Back then, when I was a child, most of the time, when I first read the words ‘Beautiful Creatures’ the first thing that came into my mind were creatures like nymphs, dwarves, giants and the likes. Or maybe those young, beautiful princesses in long, vivid, colorful gowns, or maybe some grotesque creatures that we rarely see, but had a fantastic kind heart.
Different stories filled my head, filling it with different kinds of images, creating different kinds of creatures. But then, while I’m growing up, I learned what those beautiful creatures really are.
You wanna know what those beautiful creatures were?
*****
“Pearl, anak, mauna na ako sa’yo ha at dadaan pa ako kay Aling Tisay para kunin ang mga lalabhan mamaya,” rinig kong malakas na wika ni inay mula sa labas ng kwarto ko.
Binilisan ko ang pagbibihis at kahit hindi pa nakakasuklay nang maayos ay lumabas na ako ng maliit kong kwarto.
“Sasabay na po ako, inay.” Nagmamadali akong humabol kay inay na palabas ng maliit at gigiray-giray naming bahay.
Dalawa na lang kami ni inay sa magkasama sa buhay at tulad ng mga normal na kwento, iniwan daw kami ni itay noong bata pa lang ako dahil hindi niya kayang panagutan si inay at hindi niya kayang akuin ang responsibilidad ng pagiging ama ko. Ngunit, hindi kagaya ng ibang kwento, wala lang sa’kin kung ganoon ang ginawa niya. Masaya ako na kasama si inay at masaya siya na kasama ako. Mahirap man ang buhay ang mahalaga lang sa’min ay ang magkasama kami.
“Maaga pa ah,” puna ni inay.
Alas-singko y’ media pa lang nang umaga pero handa na ako para pumasok.
“May mga gagawin po kasi ako,” nakangiting wika ko kay inay habang sabay kaming naglalakad sa unti-unti nang lumiliwanag na daan.
Sumilay ang isang matamis na ngiti sa pagod na mukha ni inay. Bata pa siya kung tutuusin pero dahil sa hirap ng buhay at sa pagnanais niyang mabigyan ako ng magandang kinabukasan ay nagkakandakuba siya sa pagtatrabaho. Sa umaga ay nagtatrabaho siya sa palengke bilang tindera, sa hapon ay naglalababada at kapag araw naman ng Sabado ay namamalantsa siya para lang kumita. Dalawang taon na lang at nasa kolehiyo na ako at iyon ang labis pinaghahandaan ni inay.
“Alam kong kaya maaga ka na namang papasok ay dahil marami kang tanggap na gawa kahapon,” masuyo at puno nang pagmamahal na ani inay sa’kin.
Isang tipid na ngiti lang ang isinagot ko sa kaniya at iniangkla ko ang braso ko sa maliit at payat niya ng braso.
“Pearl, gusto kong ituon mo na lang ang pansin mo sa pag-aaral at hayaan mo na lang akong magtrabaho. Kaya na ni inay ang lahat. ‘Wag ka nang tumanggap pa ng mga paggawa mula sa mga kaklase mo,” hindi pa ring nagbabago ang tinig na ani inay.
“Sayang naman po ang kikitain ko tsaka okay lang naman po, at least, nahahasa pa ako lalo sa mga assignment at projects nilang ginagawa ko.”
Elementary pa lang ako ay ginagawa ko na iyon. Ako ang gagawa ng mga assignment at projects nila kapalit ng tamang halaga. Noong una, sinasabi ni inay na tinuturuan ko lang daw ang mga kaklase kong maging tamad pero ipinaliwanag kong marami rin naman sa kanila ay kumukuha ng tutor.
“Hayan na ang bahay ni Aling Tisay,” turo ni inay sa isang kulay krema na bahay na bato. Parang ice cream na keso ang bahay sa malayo kapag tinitigan dahil sa kulay nito.
“Sige po, inay. Mag-iingat kayo palagi.”
“Ikaw rin, Pearl. Mahal ka ni inay.”
Pagkatapos kong magmano at bigyan siya nang yakap ay mabilis na akong naglakad papunta sa school. Kinse minutos ding lakarin bago ako nakarating sa pampublikong paaralan na pinapasukan ko. At dahil 6:40 pa naman ang simula ng klase naming mga junior high ay dinala ko muna sa kaniya-kaniyang classroom ang mga pinagawang assignment at project.
Alas-sais mahigit ay natapos kong dalhin lahat ng paggawa sa akin. Pumunta ako sa paborito kong lugar sa second floor ng building kung saan kita ko ang bawat pumapasok na estudyante. Ilang minuto pa’y nagdagsaan na ang mga estudyante sa kani-kanilang uniporme. Marami sa kanila ay kilala ko lang sa mukha, ang ilan ay kilala ko rin sa pangalan, ang iba’y kamag-aaral ko at ang iba’y kilala ko sa ibang paraan.
Isang kakaibang ngiti ang sumilay sa labi ko habang binubuksan ang isang kulay brown na makapal na notebook. Ibinaba ko iyon sa hita ko’t nagsulat.
December 3, 2018
The Last List of Beautiful Creatures
Pagkatapos magsulat ay muling ibinalik ko ang tingin sa may gate habang ang isang kamay kong may hawak na ballpen ay nilalaro ko.
Natanaw kong pumasok si Shakira, ang mayaman at napakagandang ‘Junior Princess’ namin. Kahit sa malayo ay tanaw ko ang malawak at masayang ngiti dahil sa mga atensyong nakukuha niya. Mayaman siya kaya maraming gustong makipagkaibigan sa kaniya at dahil maganda siya, marami ring lalaki ang palaging nag-aabang sa kaniya. Sanay siya sa mga nakukuha niyang atensyon at wala siyang pakialam kung ang mga atensiyong ito ay para ba talaga sa kaniya o dahil lang sa meron siya.
Maganda siya pero…
Nakangiting umiling-iling ako’t inilipat ang tingin sa ibang estudyante.
Lumipat ang mga mata ko sa isa muling babae. May maamo itong mukha at matamis na mga ngiti, matangkad at magandang pigura na kahit pa nasa senior high pa lang ay iisipin mong isa na siyang college student. Siya si Lyka ang aming ‘Campus Queen', at hindi tulad ni Shakira ay hindi siya mayaman. Maganda siya at matalino at gaya ni Shakira ay gusto rin niya ang mga atensiyong nakukuha niya. May mga kwentong kumakalat na ginagamit niya ang ganda niya para magkapera at para mabili ang luho niya. Wala pang nakakapagpatunay pero ang anumang masamang balita ay kayang palisin ng isang matamis na ngiti ng isang maganda at maamong binibini.
Muli’y nakangiting umiling-iling ako at nilaro-laro ang ballpen sa kamay ko.
Bumuntonghininga ako at tumingin uli sa may gate. Marami ng estudyante pero walang kumuha ng atensiyon ko. Tatayo na sana ako pero siya namang pagpasok ni Kiray. Hindi iyon ang totoo niyang pangalan pero dahil may kaliitan siya at madalas ay pumapasok ng gusot at may tagpi ang uniporme, iyon ang naging bansag sa kaniya.
Bakit ba napakadali para sa mga taong gumawa ng bansag sa kapwa nila base lang sa nakikita?
Ikiniling ko ang ulo ko’t tinitigan ang nagmamadali sa paglalakad na si Kiray. Basta na lang nakapusod ang kulot nitong buhok at dahil bago pa lang siyang paligo’y nakapirmi pa iyon sa ibabaw ng ulo niya, ngunit tiyak mamaya lang ay maglalabasan na ang maliliit at kulot na buhok niya. Isang bagay na madalas ginagawang katatawanan ng ibang mga estudyante.
Pinanood ko siya habang nagmamadaling maglakad papunta sa kabilang building kung saan naroroon ang library. Marahil, hindi na naman siya nakagawa ng assignment dahil sa pagbabantay sa kaniyang maliit na kapatid at sa inang may sakit.
Isang malungkot na ngiti ang sumilay sa mga labi ko. Tumungo ako’t nagsimulang magsulat. Habang nagsusulat ako’y dinig ko ang malakas na yabag ng mga estudyanteng paakyat sa second floor. Binilisan ko ang pagsusulat at eksaktong isinasara ko ang notebook ay dumating ang mga kaklase ko.
“Pearl, ang aga mo na naman, ah!” salubong kaagad ni Sonia pagkakita sa’kin.
Nginitian ko lang siya at nang makalapit sa’kin ay niyaya ko nang pumasok sa loob ng classroom.
“Marami ka bang dinalang paggawa sa’yo ngayon?” tanong naman ni Alma.
“Oo,” tipid kong sagot at pasimpleng kinilik ang notebook na dala ko.
“Ang galing mo talaga, Pearl. Tiyak mabilis ang pag-asenso mo niyan,” ani naman ni Leni.
“Hindi naman. Tamang pambaon lang para hindi na ako hihingi pa kay inay.”
Kaklase ko silang tatlo: sina Sonia, Alma at Leni. Magkakasama ang mga magulang namin sa pagtitinda kaya naman kilalang-kilala namin ang isa’t isa.
Pumasok kami sa loob ng room at katulad kanina’y wala pa ring tao maliban sa amin. Binuksan ko ang bag ko at pasimpleng inilagay ang notebook sa loob. Naupo naman si Sonia sa unahan at sa tabi niya si Alma, si Leni naman ay dalawang upuan mula sa’kin. Kumuha sila ng mga libro at nagsimulang magbasa. Marahil ay hindi rin sila nakapag-aral kagabi.
Malungkot na ngumiti ako’t kumuha ng libro. Nasa kwaderno ko na ang mga pangalan nila at may panuntunang isang ulit lang maaaring ilagay ang pangalan. Hindi ko sinusunod ang panuntunang iyon, hindi dahil gawa-gawa ko lang iyon kundi dahil may rason ako.
Nasa kalagitnaan na ako nang binabasa kong libro nang marinig ko ang malakas na tawanan sa labas ng classroom. Parang iisang taong lumingon kaming tatlo kasabay ng malakas na pagbukas ng pinto. Magkasunod na pumasok ang dakilang bullies ng classroom namin na sina Agaton at Buboy.
Si Agaton ay anak ng isa sa magagaling na matadero sa palengke. Isa rin sila sa malaking supplier ng karneng baboy at manok kaya naman masasabing may sinabi rin sila sa buhay. Matangkad siyang lalaki at malaki ang pangangatawan, may itsura pero hindi ko masasabing gwapo, at sa kabila ng pagiging bully niya’y maraming babae ang nagkakagusto sa kaniya. Sa kabilang banda, si Buboy ay katulad lang niyang matangkad at malaki ang pangangatawan ngunit hindi kasingkilala ang tindahan ng mga ito ng isda. Hindi rin ito habulin ng mga babae, maliban na lang kung pabalatuhan ito ni Agaton.
Madalas nilang pagkatuwaan ang lalamya-lamya naming mga kaklaseng lalaki o ang mga babaing maisipan nilang asarin, at kahit ako mismo—hindi nakakaligtas sa pambu-bully nila. At isang malungkot na katotohanang wala man lang sa amin ang lumalaban sa kanila o nagnanais na labanan siya.
Hindi ko maunawaan kung bakit dahil malaki ang katawan mo’t akala mo’y nakaka-angat ka na sa buhay ay magiging mayabang at mapagmalaki ka na?
Hanggang kailan ba kayang tiyakin ng isang tao ang lakas at yaman na meron sila?
At sa isiping iyon, isang pag-iling lang ginawa ko bago ibinalik ang tingin sa binabasa ko.
Hindi pa ako nakaka-ilang segundo sa binabasa ko’y tumabi na si Agaton sa’kin. “Hoy, Pearl, naggawa mo ba ang assignment ko sa Math?” maangas niyang tanong.
Walang-lingong tumango ako’t inabot ang graphing notebook niya sa loob ng bag ko. Inabot ko ito sa kaniya. “Heto, nasa scratch ang solution niyan in case na tanungin ka ng teacher,” mahina kong tugon sa kaniya.
Nakangising kinuha niya iyon bago ibinagsak sa harapan ko ang isang daang buo. “Iyan ang bayad ko. Sa’yo nang sukli at alam kong kailangang-kailangan mo iyan,” maangas pa rin niyang pahayag.
Hindi na ako sumagot hanggang umalis na siya sa tabi ko’t nagmamayabang na lumapit kay Buboy. Kinuha ko ang isang daang buo at inilagay sa loob ng wallet ko. Hindi na mahalaga kung anong sabihin niya. Ang mahalaga sa akin ay makaipon nang sapat.
Mamaya lang ay tumunog na ang bell at nagdagsaan na ang mga kaklase ko. Hindi rin nagtagal ay dumating na ang guro namin. At kagaya lang ng mga normal na araw—nagtuturo siya, nakikinig ang iba at ang iba pa’y nagkukunwaring nakikinig lang.
Natapos ang unang dalawang subject namin at nag-recess time na. Magkakasabay kaming apat nina Sonia na kumain sa canteen. Bumili lang kami ng juice at nagsalo-salo sa mga dala naming tinapay at kakanin.
Nasa kalagitnaan kami nang pagkain nang hindi kalayuan sa’min ay tumilapon ang tray na puno ng mga pagkain kasabay nang pagkadapa ng isa sa estudyante. Nagsimulang magtawanan ang mga nasa paligid naming estudyante nang tumayo ang isang nadapang babae. Hirap pa itong tumayo dahil medyo may katabaan pa ito na siyang pinagtatawanan ng mga nasa paligid nito.
“Mga sira ulo talaga,” naiinis na bulong ni Sonia.
“Sumosobra na talaga sila,” naiinis nang tatayo sana si Alma pero pinigilan ito ni Leni.
“Huwag na… Baka mamaya ay ikaw pa ang pagbuntunan nila ng tukso,” ani Leni habang pigil sa braso si Alma.
“Pero?” angal ni Alma.
“Hindi nila alam ang ginagawa nila,” nailing kong sambit habang nakatingin sa matabang babae na mangiyak-ngiyak na nililimot ang natapong pagkain.
Hindi ito ang unang beses kong nakita ko siyang ginaganito, hindi rin ito ang unang beses na nakita kong pilit siyang nagbibingi-bingihan sa mga tawanan, tukso at pang-aasar ng paligid. Madalas itong mangyari, ngunit palagi pa rin siyang nagpapatuloy. Nakakalungkot man t’wing nangyayari ito ay palagi lang din kami, akong nakatingin.
Sa pagkakataong ito'y walang salitang tumayo ako’t nilapitan siya. Yumuko ako’t tinulungan siyang limutin ang mga natapong pagkain niya at ilagay sa tray. Natilihan siya nang makita ang ginagawa ko.
“H’wag na. Umalis ka na,” bulong niya sa’kin.
Nakangiting umiling ako sabay tanong, “Anong pangalan mo?”
Napakurap siya pero kaagad ding sumagot. “Bea Santos,” sagot niya.
“Kasali ka na,” mahinang sabi ko sa kaniya bago ko naramdaman ang malagkit na bagay sa ulo ko.
Kasunod noon ay ang malakas na tawana’t pang-aasar at ang pagbagsak ng spaghetti sauce sa ulo ko patungo sa mukha ko.
“Lagyan ng sauce ang mukhang burger!” malakas nilang asar.
“Mukha pala ‘yun! Akala ko burger!”
“S-sorry,” ani Bea na malungkot na nakatingin sa’kin, puno ng awa ang mukha niya.
Napapikit ako. Ngunit bago magsara ang talukap ng mga mata ko’y nakita kong kumuha ng panyo si Bea. Pumikit ako’t huminga nang malalim.
‘Hindi nila alam ang ginagawa nila,’ bulong ko sa isip ko.
Nagmulat ako ng mga mata at naramdaman kong hinila na ako. Sina Alma ang humila sa’kin palabas ng canteen, palayo sa mapang-asar na tao habang hawak ni Sonia sa kamay si Bea.
“Napakawalanghiya talaga nila!” halos umusok na ang ilong na ani Alma.
Dumiretso kami sa c.r. at doon ay naghilamos ako. Galit na galit pa rin si Alma pero kung susugod siya doon ay tiyak wala ring mangyayari. Minsan niya nang ginawa at hindi man siya ang napasama, mga magulang niya naman ang tumanggap ng kastigo at sisi. Kahit malinis ang intensyon namin, kayang paikutin ng salapi ang mesa ng hustisya. Wala sa’min ang gustong mangyari na naman iyon.
“Sorry,” mahinang wika ni Bea. “Nadamay ka pa tuloy,” dugtong pa niya.
“Okay lang,” pampalubag-loob ko sa kaniya.
“Dapat sinabi mong gagalaw ka para nakabantay kami,” naiinis pa ring ani Alma sa’kin.
“Kumalma ka na, Alma,” ani Sonia at tinulungan akong alisin ang sauce na kumalat pati sa uniform ko. Sana’y magawa kong itago ito kay inay para hindi siya mag-alala.
Napatingin ako sa salamin at napatitig sa mukha ko.
‘Mukha pala ‘yun, akala ko burger!’
Alam ko, hindi ako maganda, hindi rin ako makinis at maputi. At aaminin kong minsan hiniling kong sana ay hindi man ako maging maganda o maputi, sana man lang hindi ganito ang mukha ko.
Ngunit hindi na iyon mahalaga dahil walang permanenteng bagay sa mundo, lahat ay magbabago, lahat ay lilipas.
“Wag mo silang pansinin.” Napansin marahil ni Leni na nakatingin ako sa mukha ko kaya sinabi niya iyon.
“Alam ko,” nakangiting wika ko sa kaniya.
*****
Sa kabutihang palad, natapos ang buong maghapon ng maayos. Uwian na pero hindi kami sabay-sabay dahil may kaniya-kaniya kaming lakad. Dumiretso ako sa bayan dahil kailangan kong pumunta ng bangko. Habang naglalakad sa pamilyar na daan ay nakakasalubong rin ako ng mga pamilyar na tao. Hindi ko sila kilala sa mga pangalan nila, ngunit kakatwang kilala ko sila sa ibang paraan.
Malapit na ako sa bangko nang matanaw ko ang anak na lalaki ng kapitbahay namin na tumatakbo habang binabato ito ng isang magtitinda.
“Lumayas kang magnanakaw ka!” malakas na sigaw ng magtitinda.
“Wala po akong ninakaw! Hindi po totoo iyan!” halos magkadarapa ang lalaki sa pagtakbo palayo. Nakasuot pa ito ng uniporme at kahit mabilis itong tumatakbo ay hindi nakalingat sa’kin ang takot na takot at lungkot sa mga mata niya. Kilala ko siya at ang mga magulang niya ngunit sabi nga nila, ‘hindi dahil tuwid ang daan ay patungo sa mabuti iyon ngunit hindi rin dahil liko ang linya ay patungo sa masama na.’
May malungkot na ngiting lumapit ako saglit sa magtitinda. “Ale,” ani ko.
Galit niya akong nilingon, “Ano? Umalis ka na! Baka mamaya malasin pa ang tindahan ko sa inyong mga gusgusin kayo!”
Hindi niya na ako hinintay pang magsalita at pumasok na sa loob ng tindahan.
Nailing na lang na umalis ako at pumunta na sa bangko.
“Oh, Pearl, maghuhulog ka na uli?” masiglang tanong ng teller sa’kin.
Tumango ako. “Opo, kailangan ko pong maka-ipon bago ang araw.”
“Hindi ko talaga ma-gets kung para saan ang mga perang inihuhulog mo? Sa hinuha ko nama’y hindi ito para sa inay mo dahil nag-iipon din siya para sa’yo. Kakaiba kayong mag-ina,” nailing na paglalahad ng teller.
Hindi na ako sumagot. Hindi pa niya maiintindihan ngayon pero kapag dumating na ang araw ay tiyak na mauunawaan din niya iyon.
*****
Naglalakad na ako pauwi nang makita ko si inay na may dalang plastic ng gulay. Halatang pagod na pagod siya dahil sa maghapong pagtatrabaho. Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko at huminga nang malalim upang pigilan ang mga luha ko sa pagbagsak. Masakit na makita si inay na nahihirapan at napapagod. Mahirap unawaing nagpapakahirap siya para bigyan ako ng magandang buhay lalo na kung hindi niya alam na hindi na magtatagal ang buhay na ito.
Darating ang araw at matatapos na ang oras ko, aalis na ako’t iiwan ang buhay na ito.
May malungkot na ngiting naglakad ako patungo sa aking kinilalang ina simula nang mabigyan ako ng pangalawang pagkakataong mabuhay. Isusulat ko uli ang pangalan niya at gagawin ko iyon nang paulit-ulit kahit pa ang panuntunan ay isang beses lang maaaring isulat ang pangalan.
“Inay!” malakas kong tawag sa kaniya.
“Pearl, anak!” gulat niyag bulalas nang makita ako.
Tumakbo ako patungo sa kaniya—sa inang kinilala ko sa loob ng ilang taon.
*****
December 4, 2018, 12:00 a.m.
This would be the last list that I would do, the last list of Beautiful Creatures I’d met in this life…
The first time I encountered the words Beautiful Creatures, it sort of fascinated me. There’s something with those words that I couldn’t understand. I have this different kind of feeling that keeps on bugging me to know what those words meant.
Until that day…
Noong una, iba ang kahulugan ko sa magagandang nilalang sa mundo. Akala ko noon ay mga kakaibang uri ng nilalang na may kakaibang katangian at kakayahan na parang mga diwata o isang anghel. Inisip ko ring marahil ito ‘yung mga taong magaganda ang panlabas na kaanyuan, damit, at kung ano-ano pa.
Beautiful Creatures weren’t nymphs or any supernatural creatures. Hindi rin sila mga prinsesa sa magagandang bestida. Marahil pwedeng ilinya sa kanila ang mga pinanganak na kakaiba ang hitsura at panlabas na anyo kumpara sa ibang tao, pero busilak at mabuti ang puso.
Ngunit, iba ang deskripsyon ko sa kanila…
Sila ang mga nilalang o mga taong pilit nabubuhay nang maayos sa kabila ng magulong mundo.
Sila ang mga taong kahit ilang beses mong pagtawanan, patirin at yapakan dahil sa kakaiba sila ay patuloy na bumabangon.
Sila ang mga nilalang na sa kabila na ang mundo nila’y puro mali ay pinipilit gumawa ng tama.
Sila ang mga nilalang na hindi papansinin kung anong mali sa’yo bagkus ay itatama ka.
Sila ang mga taong kadugo mo man o hindi ay handang ialay sa’yo ang buhay nila para sa’yo.
Nagpapakahirap, nagpapakapagod, nagpapakapuyat para sa’yo sa kabila ng mga bagay na wala sa’yo.
Marami pa akong depinisyon na nakuha at maraming pangalang nailista. At kapag dumating ang araw na wala na ako…
Sana…
Sana’y malaman ng marami, hindi man ng buong mundo, kahit man lang ng mga taong nasa listahan ko na sa kabila ng pagiging iba nila sa basehang ganda na nilikha ng mundo, sila’y magagandang nilalang.
*****
At sa kahuli-hulihang pagkakataon, pinagmasdan ko si inay—ang inang kumupkop, nag-aruga at nagmahal sa’kin sa kabila ng pangit kong mukha. Si inay na sa kabila ng magkaibang dugong dumadaloy sa aming mga ugat ay minahal akong parang kaniya.
Ibinaba ko ang passbook at ang kulay brown kong notebook sa mesa. Iiwan ko na ito sa kaniya. Alam kong higit kaninuman, mas mauunawaan niya ang laman ng notebook na iyon. Hiling ko lang, sana’y mabuhay pa siya nang matagal at masaya.
Hinaplos ko ang tumatanda na niyang mukha. Para sa’kin, ito na ang pinakamagandang mukhang nakita ko. Mukhang puno t’wina ng pagmamahal, mga matang masuyong tumatanglaw at mga labing bumubuhay nang pag-asa.
Isang tunay na magandang nilalang.
Lumabas ako ng aming munting bahay—ang dati kong tahanan na ngayon ay lilisanin ko na.
Tumanaw ako sa langit hanggang sa tuluyan nang magdilim ang paningin ko…
This body will fade away but my soul will continue to look for Beautiful Creatures…
*****
ShimmersErisJane??