
Para sa ambisyon ng kanyang pintor na nobyo, handang gawin ni Mira ang lahat ng uri ng malinis na trabaho para lamang may maipangtustos sa pang-araw-araw na gastusin nila ni Arthur. Mula sa pagiging janitress, waitress, hanggang sa pagiging isang subject ng kanyang nobyo sa mga ipinipintang larawan nito ay ginawa niya na, para suportahan ito sa pangarap nito.
Ngunit sino bang mag-aakala na dahil sa trabahong iyon at sa isang larawan niyang ipininta ay mapupunta siya sa magulo at madugong mundo ng mga Del Castillo?
Walang awa. Iyan ang tamang deskripsyon para kay Felipe Del Castillo. Lahat ng kanyang naisin ay nakukuha niya sa isang pitik lamang ng daliri. Hangga’t may paraan, hangga’t may dahilan, kaya niyang pasunurin ang buong mundo sa kanyang kagustuhan.
Kaya naman nang makita niya ang larawan ng babaeng iyon, nagtapon siya ng milyun-milyon para lamang mapasakanya lahat ng kopya niyon, pati na rin ang babaeng nasa likod ng larawan.
Dapat ay tinatakbuhan niya si Felipe. Alam ni Mira iyon. Isa siyang halimaw na hindi maaaring mapagkatiwalaan, sa pag-ibig man o negosyo. Ngunit paano niya ito tatakasan, kung handa nitong gunawin ang buong mundo, maangkin lamang siya nito?

