Chapter 15

1516 Words
ELARA’S POV “Mama, si Mathew, pinagalitan po siya ng teacher namin kanina. Kasi habang nagtuturo si teacher, nakikipagkwentuhan siya sa katabi niya,” pagsusumbong sa akin ni Matheo habang nagtitiklop ako ng damit nila. Tapos na kaming mag-dinner at nakapaglinis na rin sila. Naghahanda na silang matulog. Pinaayos ko ang second floor para may sariling kwarto ang triplets noong mag-apat na taong gulang na sila. May double deck na kama at isang isahan. Hindi malaki ang kwarto nila pero sinigurado kong maayos iyon at komportable. Si Mathew ang nasa ibaba ng double deck, habang si Mathias naman ang nasa itaas. Samantalang nasa solong higaan si Matheo. Tumingin ako kay Mathew. “Bakit ka nakikipag-kwentuhan sa katabi habang nagkaklase si teacher? Hindi ba sabi ko behave lang sa school?” tanong ko sa anak ko pero hindi naman sa tono na pinapagalitan ko siya. Alam kong madaldal talaga si Mathew, kaya minsan hindi maiiwasan na makipagkwentuhan siya sa katabi niya. “Kasi po, sabi ni Jayjay, dalawa ang papa niya,” sagot ng anak ko. “Mama, bakit dalawa ang papa niya? Hindi ba dapat isa lang ang papa?” inosenteng tanong pa niya sa akin. Parang gusto ko namang mapakamot sa ulo dahil sa tanong niya. Kung ano-ano na lang ang nalalaman ng anak ko. “Anak, isa lang talaga ang papa. Baka naman papa lang ang tawag niya doon sa isa, pero isa lang ang tunay niyang papa,” paliwanag ko. Baka step-father noong kaklase niya iyong isang papa. “Ha?” Bahagya pa niyang kiniling ang ulo at kumunot ang noo. “Pero bakit po dalawa? Kaya ba walang papa iyong ibang bata kasi kinukuha nila ang papa ng iba?” Actually may point iyong tanong niya. Meron kasing mga lalaking tumakbo sa responsibilidad para sa tunay nilang anak pero nagpapakatatay sa hindi nila anak. Pero syempre, hindi ko pwedeng ipaliwanag sa ganoong paraan sa anak ko dahil bata pa siya at mas lalo lang siyang maguguluhan. May mga bagay na mas mabuting hindi pa niya alam. “Hindi dalawa ang papa niya, papa lang tawag niya kasi bagong asawa iyon ng Mama niya. Step-father lang niya iyon,” biglang singit naman ni Matheo kaya lahat kami ay napatingin sa kaniya. Itong si Matheo, siya iyong parang walang pakialam palagi sa paligid niya pero minsan siya iyong mas maraming alam. “Paano mo nalaman?” curious pang tanong ni Mathew. “Ganito kasi iyon, pwedeng marami kang papa pero iisa lang ang biological father mo,” matalinong sagot naman ni Matheo. “Kahit sino, pwede mong tawaging papa, pero iisa lang ang tunay mong ama.” Tumango-tango ako sa sinabi ni Matheo. Iba talaga ang talino ng anak kong ito. Ang bata pa pero masyado nang maraming alam. Si Mathew din naman maraming alam na kalokohan. Si Matheo, marami siyang alam na tsismis dahil madalas iyong matatanda ang kausap niyan kaya kung ano-ano nasasagap na balita. “Pero tayo, bakit wala tayong papa?” biglang tanong ni Mathew. Sabay-sabay na napatingin sa akin ang triplets. Napahinto ako sa pagtitiklop ko ng mga damit nila at parang namutla ako. Pakiramdam ko nasa hukom ako at nakatingin sa akin ang mga biktima ko. Alanganin akong tumawa habang kinakabahang nakatingin ako sa kanila. Nag-iisip ng palusot na pwede kong sabihin. “Busy kasi si Papa. Nasa ibang bansa siya, he is working there,” biglang saad ni Matheo kaya nagtatakang tumingin ako sa kaniya. “Anak?” “He is a businessman,” saad pa ni Mathias. Mas lalo akong napanganga. Para bang talagang kilalang-kilala nila ang ama nila. Humagikhik si Mathew. “He is rich!” ani ni Mathew. “Mama, kilala po namin si Papa.” Kumunot ang noo ko habang nakatingin sa kanila. Paano nila makikilala si Sean gayong ako lang naman ang nakakaalam ng tungkol doon. Wala akong pinagsabihan kahit na sino. “P-paano?” nagtatakang tanong ko sa kanila. Biglang tinuro ni Matheo si Mathias na humihikab na ngayon at biglang pabagsak na humiga sa kama niya. Kumunot ang noo ko. Hindi ko maintindihan ang ibig niyang sabihin. “Sinabi sa inyo ni Mathias?” paglilinaw ko pero iyong kabog ng dibdib ko, parang lalabas na ang puso ko. Umiling si Matheo. “Anak, sige na, sabihin mo kay Mama.” Lumapit pa ako sa kaniya. Kulang na lang magmakaawa ako sa anak ko. Hindi ako mapapakali hangga’t hindi ko nalalaman paano nila nalaman ang tungkol kay Sean. “Nagjo-joke lang po kami, Mama,” biglang saad ni Mathew at tumawa siya ganoon din si Matheo. Hindi ko alam kung makakahinga ako ng maluwag o hindi. Matatalino ang mga anak ko kaya, maaring malaman nila kung sino ang ama nila kahit hindi ko sabihin. Pero wala namang ibang nakakaalam kaya walang makakapagsabi sa kanila. “Paano naman po namin makikilala si Papa, hindi naman po namin alam name niya,” saad pa ni Matheo. Na-guilty tuloy ako. Kasalanan ko iyon, dahil wala talaga akong balak na ipaalam sa kanila kung sino ang ama nila. Hindi pa sa ngayon. Siguro kapag malaki na sila at mauunawaan na nila ang lahat. Sasabihin ko na sa kanila ang totoo. “Pero mama.” Napatingin ako kay Mathias na higa na pero nakayakap sa may gilid ng kama niya habang nakatingin sa akin. Nakasilip siya baba kung nasaan kami ni Matheo. “Sabi ni Mang Dodong, parang kamukha raw kami ni Sir Ashton, pero sabi naman ni Don Gustavo, hindi raw si Sir Ashton ang kamukha namin.” “Sinabi nila iyon?” Bakit kasi matatanda ang mga kabarkada ng anak ko. Si Mang Dodong, isa iyon sa nagtatanim sa Hacienda, tuwang-tuwa iyon sa triplets kapag nakikita niya at madalas nga siyang kinakausap ni Mathias. “Opo,” sabay-sabay na sagot pa nila. “Pero sabi po ninyo, kayo ang kamukha namin, kasi mama namin kayo,” wika pa ni Mathew. Ngumiti ako. “Syempre, ako ang kamukha ninyo. Hindi ako papayag na hindi kayo nagmana sa akin.” Sabi naman ni Tita Celia, hawig ko rin ang mga anak ko. Pero halata raw na hindi lahat ay nakuha nila sa akin. Lalo na si Mathias na Hazel ang kulay ng mga mata, sigurado akong namana niya iyon sa kaniyang ama. Habang si Mathew naman ay light brown at si Matheo ay dark brown. Alam ko naman na mas kamukha nila ang ama nila, pero wala namang kahit na sinong mag-iisip na si Sean ang tatay nila dahil hindi ito umuuwi ng bansa. Maaring sabay kaming umuwi ng San Simon noon pero ilang araw lang at umalis na siya, buntis na rin ako noon. Kaya kahit may makaisip ng bagay na iyon, walang maghihinala. “Sige na, matulog na kayo. Maaga pa ang pasok ninyo bukas,” saad ko at pinahiga na si Matheo. Inayos ko ang kumot niya bago ko siya hinalikan sa noo. Lumapit ako kay Mathew at ganoon din ang ginawa ko. Niyakap pa niya ako at humalik siya sa pisngi ko. Bahagya akong umakyat sa hagdan paakyat sa double deck para i-check si Mathias. Bigla siyang nagmula at ngumiti sa akin kaya napangiti ako sa kaniya. “Good night,” saad ko sa kaniya. “Good night po.” Mabilis ko nang nilagay sa damitan nila ang mga tiniklop ko. Tiningnan ko munang muli ang mga anak ko bago ako lumabas ng kwarto nila. Pinatay ko ang ilaw bago ko tuluyang sinarado ang pinto. Katabi lang ng kwarto nila ang kwarto ko. Agad na akong nagtungo sa kama ko. Pero ilang minuto na akong nakapikit ay hindi pa rin ako makatulog kaya muli akong bumangon at kinuha ang phone ko. Ang mga anak ko ang wallpaper ko. Pitong taon na ang nakakalipas. Maayos na ang buhay ko ngayon. Nagagawa kong suportahan ang mga pangangailangan ng anak ko. Hindi madali, lalo na kapag nagkakasakit sila pero nagawa kong kayanin ang lahat. Pero alam kong sa kabila ng lahat ng sakripisyo ko, may isang bagay na hindi ko kayang punan. Kahit maging ama at ina ako para sa kanila, alam kong darating ang araw na magtatanong sila. Sa palagay ko nga nagsisimula na silang magtaka kung bakit wala silang ama gaya ng ibang bata. Pero paano ko ipapaliwanag sa kanila? Kanina, talagang kinabahan ako ng sobra lalo na nang sabihin nilang kilala nila ang Papa nila. Sakto rin ang mga description na sinabi nila. Hindi ko lang makuha kung bakit si Mathias ang tinuturo ni Matheo. Bigla akong natigilan at muling napatitig sa screen ng phone ko habang nakatingin sa larawan ng mga anak ko. Pinakatitigan ko si Mathias. Hindi naman ang mata ng anak ko ang tinutukoy nila hindi ba? Alam kong matatalino ang mga anak ko, pero imposibleng malaman agad nila kung sino ang ama nila dahil sa mata ni Mathias. Dahil pareho sila ng kulay ng mata ni Sean. Maliban na lang kung may nakapagsabi sa kanila. Pero hindi pa naman nakikilala ng anak ko si Sean, kaya imposibleng malaman nila. Napahawak ako sa dibdib ko. Hindi ko alam kung bakit kinakabahan ako gayong imposibleng may makaalam ng sekreto ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD