Alas dos na! Alas don na ng madaling araw! Pero lahat ng cell niya sa katawan ay gising na gising pa!
Hindi siya makatulog! At dahil iyon kay Harry at sa sinabi nito kanina.
Like. Like na raw siya nito. Sa tagalog, may gusto ito sa kanya.
Hindi niya alam kung paano iyon sasagutin kanina. Una, dahil natulala na siya at lumutang-lutang na hanggang da makauwi siya sa bahay nila
Ikalawa, noon lang naman niya naramdaman ang ganoong klase ng damdamin! Dati kasi ay nagpapahaging palang sa kanya ay sinusupalpal na niya.
Pero kay Harry? Ibang klase. May ibang kapamgyarihan ang binata sa kanyang puso. At kahit pa sa utak niya ay walang laban kapag si Harry na ang pinag-uusapan.
"Lord, ito na ba 'yung pag-ibig?"
Napangiti siya sa naisip. May gusto na rin yata siya kay Harry. Kasi kung wala pa, ano 'tong mga nararamdaman niya?
At ayon kay Harry, gusto na rin siya nito.
Mutual feeling. Mas lalo siyang napangiti at impit pang napatili. Mabuti na lang napigilan niya pa ang sarili niya.
"Hala!" mahina niyang sabi. "Anong oras na?! Baka magmukha akong paniki bukas dahil sa puyat!"
Alam niyang para siyang tanga na nagsasalita ng mag-isa. Pero ano bang magagawa niya? Pakiramdam pa nga niya ay ang hyper niya. Kahit gusto na niyang matulog ay hindi mangyari dahil buhay na buhay ang diwa niya.
Hindi naman kasi niya akalain na ang isang katulad ni Harry ay magkakagusto sa kanya. Gwapo ito, malakas amg dating at halata naman dito na hindi ito basta-basta.
Labis talaga siyang ginulat ni Harry.
"Naku ka, Harry! Ano ba 'tong ginagawa mo sa akin? Ganito ba ang feeling ng in love?" aniyang muli sa sarili.
Wala rin naman siyang maisagot sa sarili dahil first time na may lalaking pumukaw sa kanyang interes. Totoo pala iyong mga nababasa niya sa mga librong nabibili. Akala niya dati ay OA lang ang mga naroon base sa mga ginamit na salita ng mga may akda niyon.
Muli siyang tumingin sa orasan sa kanyang kwarto. Naku! Alas tres pasado na ng madaling araw! Ang bilis ng oras.
Sinaway ni Jasmin ang sarili. Kailangan niyang matulog at ipahinga ang utak. Baka bukas ay hindi siya maganda, magbago na ang isip ni Harry.
*****
"May tinapos ka na namang libro, ano?" sita sa kanya ni Amy nang magsalubong sila nito sa corridor.
"Bakit?"
"Kitang-kita diyan sa mga mata mo! Ang laki ng eyebags mo!"
"Ha?" Bigla siyang nag-alala. Bakit kanina ay maayos naman ang itsura niya? Ang totoo niyan, kahit na puyat na puyat siya at ilang oras lang ang itnulog ay maaga pa rin siyang nagising. At himalang hindi siya nakakaramdam ng antok.
"Kasi, ang una mong naisip 'pag gising mo ay walang iba kundi si Harry at ang pagtatapat nito sa iyo kahapon," tuya ng isip niya sa kanya.
Speaking of Harry...
"Harry! Nandito ka na rin!" Napalingon siya sa kanyang likuran nang magsalita si Amy. Naroon na nga si Harry at nakatingin ito sa kanya.
"Pucha!" napamura tuloy siya sa isip. "Ano bang itsura 'ko?"
"Good morning," bati nito. Hindi niya alam kung para ba iyon sa kanilang dalawa ni Amy o para sa kanya lang dahil hindi napuputol ang titig nito sa kanya.
"Nakaka-conscious naman!" aniya sa isip. "Konti na lang talaga, matutunaw na 'ko!"
"Bakit parang may iba sa inyo ngayon? May na-miss ba ako?" may panunuksong tanong ni Amy sa kanila ni Harry. "At bakit ka nagba-blush, Jasmin?"
"Ano? Hindi ah!" tanggi niya.
"Sus! Kunwari ka pa! May nangyari sa inyong dalawa, ano?" patuloy na panunukso nito.
"Sshhh!" Ipinatong niya ang kanyang daliri sa kanyang bibig, para sawayin si Amy. "Ano ka ba? Baka may makarinig sa iyo ay kung ano ba ang isipin!"
"Naku! Hindi ka pa aamin ha?" Naalarma siya nang bigla itong bumaling kay Harry. "Anong meron, Harry?"
"Napakadaldal mo! Halika na!" Hinila na niya si Amy papunta sa kanilang classroom. Alam niyang hindi sila titigilan nito. At talagang si Harry pa ang tinanong nito? Hindi na siya binigyan ng kahihiyan ng kaibigan.
Ilang na ilang na nga siya dahil kay Harry ay dumagdag pa 'tong si Amy.
Nang makapasok ay deretso siyang umupo sa kanyang pwesto. Naramdaman niyang nakasunod lang si Harry sa kanya ngunit hindi umiimik.
Naiilang din kaya ito? O, napahiya sa mga tanong ni Amy?
*****
Magmula nang sabihin ni Harry na may gusto ito sa kanya ay mas naging malapit pa sila sa isa't isa. Bagamat hindi na nito muling inungkat pa ang tungkol doon.
Ayos lang iyon para sa kanya. Sabi nga nila, actions speaks louder than words.
Mas naging open na kasi si Harry sa kanya at nasasabi na rin nito sa kanya kung ano ang nararamdaman nito. Naikwento na rin nito ang ilang bahagi ng buhay nito sa kanya.
Ayon kay Harry, baby pa lang siya ay naghiwalay na ang mga magulang nito. Mula sa mayaman na angkan ang ina nito at simpleng mamamayan lang ang ama nito na mula nga sa probinsiyang iyon.
Tulad sa pelikula, mayaman versus mahirap. Hindi nagustuhan ng mga magulang ng ina nito ang lalaking minamahal ng babae dahil hindi ito kasing yaman nila. Dahil mga bata pa at nagmahalan naman daw talaga ang mga ito ay nagtanan at nabuo nga si Harry.
Dahil dito ay itinakwil ng mga magulang nito ang ina ni Harry. Noong una raw ay masaya naman sila, hanggang sa isilang na si Harry.
Doon na raw nagsimula ang problema ng magkasintahan lalo pa at hindi maibigay ng ama nito ang buhay na kinasanayan ng ina niya. Laki ito sa yaman at hindi sanay sa buhay na isang kahig at isang tuka.
Ito raw ang nagtulak sa ina ni Harry na iwan ang ama nito. Muli itong bumalik sa poder ng mga magulang kasama ang sanggol pa noong si Harry.
Hindi naman iyon naging mahirap para sa babae dahil nag-iisang anak lang ito. Maging si Harry ay dalawang kamay na tinanggap ng lolo at lola nito.
Ngunit sa kanyang paglaki, hinanap ni Harry ang kalinga ng isang ama. At nagiging dahilan iyon para magkaroon ito ng pagtatalo at ang mommy nito.
Sa huli ay napilitan ding aminin ng ginang ang nangyari rito at kung sino ang kanyang tunay na ama. Bagamat hindi nito sinabi kung saan ito matatagpuan.
Gumawa ng paraan si Harry para mahanap ang ama nito. Inipon nito ang mga allowance na ibinibigay dito ng ina at ng kanyang lolo. At sa halip na regalo ay pera ang hinihingi nito sa tuwing may okasyon tulad ng kanyang birthday at Pasko. At ang lahat ng kanyang naipon ay ginamit niya para mag-hire ng private investigator.
And the rest is history.
Mas lalo siyang humanga kay Harry dahil sa kanyang mga nalaman. Isipin mo, laki ito sa yaman pero mas pinili nito ang simpleng buhay para makasama ang ama nito.
Ang alam niya ay teacher ang papa nito sa elementary school sa bayan ng mga ito. Wala na rin naman daw itong naging ibang pamilya magmula ng iwan ito ng mommy ni Harry.
"Hindi ba kayo sinundan ng papa mo?" naalala niyang tanong niya kay Harry nang ikwento nito ang tungkol doon.
"Sumunod siya. Pero hindi niya pinilit si mommy na bumalik sa kanya," sagot ni Harry.
Ayon sa papa ni Harry, hindi rin nito kayang makita na nagdurusa sa piling nito ang kanyang mag-ina. Iyon ang kwento ni Harry sa kanya.
Kahit na hindi niya maintindihan kung bakit hanggang doon lang ang ginawa ng ama nito, wala naman siyang karapatan na husgahan ang pagmamahal nito sa babaeng minahal at ng anak nito.
Hindi naman niya alam ang kabuuan ng istorya. Ayaw din naman niyang magtanong kay Harry. Kumbaga, kung ano lang ang kanyang ibahagi ng binata sa kanya ay ayos lang sa kanya.
Mainam na 'yun. At least, masasabi niyang malapit na sila ni Harry sa isa't isa.
Mabilis na kumalat ang chismis tungkol sa "panliligaw" kuno ni Harry sa kanya. At hindi na siya nagtataka pa roon. Malamang ay ang grupo nila Nancy ang may gawa niyon.
Kahit na hindi pa naman talaga totoo 'yun, well, wala naman na kasing sinabi si Harry sa kanya magmula ng aminin nito ang pagkagusto raw nito sa kanya, okay na iyon sa kanya. Pakiramdam naman kasi niya ay importante na rin siya kay Harry.
Oo, ramdam niya iyon sa bawat sandali na magkasama sila. Na parang silang dalawa lang ang nakakaalam niyon.