Queenie and Adan 4

1645 Words
MABILIS na nakapag-empake ng mga gamit si Queenie. Nakatawag na rin siya sa airport. May kaibigan siya roon at ipinaubaya niya rito ang pagkuha ng kanyang ticket. Wala na siyang pakialam kung anong klaseng airline ang masasakyan niya. Basta ang importante sa kanya ay ang makauwi agad siya sa Pilipinas. The sooner the better. Dahil kapag natunugan ng daddy niyang aalis siya ay malamang na ipa-hold nito ang kanyang passport. Suwerte naman na hindi peak season. Hindi na niya kailangang mag-chance passenger dahil talagang may mga bakante pang upuan sa eroplano. And to her relief, nasa first-class seat siya. Napangiti siya. Tila umaayon ang tadhana sa kanyang mga plano. Nang mag-take off ang dambuhalang eroplano ay inihanda na niya ang sarili sa pagtulog. NAIA Binasang mabuti ni Queenie ang sulat na ibinigay sa kanya ni Susan. Eksakto ang address ng bahay nito sa Baler, Aurora. Maging ang sasakyan niyang bus line ay hindi nito nakalimutang ilista. Ilang taxi na ang huminto sa tapat niya. Subalit hindi siya agad sumakay. Aware siya sa mga mapagsamantalang drivers na malapit sa airport. Kapag umuuwi sila noon sa Pilipinas ay sinusundo sila ng Tito Benedict niya, kung hindi man ay si Juniel. Napangiti na lamang siya. Bakit nga ba hindi na lang siya sa Tito Benedict niya tumuloy pansamantala? Naisip niyang kahit hindi siya pumunta sa Baler, hindi siya mawawalan ng matutuluyan. Benedict was now staying in Bulacan. Sina Bernadette at Juniel ay nasa mansion pa rin nila sa Alabang samantalang si Tody ay nasa Laguna. Kung gayon ay mayroon siyang tatlong choices. Lumapit siya sa isang phone booth at piniling tawagan si Benedict. Ilang sandali pa ay naghintay na siya sa pagdating ng susundo sa kanya. Makaraan ang isang oras na paghihintay ay dumating din ang sundo niya. Seryoso ang anyo ni Benedict nang salubungin siya nito. MATAGAL ding natahimik si Benedict nang marinig ang rason niya sa biglaan niyang pagdating sa Pilipinas. “Tumawag ka sa kanila. Sabihin mong naririto ka sa akin,” mayamaya ay utos nito sa kanya. Tumalima naman siya. Nagkataong si Susan ang nakasagot sa telepono. Pinigil niya ang sariling magtata-tanong dito at agad na hinanap ang ina. Hindi nagtagal at nasa kabilang linya na ang Mommy Dorina niya. “I’m sorry, Mommy...” aniyang salat sa sinseridad. At bago pa man ito makapagsimula ng sermon ay agad na niyang ipinasa kay Benedict ang telepono. Hindi siya lumayo sa telepono. Nais niyang marinig ang mga sasabihin ni Benedict sa kanyang ina. Tiyak niyang galit ang kanyang mommy. Ang nais nito ay ihatid siyang muli sa airport at tiyaking sasakay siya sa eroplano pabalik sa Chicago. Nais nitong mangyari iyon sa lalong madaling panahon bago pa malaman ng kanyang ama ang kanyang ginawa. Ibig sabihin, hindi pa pala alam ng kanyang daddy. Nakita niyang bumaba mula sa hagdan si Mariel. Nilapitan niya ito at hinagkan sa pisngi. Alam niyang nagtataka ito nang makita siya. Ngunit hindi siya magpapaliwanag dahil alam naman niyang magku-kuwento rin naman si Benedict dito. Sinamahan niya ito sa kusina para tulungang maghanda ng pagkain. Mayamaya ay lumapit sa kanila si Benedict. “Kailangan mong bumalik doon, Queenie,” anito. Gumuhit ang pagtutol sa kanyang mukha. Ngunit sa nakitang determinasyon sa mukha ni Benedict ay nagdesisyon siyang huwag nang mangatwiran pa. “Hindi ba puwedeng dumalaw muna ako kina Tody sa Laguna? Sayang naman ang pagpunta ko rito. I just want to see them... Gusto ko ring makita sina Bernadette at ang anak niya.” Tumango si Benedict. “Sasamahan kita.” Napailing na lang siya. Mukhang mas mahigpit pa ang guwardiya niya ngayon. Pagkakain ay nagpunta sila sa Alabang. MASAYA si Bernadette nang makita siya. Dito sa pinsan niya naihinga ang sama ng loob. Kagaya ni Benedict ay may ilang sandali rin bago nito nakuhang magsalita matapos siyang magkuwento. “Don’t tell me, hindi mo ako naiintindihan?” nagtatampong sabi niya rito. Umiling ito. “Hindi sa ganoon. Alam mo naman ang istorya namin ni Juniel. Ipinagka-sundo rin kami... and look at us now. Our marriage is successful. Magdadalawa na nga ang anak namin.” Hinimas nito ang pipis pang tiyan at saka ngumiti sa kanya. “Two months,” dagdag pa nito. “Congrats!” aniya ngunit muling nagseryoso. “Hindi naman dahil naging masaya kayo ni Juniel ay ganoon din ang mangyayayari sa akin. Magkaiba naman tayo. Kayo ay talagang magkabarkada mula pagkabata. Si Greggie, ngayon ko lang nakita. And I don’t like him. Kahit na wala siyang ginagawang masama sa akin. I don’t think I’ll like him.” “Why don’t give yourselves a chance?” nakiki-simpatyang sabi nito. Umiling siya. “Nakalimutan mo na ba? Kapag ginusto ko ang isang bagay, gusto kong talaga. Kapag ayaw ko, ayaw ko ring talaga.” “Paano kita matutulungan?” Napahugot siya ng hininga. “No, thanks. Alam ko namang kahit na gusto mo akong tulungan wala rin tayong magagawa kina Tito Benedict. Nakita mo naman, daig pa ang guwardiya-sibil sa akin.” Naroon lang sa terrace si Benedict. Natatanaw nilang nilalaro nito ang apo. Tumindig na siya. “Pupunta na kami sa Laguna. Tumawag ako kay Tody, hindi raw sila aalis na mag-asawa. Hihintayin ako.” “Will I see you again bago ka bumalik sa America?” Nagkibit siya ng mga balikat. “Hindi ko alam. Ang alam ko ay si Mommy mismo ang kukuha ng flight ko.” Hinalikan na niya ito sa pisngi bago binalingan ang batang babae. Cute ito at malaki ang hawig kay Bernadette. “Ang laki na ng inaanak ko.” Kinarga niya ito at nakipaglaro sandali bago siya tuluyang nagpaalam. DUMILIM ang anyo ni Tody nang malaman ang dahilan ng biglaang pagdating niya sa Pilipinas. Galit ito at halatang nagpipigil lamang. “Are you sure ayaw mo kay Greggie?” “Sigurado ako,” pinal na sagot niya. “Then huwag kang bumalik doon.” Kumislap ang mga mata niya. Nakakita siya ng kakampi. “Imposible yata. Nandiyan si Tito Benedict. Hindi iyon papayag.” “I’ll talk to him.” “Oh, thanks!” Sa tuwa ay nayakap niya ang kapatid. “Why are you doing this to me?” pagkuwan ay tanong niya rito. “Silly question.” Pinisil nito ang ilong niya kagaya noong mga bata pa sila kapag inaasar niya ito. “Siyempre, dahil kapatid kita.” “Bakit noong ikaw ang ipinagkasundo, pumayag ka agad?” “Dahil mabait akong anak,” nang-aalaskang tugon nito. “Ikaw kasi, rebelde ka. Pero dahil kapatid kita, kukunsintihin ko ang pagiging rebelde mo.” “Is that so?” HALATANG reluctant si Benedict na iwanan siya kay Tody. Tumawag pa muna ito sa kanilang mommy para ipagbigay-alam sa kapatid ang gusto nilang mangyari ni Tody. Mahabang diskusyon ang nangyari ngunit sa bandang huli ay iniwan na rin siya ni Benedict kay Tody. Nangako siya sa tiyuhin na dadalaw uli sa mga ito. Pansamantala ay titira muna siya kina Tody. “Hindi rin siguro ako magtatagal dito,” aniya sa mag-asawa nang magsalo sila sa hapunan. Magkatulong sila ni Marra sa paghahanda ng hapunan at nadiskubre niyang sa kabila ng kasosyalan ng hipag ay domesticated din pala ito. Ang akala niya ay wala itong alam maliban sa magsayaw ng ballet. “Nag-usap na kami ni Mommy. Ano pa’ng ipag-aalala mo?” “Si Mommy lang ang nakakausap mo. Paano kapag tumawag si Daddy? He’s the man of the house. Lahat tayo ay tiklop pagdating sa kanya. At sabi mo nga, nagrerebelde lang ako. Pero `pag talagang ipinilit ni Daddy, wala rin akong magagawa.” Napailing si Tody. “Alam mo pala, eh, bakit hindi ka na lang sumunod? Mas gusto mo pang galitin si Daddy.” Napabuntong-hininga siya. “Gusto ko lang namang maintindihan niya na may karapatan naman akong magdesisyon para sa sarili ko.” “Hanggang kailan ka makikipagmatigasan?” “Hindi ko alam.” “You`ll never know, naka-hold na pala ang lahat ng mga bank at credit cards mo. Can you survive without them? Alam mong alas iyon ni Daddy against you.” Iningusan niya ito. “May sarili rin akong account. I will survive.” “For a week maybe. Pero `pag wala ka nang pera, paano na?” “Pauutangin mo ako.” “I don’t keep the wallet. Kay Marra ka mangutang,” anitong sabay kinindatan ang asawa. Si Marra naman ay nakangiting nakamasid lang sa kanila. “Well, kung gusto ninyo talaga akong tulungan, ihatid na lang ninyo ako sa Baler.” “Baler?” gulat na bulalas ni Tody. “Ano`ng gagawin mo roon?” “Doon ako magsu-survive. Actually, doon talaga ako papunta nang umuwi ako rito. Naalala ko lang kayo nang nasa airport na ako at wala pala akong sundo.” “He, he, he! Kung ako kaya ngayon ang maghatid sa iyo sa America?” Inirapan niya ang kapatid. Of course, iniinis lang siya nito. Makaraan ang ilang sandali ay ipinaliwanag niya sa mga ito ang balak niyang pagpunta sa Baler. “Accessory pa tuloy ako niyan. Tiyak sa akin ka hahanapin nina Mommy.” “Sabihin mo, hindi mo alam.” “Uso ang k********g dito. Mas mag-aalala sila. Mas dapat yatang si Greggie ang kausapin mo. Sabihin mo sa kanyang ayaw mo siyang pakasalan.” Napaismid siya. “He wants to marry me. Hanggang tainga nga ang ngiti niyon dahil sa gustong mangyari ni Daddy. Please, kung ayaw ninyo akong ihatid sa Baler, sa terminal na lang ninyo ako ihatid.” Nagkatinginan ang mag-asawa. “Okay,” pagkuwan ay sabi ni Tody. “Magpahinga ka muna at bukas na nating planuhin ang pagpunta mo roon. For the meantime, aakyat na muna kami. It’s getting late.” Tumayo na ito at inakbayan si Marra. “Teka,” habol niya rito. “Who will do the dishes?” Kinindatan siya ni Tody. “De ikaw na.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD