"Maiba nga pala ako, Marites," sabi ko sabay silip sa bintana na nakabukas kung saan matatanaw ang bahay ng mag-asawang mga sugarol.
Bukod talaga sa nais ko pang kilalanin itong si Marites ay balak ko rin siyang takutin.
Kapag natakot ko siya ay baka ma distract siya sa pagsusulat at hindi siya makapag-isip ng mabuti. At mas maganda nga na huwag na siyang magsulat pa at umuwi na lang ulit sa kung saang lugar man siya nanggaling para mabawasan ang kung sinong banta sa kasikatan na inaasam ko.
Ako dapat ang manalo at ang mga gaya niya na galing sa kung saang katutubong lahi ay manatili na lamang sa bundok dahil doon lang naman talaga sila nararapat na manirahan at huwag ng mangarap na maiba ang takbo ng kanilang buhay.
"Hindi ka ba natatakot na mag-isa? Ang ibig kong sabihin ay wala ka bang nararamdaman na kakaiba o nakikita na kakaiba?" panimula ko na sa balak kong pananakot.
Umiling naman si Marites at tila pa nagtataka sa tanong ko.
"Wala naman akong nararamdaman o nakikita na kakaiba, Reyna. Bakit ba bigla ka na lang nagtanong ng ganyan?" untag niya.
"Huwag ka na lang maingay, Marites.
Pero usap-usapan na kasi sa paligid natin na may kakaiba silang nararamdaman at nakikita sa lugar na ito lalo na diyan sa bahay ng mag-asawang sugarol. May mga nakakarinig daw ng parang boses ng matanda na humihingi ng tulong sa hatinggabi. At may nakikita nga na may nakatayong matandang babae diyan sa labas ng bakuran." Sinadya ko talagang ibahin ang boses ko para maging kumbinsido ang pananakot ko.
"Wala talaga, Reyna. Hindi ako nakakaramdam ng kahit na anong kababalaghan dito sa bahay o kahit labas pa ng bahay. Baka naman nagkakamali lang ang mga nagkwento. Kasi ako mag-isa lang sa buong maghapon pero wala talagang nagpaparamdam o nagpapakita sa akin." Kwento pa ni Marites.
Mukhang mahihirapan yata akong takutin ang babaeng ito dahil hindi yata siya ang tipo ng taong matatakutin.
Hindi naman siya maninirahan ng mag-isa sa bahay na ito kung takot siya sa kung anong multo sa paligid.
"Mabuti naman pala kung ganun. Pero nag-aalala kasi ako sayo simula ng malaman ko ang mga bulungan diyan sa labas ng bahay," plastik ko pang sambit kahit ang gusto ko naman talaga ay matakot na siya ngayon pa lang para mag-alsa balutan na.
"Kapag kasi wala akong ginagawa ay nagsusulat lamang ako at wala na akong pakialam pa sa mga nangyayari sa paligid lalo na kapag hook na hook na ako sa sinusulat ko. Oonga pala, Reyna, tapos mo na ba ang manuscript mo? Ako kasi tapos na at balak ko ngang ipasa isang linggo bago matapos ang deadline."
Ewan pero nayabangan ako sa paraan ng pagsasalita ni Marites lalo pa at nakangiti siya.
Pakiramdam ko ay iniinggit niya ako dahil nga tapos na siya at naghihintay na lang ng araw para mapasa niya na ang kwentong ginawa niya para sa love contest.
"Hindi ko pa tapos iyong akin pero malapit ko na rin matapos," wika ko na lang kahit ang totoo ay marami pa akong nais na idagdag sa mga sinulat ko.
"Hihintayin na pala kita, Reyna. Tapusin mo ang kwento mo at sabay na tayong magsubmit sa tv station. Pero huwag kang magmamadali, ha. Willing naman akong maghintay kung kailan ka matatapos basta huwag ka lang lalampas sa deadline."
"Ayoko nga! Ayoko nga na sumali ka sa love contest na iyon!" asik ko sa loob-loob ko.
"At saka, huwag mo na lang paniwalaan iyong mga naririnig mo na may multo dito sa bahay dahil baka gawa-gawa lamang ng malilikot na imahinasyon ng mga tao," aniya pa ni Marites sa akin.
Hindi!
Dapat matakot si Marites!
"Alam mo ba na hindi naman talaga ang mag-asawang kilala mo ang may-ari ng apartment na ito?"
Bakas sa mukha ni Marites na wala siyang alam.
"Isang matandang babae ang tunay na nagmamay-ari ng apartment na ito. Si Aling Toyang. At wala kahit na sino sa amin ang nakakaalam kung nasaan na si Aling Toyang ngayon dahil bigla na lang siyang nawala ay hindi na nakita pa na lumabas sa kanyang bahay gayong araw-araw na madalas siyang nagwawalis diyan sa harap bahay." Mga kwento ko.
"Ganun ba? Saan kaya nagpunta si Aling Toyang?" usisa na ni Marites.
"Nawala si Aling Toyang simula ng dumating ang mag-asawa na yan sa bahay niya. Kwento nila ay umuwi raw ang matanda sa probinsya nito at sa kanila na hinabilin ang lahat ng mga naiwan niya kabilang ang apartment na ito. Pero marami ang hindi naniwala sa mag-asawang iyon."
Mataman ng nakatingin at nakikinig sa akin si Marites.
Kahit ang totoo ay nangangalay na ako dahil kanina pa kami nakatayo.
Wala man kasing maupuan dito sa loob ng kanyang silid.
"Bakit naman hindi kayo naniniwala kay Ate Marimar at kuya Rene?"
Inilapit ko ng bahagya ang mukha ko sa mukha ni Marites.
"Ang paniniwala kasi ng mga tao sa paligid ay baka nasa loob lamang ng bahay na yan si Aling Toyang. Baka ikinulong na lang ng mag-asawang sugarol at nakakaawang matanda o kaya ay pinatay at diyan na lamang inilibing sa loob ng bahay." Hininaan ko ng todo ang boses ko. Tipong pabulong na lang pagbigkas ko.
Napatakip pa ng bibig si Marites sa isiniwalat ko.
"Totoo? Ganun ang paniniwala niyo kung bakit biglang nawala si Aling Toyang?" hindi makapaniwalang mga tanong ni Marites.
Sunod-sunod akong tumango.
"Hindi mo napansin na maaga pa lamang ay umaalis na sila bahay? Al mo ba kung saan sila pumupunta?"
Umiling si Marites.
"Maaga kasi sila sa sugalan diyan sa malapit. At alam mo naman siguro na ang taomg sugarol ay gagawin ang lahat para magkapera para maipangsugal. Kaya nilang gawin ang lahat kahit pa ang gumawa ng masama na aabot pa sa pagpatay ng kapwa."
Lalong lumaki ang mga mata ni Marites sa mga narinig na kwento ko
Dapat siyang maniwala na bukod sa multo dito sa apartment na inuupahan niya ay delikado pa ang buhay niya sa kamay ng mag-asawang sugarol.
"Totoo ba, Reyna? Totoo kaya na kayang gawin ni Ate Marimar at Kuya Rene ang ganung karumaldumal? Para naman kasing okay lang sila."
Gusto ko na yatang iuntog si Marites sa pader dito sa silid niya para huwag na siyang mag-alinlangan pa na maniwala sa mga sinasabi ko.
"Paanong hindi kami mag-iisip ng masama kung dumating na lang sila dito sa bahay ni Aling Toyang at nagpakilalang malalayong mga kamag-anak na sa pagkakaalam namin ay wala ng mga kamag-anak ang matandang babaeng iyon kaya nga nag-iisa na lang siyang nabubuhay dito sa lugar namin. At sa pagdating ng mag-asawang yan ay bigla na lang nagkaroon ng sakit si Aling Toyang na sinasabi nilang dahilan kung bakit nga ito umuwi sa probinsya nila. At ang mag-asawa nga na yan ang siyang namahala na ng apartment na ito. Simula nga ng sila na ang maging landlord at landlady ay wala ng tumagal na nangungupahan dahil nga ang swapang daw sa pera ng mag-asawang yan. Wala pa raw sa duedate ay naniningil na sila at makikita mo nga na nakaupo na maghapon sa sugalan." Patuloy kong pagkwento.
"Dahil sa pagka adik nila sa sugal kaya sila napansin sila ng mga tao. Wala naman silang mga trabaho pero nakakapag sugal sila buong maghapon at magdamag? May mga nakakakita pa na unti-unti nilang nilalabas ang mga gamit sa bahay ni Aling Toyang at binebenta na. At malamang pati ang ipon ng matandang babae ay naubos na nila sa kakasugal." Dagdag ko pang kwento.
Minsan kasi ay nakita ko ang mag-aswang iyon na bitbit ang isang malaking rice cooker pero pag-uwi nila ay wala na silang daladala. Kaya malamang na nagbebenta na sila ng mga gamit at iba ay hindi ko na napansin na nailabas nila.
"Napapansin ko nga na halos wala namang tao diyan sa tabing bahay. Buong akala ko ay nasa trabaho silang mag-asawa, " sabi ni Marites na hindi malamang makapaniwala sa mga nasabi ko.
"Nagsusugal lang sila, Marites. Kaya kung mangungutang sayo ay huwag na huwag mong pauutangin dahil siguradong hindi na nila babayaran pa. At mag-ingat ka ng husto dahil ang taong sugarol ay gagawin ang lahat magkapera lang gaya nga ng sapantaha namin na ginawa nila kay aling Toyang." Pananakot ko pa rin.
Kung hindi natatakot sa multo si Marites ay matatakot naman siya siguro sa kung anong pwedeng gawin ng mga tao na gaya ng mag-asawang Marimar at Rene.
"Ako lang naman ay concern sa kaligtasan mo Marites at ayoko naman na mapahamak ka lalo na sa kamay ng masamang tao na gagawin ang lahat sa ngalan ng pera kahit pa ang makagawa ng kasamaan. Kaya naman kung balak mo pa na magtagal sa apartment na ito ay mag-ingat ka ng mabuti lalo na sa mga taong pagkakatiwalaan mo." Babala ko pa at may-maya nga ay nagpaalam na akong aalis.
Nasabi ko na rin naman ang mga nais kong sabihin para itaboy siya sa lugar na ito.
"Salamat sa paalala mo, Reyna." Pasasalamat pa sa akin ni Marites ng ihatid niya na ako sa harap ng gate ng apartment.
Ngunit ganun na lamang ang pangingilabot ko ng may makitang kakaiba sa harap ng pinto ng apartment kung saan tumutuloy si Marites.
Nakusot ko pa ang mga mata ko para malaman kong namamalikmata lamang ba ako.
Pero pagtingin kong muli ay wala na ang nakakapangilabot na nilalang na nakita ko.
Hinanap ko pa sa buong paligid ngunit wala na akong makita pa.
Bigla tuloy akong nanlamig.
Hindi ko alam kung namalikmata lamang ba talaga ako pero ito na ang pangatlong beses na nakita ko ang nilalang na yon.
Iyong nilalang na dalawang beses ko ng nakita sa tabi mismo ni Marites.