Queenie and Adan 6

1800 Words
PATULOY si Adan sa pagtatabas ng mga damong mas mataas pa sa kanya. Mag-iisang linggo na siya sa Baler ngunit marami pa ring aayusin at lilinisin sa maluwang na bakuran, partikular sa parteng likuran ng bahay. Sa unang araw ay nilinis niya ang harapan. Bahagya namang umaliwalas ang paligid. Nakita na rin ang mga tanim na halaman na tanging sa patak ng ulan umaasa ng dilig sa nakalipas na mga taon. Ang bahay ay ipinalinis niya sa dalawang dalagita na pinsan niyang malayo. Nasiyahan naman siya sa ginawa ng mga ito at binayaran pa niya kahit na ayaw tanggapin ng mga ito. Medyo maginhawa na sa pakiramdam niya ang kaayusan ng paligid. Hindi kagaya noong unang dating niya na para siyang hihikain. Para kasing nakadikit sa ilong niya ang alikabok. Parati ring alerto ang mga mata niya na baka ahas na ang katabi niya. Sinadya niyang tumuloy sa bahay na iyon kahit na ang talagang bahay na minana niya mula sa mga magulang ay nasa Maria Aurora. Iyon din ang ibinigay niyang address kay Leigh. Gumawa siya ng siga at doon itinambak ang mga damong bahagya lang nadilaan ng apoy ay dumingas na. Lalo siyang ginanahan sa paglilinis. Ubod-lakas niyang tinabas ang mga sanga ng punong makakaabala sa daraanan. Ini-imagine niya na si Leigh ang tinatabas. Nahiling niyang huwag na sana siya nitong gambalain. Ngunit duda siya roon. Kaninang umaga lang ay may tinanggap siyang telegrama at nagsasabing hinihintay lamang nitong payagan ito ng tiyahin at susunod sa kanya sa probinsiya. Napabuntong-hininga siya. Isinumpa yata siya. Daig pa ni Leigh ang mga baging sa puno ng balite na hirap na hirap siyang tabasin. Wala naman siyang ipinangako sa babae. Subalit ito ang determinadong makasal sila. Kino-consider naman sana niya iyon. Dahil mabait naman ito at marahil ay birhen pa. Ngunit habang lumalaon ay tinatabangan na siya rito. Masyado kasing selosa. Kaya nga kahit na ito na mismo ang nagbibigay ng motibo na may mangyari sa kanila ay matindi ang pagpipigil niya sa sarili. Ayaw naman niyang samantalahin ito gayong wala siyang balak na pakasalan ito. Nakilala niya ito sa bangkong pinag-apply-an niya ng loan. May nagsabi sa kanyang mas mabilis ang proseso ng loan kung sa main office siya mag-a-apply. At iyon nga ang ginawa niya. Empleyado roon si Leigh at ito ang nag-assist sa kanya. Mula noon ay palagi na silang magkasama at kahit walang malinaw na usapan ay ipinalagay nitong may relasyon na sila. In a way, may kasalanan din siya. Hinayaan niyang iyon ang isipin nito sa kanilang dalawa. Wala naman sanang problema kung tutuusin. Pareho naman silang nag-e-enjoy sa relasyon nila. It was indeed fun. Ngunit seryoso pala ito. Iyon na ang simula ng pag-iwas niya rito. Paano ay hindi naman siya totoong in love dito. Subalit hindi niya akalain na mahirap pala itong iwasan. Wala sa loob na tinaga niya nang malakas ang isang sanga. Ngunit minalas na tumalsik sa kanya ang kaputol at sinamang-palad na tamaan siya sa kanyang noo. Sa gigil niya ay dinampot niya ang kahoy at initsa iyon sa sigaan. Naalala niya ang magandang babaeng nasa malaking bahay ngayon. Ibig sabihin ay makakasama niya ito sa loob nang ilang araw. Ano nga kayang mangyayari? Tila may pumasok na kapilyuhan sa isip niya nang lumitaw sa imahinasyon niya ang seksing katawan nito. She was unquestionably beautiful. Makinis na makinis ang kutis nito at tiyak niyang malambot iyon base na rin sa palad nitong napisil niya kanina. Ang maputi nitong balat ay tama lang. Her hair was dark brown. Hindi niya alam kung natural iyon o kinulayan lamang dahil sumunod sa uso. Her face was sweet kahit na bakas na bakas ang sopistikasyon. Ang alam niya, kapag sophisticated ay mataray ang dating. Pero hindi ang babaeng iyon na nagtanong sa kanya kanina na kung puwede niya raw itong patuluyin! Jesus! Hindi ako magtataboy ng isang anghel. Napangiti siya. Kung kanina ay pinanatili niya ang pormal na anyo, iyon ay dahil nais niyang mapag-aralan ang reaksiyon nito pagkakita sa kanya. At hindi niya ito nasindak. Mukhang kaya nitong pakibagayan kahit na ang pinakasumpunging taong tulad niya. SAMANTALA, pinili ni Queenie ang kuwarto sa dulo, katapat ng kay Adan. Gusto niya iyon dahil bukod sa mas maluwang kaysa sa tatlong nauna ay malapit pa sa common bathroom. Malaki na ang pasasalamat niya na may banyo sa itaas ng bahay. Ang akala niya ay kakailanganin pa niyang bumaba kung gagamit siya. Inilapag niya sa ibabaw ng kama ang bag. Ngunit sa halip na ilabas ang mga damit ay nahiga na muna siya. Presko sa pakiramdam ang kama. Malinis at mabango ang mga punda at kubrekama bagaman halata nang luma ang mga iyon. Sumunod na sandali ay nakaramdam siya ng pamimigat ng mga mata. Madilim na nang magising siya. Kung hindi pa sa naiwan niyang awang sa pinto ay wala siyang maaaninag sa loob ng kuwarto. Nag-inat muna siya ng katawan bago ipinasyang kapain ang switch ng ilaw. Nang mapalapit siya sa pinto ay saka niya nalanghap ang amoy ng nilulutong ulam. Tila adobo. Bigla siyang nakaramdam ng gutom. Bumalik siya sa kama at kumuha ng damit. Mabilis siyang nagtuloy sa banyo at nilinis ang sarili. Nang mapreskuhan ay saka siya nagpasyang bumaba. Nasa harap ng kalan si Adan. Nakapamaywang ito habang nagluluto. Naaaliw tuloy siyang pagmasdan ito. He managed to retain his masculinity bagaman sandok ang hawak. Tila naramdaman nito ang kanyang presensiya kaya lumingon ito. “Sorry, nakatulog ako,” aniya at lumapit dito. “How can I help?” “Maghain ka,” anito sa tonong pautos. Napatingin siya rito. There was a definite authority in him. Para bang napakadali lamang dito na utusan siya. Ngunit hindi ang tipo niya ang madaling utusan. Sanay siya na siya ang nagmamando, ang nag-uutos. She had a commanding personality. Ngunit sa pagitan nila ng lalaki ay tila mas makapangyarihan ito. Humakbang siya at tinungo ang tauban ng mga pinggan. Sinauna ang paminggalan. Yari iyon sa kawayan na mukhang kapapalit lamang. Sariwa pa ang pinagtilad-tilad na mga kawayan. Ang mga baso ay nakataob sa mga patusok namang kawayan. Mabilis niyang nailagay sa mesa ang mga pinggan at kubyertos. Naghahanap siya ng pitsel nang mamataan niya ang tapayan sa isang dulo ng banggera. Napangiti siya habang tinutungo iyon. Alam niyang malamig ang tubig na naroroon. Iyon kasi ang kuwento sa kanya ni Susan. Malakas ang pakiramdam niyang mag-e-enjoy siya sa pagtuloy sa bahay nito. Salat man sa modernong kasangkapan ang loob ng bahay, pakiramdam niya ay napasok siya sa isang time machine at ibinalik siya noong unang panahon. She was too curious and excited na maranasan ang mga bagay na nakapaloob sa panahon iyon. Hindi nabubura sa mga labi niya ang ngiti. Pati sandok na gagamitin niya sa pagkuha ng kanin ay native rin. “What’s funny?” puna sa kanya ni Adan. Sa anyo nito ay tila kanina pa siya pinagmamasdan. Umiling siya. “Wala. Natutuwa lang ako.” Inilapag niya ang bandehado ng kanin sa mesa at naupo na. Ito ang nakapuwesto sa kabisera. Mukhang hindi ito nasiyahan sa isinagot niya. “Saan ka natutuwa?” Ngunit bago pa man siya nakasagot ay mas nauna niyang napansin ang pagiging gentleman nito. Sa kaswal na kilos ay iniabot sa kanya ang bandehado ng kanin. Isinilbi nito sa kanya ang ulam. “Now tell me, what’s this thing that amused you?” Napangiti siya dahil sa pangungulit nito sa kanya. “I think I’ll enjoy my stay here. Para akong napasok sa time machine.” Isinatinig niya ang nasa isip. “I don’t mean to offend. Natutuwa talaga ako. Sa America o kahit sa bahay namin sa Alabang ay walang mga ganito.” “Dahil ipinanganak ka sa karangyaan,” pakli nito. “Napipikon ka ba?” “Hindi. At hindi ko nga alam kung ano ang iisipin ko sa iyo.” “I don’t understand you,” aniya, pagkuwan ay itinuon ang atensiyon sa pagkain. “Masarap ka palang magluto.” Obvious ang pangingislap ng mga mata nito. “We’ll have division of labor here. Ngayon, ako ang nagluto. Bukas, ikaw naman.” Amused na namilog ang mga mata niya. At sa halip na magreklamo ay napangiti pa siya. “Hindi ako masarap magluto.” Tumaas ang sulok ng labi nito. “I don’t care. Ang importante, may kahati ako sa gawain dito. After all, pareho naman tayong nakatira dito.” Ikinibit niya ang mga balikat. “Ikaw. Kung matitiis mo ang lasa ng luto ko.” Hindi nito iyon pinansin. “I hope you’re not a late riser. Or maybe we better put it this way. Ako ang bahalang magluto ng agahan at ikaw sa hapunan.” “Sa tanghalian?” “Usually, ikaw lang ang mag-isa rito. Nasa iyo kung gusto mong magtanghalian o hindi.” “Ano ba ang trabaho mo? Nag-oopisina ka ba?” “May bukid ako sa Maria Aurora. Ako ang nagsasaka.” “Maria Aurora... malayo ba iyon dito?” “Katabing bayan lang. If you want to go there, isasama kita kapag `di na ako masyadong busy,” anito sa pagitan ng pagnguya. Napansin niya pati pagsubo nito. He was well-mannered. Mula sa paggamit ng kubyertos hanggang sa paglunok ng isinubong pagkain. “Puwede bang magtanong?” Tiningnan siya nito. “Kumain ka kaya muna? Hindi nagagalaw ang pagkain mo.” “Okay lang. Hindi naman ako masyadong gutom.” Kasinungalingan iyon. Amoy pa lang ng ulam ay kumalam na ang sikmura niya. Ngunit kaya naman niyang tiisin ang gutom dahil sa amusement sa lalaking kaharap. “What do you want to know?” Iniabot niya rito ang baso ng tubig at uminom ito. “You speak Engish fluently...” Ilang sandali niyang pinag-isipan kung paano itatanong ang nasa isip. “Itatanong kung bakit marunong ako? Nakapag-aral naman ako.” “Hindi naman sa ganoon. Kaya lang, parang hindi ka bagay na magsasaka, gaya ng sabi mo.” “Hindi naman komo magsasaka, hindi na marunong um-Ingles.” “Are you really a farmer?” “Yes and no. Yes dahil nakalakhan ko nang ito ang hanapbuhay ng mga magulang ko. Kasa-kasama pa ako sa pagtatanim ng palay. Pero wala rito ang talagang interes ko. I worked in a university. College faculty.” Lumalim ang interes niya rito. At bago pa siya makasingit ng tanong ay nagsalita na itong muli. “Bakasyon ako ngayon. Walang mag-asikaso sa lupang naiwan ng parents ko. Nag-iisa lang akong anak.” “Walang katapusan ang pag-aasikaso ng lupa. Kailan mo balak magturo uli?” “Pinag-iisipan ko pa. Maybe. Just maybe, ibenta ko na lang sa mga kamag-anak ko. Then I’ll settle down somewhere else.” “Hindi ka interesado rito?” “Not exactly. Maybe, it’s safer to say that I’m interested in other things.” And he’s interesting himself, sa loob-loob niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD