PROLOGUE
WARNING: s****l, VIOLENCE, AND LANGUAGE
R/18!
#ANGSIMULA
Madilim ang warehouse.
Tanging ang mahinang halinghing ng isang lalaki ang maririnig sa loob ng malawak at malamig na gusali. Ang ilaw sa kisame ay kumikislap, tila anumang oras ay puwedeng mapundi, nagbubuga ng maputlang liwanag na lumilikha ng mahahabang anino sa sementong sahig.
Sa gitna ng espasyo ay may isang lalaking nakatali sa upuan.
Bugbog.
Duguan.
Halos hindi na makagalaw.
Si Jade.
Nanginginig ang buong katawan niya matapos siyang paulit-ulit na hampasin ng baseball bat ng mga lalaking nakasuot ng puting maskara. Ang bawat galaw niya ay may kasamang sakit, at ang lasa ng dugo ay ramdam niya sa loob ng kanyang bibig.
Sa di kalayuan ay may isang lalaking nakaupo sa upuan.
Naka-maskara rin ito.
Ngunit iba ang maskara niya sa iba.
Kung ang maskara ng mga tauhan ay walang emosyon, ang maskara ng lalaking iyon ay nakangiti—isang ngiting nakakakilabot.
Mas lalo pang nanginig si Jade nang tumayo ito.
Dahan-dahang naglakad palapit sa kanya.
Hindi niya man lubos na kilala ang mukha nito, kilala niya ang presensya nito.
Mr. Smiley.
Iyan ang tawag sa kanya.
Sa mundong ito, sapat na ang pangalang iyon para manginig ang may utang.
Ang lalaking nasa likod ng maskara ay kilala bilang anak ng isa sa pinakamakapangyarihang sindikato sa bansa. Tahimik at pribado ang pamilya nito, ngunit kumakalat ang bulung-bulungan na malalim ang koneksyon nila sa politika at sa mga illegal na negosyo.
Huminto ang lalaki sa harap ni Jade.
Pinisil nito ang baba niya at pilit siyang pinatingala.
Napapikit si Jade sa silaw ng ilaw.
Sa malapitan ay mas nakakatakot ang itsura ng lalaki—malaki ang pangangatawan, ang braso ay puno ng tattoo, at ang presensya nito ay parang nagdadala ng lamig sa hangin.
Maling-mali ang naging desisyon niya na pumasok sa mundong ito.
"Alam mo naman 'yan, 'di ba?" mahinahon nitong tanong.
Mahina ang boses nito.
Pero sapat iyon para lalo pang manginig si Jade.
"Mahigpit akong maningil," dagdag nito habang lalo pang hinihigpitan ang hawak sa panga niya.
"...kumukuha ako ng buhay."
Lalong nag-lasang bakal ang bibig ni Jade habang pinipilit niyang magsalita.
"M-magbabayad ako..." halos pabulong niyang sabi.
Pahagis siyang binitawan ng lalaki.
Humagikgik ito.
May kinuha siyang litrato mula sa isa sa mga tauhan niya at itinaas iyon sa harap ni Jade.
Nanlaki ang mga mata ng lalaki nang makita kung sino ang nasa litrato.
Si Dionne.
Ang nobya niya.
Kinuhaan ito ng litrato habang nasa trabaho.
Hindi napigilan ni Jade ang paghinga nang mabilis.
"P-parang awa mo na... ako na lang..." halos umiiyak niyang sabi.
"Magbabayad ako! Pangako!"
Nang-init ang mga mata niya.
Hindi niya matanggap na pati ang inosenteng si Dionne ay nadamay sa kagagawan niya.
"Hindi ko siya sasaktan," sabi ng lalaki.
Sandali siyang tumigil.
Pagkatapos ay bahagyang tumawa.
"Pero hindi ako nangangako na hindi ko siya papatayin."
Parang simpleng salita lang iyon para sa kanya.
Para bang wala lang ang buhay ng tao.
"M-May pera na ako!" desperado niyang sagot. "Magbabayad ako sa'yo!"
"Kailan?" tanong nito.
"S-susunod na linggo! Kukuhanin ko ang pinamana sa'kin! Magdadagdag pa ako ng tubo!"
Umismid ang lalaki.
At kahit may maskara, ramdam ang saya sa boses niya.
"Paano kung ayaw ko ng pera?"
Nanigas si Jade.
Dahan-dahang binunot ng lalaki ang baril sa tagiliran niya at kinasa ito.
Naglakad siya paikot sa upuan ni Jade habang pinaglalaruan ang baril sa kamay niya.
Tinitigan niya muli ang litrato ni Dionne.
Pinantay niya iyon sa mukha ni Jade.
"Kung ito na lang kaya ang kapalit?"
Biglang umusbong ang galit sa dibdib ni Jade.
Kanina'y nagmamakaawa ang mga mata niya.
Ngayon ay puno na iyon ng galit.
Dinuraan niya ang lalaki sa mukha.
"Tangina mo!"
Sandaling natahimik ang paligid.
Pagkatapos ay biglang humagalpak sa tawa ang lalaki.
Nakitawa ang mga tauhan niya.
Bigla niyang hinampas ng baril ang mukha ni Jade.
Napaungol ang lalaki sa sakit.
"Dalhin niyo 'yan sa malayo," malamig nitong utos.
"Copy, boss."
Habang kinakaladkad si Jade palabas ng warehouse, ang huling bagay na nakita niya ay ang lalaking nakangiting maskara.
At sa kamay nito...
ang litrato ni Dionne.