Wala na akong magagawa kung hindi ang samahan at sabay na rin kaming magsumite ng kwento na aming ilalahok sa love contest ni Marites.
Paano naman kasi ay wala rin akong kasama dahil ito ngang si Rosa ay nagtrabaho na.
Well, mabuti nga at naisipan ng nagtatrabaho na ang patay gutom kong kaibigan dahil sa totoo lang ay ang lakas niyang kumain. Daig niya pa ang kapatid kong nagtatrabaho bilang construction worker sa lakas niyang lumamon.
Mabuti at malalaman na ni Rosa na mahirap kumita ng pera kaya sana ay maintindihan niya na hindi pwede na lagi na lang siyang umaasa sa iba.
Ewan kong maisip niya o baka mas lumala pa ang ugali niya. Baka sa halip na magsikap siya ay mapagod dahil nga nakakapagod naman talaga ang magbanat ng sariling mga buto.
Mamayang madaling araw ang alis namin ni Marites para maiwasan ang traffic at syempre ang mainit na panahon. Mabuti ng bago pa pumutok ang araw ay naroon na kami sa harap ng tv station at naghihintay na lang sa pagbubukas nito.
Excited ako, syempre. Pero hindi ko rin maiwasan ang mangamba lalo at makakasabay ko pa talagang magpunta si Marites na alam kong isa sa mga mahigpit kong makakatunggali.
Hindi pa naman ako nabigyan ng pagkakataon na makita man lang ang sinulat niyang kwento dahil nga matagal niya na pala talagang natapos.
Kung alam ko lang na napa-print niya ng maaga ay sana ay mas naglagi ako sa apartment niya para simple kong hinanap ang kwento na ginawa niya.
"Bakit ba kasi parang lalo akong inaasar ng pagkakataon? Bakit sa lahat ng pwede kong makasabay ay si Marites pa na nagpapakilala bilang si ilang-kandila? Hanggang ngayon ay napaka in-demand ng mga story niya sa online writing platform kung saan kami pareho na nagsusulat. Hindi na ako talaga magtataka kung malaki na ang naging ipon niya sa pagsusulat dahil nga sa sobrang tipid niya." Mga bulong ko sa aking isip.
Kinuha ko ang manuscript ko na nilagay ko na sa isang plastic envelope para iwasan na madumihan lalo na ang mabasa.
Dapat na presentable at malinis na malinis na makikita at mahahawakan ng mga kung sinong hurado ang mga papel na naglalaman ng kwento ko.
Ang kwento na sinulat ko at itinuturing ko bilang obra maestra.
Ang kwento ko na magdadala sa aking pangalan sa kasikatan at sa tugatog ng tagumpay.
Tama.
Hindi ako dapat magpa epekto kay Marites.
Hindi ako dapat na mag-alala at matakot na kasali siya sa contest.
Dapat ay mag-isip lang ako ng positibo na ako ang siyang makukuha ng first prize at hindi ang babaeng probinsyana na baduy na may multo pang bantay.
Anong akala ng multo na iyon? Natatakot ako sa ginagawa niyang pananakot?
Hindi niya ako matatakot kung iyon ang plano niya. Baka na se-sense niya na mas maganda ang kwento na ginawa ko kumpara kay Marites kaya niya ako tinatakot?
Pwede.
Pinagbabantaan niya siguro para huwag ko na rin ituloy ang pagsali ko pero sorry siya. Hindi ako matatakot ng kahit na sino. Buhay man siya o patay ay walang makakahadlang sa minimithi kong pangarap.
Nararamdaman ko na talaga na ang pagsali ko sa love contest ang siyang magpapabago ng buhay ko.
Ang makakapag-alis sa akin sa mahirap na lugar na ito na punong-puno ng mga basura at mga taong basura rin ng lipunan gaya nga ni Aling Biday at nang babaeng maraming umaasawa.
Hindi ako nararapat sa manirahan habang buhay sa ganitong klaseng lugar.
Nakikita ko na ang sarili ko na nakatira sa isang malaki at napakagarang bahay na matatagpuan sa mga exclusive subdivision na kahanay ng mga mayayamang tao.
Hindi na ako natulog at hinintay na lang na pumatak ang oras na naging usapan namin ni Marites na kami ay aalis.
Dapat ay maaga talaga kami dahil nga maraming mga hampaslupa ang pumipila sa tv station na iyon para makapasok at makapanood sa isang noontime show na nagbibigay ng mga pa premyo sa taong mahihirap na gagawin ang lahat para lang mapansin.
Naroon ang umiyak, magmakaawa na may sakit o isa sa mga kamag-anak para lamang mabigyan ng premyo.
Ang iba ay natutuwa pero hindi ako. Napakacheap ng mga ganung tao na nagsasayaw ng nagsasayaw na parang sira ulo mapansin lang.
Naligo na ako para maghanda na at isang oras na lang ay lalarga na ako para sa pagbabago ng buhay ko.
Mabuti na lang at bago natulog si Nanay ay nagluto na siya ng pwede kong kainin bago ako umalis ngayong madaling araw. Ayoko na rin naman siyang gisingin at may trabaho pa siya.
Sampung minuto bago mag alas dos ng madaling araw na siyang usapan namin ni Marites na aalis ay narinig ko na ang kanyang pagtawag sa akin.
Ang sabi ko kasi sa kanya ay tawagin niya ako sa banda kung saan naroon ang bintana ng aking silid na nakaharap sa apartment.
Ayoko ngang ibigay ang cellphone number o ang social media account ko sa kanya at baka maya't-mayain niya akong istorbohin.
Nakapagtataka talaga.
Dapat ay mag-iingay ang nga aso lalo na ang alaga naming aso sa presensya ni Marites ngunit wala talagang tumatahol na aso sa mga kapitbahay.
Bigla tuloy akong nakaramdam ng takot ng maisip na madaling araw pa pala at malamang na wala pa talagang mga gising.
Kasama ko si Marites na lalakad sa madilim na kalsada na ang mga tanglaw lamang ay mga ilaw sa poste o sa mga bahay na madadaanan namin.
"Reyna, gising ka na ba?" tanong niya sa mahinahon na boses.
"Oo, sandali at lalabas na ako," tugon ko na lang at inalis sa isip ko ang anuman na nabubuong takot.
Paglabas ko ng pinto ng bahay ay muntik pa akong mapahiyaw pagkakita kay Marites.
"Marites naman! Muntik na akong atakihin sayo. Ano ba ang suot mo? Kapag may nakakita sa atin habang naglalakad ay mapagkakamalan ka talagang white lady," wika ko dahil nakasuot lang naman si Marites ng kulay puting gown.
"Pasensya ka na, Reyna kung nakatakot kita. Heto lang kasi ang damit kong maayos-ayos. At saka nilabhan ko talaga ito ng at pibabanguhan para nga isuot ko ngayon." Katwiran ni Marites na mukhang komportable talaga sa kanyang suot.
"Malayo pa ang halloween pero balak mo talagang manakot ng mga kung sinong makikita natin o masa salubong diyan sa daan." Naiinis kong sambit ngunit ano pa ba ang magagawa ko? Ayoko naman siyang pahiramin ng mga damit ko, ano? Baka mamaya ay may kung ano pa siyang sakit o mikrobyong dala.
"Tara na nga. Baka tanghaliin pa tayo dahil lang diyan sa suot mo," sabi ko at saka pinasadahan ang kanyang napakabaduy na suot. Maging ang shoulder bag niyang nakasukbit sa kanang balikat ay nakapabaduy dahil sa laki.
"Bakit ba pati shoulder bag mo ay ganyan? Ano ba ang nakalagay sa loob niyan? Karton kung saan naroon ang mga damit mo?" usisa ko pa ng mag-umpisa na kaming maglakad.
"Narito sa loob ang manuscript ko, Reyna. Nilagay ko rito para nga iwas dumi."
Sa narinig ay napatitig tuloy ako sa shoulder bag niya.
Para ba akong nauhaw o natakam sa bagay na nasa loob nito na sinabi ni Marites.
Kung ganun ay naroon pala ang bagay na hinahanap ko.
Ang bagay na banta sa pagkuha ko sa aking inaasam na pagkapanalo.
"Sana manalo tayo, Reyna. Alam ko naman na maraming naghahangad ng unang gantimpala kaya sana ay isa sa ating ang palarin," hiling ni Marites pero ang totoo ay napa plastikan talaga ako sa kanya.
Malamang na ang panalangin niya ay siya ang manalo para mauwi niya ang malaking halaga ng pera sa mga katutubo niya sa bundok.
"Sana nga, Marites. Sana nga isa sa atin ang manalo," malabnaw kong sagot.
"Ikaw ba, Reyna? Saan mo gagamitin ang pera kung sakaling ikaw nga ang mananalo?"
Usisera rin pala itong si Marites.
"Well, gagamitin ko para makaalis ako sa lugar na ito." Tapat kong sagot dahil iyon naman talaga ang pangarap ko.
"Para maipa-mukha ko sa mga tao dito na iba ako. Na mas higit ako sa kanilang lahat." Dagdag ko pa na pag-amin.
"Bakit naman? Masama ba ang mga tao dito sa lugar niyo?" untag pa ng babaeng kasabay ko.
"Nakita at narinig mo naman sila noong harangin nila tayo habang naglalakad hindi ba? Ikaw ba ay nanaisin na manirahan sa ganitong klaseng lugar?" naiinis kong balik tanong.
Nakalabas na kami sa lugar namin at kasalukuyan na kaming naglalakad sa kahabaan ng gilid ng kalsada patungo sa waiting shed kung saan maghihintay kami ng bus patungo na sa tv station.
Tahimik pa rin ang buong paligid dahil nga pasado alas dos pa lamang ng madaling araw.
"Ahhhh!!!" sigaw ni Marites ngunit paglingon ko sa kanya ay wala siya sa tabi ko at ganun na lang ang paglaki ng mga mata ko ng mapansin ang isang bilog na butas na kasya nga ang isang tao.
Walang takip ang butas kaya naman nahulog si Marites at hindi niya napansin na may butas dahil medyo malamlam ang ilaw sa bahagi ito ng kalsada.
"Marites!" sigaw ko at saka na ako dumukwang sa bilog na butas na kanal sa gilid ng kalsada.
"Reyna, tulong, " mahinang tawag sa pangalan ko ni Marites.
Sa tono pa lang ng boses niya ay mukhang nasaktan siya. Malayo rin ang pinanggagalingan ng tinig kaya malamang na malalim ang butas kung saan siya nahulog.
"Sandali lang, Marites at hihingi ako ng tulong!" sigaw ko sa kanya at saka na ako muling tumayo para nga humingi ng tulong. Ngunit sa pagtayo ko ay nakita ko ang malaking shoulder na kanyang dala-dala kung saan nga naroon ang manuscript niya.
Ang tangka kong pagmamadali sana na pagtakbo para humingi ng tulong ay naantala na.
Tumingin-tingin ako sa paligid kung sakaling may nakakakita o nakakapansin sa amin ngunit wala talaga akong maaninag.
Pinulot ko ang bag ni Marites at saka ako tumingin sa butas kung saan siya nahulog.
Sa halip na humingi ng tulong ay kinuha ko ang malaking bilog na bakal sa na hinihinala kong takip mismo ng butas.
Kahit mabigat ang bilog na bakal ay talagang pinilit kong buhatin at saka itinakip na sa nakatiwangwang na butas kung saan nga nahulog si Marites.
"Kung bakit naman kasi baduy ka na, tanga ka pa. Akin na ito at diyan ka na, Marites," bulong ko pa at saka na nagmamadaling naglakad at iniwan na nga si Maritesa sa butas ng kanal kung saan siya nahulog.