HINIHINTAY siya ni Susan. Eksaktong natapat siya sa malaking pinto ay saka iyon bumukas.
“You’re early,” puna ni Susan.
Nakasimangot pa rin siya. “If you only knew. Kung puwede nga lang hilahin ang oras ay ginawa ko na at umuwi na rito kahit na hindi pa niya ako ihatid.”
“Bakit naman?”
Napabuntong-hininga siya. “Well, in fairness, wala namang problema kay Greggie. He was nice and tried his best to impress me. Kaya lang ako ang problema.” Pagkasabi niyon ay tinungo na niya ang hagdan.
Nakasunod pa rin sa kanya si Susan. “You don’t like him, right?” Itinulak nito ang pinto ng kuwarto para sa kanya.
Diretso siyang nahiga sa kanyang kama. Suot pa rin niya ang kanyang sapatos. Si Susan pa ang yumuko para alisin iyon sa kanyang mga paa.
“Yes. I don’t like him. In fact, I don’t want anyone. Wala pa akong balak mag-asawa. I’m still enjoying my life as a single. And I guess I’ll still be enjoying my own life until I get forty.”
“Forty?” manghang bulalas nito. “Mahihirapan ka nang magkaanak kapag ganoon na ang edad mo.”
Napangiti siya. “Alam mo naman dito sa America, hindi kagaya sa Pilipinas na kapag tumuntong sa beinte-singko ay dapat may pamilya na ang babae. Twenty-five? My God! Marami pa akong gustong gawin para sa sarili ko, `no!”
“Bakit hindi mo `yan ipaliwanag sa daddy mo? Maiintindihan ka naman siguro n`on. Isa pa, ikaw ang bunso at paborito ka niya.”
Umiling siya. “I doubt it. Minsan nga ay naiinggit ako kay Kuya Jude. Mabuti pa siya. Hindi siya pinangungunahan ni Daddy sa pagpili ng mapa-pangasawa. At isa pa, hindi rin siya pine-pressure na mag-asawa.”
“Iba naman si Jude. Alam naman natin kung gaano siya nasaktan nang iwan siya ng minahal niya. Hanggang ngayon, kahit hindi halata sa kilos niya, alam nating iniinda pa rin niya iyon.”
Umungol siya. “Dapat nga siya ang bigyan ni Daddy ng mapapangasawa para makalimutan niya ang bruhang iyon!” Halata ang inis sa boses niya para sa babaeng nag-iwan ng malaking sugat sa puso ng kanyang kapatid.
Inakala nilang lahat na magiging perpekto na ang lahat kina Jude at Wilma. Subalit iniwan ni Wilma si Jude dahil sa ibang lalaki. Lalaking doble na halos ang edad kay Wilma subalit milyonaryo. Ang balita nila ay nasa Spain na ang magaling na babae at nagpapasasa sa karangyaang kaloob ng matandang lalaking pinili nito.
“He seems not capable of falling in love again. Mukhang woman hater na si Jude.”
Nabalik ang atensiyon niya kay Susan. Nakaharap ito sa kanyang closet at ikinukuha siya ng ipapalit sa suot niya.
Bumangon siya at tinungo ang banyo. Mabilis siyang nag-shower. Nang lumabas siya ay naroroon pa rin si Susan. Sa ibabaw ng kama ay nakapatong ang damit-pantulog niya.
Walang inhibisyong tinanggal niya ang nakatapis na tuwalya sa kanyang katawan at nagbihis sa harapan nito. Ito pa mismo ang nagsuklay ng buhok niya.
“I don’t want him,” mayamaya`y sabi niya. “And I really don’t want to get married yet.”
Mula sa repleksiyon ng salamin ay tiningnan siya ni Susan. Alam nitong sa tono niya ay wala nang makakapilit sa kanya. Kahit na marahil itakwil pa siya ng kanyang ama.
“Ano`ng gagawin mo?”
Siya naman ang napatitig dito. Natiyak niyang anuman ang binabalak niyang gawin ay maaasahan niya ang suporta nito.
“Uuwi ako sa Pilipinas. Kina Tody.”
“Masusundan ka nila roon. At kayang-kaya kang bawiin ng daddy mo para ipakasal ka kay Greggie.”
“Basta, aalis pa rin ako. `Pag ginawa ko iyon, I hope na maintindihan naman ni Daddy ang punto ko.”
“Paano kung hindi pa rin?” Kumunot ang noo nito, pagkuwan ay sumilay ang mahiwagang ngiti sa mga labi nito, kasabay ang pangingislap ng mga mata.
“You mean something, Susan. You’re gonna help me, right?”
“Tutulungan kita kung talagang desidido kang hindi ka magpapakasal.” Mahina lang ang boses nito. Tila nag-aalala itong may makakarinig sa kanila gayong saradung-sarado ang kuwarto.
“Decided talaga ako!”
“Kailan ka uuwi sa Pilipinas?”
“Kahit bukas. Magtsa-chance passenger ako.”
Tumango ito. “Ibibigay ko sa iyo ang address ng bahay ko sa Aurora. Siguradong hindi ka nila makikita roon.”
“Aurora? Gaano kalayo iyon sa Maynila?”
“Pitong oras na biyahe.” At tinitigan siya nitong muli. “Independent ka naman. Kayang-kaya mo ro`n kahit na mag-isa ka lang.”
“May linya ba ng telepono roon? May cell site?”
“Hindi ko alam. Noong manggaling ako roon five years ago ay wala pa. Huwag kang mag-alala kahit malayo ka kay Tody, mababait naman ang mga tagaroon. Tutulungan ka nila kahit na hindi ka nila kamag-anak.”
Unti-unti ay nagiging interesado siya. “Iyong bahay mo, abandoned? Baka mamaya, maireklamo ako roon na trespassing.”
Umiling ito. “Bibigyan kita ng sulat. Kapag may sumita sa iyo, ipakita mo lang ang sulat ko. At saka hindi ka pagdududahan. Nasa Aurora si Manang Luding. Kahit matagal ka na niyang hindi nakikita, imposibleng hindi ka makilala ng matanda. Magkatabi lang ang bahay namin.” Si Manang Luding ang mayordoma nila noon sa Alabang.
Hindi pa man ay na-excite na siya. “Gumawa ka na ng sulat at saka iyong kompletong address, siyempre.”
Hinubad niya ang pantulog at nagbihis uli. “Babalik ako sa flat. Doon na ako kukuha ng dadalhin kong damit. `Pag nasa Pilipinas na ako, saka na lang ako tatawag kina Mommy.”
“Akala ko ba nagtatago ka, bakit tatawag ka pa?”
Napangiti siya. “Hindi ko naman sasabihin kung nasaan akong talaga.”
Mabilis na gumawa ng sulat si Susan. Nang mailagay niya iyon sa bag ay inihatid na siya nito sa garahe.
Sa tahimik na paraan ay nailabas nila ang kanyang kotse hanggang sa kalsada.
“Mapapagalitan kang tiyak. Kasabwat kita,” aniya rito.
“Okay lang. Alam mo namang sa inyong magka-kapatid, ikaw ang pinakamahal ko.”
“Salamat, Susan.”
“Mag-iingat ka. Sasabihin ko sa kanila na nagpaalam ka sa akin na pupunta ka sa flat mo.”
Nasisiyahang tumango siya rito.
SAMANTALA, sa isang panig ng Kamaynilaan.
“Ang sabi mo sa akin, uuwi tayo sa hometown ninyo,” sumbat ni Leigh sa kanya. “Bakit ngayon ay mag-isa ka lang na uuwi sa Baler? Akala ko ba, isasama mo ako?”
Napabuntong-hininga si Adan. Nasapo niya ang sariling noo. Nakukulitan na siya sa babae. Sa loob ng ilang linggo ay iniwasan na niya ito, tahasang ipinakita ang panlalamig sa pag-asang ito mismo ang makikipagkalas sa relasyon nila. Ngunit ngayong nagpasya siyang puntahan ito para sabihing uuwi siya sa probinsiya ay hindi niya akalaing gusto nitong sumama sa kanya.
God! piping daing niya. Bakit ba may mga babaaeng mahina sa pakiramdaman?
“Adan...” anito sa malambing na tono habang ang isang braso ay ikinawit sa kanyang leeg. Sadyang idinaiti nito ang dibdib sa kanyang katawan. Obvious na ipinalalanghap nito sa kanya ang pabangong ipinaligo na yata sa buong katawan nito.
“Leigh...” Disimuladong binaklas niya ang braso nito sa kanya.
“Yes, darling?” attentive namang tugon nito.
“Don’t wait for me. Magtatagal ako sa Baler. Marami akong aasikasuhin doon.”
Nakipagtitigan ito sa kanya, ang mga mata ay kumurap-kurap na tila nagbabantang iiyak.
Mabilis siyang nag-isip ng paraan kung paano ito aaluin. Ngunit bago pa man niya nasabi ang laman ng isip ay naunahan na siya nito.
“Isama mo na ako. Doon na lang tayo magpa-kasal.”
Nasamid siya sa sinabi nito. “Leigh, hindi pa ako puwedeng magpakasal. Marami pang problema sa lupain namin doon. Iyon muna ang aayusin ko.”
“Kailan mo aayusin ang tungkol sa atin?” pangungulit pa rin nito.
“Bahala na,” matabang na tugon niya.
Hanggang sa makaalis siya ay nangungulit pa rin ito. Natahimik lamang ito nang iwan niya rito ang address sa kanilang probinsiya.
Ngunit bago siya tuluyang umalis ay patuloy ang pagdi-discourage niya rito hinggil sa pupuntahan niyang lugar. Na kesyo mahirap ang daan patungong Baler. Rough road ang tila walang-katapusang zigzag. Akyat-baba sa gilid ng bundok.
Gayunpaman, tila lalo lamang itong na-excite sa mga sinabi niya.
Nagpaalam na siya rito nang hindi man lang ito iniiwanan ng kahit isang simpleng halik sa pisngi. Umaasam siyang sa pamamagitan man lamang niyon ay makahalata itong wala na siyang planong ipagpatuloy ang kanilang relasyon.