-Part 3-
Ngalay na ang braso at kamay ni Fatima dahil sa bigat ng eco bag na hawak niya. Sa kabila ng excitement niyang umuwi para ipatikim ang masasarap na pagkain na iyon sa mga kapatid at sa mga magulang hindi niya mapigilang kabahan dahil sa inasal sa ina kanina.
Tahimik ang kabahayan ng pumasok siya sa loob. Wala ang nagkakagulong mga kapatid niya. Dumiretso siya sa kusina at naabutan niyang nag-aayos doon si Felina ng mga plato.
"Ate, mabuti at dumating ka na!" magkahalong saya at pag-aalalang bulalas nito.
"Bakit may nangyari ba?" tanong niya habang ibinababa ang eco bag na dala.
"Isinugod si nanay kanina sa ospital. Sumakit bigla ang tiyan niya, mabuti na lang at nakahingi ng tulong sina Paul."
Gumapang ang malamig na bagay mula sa likod nya patungo sa dibdib niya. "Anong nangyari? Kumusta si nanay?"
Umiling-iling ito. "Hindi ko alam. Wala pang balita. Pinuntahan ni Prince si tatay sa construction site. Hindi naman ako makaalis dahil masama ang pakiramdam ni Patrick tsaka walang magbabantay doon sa tatlong bata. Si Paul ang kasama niya sa ospital sa may bayan."
Napahawak siya sa gilid ng mesa.
"Hahanapin ka sana namin kaninang nang magsimulang sumakit ang tiyan ni nanay pero sabi niya ay kaya na niya."
Ang bigat na nararamdaman niya ay tila mas lalong tumindi, bumigat at halos pangapusan siya ng hininga.
"Mabuti na lang at sinamahan sila ni Aling Matilda. Tutulungan daw sila."
Napaangat ang tingin niya sa kapatid nang banggitin nito ang pangalan ng babae. "Si Aling Matilda? ‘Yung may-ari ng tindahan sa kabilang kanto?"
Nakangiting tumango-tango ito. "Sabi niya ay ilalapit daw nila sa kakilala nilang mayamang mag-asawa. Hindi ba't napakabait niya, ate?" ako sa tinig ni Felina ang sa kasiyahan.
Hindi siya sumagot at sa halip ay mabilis na tumakbo palabas ng bahay.
"Ate Fatima!"
"May dala akong pagkain, ihanda mo iyan! Pupuntahan ko sina nanay!" mabilis niyang saad sa kapatid habang tumatakbo papalayo.
"Sabi niya ay ilalapit daw nila sa kakilala nilang mayamang mag-asawa. Hindi ba't napakabait niya ate?"
Mariing umiling-iling si Fatima habang mabilis na tumatakbo.
"Mabanggit ko lang. Baka gusto ng nanay at tatay mo, may mga kakilala akong mag-asawang walang anak. Handa silang magbayad kahit magkano kapalit ng bata..."
"Hindi! Hindi!" humihingal na bulong niya.
May kalayuan ang ospital sa lugar nila kaya kakailanganin pa niyang sumakay ng jeep at dahil wala siyang perang hawak ay iisa lang ang alam niyang malalapitan.
"Aling Bebang!" malakas na tawag niya nang sapitin ang tapat ng bahay ng amo at makita itong kausap ang ilang kapitbahay.
"Oh Fatima, ano't humahangos ka?" gulat nitong tanong nang makita siya, nagmamadali ang mga hakbang na sinalubong siya.
"Kakapalan ko na po ang mukha ko pero kailangan ko ng tulong," hindi magkandatutong wika niya rito. "Isinugod si nanay sa ospital at... at—"
"Kumalma ka muna, Fatima."
"Kailangan ko po sa—"
"Alam ko," nakakaunawang anito at hinawakan siya sa magkabilang balikat. "Tatawagan ko si Ponyo para ihatid ka sa ospital. Hintayin mo ako rito," mahigpit pang bilin nito.
Humihingal na tumango siya at hindi mapalagay na pinanood lang ang pagpasok ng babae sa loob. Hindi niya alintana ang mga matang nakatingin sa kaniya. Sa mga oras na iyon ay isa lang ang nasa isip niya—sana'y ligtas ang nanay niya at sana ganoon rin ang kapatid niya.
"Handa silang magbayad kahit magkano kapalit ng bata..."
Nailagay niya ang dalawang kamay sa may batok. Pakiramdam niya ay nangangapal ang buong ulo niya at nanlalamig ang buong katawan. Lipas na ang pagod niya dala ng pagtakbo ngunit hinihingal pa rin siya.
"Fatima!"
Napalingon siya nang marinig ang pagtawag ng babae.
"Aling Bebang..."
"Inihahanda lang ni Ponyo ang motor. Kunin mo ito." Inabot nito ang kamay niya at inilagay sa palad niya ang kulay brown na sobre. "Ipagpaumanhin mo kung ito lang ang mapapahiram ko sa'yo. Iyan lang hawak ko ngayon."
"Malaking bagay na po ang ipahatid ninyo ako kay Kuya Ponyo. Pasensya na po, Aling Bebang. Hindi ko alam kung paano pa ako makakabayad sa inyo," mangiyak-ngiyak na niyang sambit.
Lumamlam ang mga mata nito. "Wala ang halagang iyan kumpara sa bagong buhay na kaloob ng Diyos. Manalangin ka lang at hindi ka Niya pababayaan."
Ngumiti siya at tumango.
"Hayan na si Ponyo. Mag-iingat kayo. Kumapit ka nang mabuti," bilin nito sa kaniya bago binalingan ang anak, "Ponyo, ingat ha."
Tumango sila at umangkas na siya sa binatilyo. Ilang sandali pa tumatakbo na sila nang mabilis. Sa kabila ng mabilis nilang biyahe ay tila napakatagal pa rin dahil sa sobrang kaba at pag-aalala niya.
"Salamat, kuya," maagap niyang saad kay Ponyo na halos hindi pa nakakaparke nang maayos ay nagpilit na siyang bumaba.
"Sige, Fatima."
Bahagya na siya nakapagpaalam at dalas-dalas na tumakbo papasok sa ospital bago dumiretso sa reception desk. Hindi pa siya nakakalapit sa babaing naroroon nang makita niya si Aling Matilda na kausap ang ama niya. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang malapad ang naging ngiti ni Aling Matilda sa ama niya na tila ba nanalo ito sa lotto.
"Mas mahal kapag sanggol pa dahil hindi na sila mahihirapang ibagay ang bata sa kanila. Alam mo na... Sila na kaagad ang kikilalaning magulang..."
"Tatay!" sigaw niya at malalaki ang hakbang na nilapitan ito.
"Fatima!" gulat ang unang rumehistro sa mukha ng ama niya nang makita siya na nagpadagdag sa takot at kabang nadarama niya. "Andito ka?"
"Si Nanay po?"
"Nasa ward na kasama si bunso," tugon nito na bagama't nakangiti ay laglag ang dalawang balikat.
"Nakapanganak na po siya?" halos hindi humihingang tanong niya.
Tumango ang tatay niya. "Biglaan pero maayos naman sila."
"Mabuti pa ay maiwan ko muna kayong mag-ama," sabat ni Aling Matilda.
Nilingon niya ito na hindi pa rin nawawala ang malapad na ngiti sa labi.
"Salamat, Aling Matilda," ani ng tatay niya.
"Wala iyon. At tungkol doon sa napag-usapan natin, wala kang pagsisihan." Binigyan ng matandang babae ang ama niya ng tango, sinulyapan siya at tinapik ang balikat. "Ate ka pa rin kahit anong mangyari," makahulugang anito at naglakad na palayo sa kanila.
Nilingon niya ang ama. "Ano po iyon?"
Nanlulumong nag-iwas ng tingin ang kaniyang ama.
"Tatay?" mahinang anas niya.
"Puntahan mo muna ang iyong ina doon, tiyak nanghihina pa ang nanay mo." Hindi pa rin tumitinging utos ng kaniyang ama.
"Kayo po?"
"May pupuntahan lang ako."
"S-saan po?" Hindi niya mapigilang itanong.
Tiningnan siya ng ama at sa halip na sagutin ay hinawakan nito ang ibabaw ng ulo niya. "Patawad, anak."
Magsasalita pa sana siya pero tumalikod na ito, laglag ang balikat. Kumakabog ang dibdib niyang pinagmasdan ito palayo bago pumunta ng ward. Nadatnan niya sina Paul at Prince na naroon habang walang malay ang nanay niya.
"Ate..."
"Kumusta si nanay?"
"Okay lang siya. Pinagpahinga muna ng doktor," tugon ni Paul.
"Saan ka galing, ate? Takot na takot kami kanina," titig na titig na tanong ni Prince.
"K-kina Aling Bebang." Hindi niya mapigilang mahiya sa mga kapatid.
"Nanggaling ako sa kainan nila pero sarado iyon," sabi ni Prince.
"Nasa bahay nila ako," aniya.
Nilapitan niya ang ina na walang malay. Maliit na ang tiyan nito pero wala ang bata sa tabi nito. Gusto man niyang itanong sa mga kapatid ay hindi niya magawa.
Tahimik silang lahat nang bumukas ang pinto at pumasok ang isang nurse. Sa bisig nito ay isang sanggol na nakabalot sa puting tela, tahimik at payapa.
"Tulog pa si nanay," pansin ng nurse habang nakatingin sa ina nila.
Lumapit sina Paul at Prince sa nurse para silipin ang sanggol. Kitang-kita niya ang kislap sa mga mata ng mga kapatid habang nakatitig sa sanggol. Alam niya ang nararamdaman ng mga ito dahil ganoon ang naramdaman niya ng ipanganak sina Patrick at ang triplets.
Pero bakit hindi niya maramdaman ang sayang iyon ngayon?
"Kapatid ka rin ba?" untag ng nurse sa kaniya.
"Siya po ang aming ate," si Paul ang tumugon.
"Gusto mo bang hawakan siya?" mayuming tanong ng nurse.
Ibinuka niya ang bibig para sabihing, "Hindi" ngunit walang tinig na lumabas sa bibig niya at sa halip ay napatango siya.
Ngumiti ang nurse. "Halika," pag-aaya nito at sa pagkabigla niya ay tila kusang humakbang ang mga paa niya palapit rito.
Namamawis ang mga palad niya habang nakatingin sa sanggol na ngayon ay malaya na niyang nakikita ang maliit na mukha. Nanlalamig siya at kumakabog ang dibdib habang pinagsasawa ang mga mata sa maamo at payapang mukha ng bagong kapatid. Nagmulat ito ng mata at tila tumalon ang puso niya. Alam niyang wala pa itong nakikita pero nang mga oras na iyon ay tila sa kaniya nakatingin ang sanggol.
"Wag kang matakot, aalalayan kita," pagkokonsula ng nurse sa kaniya.
Huminga siya nang malalim at nang ilapit sa kaniya ng babae ang kapatid ay maingat niyang kinarga ito. Nakasapo ang isang braso at kamay niya sa katawan nito habang ang isa naman ay nakahawak sa tagiliran, iniingatang wag mahulog o mapahigpit ang hawak niya.
Hindi niya mapigilang ilapit ang mukha rito at malayang langhapin ang natural na amoy ng sanggol. Ilang taon na simula nang mag-alaga siya ng mga sanggol. Malalaki na ang triplets nila pero hindi niya nalilimutan ang mabangong amoy ng sanggol.
"Wala pa siyang pangalan," ani ng nurse. "Hindi na namin naitanong kay nanay kanina. May naisip na ba kayo?"
Sumulyap siya sa nurse, nag-iisip, bago tumingin kina Paul at Prince.
"Ikaw na lang ang magpangalan sa kaniya," ani Paul.
"Oo nga, ate," pagsang-ayon ni Prince.
Ibinalik niya ang mga mata sa sanggol. Walang salitang pumasok sa isip niya kaya lumipat ang mga mata sa ina na hindi niya namalayang gising na at nakangiting nakatitig sa kaniya. Hindi niya mabasa ang iniisip nito pero ang pangingislap ng mga mata nito ay sapat na.
"Nay?" bulong niya.
"May naiisip ka ba, Fatima?" may garagal sa tinig nito.
Ibinalik niya ang mga mata sa kapatid.
Masama ang loob niya nang ipagbuntis ng nanay niya ang batang ngayon ay karga na niya.
'... sa isang iglap ay parang nawala lahat ng sama ng loob ko.'
Galit ako pero...
'Kung hihilingin mo ay pagmamahal, kaya niyang baguhin ang nararamdaman mo, ang puso mo...'
Hindi ko gusto ito pero hindi ko mapigilan.
'Manalig ka lang sa Diyos, kaya niyang baguhin ang puso mo...'
Paano?
'Manalig ka lang, Fatima... Manalig ka lang...'
"F-faith..." wala sa loob na anas niya habang hindi inaalis ang tingin sa sanggol.
"Ano iyon?" tanong ng nurse.
Napakagat-labi siya habang pinakikiramdaman ang sarili. Naglaho na...
"Pangalanan natin siyang Faith," nakangiting aniya bago tumingin sa ina.
Naluluhang tumango-tango ang nanay nila. "Faith... Magandang pangalan nga iyon..."
"Ang aming magandang si Faith," bulong niya at hinalikan ito sa noo.
*****
"Hindi madaling maging ate pero para sa'kin, wala naman talagang madaling bagay, kadalasan nga lang, doon tayo tumitingin sa mga malulungkot at mabibigat na bagay na nangyayari sa buhay natin. Marami tayong regalong natatanggap sa buhay natin at kadalasan nakabalot sila sa kakaiba at estrangherong paraan kaya hindi natin napapansin."
May ngiting nilaro-laro ni Fatima ang ballpen sa kamay habang pinapasadahan ang sanaysay na sinusulat sa Filipino. Kahapon lang ay nagbuod sila ng mga sinaunang kwento at dula, halos essay din ang mga ginawa nila kahapon sa ibang subjects at ngayon ay pinalilikha na naman sila ng sanaysay tungkol sa hindi nila malilimutang karanasan sa buhay. Nagrereklamo ang mga kaklase niya pero mas pinili niyang bilisan ang pagsusulat dahil sisingit siya ng pagagawa ng assignment mamaya.
Napakagat-labi siya at excited na nagsulat muli. Hindi siya pupunta kina Aling Bebang mamaya at wala siyang labahin kaya mababantayan at malalaro niya nang matagal si Faith. Isa pa, dadalaw rin ang mag-asawang tumulong sa kanila sa pagbabayad sa bill ng ospital kaya kailangan niyang umuwi ng maaga. Hindi siya nag-aalalang kukunin ng mga ito si Faith dahil alam niyang hindi nila gagawin iyon. Ngunit kailangan niyang umuwi nang maaga para salubungin ito lalo pa at absent ito kanina sa klase nila.
Nang matapos ang klase at makapaglinis ay nagmamadali na siyang lumabas ng silid.
"Hoy! Fatima, hintayin mo kami!" tawag nina Maya.
"Mauna na ako. May naghihintay pa sa'kin," malakas na aniya at tumakbo na palayo pagkatapos kawayan ang mga kaibigan.
Hindi nawawala ang ngiti sa labi ni Fatima kahit halos humihingal nang dumating sa bahay.
"Andito na po ako!" anunsiyo niya dahilan para mapatingin sa kaniya ang ama't ina pati na rin ang mag-asawang kausap ng mga ito sa maliit na salas nila.
"Oh, ano't nagmamadali ka, Fatima," puna ng ina niya.
"Andito na po kayo?" bulalas niya habang nakatingin sa mag-asawa.
"Hi, Fatima! You didn't mention in your essay yesterday how beautiful Faith is," may malawak na ngiting salubong ni Mrs. Moreno habang nakatitig sa kaniya, hawak ang bunsong kapatid niya.
*****
ShimmersErisJane