Chapter 3

1927 Words
Kathryn NAGISING ako dahil sa naulinigang kaluskos at tila ba may bumubulong. Nagmulat ako ng mga mata at bahagya kong kinusot ang mga ito bago tumingin sa bintana na bahagyang nasisilip ang labas dahil sa nakahawing kurtina. Inilipat ko ang aking tingin sa orasan na nasa side table. Alas-tres pa lang ng madaling araw. Kinapa ko ang espasyo sa aking tabi kung saan nakahiga si Joaquin. Nangunot ang noo ko dahil wala siya sa aking tabi. Dahan-dahan akong bumangon nang marinig ulit ang bumubulong. Nakabukas ang ilaw sa banyo. Naroon siguro siya. Alangan namang magnanakaw, 'di ba? Marahan akong naglakad para katukin siya at tingnan kung ano ang ginagawa niya roon sa ganitong oras. Pero natigil ako sa paghakbang nang nasa tapat na ako mismo ng pinto ng banyo dahil muling siyang nagsalita. This time, mas malakas na nang kaunti ang boses niya, sapat para marinig ko kung ano ang sinasabi niya. Tila may kaaway siya, pero sino naman kaya? Bakit sa ganitong oras? May bukas pa naman para riyan. Sobrang importante kaya para hindi na puwedeng ipagpabukas? "Subukan mo lang, I will surely break that beautiful neck of yours!" tila nanggigil na turan niya sa kung sino man ang kausap niya. Saglit akong natigilan nang dahil sa narinig. Kailan pa siya naging ganito ka-brutal sa pakikipag-usap? Ano ang kasalanan ng kausap niya para maging ganiyan siya kagalit? Beautiful neck . . . babae? Alangan namang sabihan niya ng gano'n ang lalaki? Maaari ba? Isang beses pa akong napalunok nang marinig kong magsalita siyang muli. Naging mas mahina na ang boses niya kaysa kanina kaya dahan-dahan kong inilapit ang tenga sa may pinto para pakinggan ang boses niya. Para tuloy akong tanga rito. "I've already told you, didn’t I? I told you to get rid of it! Ang sabi ko ayoko! Bakit ba ang tigas ng ulo mo? Bakit ba ipinipilit mo pa? ’Di ba sinabi ko nang hindi puwede? Mahirap bang intindihin iyon? Hindi puwedeng malaman ng asawa ko ang tungkol d'yan!" Tila kinabahan ako sa narinig. Bakit ayaw niyang malaman ko? At ano naman kaya ’yon? Sino ang kausap niya? Ang dami kong katanungan pero walang kasagutan. Mabilis akong lumayo nang marinig ang papalapit niyang yabag, ngunit bago pa man ako makabalik sa higaan, nabuksan na niya ang pinto. Tila naumid ang dila ko at napako na lamang ang aking tingin sa mukha niya. Halatang nagulat din ito nang makita ako pero kalaunan ay ngumiti rin. "Iihi ako," sabi ko sa kaniya. Ewan ko kung bakit iyon ang lumabas sa bibig ko sa halip na tanungin kung sino ang kausap niya kanina. Napansin ko rin ang pasimple niyang pagtago ng cellphone niya sa kaniyang likod. Akala niya siguro ay hindi ko iyon nakita. "Okay, bilisan mo, Mahal," aniya at hinalikan pa niya ako sa pisngi bago tinungo ang higaan. Saglit ko siyang nilingon bago pumasok sa loob ng banyo. Nahiga na ito at itinaas pa ang kabilang braso papunta sa kaniyang noo. Humarap ako sa sink para maghilamos. Hindi ko maipaliwanag itong nararamdaman ko. Parang kinakabahan na ewan. Naghilamos akong muli para magising ang aking diwa. Baka kasi inaantok pa ako kaya kung ano-ano ang naiisip at nararamdaman ko. Pero nakailang beses na akong maghilamos ay 'di pa rin mawawala-wala ang pagtahip sa dibdib ko. Tinungkod ko sa magkabilang gilid ng lababo ang mga kamay ko saka tumingin sa salamin pagkatapos maghilamos. Tinitigan ko ang aking sariling repleksiyon, saka mabigat ang hiningang ibinuga. Ang bigat kasi talaga ng pakiramdam ko. "Hindi mo naman siguro ako niloloko, Joaquin, 'di ba? Wala ka namang inililihim sa akin 'no?" tanong ko sa sarili ko habang nakatingin sa salamin. Napailing pa ako saka inabot ang nakasabit na face towel sa gilid. Tinuyo ko ang aking mukha saka muling napatitig sa salamin. Bakit ko ba pinag-iisipan nang masama ang asawa ko? Mahal niya ako kaya hindi niya ako magagawang lokohin. Hinding-hindi niya magagawa sa akin ang bagay na tumatakbo sa isip ko. Mahal na mahal niya ako. Tanggap nga niya kahit hindi kami magkaroon ng anak. Muli akong bumuntong-hininga saka inayos ang aking sarili. Pinihit ko ang doorknob saka lumabas ng banyo. Gano'n pa rin ang puwesto niya buhat pa kanina. Nakataas pa rin ang braso niya at nakapatong sa kaniyang noo. Parang hitsura ng problemado. Dahan-dahan akong sumampa sa higaan para hindi siya magising saka patagilid na humiga at tinalikuran siya. Ewan ko pero kahit kumbinsihin ko pa ang sarili ko na huwag pansinin ang mga narinig ko, tila kabaliktaran ang sinasabi ng kutob ko. Ito ba iyong tinatawag nilang woman's instinct? O sadyang mapagduda lang talaga ako? Ayokong maging paranoid pero 'di ko talaga maiwasan. Gumalaw siya at bigla na lamang akong hinapit sa bewang. Niyakap niya ako saka isinubsob ang kanyang mukha sa aking leeg. "I love you, Mahal," bulong niya sa tainga ko saka mas isiniksik pa ang mukha sa aking leeg. Kung siguro hindi ko narinig ’yong mga sinabi niya kanina, napangiti na naman ako sa sinabi niya. Sa ngayon, hindi ko talaga magawa. Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata saka pinilit na matulog. Day off namin parehas bukas. Susubukan ko na lang itanong sa kaniya kung sino ’yong kausap niya. Baka nga praning lang ako. ______________ WALA na si Joaquin nang magising ako kaya agad akong bumangon at baka nasa kusina siya. Baka siya na naman ang nagluluto ng agahan namin. Sinuklay ko ang aking buhok gamit ang aking mga daliri saka lumabas ng kuwarto. Maliban sa amoy ng pabango ni Joaquin ay katahimikan ang sumalubong sa akin. Walang Joaquin na hubad, suot-suot ang pink kong apron habang nagluluto. Wala rin naman siya sa sala habang nanonood ng paborito niyang NBA game. Nakakapagtaka. Nasaan siya? Nang tingnan ko ang relo sa dingding ay alas-sais y media pa lang naman. Tinungo ko ang bintana para silipin siya sa labas. Baka kasi nag-wa-washing lang siya ng sasakyan niya. Pero wala rin maski ang sasakyan niya sa labas. Bigla na namang sumalakay ang kakaibang kaba sa dibdib ko. Napahawak ako sa aking dibdib saka ilang ulit na tinapik-tapik ito. Parang may mabigat na bagay na nakadagan dito. Ilang ulit na akong bumuntong-hininga para maibsan ang kabigatan nito pero mas lalo lang itong bumibigat. “Nasaan 'yon? Day off namin ngayon, ah?” usal ko. Ni hindi man lang niya ako ginising para magpaalam kung may pupuntahan siya. Ni wala nga siyang nabanggit kagabi sa akin na may lakad siya ngayon. Kinuha ko ang cellphone para tawagan siya. Pero paulit-ulit lang na operator ang naririnig ko sa kabilang linya. Cannot be reach. Nakapatay ang phone niya! Paulit-ulit ko siyang tinawagan pero wala talaga! Impit akong napatili dahil sa frustration na nararamdaman ko. "Urgh! s**t, Joaquin! Nasaan ka ba?!" Pilit kong kinalamay ang aking kalooban. Tinungo ko ang ref para kumuha nang malamig na tubig pero bago ko ito buksan ay nakita ko ang post it note na nakadikit. Good morning, beautiful! I'm sorry kung hindi na kita nagising. Ang sarap kasi ng tulog mo kaya hindi na kita inistorbo. May importante lang akong aasikasuhin sa presinto. Uuwi rin ako agad para makalabas pa tayo, okay? I love you my beautiful wife! P.S May niluto na akong breakfast mo. Tinakpan ko sa lamesa. -Joaquin Tiningnan ko ang lamesa. May nakatakip nga roon. Linapitan ko ito saka tinanggal ang takip. May steamed hotdog na kadalasan kong ipaluto kasi ayoko sa pinirito. May scrambled egg, garlic fried rice at ginisang gulay. Meron ding note sa tabi ng pinggan. Enjoy your breakfast, Mahal. Love you! Tuluyan na akong napangiti. Pinag-isipan ko pa siya nang masama. Gusto ko tuloy ma-guilty dahil sa mga inisip ko kanina. Pero bakit gano'n? Mabigat pa rin ang dibdib ko. Bakit parang 'di pa rin ako mapakali? Hindi ko magawang kumain. Gulong-gulo ang isip at puso ko. Para kasing may kakaiba. Dagdag pa yung mga narinig ko kagabi. Kingina, bakit ba ganito?! Muli kong tinakpan ang pagkain saka nag-dial sa cellphone. Gusto ko ng advice. Magaling akong mag-advice pagdating sa ibang tao pero sa sarili ko, wala akong mahagilap na salita na pampalubag sa kalooban ko. Nakailang dial na ako sa number ni Michelle pero hindi niya sinasagot. Ano kayang nangyari ro'n? Ring lang nang ring ang phone niya. Nadagdagan na naman ang kaba sa dibdib ko. ’Yung bigat na nararamdaman ko kanina parang dinoble pa. Peste! Ayoko ng pakiramdam na ganito! Baka may nangyari na sa kaniya kaya 'di niya sinasagot ang tawag ko? "Michelle, huwag kang dumagdag sa poproblemahin ko, please lang! Baka masaktan kita kahit buntis ka pa, hinayupak ka!" parang tangang sabi ko habang nagtitipa ng mensahe para sa kanya. Hoy! Ano ba? Sagutin mo ang tawag ko! Huwag kang magpapakamatay kung may balak ka, peste ka! Sabihin mo sa akin kung gusto mong magpakamatay at ako mismo ang sasakal sa 'yo! Ilang segundo lang ay tumunog ang message alert tone ko. Agad kong binuksan ang natanggap na mensahe. Nag-reply ang bruha! Gaga! Hindi ko gagawin 'yon! Lalo pa ngayon, mapapasa akin na ang man of my dreams ko! Nangunot ang noo ko. Ano kayang pinagsasabi nito? Man of her dreams? Bumalik na kaya si Greg? Muli akong nagtipa ng mensahe para sa kaniya. "Sino ang man of your dreams. . . na sinasabi mo?" anas ko kasabay ng tina-type kong mensahe para sa kaniya. Naghintay lang ako ng reply niya pero nakalipas na ang ilang minuto ay hindi pa siya nag-reply. Hinayaan ko na lang. Atleast alam kong hindi siya magpapakamatay. At kung sino man yung tinutukoy niya, kung si Greg man. Naku! Pupukpukin ko talaga sa ulo yung babaeng ’yon nang magtanda sa katangahan. Itinuon ko na lamang ang pansin sa paglilinis. Mamaya uuwi rin naman na si Joaquin. Iyon ang sabi niya sa nakasulat sa post it note niya, eh. Pinunasan ko ang pawis na tumatagaktak sa leeg at noo ko. Napatingin ako sa oras. Alas-dos na pala. Ni hindi ko namalayan ang paglipas ng oras dahil sa dami ng ginawa ko. Kung hindi nga lang kumalam ang sikmura ko, hindi pa ako titigil sa ginagawa ko. Naghugas ako ng kamay saka kumuha ng pinggan at kutsara. Hindi ko na ipinainit ang pagkain na niluto ni Joaquin kanina dahil nagugutom na ako. Umupo ako at nilantakan na ang pagkain pero bigla akong napangiwi nang maamoy ang itlog. Teka, kanina lang 'to ah? Panis na agad? Inamoy ko pa ulit pero sa pagkakataong 'to tuluyan nang bumaliktad ang sikmura ko. Napatakbo ako sa banyo para ilabas ang gustong ilabas ng tiyan ko. Napahawak ako sa lababo para rito humugot ng lakas. Halos isuka ko na yata pati apdo ko pero puro tubig at laway lang naman ang nilalabas ko. Siguro ay dahil sa nalipasan ako ng gutom kaya ganito. Naghilamos ako saka lumabas ng banyo. Uminom na ako ng tubig saka inilagay sa sink ang mga pagkain. Mamaya ko na lang huhugasan dahil bigla akong hinila ng antok. Namimigat na ang mga talukap ko. NAKATULOG ako agad pero bigla akong napabalikwas nang makitang madilim na sa labas. Bakit hindi ako ginising ni Joaquin? Teka, meron na nga ba siya? Dumating na ba siya? Nagkumahog akong lumabas pero natigilan ako dahil kadiliman ang sumalubong sa akin. Ibig sabihin hindi pa siya nakakauwi? Isinindi ko ang ilaw. Wala talagang bakas na umuwi siya. Yung pinagkainan ko kanina ay nasa sink pa rin hanggang ngayon. Hindi pa iyon nagagalaw. Dahil kung meron na si Joaquin, paniguradong nahugasan na iyon. Dumako ang tingin ko sa orasan. Alas-nuwebe na! “Bakit wala pa siya? Joaquin, pinag-aalala mo na ako masiyado. Nasaan ka na ba?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD