ASHER Matuling lumipas ang mga araw na naging lingo hanggang sa mag-iisang buwan na pala ako sa condo ni Raven ngayong araw mismo. Masaya naman ang naging pagsasama namin bagama’t may mga pagkakataon na name-miss ko ang buhay sa probinsiya. Pero iniisip ko na lang na mas mami-miss ko naman si Raven kung uuwi ako ng Leyte. Puspusan na ang pagtutok ni Raven sa screenplay na ginagawa niya dahil malapit na ang deadline. May mga pagkakataon na hihingi siya ng lines sa `kin para naman sa character ng bidang lalake. Nakikita ko kung paano pinagbubuhusan ng panahon at pag-iisip ang paggawa ng screenplay. At doon ako mas lalong humanga sa kanya. Alam kong baling araw ay mas lalong sisikat ang pangalan ni Raven. Mas magiging mahusay siyang manunulat hindi lang ng libro kundi maging sa pelikula.

