagpaalam na ako kay Jerome kaya naman pinasibad ko na si Goldie palayo sa kwadra.
Ang sariwang hangin ang siyang sumalubong sa akin habang tumatakbo si Goldie. Dinala ko ito sa isang batis na siyang itinatagong yaman ng Hacienda Liviea at talaga namang malinaw at malinis ang tubig. Nang maitali ko si Goldie sa puno, nagpalinga-linga ako sa paligid at walang atubiling hinubad ang saplot ko sa katawan bago ako sumulong sa tubig at naligo.
Isa sa mga pinakagusto ko ay ang maglangoy sa batis na ito dahil bulod sa lamig ng tubig, malinis din ito. Nag-floating lang ako sa ibabaw ng tubig at napatitig sa bughaw na kulay ng kalangitan. Hindi na ako makapaghintay na maggabi dahil yun ang siyang magiging selebrasyon ng kaarawan ko bilang isang ganap na dalaga.
"Goldie, tara maligo?" Anyaya ko sa kabayo ko na akala mo ay nakakaintindi ng salitang pang-tao. Umiling lang si Goldie sa akin kaya naman tinawanan ko na lang ito at saka ako lumublob sa tubig. Ang sarap sa pakiramdam tuwing naliligo ako sa batis nang ako lang mag-isa, tanging pagaspas ng dahon lang ang maririnig ko sa paligid at ito ang katahimikan na gusto ko.
Nang magsawa akong maligo, agad akong nagbihis at tirik na rin ang araw nang makalabas kami ni Goldie mula sa tagong batis. Masyado na ring masakit sa balat ang init ng araw kung kaya't nagpasya na lamang akong umuwi.
Sinalubong ako ni Jerome at agad kong binigay sa kanya ang tali ni Goldie na agad naman nitong kinuha. "Sulit ba ang paggagala mo sa hacienda?"
"Hindi naman ako magsasawa sa tanawin dito sa hacienda kaya malamang sulit talaga lalo na kung si Goldie ang kasama ko." Nakangiting sagot ko kay Jerome.
"Nga pala, Ganika...Regalo ko." Nagulat ako nang may iniabot na maliit na box si Jerome at binigay nito sa akin yun. Nagdalawang-isip pa ako kung bubuksan ko ba yun o hindi pero pinili ko ang una.
"Wow..." Tumambad sa akin ang isang bracelet na gawa sa gantsilyo at meron itong maliit na metal kung saan nakalagay ang pangalang Ganika. "Sana hindi ka na nag-abala, Jerome."
"Maliit na bagay lang yan pero sana magustuhan mo. Maligayang kaarawan Likhil Ganika Yaeger." Nahihiyang sambit ni Jerome.
Dahil sa tuwa ko, agad kong niyakap si Jerome at ramdam ko ang paninigas ng katawan niya. Sa tagal na pagtatrabaho nito sa amin, walang mintis ito kung magbigay ng regalo sa akin.
"Salamat rito, Jerome. Iingatan ko ito."
Matapos kong sabihin yun kay Jerome, agad akong nagpaalam dito na uuwi muna ako sa mansyon at para maghanda na rin sa bulwagan mamaya. Imbitado naman silang lahat kaya hindi ko na kailangang ulit-ulitin pa yun sa mga tao. Mula sa espesyal na araw na ito, walang taga hacienda Liviea ang maiiwan sa trabaho dahil lahat sila ay obligadong dumalo sa kaarawan ko.