Beautiful Faith "Part 1"

3115 Words
"One of the hardest parts of being an offspring is to be an eldest one, especially when you came from a large yet..." Mataman lang na nakikinig si Fatima kay Mrs. Moreno, ang guro nila sa Values Education na binabasa ang isa sa parte ng nakita nitong sanaysay mula sa isang libro. Hindi pa natatapos nito ang binabasa ay binalingan na siya nito. Blangko ang ekspresiyon ng mga mata ni Fatima habang may nakauunawa namang tingin si Mrs. Moreno. Gayunman, hindi nagbaba ng tingin si Fatima at diretsa pa ring tinitigan ang guro. "Bukod sa ating mga magulang at pati sa mga guro, may mga tao rin na siyang tumatayong pangalawa nating nanay at tatay, at iyon ay ang mga ate natin," hindi inaalis ang tinging paliwanag ni Mrs. Moreno, isang bagay na hindi gusto ni Fatima. "Sino ba dito ang may ate?" kapagkuwan ay tanong ni Mrs. Moreno bago inalis ang tingin sa kaniya. May mangilan-ngilang nagtaas ng kamay pero hindi si Fatima. Bakit siya magtataas ng kamay eh wala naman siyang ate? "Marami akong ate kaya marami ring bumibili ng damit para sa'kin," proud at nakangiting kwento ni Rosa, isa sa kamag-aaral niya. "Katulong naman nina mama at papa sa pagtatrabaho si ate," kwento naman ng isa pa. "Marami palaging uwing magaganda at bagong damit si ate sa t'wing umuuwi siya galing ibang bansa kaya naman tuwang-tuwa ako sa kaniya," pahabol pa ng isa sa kaklase niya. Humalumbaba si Fatima habang patuloy na pinakikinggan ang mga kaklase niya. Para sa kaniya, normal lang ang lahat ng mga bagay na naririnig niya. Ano pa nga bang gawain ng isang ate kundi ang gawin kung anong ginagawa ng mga magulang nila? May pagpipilian ba sila? "Marami rin pa lang may ate rito," simula ni Mrs. Moreno nang tila humupa ang kaniya-kaniyang komento ng bawat mag-aaral. Pinagdaop nito ang dalawang palad at malapad ang ngiting tumingin sa kanila. "Kung kayo ay may mga ate, sino naman dito ang ate sa kanila?" Nagusot ang mukha niya sa tanong ng guro. Grade ten na sila at para sa kaniya ay hindi na mahalaga kung anong katatayuan mo sa isang pamilya. Ang gusto niya lang ay matapos ang klase at matigil ang kakaibang kislap ng awa sa mga mata ng guro habang nakatingin sa kaniya. Mas kokonti ang nagtaas ng kamay sa mga kaklase niya habang nanatili lang siyang nakahalumbaba. "Hoy! Iyong ate daw sa kanila!" siko sa kaniya ng kaibigang si Maya. Sinulyapan niya ito at iningusan ito. "E, ano naman?" mataray niyang tanong. Magsasalita sana si Maya pero mabilis itong umayos ng upo. At hindi na niya kailangang itanong pa kung bakit. Sumandal siya at humarap sa unahan at hindi siya nagkamali ng sapantaha, nasa harap na niya ang guro, nakatingin sa kaniya. "Fatima, can you share some tips to your classmates about how it is to be a good ate?" Mrs. Moreno asked as she beamed at her. Labag sa loob na tumayo si Fatima ngunit wala naman siyang pagpipilian. Wala rin naman siyang balak bastusin ang guro niya. Ipinaskil niya ang ngiting kadalasang ipinapakita niya sa lahat sa kabila ng katotohanang kabaligtaran noon ang nararamdaman niya. "For me, to be a good ate, you don't have to be as perfect as anyone could be. You could be a good sister just by simply loving your siblings and your parents. If you have the love, affection, and the will to provide for them, straighten them, and help them, everything will come naturally..." Hindi pa natapos roon ang tanong ni Mrs. Moreno sa kaniya at gaya noong una ay may ngiting sumagot siya. Ngiting simula ata nang mamulat siya sa realidad ng buhay ay nakasanayan na niyang ipaskil sa mga labi. ***** "Hindi ka ba sasama, Fatima? Mura pa naman ang milk tea doon dahil kabubukas pa lang ng shop," pangungulit ni Maya sa kaniya