WARNING:s****l, VIOLENCE, AND LANGUAGE
R/18!
#CUTEDAWSIANTEHMO
Nagising si Dionne sa silaw ng araw na tumatama sa bintana ng kotse. Bahagya siyang gumalaw at saka lang napansin na may nakabalot na jacket sa kanya—ang jacket ng lalaking kasama niya kagabi.
Tahimik ang paligid.
Sa unang pagkakataon matapos ang mahabang panahon, pakiramdam niya ay nakapahinga siya nang maayos. Parang ngayon lang ulit siya nakatulog nang mahimbing at nagising nang hindi mabigat ang katawan.
Napabuntong-hininga siya.
Buti na lang at day off niya ngayon.
Dahan-dahan siyang umupo nang maayos at tumingin sa paligid ng kotse.
Wala ang lalaki.
Bahagya siyang kumunot ang noo. Hindi niya alam kung anong klaseng lalaki ang basta na lang magpapahiram ng kotse para tulugan ng isang estranghero.
At higit sa lahat—hindi niya alam kung bakit siya nagtiwala.
Sumilip siya sa labas ng bintana. Tahimik ang lugar at hindi niya ito kilala.
Kinuha niya ang maliit niyang bag sa upuan.
Sandali siyang nag-alinlangan.
Hindi naman siya sanay umasa sa ibang tao. Buong buhay niya, sarili lang niya ang sandalan niya.
Kaya dahan-dahan niyang binuksan ang pinto at bumaba ng kotse.
Pupunta na sana siya sa gilid ng kalsada upang pumara ng taxi nang may natanaw siyang pamilyar na pigura sa di kalayuan.
Ang lalaki mula kagabi.
May hawak itong dalawang paper bag at naglalakad pabalik sa direksyon ng kotse.
Mukhang may binili ito.
Napatigil si Dionne.
Hindi niya alam kung bakit, pero may kung anong kumurot sa dibdib niya.
Parang may gusto siyang itanong.
Parang may gusto siyang malaman tungkol sa lalaking iyon.
Pero agad niyang inalis ang tingin.
Hindi sila magkakilala.
Isang gabi lang silang nagkasama.
At wala siyang karapatang manghimasok sa buhay ng isang estranghero.
Huminga siya nang malalim at itinaas ang kamay.
"Taxi!"
Huminto ang isang dilaw na taxi sa harap niya.
Mabilis siyang sumakay.
Bago niya tuluyang isara ang pinto, napatingin siya ulit sa direksyon ng lalaki.
Sakto namang napatingin din ito sa kanya.
Sandali lang silang nagkatitigan.
Walang salita.
Pero may kakaibang bigat sa titig ng lalaki—parang may binabasa ito sa kanya.
Parang may iniisip.
Bahagyang kinabahan si Dionne sa titig na iyon.
Agad niyang isinara ang pinto.
"Manong, sa ——— lang po," sabi niya sa driver.
Unti-unting umandar ang taxi palayo.
Hindi na siya lumingon.
Pero hindi niya alam kung bakit—
parang pakiramdam niya ay sinusundan pa rin siya ng tingin ng lalaking iyon.
Nanatiling nakatayo si Hanze sa pwesto niya.
Tahimik.
Hawak pa rin ang paper bag.
Pinagmasdan niya ang taxi na palayo nang palayo hanggang sa tuluyan itong mawala sa kanyang paningin.
Hindi siya kumilos.
Hindi siya nagmadali.
Parang sanay siyang maghintay.
"Boss."
Lumapit ang isa sa kanyang tauhan.
"Almusal niyo po."
Hindi siya sumagot.
Patuloy lang siyang nakatingin sa kalsadang dinaanan ng taxi.
Hanggang sa dahan-dahan siyang napangiti.
Pero hindi iyon mainit na ngiti.
Isa itong ngiti na may bahid ng interes.
"Cute..." mahina niyang bulong.
Pagkatapos ay tumalikod siya.
Sa loob ng sasakyan, agad na nagtanong ang isa sa kanyang bodyguard.
"Kilala niyo po ba yung babae, boss?"
Umiling si Hanze.
"Hindi."
Saglit siyang natahimik.
Pagkatapos ay bahagyang sumandal sa upuan.
"Pero malalaman ko."
Tahimik ang sasakyan.
Ang mga taong nagtatrabaho kay Hanze ay sanay na sa ganitong tono ng boses niya.
Kapag ganito siya magsalita—
may mamalasin.
Samantala, sa kabilang bahagi ng lungsod—
Malawak ang opisina. Tahimik. Mabigat ang hangin sa loob ng silid.
Ang mga dingding ay gawa sa makapal na salamin na tanaw ang buong lungsod sa ibaba. Sa taas ng gusaling iyon, ang mga ilaw ng Maynila ay parang maliliit na bituin na kumikislap sa dilim ng gabi.
Nakatayo si Hanze sa harap ng malaking bintana, ang dalawang kamay ay nakapasok sa bulsa ng kanyang pantalon habang tahimik na pinagmamasdan ang lungsod.
Mula sa taas na iyon, ang mga tao ay parang maliliit na langgam.
At sa mundong ginagalawan niya—
parang lahat ng iyon ay nasa ilalim ng kontrol niya.
Tahimik ang silid sa loob ng ilang segundo.
Hanggang sa nagsalita siya.
"Gusto ko siyang kunin."
Diretso.
Walang pag-aalinlangan.
Sa likod niya, napahagikgik sa tawa ang kanyang ama na nakaupo sa likod ng malaking mesa.
Si Don Marco Wyatt.
Isa sa mga pinaka-maimpluwensiyang pangalan sa politika.
Hindi lamang sa gobyerno malakas ang kapangyarihan niya—malalim din ang mga koneksyon nito sa media, negosyo, at sa mga mundong hindi dapat nakikita ng publiko.
Kung may balitang kailangang itago—
kayang-kaya niya iyong patahimikin.
Kung may pangalang kailangang linisin—
kayang-kaya niya iyong burahin.
"Ganun mo ba kagusto ang babaeng 'yan?"
Bahagyang sumandal si Don Marco sa kanyang upuan habang pinaglalaruan ang baso ng alak sa kamay niya.
"Marami akong kilala na mas bagay sa'yo."
Humigop siya ng alak bago nagpatuloy.
"Si Denise—sikat na artista. Ayaw mo."
"Si Gennova—international model. Ayaw mo rin."
Napailing siya habang natatawa.
"Tapos sa isang pipitsuging waitress ka nahulog?"
Tuluyan siyang humagikgik.
Tahimik lang si Hanze.
Hindi siya lumingon.
Ang mga mata niya ay nakatutok pa rin sa lungsod sa labas.
Bahagyang kumunot ang noo niya bago niya pinagkrus ang mga braso sa dibdib.
"Hindi naman kasi ako katulad mo," malamig niyang sagot.
"Na mahilig sa mga gamit na gamit na."
Biglang natahimik ang silid.
Naputol ang tawa ni Don Marco.
Ang mga mata nito ay bahagyang nanikip habang tinitigan ang likod ng anak.
Ilang segundo ang lumipas bago siya muling nagsalita.
Ngunit sa pagkakataong ito—
wala na ang tono ng biro sa boses niya.
"May plano ka na ba?"
Dahan-dahang lumingon si Hanze.
Tahimik.
Kalma.
Ngunit may kakaibang lamig sa mga mata niya.
"Wala pa."
Sandali siyang tumigil.
Pagkatapos ay bahagyang ngumiti.
"Pero alam ko kung paano siya kukunin."
Sa isip niya ay muling sumagi ang mukha ni Dionne.
Ang paraan ng pagtingin nito sa kanya.
Ang takot.
Ang katigasan ng ulo.
At ang inosenteng aura na bihirang makita sa mundong ginagalawan niya.
At sa unang pagkakataon sa mahabang panahon—
may isang bagay na gusto si Hanze na hindi niya pa pagmamay-ari.
Pero hindi iyon magiging problema.
Dahil sa mundong ito—
sanay si Hanze Wyatt na kunin ang anumang gusto niya.
Kahit pa—
isang babae iyon na hindi niya dapat galawin.
"Mana ka talaga sa'kin,"
May kakaibang saya sa boses niya—hindi bilang ama na proud sa anak, kundi bilang isang taong nakikita ang sarili niyang kalupitan na nagpatuloy sa susunod na henerasyon.
"Wala pang plano... pero kumikilos ka na," dagdag niya habang sumandal sa malaking upuan.
"Wise choice."
Saglit siyang tumigil bago bahagyang sumeryoso ang mukha niya.
"Pero siguraduhin mong hindi mo ako ipapahiya sa mga kakilala ko."
Nakatitig na siya ngayon kay Hanze.
Hindi iyon simpleng paalala.
Isa iyong babala.
Sa mundong ginagalawan nila, ang kapangyarihan ay parang salamin—isang maling galaw lang, maaari itong mabasag.
At ayaw ni Don Marco na mangyari iyon dahil lamang sa isang babae.
Tahimik lang si Hanze.
Hindi man lang siya nagpakita ng pag-aalinlangan.
Bahagya lamang siyang ngumiti—isang ngiting walang init.
"Hindi ako nagkakamali ng kinukuha," malamig niyang sagot.
At sa sandaling iyon, malinaw ang isang bagay sa isip niya.
Hindi ito simpleng interes.
Hindi rin ito simpleng kapritso.
Si Dionne Clemente—
ay isa nang bagay na gusto niyang ariin.