Queenie and Adan 5

1016 Words
SA TERMINAL ng bus patungong Aurora nagpahatid si Queenie. Sa loob ng dalawang araw ay nasaksihan niya kung gaano ka-sweet sa isa’t isa sina Tody at Marra. Nalaman din niya na naglilihi na ang hipag. Hindi naman niya maatim na magpahatid sa kapatid dahil hindi makakaya ni Marra na sumama sa biyahe. Batid naman niyang hindi rin naman maiiwan ni Tody ang asawa nang ilang araw. Dakong tanghali nang dumating siya sa Baler. Mula sa kabayanan ay nagpahatid siya sa address na tinutukoy ni Susan. Malaki ang bahay, tipikal na yari ng bahay noong panahon ng Kastila. Maluwang ang bakuran. Kaya naman nagtaka siya kung bakit nakuha pa ni Susan na mamasukan gayong galing naman pala ito sa nakaririwasang pamilya. Taliwas sa inaasahan niya, hindi nakakandado ang lumang gate na bakal. Ibinalik niya uli sa bag ang ibinigay na susi ni Susan at inalis sa pagkakatrangka ang gate. Bukas din ang pinto sa harap. Matapos ang ilang pagtawag niya at walang nagbubukas ng pinto ay nangahas na siyang pumasok sa loob. Ibinaba niya sa gitna ng sala ang dalang bag. Maluwang ang sala dahil sa kakulangan ng muwebles. Isang mahabang divan at lamesita lamang ang naroon. Pareho iyong yari sa narra at kapansin-pansing walang alikabok. Malinis din ang Vigan-tiled flooring. “Tao po! Tao po!” Sadyang nilakasan niya ang pagtawag. Tinungo niya ang malaking hagdan. Makintab ang barandilya niyon at halatang alaga sa punas. Ang mga baitang ay tila kabubunot pa lamang. Mukhang madudulas ang sinumang papanhik. Inisip niyang doon nakatira si Manang Luding. May palagay siyang metikulosa ang matanda base na lang sa kalinisan ng buong bahay. Mula sa punong-hagdan ay tumawag siyang muli. Tanaw niya mula roon ang malalaking larawan na nakakuwadro. Bagaman hindi nakakatakot ay ayaw niyang pag-ukulan ng masusing pagtingin. Humakbang siya patungo sa komedor, nagbabaka-sakaling doon matatagpuan ang matanda. “Manang Luding!” Malaki rin ang komedor. Ang antigong mesa ay mahaba na tila pandalawampung tao. Ang kandelaryong nasa ibabaw ng mesa ay antigo rin. Nagtataka na siyang talaga. Kung tutuusin ay may halaga ang bawat makita niyang bagay sa loob ng bahay ngunit parang hindi iyon importante kay Susan. Mas ginusto pa nitong manilbihan sa kanila. In fairness, hindi naman lugi si Susan sa ipina-pasuweldo ng kanyang pamilya. Dadaigin pa nga ng suweldo nito ang tinatanggap na suweldo ng isang officer sa bangko. Natigil ang pag-iisip niya nang makarinig siya ng mga yabag. Natulos siya sa kinatatayuan at hinintay na lumitaw ang may-ari niyon. Nakahanda na rin sa mga labi niya ang matamis na ngiti. Kagyat na nabura ang ngiti sa mga labi niya nang sa halip na si Manang Luding ang inaasahan niyang bubungad ay isa iyong malaking lalaki. Hindi eksaheradong sabihing malaki ito dahil halos masakop na nito ang door frame. Malapad ang mga balikat nito at ang katawan ay halatang batak sa mabibigat na gawain. Sunog sa araw ang balat nito dahil mamula-mula. At kung matatabi siya rito ay magmu-mukha silang kape at gatas. Ngunit gaano man ito kasunog sa araw ay hindi maitatanggi ang taglay nitong s*x appeal. He was the Filipino version of a Texas rancher. His face was formal with a pair of piercing eyes and a straight nose. Ang mga labi nito ay halatang maramot sa ngiti. Nakatayo lamang ito at nakatingin sa kanya. Tila bale-wala kung anuman ang dahilan ng presensiya niya roon. At waring wala itong balak na magtanong sa kanya. TUMIKHIM siya upang ipamalay ang kanyang presensiya. “H-hi... I’m Queenie Ledesma,” aniya sabay lapit dito at iniabot ang kanyang palad. “Anak ako ng employer ni Susan sa America.” Tumango lamang ito at tinanggap naman nito ang pakikipagkamay niya. Naramdaman niya ang marahan nitong pagpisil sa kanyang kamay subalit kagyat din nitong binawi ang palad. Marahil ay ikinahiya ang pagkakaroon nito ng magaspang na kamay. Makalyo. He must be a farmer, naisip niya. Ngunit sino nga ba talaga ito? Tila nabasa nito ang nasa isip niya. “Adan Suzara ang pangalan ko, Ms. Ledesma. Pamangkin ako ni Manang Susan. Bakit ka nga pala naririto? Ang alam ko ay nasa America kayong lahat.” “Can I call you ‘Adan’? And you can call me ‘Queenie.’” Mula sa bag ay inilabas niya ang padalang sulat ni Susan. “Here. Ang sabi niya ay ipakita ko ito kapag may sumita sa akin dito. I was expecting na si Manang Luding ang naririto. Hindi ka kasi nabanggit sa akin ni Susan.” Mabilis nitong binasa ang sulat. Ngunit halata namang hindi ito interesado sa nilalaman. Ibinalik din nito agad sa kanya pagkatapos. “Nasa Maynila si Manang Luding, sa isa pa nilang kapatid. Ako ang pansamantalang tumutuloy rito.” May ilang sandaling nag-isip siya ng sasabihin. “Would that mean na hindi ako puwedeng tumigil dito?” Tiningnan siya nitong mabuti. Halatang pinag-aralan nito ang kabuuan niya. “Puwede kang tumuloy rito,” mayamaya ay sabi nito. Nakahinga siya nang maluwag. “Kahit gaano katagal ko gustuhin?” paniniyak niya. Tila nagulat ang anyo nito. “Don’t tell me you’re going to settle down here? Mahirap ang buhay ng mga tao rito kompara sa nakasanayan mong klase ng pamumuhay.” “Hindi naman. Actually, hindi ko alam kung gaano katagal. Pero kung maaabala kita, hindi ako magtatagal. Babalik na lang ako sa Maynila.” “No,” nabiglang awat nito. “Walang problema sa akin.” “How about...” Saglit niyang ibinitin ang sasabihin. “Your wife?” Natawa ito nang mahina. “Wala akong asawa. Ako lang ang mag-isa rito.” Hindi yata siya makapaniwala na wala pa itong asawa. Gayunpaman, napilitan na rin siyang kumilos para kunin ang kanyang mga bag. Naramdaman niyang nakasunod ito sa kanya. Paglingon niya ay titig na titig ito sa kanya. “Saan ang magiging kuwarto ko?” “Lima ang kuwarto sa itaas. Sa akin iyong nasa dulo. Mamili ka na lang kung saan mo gusto. Lahat ay malilinis na.” Akmang tatalikod na ito nang habulin niya. “Saan ka pupunta?” “Sa likod. Itutuloy ko iyong ginagawa ko roon. Feel at home.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD