Beautiful Faith "Part 2"

3000 Words
-Part 2- "Buntis na naman pala si Felisa." "Kaya pala lumalaki, akala ko tumataba lang." "Aba'y hindi ba nag-iisip ang mag-asawang iyan at panay ang anak?" "Hirap na hirap na nga sa buhay tapos ganiyan pa!" "Sinabi mo pa! Hindi na naawa sa sarili at sa mga anak." "Kung ako iyan, naku!" Sa mabilis na pagdaan ng panahon, naging mabilis rin ang paglaki ng tiyan ng nanay ni Fatima. Ang dating kinatatakutan niyang mangyari ay nangyayari na. Umaga, tanghali, hapon, basta sa tuwing daraan siya sa umpukan ng mga tao ay hindi maaaring hindi siya makakarinig ng tungkol sa nanay niya o kahit sa mismong pamilya niya. "Fatima, malapit na palang manganak ang nanay mo. Babae ba o lalaki?" tanong ng isa sa tambay sa tindahan nang bibili siya. "Babae daw po," magalang niyang tugon. "Di, madadagdagan na naman kayo?" Tumango na lang siya at humarap sa magtitinda. "Ate, isang sachet nga po ng toyo at suka." "Mag-aadobo kayo, Fatima?" tanong naman ng isang babae. "Hindi ko po alam kay nanay. Inutusan niya lang po ako." "Baka naman. O kaya baka iyan na ang ulam ninyo?" biro ng babae sabay hampas sa sariling hita. Sinulyapan niya ito pero piniling manahimik. "Kailangan nilang magtipid kaya hindi na pwede ang maluluhong pagkain," gagad pa ng babae. "Talaga lang. Aba ang manganak ay di biro lalo na kung walang ipon. Ano pa ang magpalaki?" "Mabuti pa iyong mga biik o tuta at kapag nailagay sa isang tabi ay ayos na," natatawa pang bulalas ng isa sa mga babaeng nakatamabay roon. Lihim niyang nakuyom ang kamao at mariing pinagdiit ang mga labi. "Hoyy! Kung puro kalokohan lang ang sasabihin ninyo diyan, magsilayas kayo sa harap ng tindahan ko. Malas mga tsismosang tulad ninyo sa negosyo," taboy ni Aling Matilda sa mga babae at lalaking nakatambay roon. "Ito namang si Aling Matilda para nagkukwentuhan lang." "Kaya nga naman." "Sus, maghapon na naman kayo rito. Umuwi nga muna kayo at maglinis ng mga bahay ninyo," pagtataboy pa nito. Bubulong-bulong na nagsialisan ang mga tambay bago siya sinulyapan ni Aling Matilda. "Heto ang toyo at suka mo, Fatima. Wag mong pansinin ang mga iyon, wala lang magawa ang mga iyon sa buhay," anito sa kaniya. "Salamat po. Heto po ang bayad ko," may kiming ngiting aniya. "Sige. Bigyan kita ng sukli." Tumalikod ito sandali sa kaniya at nang bumalik ay inabot ang lilimampisuhing sukli niya. "Oo nga pala. Mabanggit ko lang. Baka gusto ng nanay at tatay mo, may mga kakilala akong mag-asawang walang anak. Handa silang magbayad kahit magkano," malapad ang ngiting wika nito dahilan para panlakihan siya ng mga mata. "Mas mahal kapag sanggol pa dahil hindi na sila mahihirapang ibagay ang bata sa kanila. Alam mo na... Sila na kaagad ang kikilalaning magulang..." Lalong lumapad ang ngiti na sinabayan pa nang pangingislap ng mga mata. Humigpit ang hawak niya sa baryang sukli at walang salitang tumalilis patalikod. "Pag-isipan ninyo, Fatima. Kikita na kayo, hindi pa kayo mahihirapan!" pahabol pang sigaw ni Aling Matilda pero hindi na siya lumingon pa. Nagmamadaling tumakbo siya pauwi at humihingal na dumating sa may pinto ng bahay nila. "Oh, bakit humahangos ka, Fatima? May nangyari ba?" sunod-sunod na bungad sa kaniya ng ina, nakahawak ang kamay nito sa malaki ng sinapupunan. Nanlalaki ang mga matang tinitigan niya ang ina. Ayon sa nanay niya, halos menor de edad pa ito at ang tatay nila nang magsama bilang mag-asawa. Wala pa ring bente ang mga ito nang isilang si Fatima na pagkatapos ng dalawang taon ay sinundan naman nang pagsilang kay Paul. Halos kada dalawang taon ay nagbubuntis ang nanay niya kaya hindi rin nagkakalayo ang agwat ng mga edad nilang magkakapatid. Buong akala niya ay huli na ang triplets nila ngunit mali siya... Nasundan pa sila... at hindi malayong masundan na naman. Ang kanina nang mahigpit na hawak ni Fatima sa pera ay lalong humigpit. Kagat-labing umiling siya habang nanlalaki pa rin ang mga matang nakatitig sa ina. "Ano bang nangyari, anak?" "Wala po," mariin at malamig niyang wika at walang pasubaling nilagpasan ito upang pumasok ng bahay. Sinundan siya ng ina. "Fati—" "Pupunta lang po ako kina Aling Bebang," sansala niya sa mga sasabihin sana nito at pagkalapag ng binili ay nagmamadaling lumabas ng bahay. "Fatima!" tawag ng ina niya ngunit nagbingi-bingihan siya at patuloy na tumakbo palayo. "Anak!" Mas binilisan niya ang pagtakbo sa takot na pasundan siya ng ina sa mga kapatid. Nang makalayo ng bahay ay walang kasiguruhang naglakad siya patungo sa liwasan. Wala naman talaga siyang balak pumunta kina Aling Bebang dahil Linggo ng araw na iyon at sarado ang kainan nito. Sa liwasan siya dumiretso, naghanap ng pwestong medyo tago para doon maupo at mapagmasdan ang mga taong dumadaan. Gusto muna niyang magpalamig bago umuwi. Sa loob ng nakaraang buwan, labag man sa loob, naging malamig ang pakikitungo niya sa mga magulang. Pinipilit niyang tanggapin ang lahat lalo pa't kita niya sa mga kapatid na masaya at excited ang mga ito sa paglabas ng bagong kapatid nila. Isang bagay na hindi niya maramdaman at kabaligtaran ng nararamdaman niya sa tuwing nakikita ang ina at ang lumalaking sinapupunan. Pinipilit niyang tanggapin ang lahat pero sa t'wing nakikita niya ang malaking tiyan ng ina ay hindi niya mapigilan ang sariling mainis, maghinanakit at panikipan ng dibdib. Humilig siya sa kinauupuan at pinagmasdan ang mga pamilyang dumaraan na nakasuot ng magagarang damit. Isa sa itinuro ng mga magulang niya ay ang makontento at magpasalamat sa kung anong meron sila. Biyaya ang mga iyon kaya dapat lang ipagpasalamat. Pero tao lang siya at hindi madaling lumaki sa mundong ang paligid mo ay lumalago habang ikaw ay naiiwan sa ibaba. Iniiwas niya ang mga mata sa dumaraan at pinagmasdan ang mga paa. Sa pagmamadali niya ay hindi niya napansing tsinelas pala ni Paul ang suot niya. Wala si Felina sa bahay kaya tiyak na suot nito ang tsinelas niya. Bumuga siya ng hangin upang mabawasan ang bigat ng dibdib. Ipipikit pa sana niya ang mga mata nang makarinig ng tawag. "Fatima?" Nag-angat siya ng ulo upang tingnan ang tumawag sa kaniya. "Aling Bebang, kayo pala po," aniya sabay tayo. Palapit sa kaniya ang babae kasama ang dalawang anak nitong sina Ponyo at Greta. "Hi, Fatima," bati ni Greta habang karga ang mag-iisang taong anak nito. "Hi, Ate Greta." "Anong ginagawa mo rito?" takang tanong ni Aling Bebang. "Ah... wala po." Ngumiti sa kaniya ang babae. "May gagawin ka ba?" "Po?" "Kung wala kang gagawin, sumama ka na sa'min," sabat ni Greta. "Eleven months na itong si baby Gem ko ngayon kaya may konting salo-salo sa bahay," bakas ang sigla sa tinig ni Greta. Ibinalik niya ang tingin kay Aling Bebang. "Sumama ka na. Hindi ka naman iba sa'min," pagsang-ayon nito. "Kami-kami lang at ilang bisita lang ang darating kaya huwag ka ng mahiya," sabi naman ni Ponyo. Mas matanda sa kaniya ang magkapatid. Si Ponyo ay 18 na habang si Greta ay 21. Madali niyang nakasundo ang mga ito dahil parehas mababait gaya ni Aling Bebang. Ang alam niya, maagang nawala ang ama ng mga ito sa hindi niya alam na dahilan. Sa pamimilit ng mag-iina ay sumama rin siya. Pagdating pa lang nila sa bahay ng mga ito ay inihanda na ang mesa. "Maupo ka lang diyan at wag kang aalis," mahigpit na bilin sa kaniya ni Aling Bebang bago ito nawala patungo sa kusina. "Iwan ka lang namin saglit," ani naman ni Greta. "Ponyo, tulungan mo nga ako rito kay Gem. Ilalagay ko sa stroller." "Sige, ate." Naiwan si Fatima sa kusina ng pamilya. Iginala ni Fatima ang mga mata niya sa buong dining area. Kung pagmamasdan si Aling Bebang ay walang mag-aakala na maykaya ito sa buhay. Simple lang itong manamit at kumilos, gaya ng mga anak nito. Hindi rin maluho ang mga ito at sa halip ay napakamapagbigay. Madalas siya, pati na rin ang mga kasamahan niyang suma-sideline sa kainan nito ay pinag-uuwi nito ng mga ulam o kung anumang lutong pagkain na meron sila. Naaalala pa niya nang una siyang magsabing magtatrabaho dito. Ayaw nitong pumayag dahil menor pa siya ngunit desidido na siya dahil halos kulang na kulang ang kinikita ng ina niya sa pagtitinda ng mga gulay at paglalabada. Hindi rin sapat ang kinikita ng ama na nagtatrabaho sa construction site. May pagkakataon pang wala itong trabaho kaya kung saan-saan nakakarating para humanap ng makukunan ng trabaho. Ilang araw ng halos wala silang makain at pinagkakasiya na lang ang kaunting meron sila kaya napilitan siyang humanap ng kahit konting mapagkakakitaan. At nang mapadpad siya kina Aling Bebang, saktong naghahanap ito ng makakatulong. Sa simula ay ayaw nito pero ilang araw lang ay nagulat siya nang sabihan siya nitong pwede siyang tumulong sa kainan nito. Madalas tagahugas, taga-mop, at miminsan kung mag-serve siya. Sanay sa gawaing bahay kaya hindi siya nahirapan sa pagtatrabaho pero dahil nag-iingat rin ito, may pagkakataong hindi muna siya nito pinagtatrabaho. "Kakain ka nang marami, Fatima." Lumabas mula sa kusina si Aling Bebang na dala ang malaking lalagyan ng spaghetti. Hindi pa man ay nakadama siya ng gutom. Hindi pa nga pala siya nag-aagahan. At pati ang mga kapatid niya... Napayuko siya nang maalala ang pamilya. Pakiramdam niya ay ang unfair niya. Pumasok muli si Aling Bebang sa kusina at paglabas ay may dala namang pansit. Tumulong na rin sina Ponyo at Greta at ilang sandali pa'y halos mapuno ang buong mesa ng masasarap na pagkain. May minatamis na salad at leche flan. May fried chicken, apritada, at kung ano-ano pa. Napalunok siya habang nakatingin sa mga pagkain. Nakakakain naman siya ng mga iyon pero mabibilang sa sampung mga daliri niya ang mga pagkakataon na iyon. Hindi rin nangyari na sabay-sabay nakakakain ang pamilya niya ng lahat ng putaheng nakahain mesa. "Kukuha lang ako ng maiinom." Nagmamadaling binuksan ni Greta ang ref at naglabas ng mahabang pitsel ng juice. "Nasaan pala si Gem?" tanong ni Aling Bebang nang matapos maihain lahat ng pagkain. "Andito na ang celebrant," anunsiyo ni Ponyo na tulak-tulak ang stroller kung saan nakahiga ang nagsisipa-sipang si Gem. "Ang cute kong baby," wika ni Greta at binuhat ang anak. "Ponyo, tawagin mo na sila," utos ng ina sa anak. Tumango si Ponyo bago lumabas. Sinulyapan ni Fatima si Aling Bebang. "May mga bisita pa rin po kayong darating?" tanong niyang biglang na-conscious sa suot at hitsura niyang halos gulo ang buhok na naka-ponytail lang, naka-oversize T-shirt at kupas na jogging pants lang din siya na galing pa sa isang kapitbahay. Ngumiti si Aling Bebang sa kaniya. "Wag kang mag-alala. Lahat ay welcome dito. Ngayong araw, bisita kita." Ibubuka pa ni Fatima ang bibig upang magsalita nang dumating si Ponyo. "Nandito na sila!" Pumasok ang ilan sa mga kapitbahay nito pati na rin ang mga batang tila galing pa sa paglalaro. Napakurap siya habang nakatingin sa mga dumating. "Pasok kayo!" paanyaya ni Aling Bebang. "Magsisimula na tayo." Nagsilapitan ang lahat ng dumating. Nakatayong nagtabi ang mag-iina. "Bago tayo magsimulang kumain, sama-sama tayong manalangin," wika ni Aling Bebang. Napatayo si Fatima nang magyuko ng ulo ang lahat at magsimulang manalangin si Aling Bebang. Nagpasalamat ito para sa pagkain, hiniling na maging kalakasan ang bawat nakahaing pagkain, nagpasalamat din ito para sa mga bisitang dumating ngunit may mga salitang tila patalim na tumarak sa dibdib niya. "... Salamat sa pagdating ng aking apong si Gem. Hindi namin plinano ang lahat ngunit ang pagdating niya ay tila isang nakatagong biyaya mula sa'yo. Batid mo ang puso ko bago pa siya isilang ngunit hindi mo hinayaan na manaig iyon. Bagkus ang pagmamahal Mo, Diyos ang nanaig sa puso ko... Nawa'y patuloy manaig ang pag-ibig mo sa puso ko, ng aking mga anak, sa aking apo at ganoon rin sa mga taong nandito..." Natapos na ang panalangin ngunit tila lipad pa rin ang isip ni Fatima. "Wag kang mahiya at kumuha ka lang nang kumuha ng lahat ng gusto mo." Nilingon niya si Aling Bebang. "S-salamat po." Ibinalik niya ang tingin sa mga pagkain at sa mga batang magana nang kumakain. Sa paningin niya ay hindi maiwasang isipin ang mga kapatid. Napapitlag siya nang maramdaman ang paghawak ni Aling Bebang sa balikat niya. "Mukhang kahit gusto mong kumain ay hindi ka makakakain. Mabuti pa ay samahan mo muna ako sa kusina," pag-aaya nito. Tumango siya, ibinaba ang platong hanggang ngayon ay wala pa ring laman at sumunod sa babae. Pagpasok niya sa kusina ay halos mapapatda siya nang makita ang ilang malalaking malalaking kaserola ng pagkain. Napaawang ang bibig niya habang nakatingin sa mga pagkain. "Ang dami pong pagkain," manghang anas niya. Mahinang tumawa ang babae. "Madalas kang nasa kusina ng kainan ko pero hindi ka namamangha ng ganiyan." "Pero pambenta po ninyo ang mga pagkaing iyon." "Gagawa lang ba tayo ng marami para may bumalik sa ating marami?" masuyong anito. Lumapit ito sa isang kabinet at binuksan iyon bago naglabas ng malalaking plastic. Nanatili siyang nakamaang dito dahilan sa kawalan ng masasabi. "Kokonti lang ang malalaking tupperware na meron ako kaya pagpasensiyahan mo na kung sa plastic ko na lang ilalagay," pagpapatuloy ni Aling Bebang at inalis ang mga takip ng pagkain. "Po?" "Kumuha ka rin ng plastic doon at maglagay ka kahit gaano karaming gusto mo," utos pa nito sa kaniya. Napapalunok na nakatitig lang siya rito na nagsimula nang maglagay ng pagkain sa plastic. Wala siyang maunawaan sa sinasabi nito. "Fatima," untag nito sa kaniya. "Po?" Nangingiting napailing ito. "Kumuha ka ng plastic at pununin mo ng pagkain. Lahat ng putahe na nakikita mo ay maglagay ka." "Ah... Sige po!" bulalas niya. Mabilis na nagpatianod si Fatima sa sinabi ni Aling Bebang. Bawat plastic ay nilagyan niya ng iba't ibang putahe, pinuno niya na halos mahirapan siya sa pagsasara. Pawisan na siya nang matapos sa pagbabalot ng pagkain. "Para po ba sa mga batang nasa labas ang mga ito?" tanong niya nang matapos magbalot. "Para sa'yo at sa pamilya mo," walang anumang ani Aling Bebang na nagpagulat na naman sa kaniya. "Ano po?" gulat na bulalas niya. "Iuuwi mo iyan sa mga kapatid mo para makakakain rin sila. At siguro naman, makakakain ka na rin sa labas ngayon." "Pero po..." "Ano pang pero, Fatima?" "Napakarami po niyan," hindi pa rin makapaniwalang aniya sabay sulyap sa pumipintog na mga plastic na puno ng pagkain. Tumawa ang babae at nilapitan siya. "At napakarami ring pagkain niyan," turo nito sa mga naglalakihang kaserola na bahagya lang nababawasan ng laman. Tiningala niya ang babae pero walang sinabi. "Wala pang isang taon si Gem at marahil kung sa iba ay napakaluho nitong ginagawa ko." Lumambot ang ekspresyon ng mukha nito habang nakatitig sa mga pagkain. "Buwan-buwan ay naghahanda kami para sa kaniya at bilang pasasalamat na rin sa pagdating niya." Lumipat ang mga mata nito sa kaniya. "Wala ka pa siguro sa kainan ko nang magbuntis si Greta." Marahan siyang tumango pero hindi naman kaila sa kaniya ang kwento ng pagbubuntis ni Greta. Sa kabila ng kabaitan ng pamilya ay nagiging laman pa rin ng mga hindi magagandang usapan ang nakaraan ng anak nito. "Masiyadong mapusok ang mga kabataan at iyon ang dahilan kaya maagang nabuntis si Greta. Napakatapang niya noon ng sabihin niyang nagmamahalan sila pero sa kasamaang palad, kahit nabuntis siya ay hindi rin siya pinanagutan ng lalaking iyon. Dumagdag pa na salungat ako sa pagbubuntis niya." Umiling-iling ito habang mapait na nakangiti. "Inisip kong hindi ako nagkulang ng paalala sa kanila, kay Greta at halos itaboy ko siya rito sa bahay. Sobrang sama ng loob ko sa kanya dahil sa katigasan ng ulo niya. May pagkakataon pang gusto kong ipalaglag ang bata dahil sa kahihiyang dala nito pero..." Hinawakan nito ang balikat niya at marahang pinisil iyon. "Napakabuti ng Diyos dahil ng araw na isilang niya si Gem," naglaho ang lungkot sa mukha nito at napaltan ng kakaibang sigla at saya, "sa isang iglap ay parang nawala lahat ng sama ng loob ko. Nang makita kong umiiyak si Gem habang hawak ng nurse sa halip na inis ay saya ang naramdaman ko. Gustong-gusto ko siyang hawakan, yakapin at halikan." Nakaawang ang mga labing nakatitig siya rito habang tinitimbang ang sinabi nito. Maaari nga bang magbago ang nararamdaman at iniisip ng isang tao sa isang iglap lang? Pero bakit siya, hindi niya magawa? "Hindi ko gustong magalit kay Greta noon at sa bata pero mahina ako... Kaya laking pasasalamat ko sa Diyos dahil binago niya ang nararamdaman ko, binago niya ang puso ko." Hindi pa rin nagsasalita si Fatima nang nangingiting umiling-iling ang babae. "Hay, naku, pagpasensiyahan mo na ako," natatawang ani Aling Bebang. "Ganito ata talaga kapag tumatanda na, nagiging madrama na." "Wala naman pong problema," sa wakas ay nagawa niyang magsalita. "Pero magaan talaga ang loob ko sa'yo. Natutuwa kasi ako sa'yo kaya wag ka nang mahiya. Kumain ka na doon at pagkatapos ay iuwi mo lahat ng iyan ha." Nakangiting tumango siya bilang pagsang-ayon. Hahakbang na sila pabalik sa dinning room ng may maisipan siyang itanong. "Ito po bang mga pagkaing ito ay..." "Hindi kalakihan ang kainan ko pero sa biyaya ng Diyos ay maganda ang kinikita namin. Sa simpleng paraang ito, kahit minsan lang, gusto kong ibahagi ang kung anong meron at kung saan ako magaling." "Kung anong meron kayo at kung saan kayo magaling?" Hindi mapigilang mahulog ni Fatima sa pag-iisip. Tumango ito. "Biniyayaan ako ng galing sa pagluluto. At puno ka naman ng pagmamahal para sa pamilya mo kaya parang hindi ka napapagod para sa kanila... Magaling ka sa maraming bagay at ginagamit mo iyon para matulungan sila. Siguro, iyon ang dahilan kaya natutuwa ako sa'yo. Kaya dalangin ko, hindi ka mapagod magmahal..." "Aling Bebang..." Hinaplos nito ang buhok niya. "Nabalitaan ko ang tungkol sa nanay mo at hindi kaila sa'kin ang kinikilos mo nitong nakaraang mga buwan. Manalig ka lang, Fatima, kaya ng Diyos baguhin ang puso mo kung hihilingin mo sa Kaniya... Kung hihilingin mo ay pagmamahal, tiyak ibibigay niya iyon ng walang pasubali..." Umawang ang labi niya pero walang salitang lumabas sa mga labi niya... 'Ganoon lang ba kadali iyon?' *****
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD