ELARA’S POV
Hindi madali ang magka-anak. Lalo na sa tulad kong single mom at triplets ang naging anak. Grabe ang puyat at pagod na pinagdaanan ko.
Minsan may mga pagkakataon na naiiyak na lang ako sa sitwasyon ko lalo na kapag sabay na umiyak ang mga anak ko pero kailangan ko pa ring kumilos at alagaan sila. Hindi ko sila pwedeng pabayaan. Mabuti na lang at kasama ko si Papa at Tita Celia. Silang dalawa ang tumulong sa akin.
Sa mga unang buwan ay talagang nangangapa pa ako. Mabuti na lang at bakasyon kaya kasama ko si Tita Celia. Siya ang katulong ko sa pag-aalaga ko sa mga anak ko. Kaya malaki ang pasasalamat ko sa kaniya. Minsan nahihiya na rin ako sa kaniya, pero lagi niyang sinasabi na masaya siyang tulungan ako. Tuwang-tuwa siya sa mga anak ko.
Hindi rin agad ako nakabalik sa trabaho ko dahil hindi ko pwedeng pabayaan ang mga anak ko. Kaya pakiramdam ko ay naging pabigat kami sa ama ko. Kahit laging sinasabi ni Papa na okay lang, alam kong hindi madali.
Kinausap ko na rin si Ashton at Ma’am Amelia tungkol sa kalagayan ko at naiintindihan naman nila. Iyon nga lang, wala akong magagawa noong humanap na sila ng kapalit ko dahil hindi naman pwedeng magtagal na walang gagawa ng mga naiwan kong gawain.
Mabuti na lang at medyo malaki ang ipon ko kaya kahit paano ay may panustos ako sa panggatas at diaper ng mga anak.
At nang medyo nasanay na ako sa pag-aalaga sa triplets ay rumaket na rin ako. Nag-live selling ako. Malaki ang naitulong sa akin ng trabahong iyon para kahit paano ay kumita ako at magkaroon ng panustos sa mga anak ko. Kapag tulog ang triplets, kahit pagod na ako at gusto kong magpahinga, ay hindi pwede, kailangang kumilos ako para kumita ng pera.
Kahit napapabayaan ko na ang sarili ko, wala akong pakialam basta maalagaan ko lang ang mga anak ko.
Naging madiskarteng ina ako para sa mga anak ko. Lahat parang kinaya ko para sa kanila.
Hanggang sa hindi ko namamalayang lumilipas na ang panahon at lumalaki na ang mga anak ko. Kung dati natataranta ako sa tuwing sabay-sabay silang iiyak o kailangang palitan ng diaper. Nang makapagsimula na silang lumakad ay parang mauubos naman ang boses ko kakasaway sa kanila.
Minsan, magugulat na lang ako kung saan-saan sila umaakyat. Minsan nag-aaway na lang bigla. Lalo na si Mathew, siya ang madalas na nagpapa-iyak sa mga kapatid niya. Habang si Matheo naman, medyo iyakin at ayaw na pinapakialaman siya. Habang si Matias, siya ang pinamadaling bantayan dahil laging tulog pero kapag nagising siya, lahat na lang kinakalikot niya.
Pero habang lumalaki ang mga anak ko, hindi ko mapigilang hindi maging proud sa sarili ko. Hindi ko akalaing makakaya ko. Hindi pa ako handing maging ina noong dumating sila sa buhay ko pero pinanindigan ko sila. Mas pinili kong umalis sa komportableng buhay at isilang sila.
Marami man akong hirap na pinagdaanan, pero nagawa ko iyong lampasan. Nagawa kong palakihin ang mga anak ko.
Hanggang sa hindi ko namalayang magpi-pitong taon na pala ang nakakalipas mula nang bumalik ako ng San Simon. Grade 1 na ang mga anak ko. Ang bilis ng panahon, minsan nga parang gusto kong pahintuin ang oras.
At loob ng mga nakalipas na taon, wala akong nabalitaan na umuwi ng hacienda si Sean. Ibig sabihin, pinakinggan ang dasal ko na huwag na kaming magkitang muli.
Nakabalik na rin ako sa trabaho ko sa hacienda, pero hindi na bilang secretary ni Ashton. Kundi bilang assistant ni Don Gustavo, kaya mas madalas na akong nasa mansion kaysa nasa opisina. Minsan nga, hindi ko alam kung bakit kinuha pa niya akong assistant gayong wala naman akong masyadong gawa dahil si Sir Asher naman na ang siyang namamahala ng buong hacienda katulong ang panganay niya na si Sir Ashton. Pero minsan naman ay ako ang nag-aayos ng mga papeles o kapag gusto magtrabaho ng boss ko dahil hindi raw ito sanay na walang ginagawa. Maalwan na ang trabaho ko at minsan kapag may time ako, nagla-live selling pa rin ako.
Nagulat din ako noong una nang inalok ako ng trabaho ni Don Gustavo, pero agad ko iyong tinanggap dahil kailangan ko ng stable job. Hindi rin naman palagingmalaki ang kita ko sa live selling. Magdadalawang taon na mula nang maging Assistant s***h Secretary ako ng matandang De Silva. At sa loob ng dalawang taon na iyon, isa lang ang pinagpapasalamat ko. Hindi ko pa nakikita ang kahit anino ng apo niya.
Lagi ko talagang pinagdarasal na sana hindi na ito umuwi at manatili na lang sa ibang bansa para manatiling tahimik nag buhay ko.
Ang mga anak ko naman ay pumapasok kung saan nagtuturo ang Lola Celia nila kaya hindi ko na sila kailangang ihatid at sunduin dahil sumasabay sila kay Tita Celia araw-araw.
“Lara, kapag walang pasok, you can bring your kids here,” biglang saad ni Ma’am Amelia habang nasa opisina kami ngayon dito sa mansion nila. Kadarating ko lang mula galing sa BIR dahil may inasikaso kami ng isang staff mula sa office at katatapos ko lang mag-report sa Don.
Napapansin ko, magiliw siya sa mga anak ko. Mula nang makita nila ang mga anak ko, lagi na nilang tinatanong sa akin. Tapos kapag walang pasok ang mga bata, gusto nilang isama ko. Maging ang Don. Siguro dahil malalaki na ang mga apo nila kaya nami-miss nila ang may makukulit na mga bata.
“Sige po, kaso makukulit na talaga ang mga batang iyon,” nahihiyang sagot ko sa kaniya.
“Hindi naman, mababait naman ang mga anak mo,” nakangiting saad ni Ma’am Amelia. “Malalaki na kasi ang mga apo ko kaya nakaka-miss na may mga bata rito sa mansion. Ayaw pa kasi nila kaming bigyan ng apo sa tuhod.”
“Pwede naman tayong gumawa, kung gusto mo,” biglang saad ng Don na nakaupo sa harap ng malaking table niya.
Hindi ko mapigilang matawa ng mahina. Isa sa nalaman ko habang nagtatrabaho ako kay Don Gustavo, kengkoy siya at palabiro. Dati akala ko masungit at nakakatakot siya, hindi pala.
“Gustavo, ako ay tantanan mo,” masungit na saad ni Ma’am Amelia. “Ang tanda-tanda mo na ang landi-landi mo pa.”
“Dati naman kilig na kilig ka sa mga ganiyang banat ko,” panunukso pa ng matandang lalaki.
Ito rin. Kahit matatanda na sila, talagang parang teenager pa rin sila kung mag-asaran.
“Ewan ko sa iyong matanda ka,” pikon na saad ni Ma’am Amelia saka bumaling sa akin. “Basta, Elara. Kapag walang pasok, dalahin mo rito ang mga anak mo. Para naman hindi puro pagmumukha niyang si Gustavo ang nakikita ko.”
Tumango ako sa kaniya. Lumabas naman ito ng opisina.
“Tingnan mo ang babaeng iyon. Daig mo pa ang nireregla, gayong matagal naman ng menopause,” pagbibiro pa ni Don Gustavo.
Napangiti na lang ako. Nakakatuwa silang dalawa. Iyong kahit matatanda na sila, parang hindi nawawala iyong spark sa kanila. Kahit hirap ng lumakad ang Don at parehong mapuputi na ang mga buhok nila, parang hindi nagbago ang pagtitinginan nila sa isa’t isa.
Umuwi na rin ako pagkatapos dahil alas singko na. Sigurado akong nasa bahay na ang mga anak ko. Madali naman akong nakauwi dahil hinatid ako ng driver ng mga De Silva na si Kuya Jun.
“AHHHH!”
Nasa labas pa lang ako ay rinig ko na ang sigaw ng isa sa triplets kaya nagmamadali akong pumasok ng bahay at nagulat ako nang makita ko si Mathew na may ipit ng damit sa ilong at tenga.
“Mama!” sabay-sabay na saad nila at mabilis na lumapit sa akin para magmano.
“Anong ginagawa n’yo bakit may ipit ka sa ilong at tenga mo?” tanong ko kay Mathew.
“Natalo po kasi siya sa laro namin,” paliwanag ni Matheo.
“Ano bang laro ninyo?”
“Spelling po,” sagot ni Matheo.
Sa mga anak ko. Napansin ko na si Matheo ang mahilig mag-aral. Masipag din siya magbasa.
Inabot sa akin ni Matheo ang spelling booklet ni Mathew.
Kumunot ang noo ko habang binabasa ko ang mga nakasulat doon.
1. eytin
2. teybol
3. Gormey
4. Bohkey
5. cahf
Kumunot ang noo ko habang nakatingin sa papel. Gets ko naman ang mga nakasulat doon pero hindi ko alam kung masyado bang mahirap na para sa isang grade one ang mga salitang naroon maliban sa table. Ganito na ba talaga kahirap ang mga spelling sa grade one?
“Mama, sabi ko kasi dapat iyong madali lang,” reklamo ni Mathew at inalis ang ipit sa ilong at tenga niya. Namumula na ang ilong niya at tenga.
“Madali lang iyan,” giit naman ni Matheo. “Isa nga lang mali ni Matias.”
“Matalino kasi ako,” pagyayabang naman ni Matias.
“Hindi ako bobo, ang hirap lang ng pina-spelling ni Matheo. Grade pa lang naman kami dapat madali lang. Hindi pa nga iyan tinuturo ni teacher,” katwiran pa ni Mathew. Hindi talaga ito magpapatalo palagi.
“Madali lang naman iyon. Easy words lang,” saad naman ni Matheo.
“Hindi nga!” pagmamatigas ni Mathew. “Bakit iba spelling ng Gourmet? Bakit may T? Pati iyong bouquet? May T at q ba talaga iyon?”
“Silent T kasi iyon, gaya ng buffet, hindi ka kasi nagbabasa palagi.”
Napakamot ako sa ulo ko habang nagtatalo ang mga anak ko. Habang si Mathew naman ay asar na nakatingin sa kakambal niya.
“Tama na iyan,” awat ko sa kanila. Baka mamaya mag-away pa sila.
Advance talaga si Matheo kumpara sa dalawang kapatid niya, pero hindi naman ibig sabihin na mahina si Mathew. Magaling naman bumasa lahat ng mga anak ko, kahit grade one pa lang sila, iyon nga lang si Matheo, pang mataas na grade na ang binabasa niya.
Noong mga three years old pa lang sila, kung Tung Tung Sahur ang gusto panoorin ni Mathew, si Matheo naman ay mga educational video. Habang si Matias, tulog.
“Huwag na kayong mag-away. Hindi sabi ko huwag na huwag kayong mag-aaway?” Natahimik naman sila. “Matheo, kapag mali, turuan mo na lang si Mathew, and ikaw naman Mathew, kapag mali, accept mo na lang, okay? Then paturo ka para malaman mo. Okay?”
“Opo,” sabay na sagot nila sa akin.
Napangiti naman ako.
“Good. Saka walang bobo sa inyo. Mahilig lang magbasa si Matheo kaya mas marami siyang alam na words,” dagdag ko pa. Ayaw ko naman na bumaba ang confidence ni Mathew dahil lang sa hindi siya kasing galing ng dalawang kapatid niya sa spelling.
“Pero mama, hindi naman po kami nag-aaway, nagpapaliwanag lang,” paliwanag pa ni Mathew.
“Nagtatalo na kayo sa harap ko, eh.”
“Hindi po,” tanggi ni Matheo. “Nag-e-explain lang po kami.”
Biglang inakbayan ni Mathew si Matheo.
“Tanggap ko naman na mas matalino siya sa akin, Mama. Basta ako pinaka-pogi,” bibong sagot ni Mathew at nag-pogi sign pa sa akin habang labas ang mga ngipin habang nakangiti.
Napailing na lang ako. Ganito sila palagi. Laging mga nagtatalo pero kapag sinaway ko, nagiging magkakampi bigla para hindi ko mapagalitan.
Bumaling ako kay Matias na parang tamad na tamad na nakaupo sa sofa.
Tumalikod naman na sa akin sina Mathew at Matheo.
“Checkan mo mga spelling ko, tama naman iyan. Wala ka naman sinabi na may silent T,” rinig ko pang bulong ni Mathew kay Matheo.
“Mali pa rin naman spelling mo, table na lang mali pa,” singit ni Matias sa dalawa.
“Ulitin natin,” biglang saad ni Mathew. “Peperpekin ko, sinadya ko lang maliin iyong kanina.” Kumuha siya ng panibagong papel. Ganoon din ang ginawa ni Matias at naupo sila sa sahig habang nakapalibot sa mababang pabilog na table.
Napangiti na lang ako habang nakatingin sa kanila.
Sa gulo nilang tatlo, sanay na ako. Pero habang lumalaki sila, itong si Mathew, mas kumukulit.
Pero kahit gaano ako kapagod, kapag nakikita ko ang mga anak ko. Napapangiti ako. Nawawala ang pagod na nararamdaman ko. Makita ko lang sila, okay na ulit ako. May energy na ulit ako.