habang nagpapatas sila ng upuan. "Oo nga naman, Fatima. Sumama ka na sa'min. Mabilis lang tayo," susog naman ni Katkat, isa rin sa kaklase niya. Katatapos lang nila ng klase at sila ang cleaners ng araw na iyon kaya naiwan sila. May lakad sina Maya kasama ang ilang kaklase nila at kanina pa siya kinukulit na sumama rin. "Wala akong pera," aniya sa pag-aakalang titigilan siya ng mga ito. "Wala daw... Hindi ka nga gumastos ng recess kanina," pag-ingos ni Maya. "Kailangan ko ng pambili ng project." "Humingi ka na lang muna sa nanay at tatay mo," payo naman ni Lin. Sinulyapan niya ito na nagpupunas ng board. "Sa ibang araw na lang siguro ako sasama sa inyo." "Di ba rumaraket ka minsan kina Aling Bebang?" tanong ni Katkat. "Baka may ipon ka na diyan. Malaki raw magpasahod iyon." "O kaya ay libre muna kita," singit ni Maya. Inayos niya ang kahuli-hulihang upuan bago nagsalita. "Wag na. Balitaan ninyo na lang ako kung masarap siya at sa susunod ay sasama na ako sa inyo," tahimik ngunit may munting ngiti sa labing aniya. Nagkatinginan ang mga kaklase niya bago nagkibit-balikat. Nang matapos sila sa paglilinis ay naghiwa-hiwalay na sila. Nagsimula na siyang maglakad mag-isa pauwi habang ang mga ito ay excited na pumunta sa shop. Habang naglalakad ay kinapa niya ang bulsa. May malalamig na barya siyang nakakapa doon at malambot na perang papel ngunit batid niyang may mas mahalagang bagay siyang maaaring pagagamitan noon. Pinalis niya sa isip ang larawan ng mga kaklaseng tiyak na malakas na nagtatawanan at kuyom ang kamaong nagpatuloy sa paglalakad pauwi. Nang sapitin ni Fatima ang bahay nila ay agad niyang natanaw ang panglimang kapatid na naglalaro sa labas kasama ang ilang kapitbahay nila. "Ate!" Salubong ni Patrick sa kaniya bago nagmamadaling tumakbo palapit sa kaniya. "Naglalaro ka na kaagad. Nagawa mo na ang assignment mo?" tanong niya sabay kuskos sa ulo ng walong taong gulang na kapatid. "Wala akong assignment, ate," malapad ang ngiting anito. "Ate, ako may assignment," sabat naman ni Felina, pangatlo niyang kapatid. Nakatayo ito sa may pinto habang hawak ang makapal na libro. Napasibangot siya habang nakatingin sa libro. "May assignment na naman kayo sa Math?" "Si ma'am kasi," kakamot-kamot sa ulong anito. "Sige, mamaya titingnan ko," pagtango na lang niya bago sinulyapan si Patrick. "Maglaro ka ng konti, mamaya ay papasok na sa loob, ha." "Opo, ate!" malakas na saludo nito at tumakbo na palayo. "Nasaan ang Kuya Paul mo?" baling niya kay Felina habang nag-aalis ng medyas. "Kasama nina Prince sa basketball court. Nagpaalam kay nanay kanina, eh." Tahimik siyang tumango at inilagay sa tabi ng ilan pang nakahilerang mga itim na sapatos ang sa kaniya. "Tiyak na naglalaro na naman ng basketball ang mga iyon." Ibinaba niya ang bag sa upuang kahoy nila bago dumiretso sa kusina. "Nasaan si nanay?" tanong pa niya. "Nasa palengke, bibili lang daw ng panghapunan natin," malakas na tugon ni Felina at pumasok sa kabilang kwarto. Hindi kalakihan ang bahay nila. Kinailangan pang hatiin sa dalawa ang dating nag-iisang silid upang magkaroon naman ng pribasyon sila ni Felina. Gayunman, sa kabilang silid ay magkakatabi silang natutulog nina Felina at Patrick habang sa kabila ay ang mga magulang kasama ang triplets nilang anim na taong gulang na. Sa maliit naman nilang salas ay sina Paul na sunod sa kaniya at si Prince na pang-apat nilang kapatid at sumunod kay Felina. "Pupunta ka ba kina Aling Bebang?" tawag pa ni Felina. "Hindi muna. Kokonti lang daw ang kustomer nila ngayon tsaka magkukusot ako ng mga uniform natin," tugon niya habang kumukuha ng tubig. Pagkainom niya ay pumasok siya sa silid at naabutang pinapalitan pala ni Felina ng damit ang triplets nila na halatang kagigising lang. "Hello, Pat, Pot, Pit," bati niya sa mga kapatid na tumingala lang sa kaniya. Anim na taon na ang mga ito kung saan lahat sila ay lalaki. "Hapon na ah, bakit ngangayon ba sila natulog?" "Ang kukulit kasi kanina kaya napagalitan ni nanay. Nakatulog tuloy sa kakaiyak," umiiling na kwento ni Felina. "Mahihirapan na namang matulog ang mga iyan mamaya," saad niya at kinusot ang ulo ni Pit. "Ikaw na muna ang bahala sa kanila at magsisimula na akong maglaba." "Sige, ate." Mabilis siyang nagpalit ng damit at kinuha ang mga tubal na damit ng mga kapatid at magulang. Dahil marami sila, hindi pwedeng natatambakan sila ng maruruming damit. Bagama't nakakatulong na niya si Felina sa gawaing bahay, may pagkakataong siya na ang gumagawa ng mabibigat na gawain. Sa edad niyang labing-anim, nakasanayan na niyang tumayong pangalawang nanay at tatay ng mga kapatid niya lalo na kung abala ang mga ito o pagod na sa kakatrabaho. Nang dumating ang nanay at tatay niya kasama ang mga kapatid ay napuno nang ingay ang munti nilang bahay. Eksaktong natapos siya sa paglalaba ay natapos sa pagluluto ang nanay niya. At dahil hindi sila kasiya sa mesa nilang pang-animang tao lang ang kaya, sa sahig na naupo ang iba. "Nanay, si kuya nangangagaw ng ulam!" malakas na sigaw ni Prince habang masamang nakatingin kay Paul. "Para tinikman ko lang," sansala ni Paul. "Eh, bakit ang laki? Tsaka mayroon ka namang sa'yo ah!" "Uy konti lang naman iyon ah!" pagtanggi ni Paul. "Tama na nga iyan," saway ng nanay nila. "Nasa harap kayo ng pagkain," wika naman ni tatay. Mag0aaway pa sana ang mga ito pero kita ni Fatima na pinanlakihan na ito ng mata ng nanay nila. Iiling-iling na lang siyang tumayo sa pagkakasalampak sa sahig. "Busog na po ako," tahimik niyang anunsiyo sabay lapag sa mesa ng plastic na platong may kalahati pang pritong itlog. "Inyo na lang ito," aniya bago tumalikod at naghugas ng kamay sa lababo. "Uy, akin na lang ito, ate!" mabilis na sabi ni Paul. "Hoy, wag kang madaya!" bulalas naman ni Prince. "Kina Pot na lang iyan," sabat naman ni Felina. Hindi na nakisali si Fatima sa pagkakaribok ng mga kapatid. Palabas na siya ng kusina ng tawagin siya ng ina. "Fatima?" "Po?" lingon niya rito. "Si Felina na ang maghuhugas ng pinggan, gusto sana kitang makausap mamaya." Sa kabila ng ngiting nakalarawan sa mukha ng ina niya ay hindi niya maiwasang hindi kabahan. "Sige po, nay." ***** Malalim na ang gabi at wala nang maririnig sa paligid kundi ang mahinang paghilik ng mga kapatid ni Fatima. Kailangan na niyang matulog dahil maaga pa siyang gigising kinabukasan para maghanda ng agahan at ng mga baon nilang magkakapatid sa pagpasok sa paaralan. Ngunit ilang oras na siyang tulala sa kisame ay hindi pa rin siya antukin. Ang ibinalita sa kaniya ng ina ay tila isang malamig na tubig na nagpapanatili ng diwa at kamalayan niya. Kagat-labi siyang tumagilid ng higa, nakabaling sa katabing si Felina na kanina pa himbing na himbing habang sa tabi nito si Patrick na halos kunin na lahat ng espasyo dahil sa kalikutang matulog. Sumulyap siya sa manipis na dingding na nakapagitan sa tinutulugan nila at ng mga magulang. 'Nakakatulog kaya sila ngayong gabi? Naiisip ba nila ang nararamdaman ko, naming magkakapatid? Alam ba nilang napapagod at nahihirapan din ako? Hindi lang sila...' Hindi mapigilan ni Fatima ang pagpatak ng mga luha sa mga mata habang naaalala ang sinabi ng ina. Kung sa ibang pagkakataon ay dapat silang magsaya, matuwa, ngunit ang balitang iyon para sa kaniya ay isang palatandaan ng panibagong paghihirap, ng panibagong pasanin, ng panibagong alalahanin. "Anak, magkakaroon ka uli ng kapatid..." Mariing kinagat ni Fatima ang mga labi upang pigilin ang impit ng iyak. "Buntis uli ako, anak..." 'Uli?' Wala namang kaso sa kaniya kung magkaroon siya ng maraming kapatid pero hindi ba naiisip ng mga magulang niya ang kalagayan ng buhay nila? Hirap na hirap na sila. Halos walang makain, halos baon na sa utang, at madalas pang laman ng usapan dahil sa sobrang dami nilang magkakapatid. Nang ipanganak ng nanay niya sina Pot, Pat, at Pit ay madalas niyang marinig na pinag-uusapan ito ng mga tsismosang kapitbahay nila na para daw itong... Isinubsob niya ang mukha sa unan. Hindi niya kayang balikan ang mga narinig niya. Nasasaktan siya sa mga naririnig na sinasabi tungkol sa mga magulang niya pero mas nahihirapan siya sa buhay nila. At tila hindi iyon nakikita ng mga magulang niya, isang bagay na mas nagpapabigat sa dibdib niya. "Fatima, gising ka pa?" Nanigas ang katawan ni Fatima nang marinig ang pagtawag ng ina. Mariin siyang lumunok pero hindi tumugon. "Anak," dinig niyang tawag pa nito pero mas pinili niyang magkunwaring tulog. Hindi niya kayang harapin ang ina. Nang kausapin siya nito kanina ay tumango lang siya at ngumiti. Ano bang magagawa niya kung nangyari na? Hindi naman nila maaatim na ipalaglag ang bata... "Sinabi na sa'yo, tulog na siya," dinig niyang bulong ng ama sa ina. Ilang sandali ang dumaan bago narinig ang pagbuntong hininga ng ina kasabay ang paghakbang ng mga ito palayo. Alam niyang nakaalis na ang mga magulang pero hindi siya kumibo. Nanatili siya sa ganoong posisyon hanggang makatulog dala ang sama ng loob at bigat sa dibdib. ***** "Hoy! Anong kadramahan iyan?" kulbit ni Maya kay Fatima. "Kanina ka pa parang namatayan diyan," dugtong pa nito nang hindi man lang siya kumibo mula sa pagkakaubob sa mesa niya. 'Namatayan?' Gusto niyang pagtawanan ang kaibigan pero wala siyang lakas para gawin iyon. "Wala. Mag-lunch na kayo, wala ako sa mood kumain," sa halip ay wika niya. "Wala sa mood," ingos nito at hinila palapit ang upuan sa harapan niya. "Hindi ka kumain kaninang recess. Wala ka bang baon?" "Meron pero hindi ako gutom," walang-ganang tugon niya. "Hindi gutom, magtigil ka nga sa kadramahan mo. May nangyari ba sa bahay ninyo?" Bahagyang humina ang tinig na tanong nito. Tumunghay na siya at tiningnan ang kaibigan. Alam niyang kahit anong gawin niya ay hindi niya matatakasan ang mga tanong nito. "Tara na nga kumain," inis na saad niya sabay tayo. "Sus, gusto lang papilit." Hindi niya ito pinansin at nagpatuloy sa paglalakad palabas ng silid. Kahit sa mismong kaibigan ay hindi niya magawang sabihin ang nararamdaman. Natatakot siyang pagtawanan ng mga ito at magbigay ng mga komento tungkol sa mga magulang niya pero mas naiinis siya na makita na naman ang awang madalas ipukol sa kaniya ng mga tao. Napapagod na siyang maging kawawa. ***** Nang sumapit ang hapon ay halos bilangin ni Fatima ang mga hakbang niya pauwi. Ayaw pa niyang umuwi o kung maaari lang din ay hindi muna siya umuwi sa kanilang bahay. Hindi niya kayang humarap sa mga kapatid o kahit magkunwaring okay lang sa harap ng mga magulang. Hindi rin magtatagal ay lalaki ang tiyan ng nanay niya at ang mga tinginan naman ng mga tao sa paligid ang mapipilitan siyang pakiharapan. Minabuti niyang dumaan na lang sa kainan ni Aling Bebang kahit nasabi na nitong tatawag na lang sa nanay niya kapag kailangan nito ng katulong. "Naku, Fatima, mabuti at dumaan ka. Tatawagan ko sana ang nanay mo na papuntahin ka rito. Marami-raming customer ngayon at kailangan ko ng tulong," masiglang salubong sa kaniya ni Aling Bebang. "Kung ganoon, magsisimula na po ako." Ibinaba na niya ang bag, kumuha ng apron at hair net bago mabilis na nilapitan ang mga taong nagsisidatingan. Ang kainan ay malapit sa isang construction site at sa tabi nito ay may ilang maliliit na establisyemento kaya naman ang kadalasang suki nila ay mga manggagawa na doon kumakain o kaya ay mga empleyado na halos take-out ang order. Halos mapuno ang kainan at hindi na rin halos namalayan ni Fatima ang oras na dumaan. Isinantabi niya ang isipin sa bahay at itinuon ang isip sa pagtatrabaho kaya hindi niya napansin na dilim na sa labas at mangilan-ngilan na rin ang mga taong dumarating. "Fatima, mag-aalas-otso na pala, mabuti pa ay magpake ka na. Dalahin mo na rin pauwi iyong ilang ulam na binalot ko," tawag ni Aling Bebang sa kaniya. "Tatapusin ko lang po itong nililinis ko." "Iwan mo na iyan kay Greta at lumakad ka na. Nag-text pala ang nanay mo, hindi ka ba nagpaalam na pupunta ka rito?" sunod-sunod na sabi nito na sinamahan pa ng kakaibang tingin sa kaniya. Nakayukong umiling-iling siya. "Hindi po ako nakapagpaalam." Tinitigan siya ni Aling Bebang bago nagsalita, "Iwan mo na iyan at lumakad ka na. Kunin mo iyong mga ulam na binalot ko doon. Ipapahatid kita kay Ponyo at dilim na." Tumango siya at mabilis na tumalima kahit ang totoo ay labag sa loo bang umuwi na. Pag-uwi niya ay naghihintay na ang nanay niya sa may pinto. "Fatima..." "Pasensiya na po at hindi ako nagpaalam. Dumiretso na po ako kay Aling Bebang," mabilis na paliwanag niya habang ang mga mata ay nakatingin sa may pinto. "Anak, kung..." Tumigil ito sa pagsasalita at nagbaba ng tingin. "Mabuti pa ay kumain ka na muna at magpahinga. Nagluto ako ng adobong kangkong at sinangag na dilis diyan." Pinilit niyang ngumiti. "Sige po." Pumasok siya sa loob at nilagpasan ang ina. Nasalubong niya ang amang may mapanglaw na tingin sa kaniya. "Magandang gabi, tay." "Ginabi ka na, Fatima." "Pasensiya na po," nakayukong paumanhin niya at nilagpasan rin ito. Dumiretso siya ng kusina at naabutan si Felina na naghuhugas ng pinggan habang si Paul, Prince, at Patrick ay nagagawa ng assignment sa mesa. "Andiyan ka na pala, ate!" bulalas ni Patrick. "Turuan mo ako dito, hindi naman maalam si kuya Paul!" "Anong hindi maalam? Mahina ka lang talaga maka-gets,"gagad nii Paul. "Hindi, ah!" "Ang ingay ninyo kasing dalawa tsaka puro kayo kulitan kaya hindi kayo makapagsagot," sabat naman ni Prince na abalang-abala sa pagsusulat. "Sige, sandali lang." "Kumain ka muna, ate," paanyaya naman ni Felina. "Magbibihis lang ako," paalam niya at tumungo sa silid para magbihis. Pagkapalit niya ay bumalik siya sa kusina at kumain kasama ang mga kapatid na abala pa rin sa pagsasagot ng mga assignment. "Ate, nasabi na ni nanay sa'yo?" pagkaraa'y tanong ni Paul dahilan para matigilan siya sa pagsubo. Nilingon niya ito bago tumingin kay Felina na tumabi sa kaniya habang nagpupunas ng basang kamay. "Sinabi nina nanay kaninang hapunan, magkakaroon na daw uli tayo ng kapatid," may halong excitement sa tinig ni Prince. "Babae kaya? Para naman madagdagan tayong babae?" nangingislap naman ang mga matang tanong ni Felina. "Sana lalaki uli," ngisi naman ni Patrick. Ibinalik niya ang tingin kay Paul bago tumango. "Kagabi," simpleng tugon niya. "Isang buwan na rin daw," pagbibigay-alam pa ni Paul. Inabot niya ang baso ng tubig at sunod-sunod na lumagok. Pagod siya at gutom pero naglaho lahat ng gutom niya dahil sa usapan. "Talaga?" malamig niyang tanong. "Ayos ka lang ba, ate?" usisa naman ni Patrick na matamang nakatingin sa kaniya. "Hindi ka ba masaya na magkakaroon na naman tayo ng kapatid?" Sumubo siya ngunit hindi tumugon sa tanong ng kapatid. Nagpatuloy siyang tahimik na kumain, hindi alintana ang nagtatakang tingin ng mga kapatid at ang malungkot na mga mata ng mga magulang na nakatingin sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD