3

1480 Words
Mabilis na natapos ni Cristina ang mga kailangan niyang gawin kaya maaga siyang nakaalis ng opisina nang tanghaling iyon. Napagpasyahan niyang sunduin na lang si Marlon sa ICU. Nakita niya ang kasamahan ng kaibigan na si Pippo sa nurses’ station. Alam na nito ang sadya niya roon kaya bago pa man siya makapagtanong ay sinabi na nitong inaasikaso lang ni Marlon ang isang pasyente. Maghintay na lang daw siya dahil patapos na marahil ang kanyang kaibigan. Habang nauupo sa tabi ni Pippo ay nakita niya sina Dr. JC Boyce at Dr. Noah Manzano sa isang silid. Kausap ng dalawa ang isang lumuluhang ginang. Isang nakaratay na lalaki ang nasa tabi ng mga ito. “Cancer patient,” sabi ni Pippo habang sinusundan ang tinitingnan niya. “Matagal nang mina-manage ni Doctor Manzano ang pain niya pero sinubukan ni Doctor Boyce ang pinaghalong chemo at operasyon. Experimental kung tutuusin. Pero sumige ang pasyente. Mas gusto niyang sumugal kaysa mamatay nang paunti-unti at nagdurusa.” “Kawawa naman.” Tuwing nakikita ni Cristina ang mga terminally ill patients, waring may mariing pumipisil sa kanyang puso. Hindi iyon nawawala sa kanya. Hindi niya nakakasanayan kagaya ng madalas sabihin ng mga nurse na matagal na sa pagtatrabaho. Kaya mas nagugustuhan niya ang pagtatrabaho bilang nurse-administrative assistant. She didn’t have to deal with patients, only their files. “Bakit kawawa? The patient is doing well. Masusi pang binabantayan ang pasyente pero gumaganda ang kalagayan niya. Ayaw pang ideklara ni Doctor Boyce pero tagumpay ang operasyon. I love this new surgeon-oncologist. He takes more risks. Naghahanap talaga siya ng paraan para sa mga pasyente niya.” Mababakas ang labis na paghanga sa tinig ni Pippo. “So tears of joy pala ang nakikita ko?” Natuwa na si Cristina. Mahirap kalaban ang cancer. Marami ang nagagapi niyon. Masuwerte sila nang makumbinsi ni Dr. Mathias Mendoza si Dr. JC Boyce na sa Pilipinas na mag-practice. Siya ang gumagawa ng mga dokumento tuwing kinukumbinsi ng chief ang oncologist. Alam niya kung gaano kalaki ang offer nito. Ngunit sa kanyang palagay ay sulit ang napakalaki nitong professional fee dahil tama si Pippo. Dr. Boyce was one of the greatest oncologist. He had a low mortality rate kahit na malalalang kaso na ang ibinibigay rito. He took risks. Risks na hindi man lang sasagi sa isipan ng isang karaniwang oncologist. Kaagad ding naging aktibo ang doktor sa indigent program ng ospital. Tumatanggap din ito ng pro-bono cases. Nagawi kay Doctor Manzano ang mga mata ni Cristina. Iyon na ang ikalawang pagkakataon na nagkita silang dalawa sa linggong iyon. Dati ay lumilipas ang dalawang linggo na hindi niya nakikita ang anesthesiologist. Ito ang kaibigan ni Mathias na hindi niya gaanong nakakausap. Mas madalas pa nga niyang nakikita at nakakakuwentuhan si Dr. JC Boyce kahit na baguhan lang sa ospital. Kaagad niyang naalala ang nangyari sa kasamahan ni Noah na anesthesiologist. Forced vacation ang ibinigay na kaparusahan ni Dr. Mathias Mendoza kay Dr. Soriano. Mas ginamit nito ang terminong “bakasyon” kaysa sa terminong “suspension” ngunit pareho na rin iyon. Gayunman ay hindi kaagad makakabalik sa trabaho si Dr. Soriano kahit na tapos na ang bakasyon. He had to stay sober. If he had to go to a counselor, he must. Kailangan din ng malinis na laboratory results pagbalik nito. Dr. Andrew Mendoza wanted to fire him but there was really no harm done. Mali pa ring pumasok sa loob ng OR nang nakainom, gayunman. Panalangin ni Cristina na makabalik pa sa trabaho at tamang disposisyon si Dr. Soriano. Isa ito sa mga pinakamatagal nang anesthesiologist sa ospital. May kakulangan sa mahuhusay na anesthesiologist sa ngayon. Lahat ay nagtutungo ng ibang bansa dahil sa napakalaking sahod doon. Sa katunayan, sa Amerika nagtatrabaho dati si Dr. Noah Manzano. When Dr. Mathias became the chief of surgery, tinawagan nito si Noah para umuwi na ng Pilipinas at doon na magtrabaho. Hinahangaan ni Cristina ang mga doktor na maganda na ang buhay sa ibang bansa, malaki na ang kinikita, ngunit nagpapasyang umuwi para bigyan ng de-kalidad na medical care ang mga Pilipino. Maliit na margin lang marahil ng mahihirap ang natutulungan ng ospital at mas kilala ang DRMMH bilang ospital ng mayayaman. Ngunit ang mahalaga ay may nagagawa sila para makatulong gaano man iyon kaliit. DRMMH was not all about profit. Pippo sighed dreamily. “Perfect boyfriend siguro `yang si Doctor Noah sa mga nasaktan na sa pag-ibig, ano?” Hindi sekreto ang pagiging binabae ni Pippo. Madalas nitong tudyuin si Marlon. Long-time crush daw ni Pippo ang binata. Noon ay naiilang si Marlon sa ganoon ngunit hindi nagtagal ay nakasanayan na rin nito ang ganoong biro. Mabuting magkaibigan sina Marlon at Pippo. “Paano mo nasabi?” Kailangang aminin ni Cristina na hindi niya gaanong iniisip si Dr. Noah Manzano sa ganoong paraan. Maraming guwapong doktor sa DRMMH at faithfully in love man siya kay Marlon, hindi maiiwasang kumislot nang bahagya ang kanyang puso sa ilang guwapong doktor. Babae siya, may mga mata at pakiramdam. May karapatan naman siguro siyang kiligin at humanga sa ibang lalaki. Noon lang niya napagmasdan nang husto si Dr. Noah Manzano at naramdaman niya ang pagkislot ng kanyang puso. “He can manage or numb all the pain,” pabirong tugon ni Pippo. Banayad siyang natawa. “Bakit, nasaktan ka na naman ba?” “Hay naku, oo naman. Hindi na bago iyon. Pero ito na yata ang pinakamalalang heartbreak sa kasaysayan. Mukhang seryoso ang aking partner at sinisinta sa idini-date niya ngayon. As in nag-iisip na siya ng future—kasal at kids. Grabe, teh.” Nangunot ang noo ni Cristina sa pagtataka. Hindi niya maintindihan ang sinasabi ni Pippo. Nagtaka rin si Pippo sa pagtataka sa kanyang mukha. “Bakit ganyan ang hitsura mo? Huwag mong sabihin sa akin na hindi mo alam? Imposibleng wala kang alam. Usually ay mas marami kang alam tungkol sa nangyayari kay Marlon. Magkukuwento muna siya sa `yo bago siya magkuwento sa akin. Don’t tell me, `di mo alam na nai-imagine na ni Marlon ang pagpapakasal kay Princess.” Natulala si Cristina. Ilang sandali na ipinroseso ng kanyang isipan ang sinabi ni Pippo. Hindi niya iyon matanggap. Mas nais niyang paniwalaan na nagsisinungaling si Pippo. Gumagawa lang ng kuwento. Dahil kung totoo ang bagay na iyon, bakit hindi niya alam? Bakit hindi nababanggit sa kanya ni Marlon? Imposibleng makaligtaan nito ang ganoon kaimportanteng bagay. They knew everything about each other. Well, almost everything. Sasabihin sana niya na tigilan na ni Pippo ang pagsisinungaling nang mamataan niyang palapit na sa kanila si Marlon. Inalis nito ang suot na mask at nginitian siya. Bahagyang napayapa ang kanyang puso. Paulit-ulit niyang sinabi na may paliwanag. Baka mali lang ng pagkakaintindi si Pippo. Gumanti siya ng ngiti. Walang nagbabago sa kanyang mundo. Walang mangyayaring hindi maganda. Habang patungo sila sa cafeteria ay kaswal na ikinuwento ni Marlon ang tungkol sa mga pasyente nito. Kung hindi gaanong distracted si Cristina, taimtim niyang pakikinggan ang bawat katagang namumutawi sa bibig ng kaibigan. Sinubukan naman niyang huwag nang gaanong pakaisipin ang mga sinabi ni Pippo kanina ngunit hindi niya ganap na magawa. Kilala na kasi niya kahit na paano si Pippo. “Tahimik ka yata?” tanong ni Marlon habang nag-uumpisa silang kumain. “Toxic sa trabaho?” Nagsimula na siyang umiling ngunit nagbago ang isip sa huling sandali. Mataman niyang pinagmasdan ang kaibigan. “Hindi mo ba talaga planong sabihin sa akin?” Nangunot ang noo ni Marlon. “Ang alin?” “Ang tungkol sa pagpapakasal mo.” Dahil may pagkain sa bibig, nasamid si Marlon. Nang makahuma pagkatapos uminom ng tubig ay pinagmasdan nito ang kanyang mukha. Nang makitang seryoso siya ay bigla itong napabunghalit ng tawa. Napangiti siya, bahagyang gumaan ang pakiramdam. Biniro lang marahil ni Marlon si Pippo. Sabi na nga ba niya. May paliwanag. “Hindi pa ako ikakasal. Ikaw ang unang makakaalam kung ikakasal na ako, ano ka ba naman?” sabi ni Marlon habang natatawa pa rin. Oo nga naman. Bakit ba siya nagduda? “Eh, sino `yong sinasabi ni Pippo na Princess? Idini-date mo raw?” Natigilan si Marlon, mabilis na nag-iwas ng mga mata. “Wala `yon,” sabi nito. “Sige na, kumain na tayo.” Naglaho ang anumang kaligayahan na nadarama ni Cristina. Nasisiguro kasi niya na nagsisinungaling ang kanyang kaibigan. Malinaw niyang nakikita na may itinatago ito sa kanya. Hindi niya maintindihan kung bakit nagsisinungaling si Marlon. Nais niyang magtampo. Nais niyang magalit. Ngunit mas pinili niya na manahimik at ipagpatuloy na lang ang pagkain. Itinuloy ni Marlon ang pagkukuwento tungkol sa mga pasyente nito. Halatang-halata na inilalayo nito ang usapan. Hinayaan niya ang kaibigan. Hindi kasi niya sigurado kung kakayanin ba niya ang mga sasabihin ni Marlon kung pilit niyang aalamin kung ano ang nangyayari. Natatakot siyang malaman ang totoo dahil may hindi siya magandang pakiramdam.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD