Episode 9

1631 Words
"Salamat naman, Reyna at kahit na sobrang busy mo rin sa pagsusulat ay naisipan mo pa akong puntahan dito sa bahay." Ang nakangiting sambit ni Marites ng kunin pa ang hinog na papaya na dala-dala ko na galing sa sarili naming tanim sa likod bahay. Maraming bunga ang papaya namin at talagang tinatakpan pa ni nanay ng sako para hindi makita ng kung sinong mga kapitbahay at maiwasan ang hingiin lang ng libre. Hindi na uso ngayon ang bigayan ng kung anong mga nakatanim sa bakuran sa sobrang taas ng mga presyo at lahat na lang ay binibili. Si Rosa lang naman talaga ang manhid at makapal ang mukha na hindi tinatablan ng mga maaanghang kong mga salita. Mabuti nga at hindi nagagawi sa likod-bahay si Rosa dahil tiyak na hindi makakaligtas sa sakit niyang palahingi ang mga gulay namin na nakatanim gaya nga nitong papaya. Limang piraso ang mga hinog na papaya pero syempre pinili ko ang pinakamaliit at pinakapangit ang pagkahinog para nga ibigay dito kay Marites. Sa itsura pa lang naman ay mukhang hindi naman siya maselan at kahit pa bulok na ang ibigay ko sa kanya ay malugod niya pa rin na tatanggapin. Ayoko naman talahang makipagusap lalo na ang makipaglapit sa pinakabaduy na taong nakilala ko pero hinihingi ng kapalaran. "Naku, wala iyon, Marites! Marami namang hinog na papaya kaya naisipan talaga kitang bigyan." Plastik kong tugon ngunit palihim ko ng ginagala ang mga mata ko sa loob ng kanyang bahay na halos wala namang laman. Isang lamesang plastic at dalawang monoblock lang na upuan ang narito sa kanyang sala na pwede na rin kusina dahil halos magkatabi lang naman. Ilang piraso lang din ang mga gamit niya sa kusina at wala pa nga yata siyang gas stove. "Pasensya ka na dito sa loob bahay na inuupahan ko, Reyna. Wala akong masyadong gamit kaya naman ng makita ko ang loob ng bahay niyo noong pumasok na mismo ako ay talaga namang nagandahan ako. Ang dami niyong mga gamit at mga display hindi gaya ko na iilang piraso lang ang mga gamit." Halata naman na wala siyang kagamit-gamit dahil maging ang mga damit niya ay iilan lang yata at wala pa sa uso. "Kayang-kaya mo ng mamili ng mga gamit mo, Marites. Kung hindi ako nagkakamali ay malaki ang kinikita mo sa pagsusulat dahil nga sikat at maraming readers." Pagpuri ko pero ang totoo ay gusto kong itirik ang mga mata ko. "Hindi ko ginagalaw lahat ng mga kinikita ko, Reyna. Tinatabi ko at kumukuha lang ako ng sapat para sa pang-araw-araw kong pamumuhay. Medyo lumaki nga ang gastos ngayon dahil nga kailangan kong magbayad ng renta ng apartment." "Kung bakit naman kasi umalis-alis ka pa sa kung saan kang lupalop nanggaling? Sana ay nanatili ka na lang doon!" sa loob-loob kong komento. "May pinag-iipunan ka ba?" usisa ko kahit hindi naman talaga ako interesado. "Oo at kaya nga rin ako sasali sa love contest ay nagbabakasali rin ako na makakuha ng malaking premyo." Ano bang gagawin ko para hindu sumali ang baduy na babaeng ito sa contest? Gusto ko umalis na siya at huwag na siyang magpasa ng kanyang entry! "Hindi ba hindi ka nagpapakita sa mga followers at readers mo? Paano kapag ikaw ang nakakuha ng first prize na ipapakilala nationwide at kahit pa worldwide? Malalantad na ang mukha mo sa lahat," unang digha ko. "Hindi ko naman ginamit ang pen name ko sa pagsulat ng entry ko para sa love contest. Kaya wala pa rin makakaalam na ako sa ilang-kandila maliban sayo syempre." At kung alam mo lang kung gaano na kita nais na patayin simula ng sabihin mong ikaw si ilang-kandila! Marami akong nais sabihin sa nakakairitang babaeng ito pero kailangan kong magpanggan na nice para sa mga taong nakakakita at hindi ko mga kilala. Tumango-tango na lang ako at saka tumingin sa isang pinto na kung hindi ako nagkakamali ay kanyang kwarto. "Isa lang ba ang kwarto sa apartment na ito?" kunwari ay tanong ko pa kahit alam ko na rin naman at saka ako naglakad patungo sa nakapinid na pinto ng silid. "Oo, Reyna. Isa lang ang silid at tamang-tama lang talaga dahil nag-iisa lang naman ako," ani Marites na hindi ko akalain na bubuksan pa ang pinto. Ngunit gaya ng kung anong nakita ko sa sala at sa kusina ay ganun din sa loob ng kwarto. Wala nga akong nakitang kama kaya malamang na sa lapag lamang siya natutulog. "Wala akong kama, Reyna. Bukod tanging maliit na banig at kutson lang ang hinihigaan ko. Ang lalagyan ko naman ng mga damit ay mga karton na hiningi ko sa maliit na grocery diyan sa malapit." Literal nga na karton lang na pinaglagayan ng kilalang brand ng kape ang nakikita ko na narito sa kanyang walang kalaman-laman na silid. "Wala ka talagang kagamit-gamit, ano? Sobrang tipid mo naman, Marites." Biro ko pero parang totoo na rin. "Hindi naman din kasi ako magtatagal, Reyna. Gaya nga ng sabi ko sayo, kaya lang ako narito ay dahil sa contest na pareho nating sasalihan. Hihintayin ko lang ang resulta at pagkatapos, manalo man o matalo ay babalik na ako sa amin. Kaya hindi na ako mag-aaksaya pa ng pera pambili ng iba pang mga gamit dahil hindi ko na rin naman madadala pauwi ng aking probinsya." Sa sobrang tipid niya ay ultimong pagbili ng mga bagong damit ay hindi niya magawa. Ano bang pinag-iipunan ng babaeng ito? Makapagpagawa ng malaking bahay? "Payak at malayo sa sibilisasyon ang buhay sa kumunidad namin, Reyna. Nabibilang ako sa hindi kilalang mga katutubo ng bansa natin. Simula ng maulila ako sa mga magulang ko ay sila na ang nag-alaga sa akin at sumuporta sa pag-aaral ko. Kaya naman pinagbutihan ko talaga na matutong sumulat, bumasa at bumilang para ako naman ang magtuturo sa mga kalahi ko. At kaya rin ako nagpursige na magsulat bilang si ilang-kandila ay para sa kanila. Gusto kong makatulong sa mga kalahi ko. Gusto ko na gawing bato ang bawat bahay na gawa sa pawid at kugon na laging nasasalanta ng malalakas na hangin sa tuwing may bagyo. Marami akong pangarap para sa mga kalahi ko kaya kahit mahirap makipagsapalaran ng mag-isa dito sa lungsod ay lakas-loob na akong lumuwas bitbit ang pag-asa na kasama ko ang bawat isa sa pagsali ko sa patimpalak na ito." Palakpakan ko ba si Marites? Sabihin ko rin ba ang, very well said? Malay ko ba kung saan siyang katutubo nabibilang? At saka, kanya-kanya lang tayo ng mga pangarap pero sa pagkakataong ito at iisa ang pangarap namin. Ang manalo sa love contest. "Lalo tuloy akong nahiya na sumali sa contest kung ganyan ka ka-determinado na manalo, Marites," wika ko sabay kamot sa likod ng ulo ko kahit hindi naman nangangati. "Huwag, Reyna. Kahit determinado akong manalo ay hindi naman ako nakakatiyak na ang entry ko ang mapipili. Kaya huwag kang mahihiya na sumali dahil alam kong ginawa mo rin ang best mo para ang entry mo ang mapili. At isa ako sa unang magiging proud dahil kaibigan kita." Ha? Ano raw? Kaibigan? Kailan pa kami naging kaibigan ng probinsyanang baduy na ito. Alanganin na lamang akong nakangisi na parang nakangiti sa narinig ko sa kanya. Hindi ko alam kong pina-plastic niya lang din ba ako sa kanyang naging pahayag? Paano siya magiging proud sa akin kung ako ang mapipiling mananalo kung iyon ang dahilan ng pagbaba niya sa ikasampung bundok kung saan siya nagmula? Baka nga galing siya sa lahi ng mga mangkukulam at mambabarang na gaya na sabi ni nanay at hinuhuli niya ang loob ko dahil may masama siyang balak. "Salamat, Marites pero alam ko naman na mas malaki ang chance mo na manalo kaysa sa akin. Sino ba naman ako kung ikukumpara kay ilang-kandila, hindi ba?" pagpapakumbaba ko pa kahit umay na umay na ako sa pakikipagplastikan sa kanya mula pa kanina. Kotang-kota na ako sa pagpapanggap ngayong araw na ito. "Reyna, hindi ako kilala ng kung sino man na magbabasa at magiging mga judge sa contest kaya huwag mong sabihin na porket ako si ilang-kandila ay malaki na ang chance kong manalo. Pantay-pantay lang tayo sa contest. Walang sikat, walang maraming followers at kahit pa maraming readers." Kung hilingin ko kaya sa kanya na huwag na siyang sumali para lalong maging pantay ang laban? At huwag na siyang mangarap ng mataas para sa mga kalahi niya dahil ang mga katutubo ay bagay lamang na nakatira sa mga bahay kubo dahil nga mga katutubo sila at babalik at babalik sa kung anong nakasanayan nila sa buhay. Hindi naman siya sa sasali sa kung anong prestishiyosong beauty pageant para magkaroon ng adbokasiya para dagdag puntos sa score niya. "Marites, saan ka nga pala nagsusulat ng mga stories mo? Sa laptop din ba?" usisa ko na naman dahil gusto ko talagang matagpuan ang kanyang manuscript. Umiling si Marites. "Wala akong laptop, Reyna. Bukod tanging ito lamang ang gamit ko," sagot niya sabay taas sa isang android phone na sa pagkakaalam ko ay lumang-luma na rin ang modelo. Ibig sabihin ay wala rin siyang gamit sa pagsusulat kung hindi ang isang lumang cellphone? Ang sakit kaya sa daliri na magsulat sa cellphone. "May nagbigay sa akin nito noong napadpad ako sa bayan para magbenta ng mga produkto galing sa lugar namin. Wala raw siyang cash na dala kaya binigay niya sa akin ang cellphone niya at ibenta ko raw para maging pera na hindi ko ginawa. At tama naman ang naging desisyon ko dahil sa cellphone na ito ay natagpuan ko ang writing online platform kung saan tayo nagsusulat." Mga kwento pa ni Marites na kumikinang pa ang mga mata. Sino naman ang nagbigay sa kanya ng cellphone ay malasin sana sa buhay dahil kung hindi sa cellphone niya ay hindi wala sana akong mahigpit na kalaban ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD