Prologue
NAGKAGULO ANG TAONG-BAYAN dahil sa kakaibang nilalang na natagpuan ng ilang mangangaso sa gitna ng kagubatan ng Tayara. Isang batang babae na may kakaibang pakpak sa kanyang likuran, at ang taong-bayan rin mismo ang nagbansag rito na Taong-ibon ayon na rin sa itsura nito.
Dinala ng taong-bayan ang sinasabing batang babae upang makita ng Mahal nilang Hari.
Napangiwi naman si Haring Agilar nang makita ang sinasabing taong-ibon ng kanyang mamamayanan.
Kasalukuyan nakakulong ang naturang taong-ibon sa isang malaking hawla habang nakagapos ang mga kamay at paa. Ang kanyang baro ay isang mahabang puting seda. May mga galos rin sa bawat parte ng katawan nito, at mukha. Halatang pinagbuhatan ng kamay. Marahil ay naglaban sa mga mangangasong humuli rito.
"Sabihin mo, ano'ng uri kang nilalang?" matapang na tanong ng Mahal Na Hari.
Walang anumang naging sagot ang taong-ibon, nakatingin lamang ito sa Mahal na Hari na waring sinusukat ang kakayahan nito.
Natigilan si Haring Agilar nang makita ang bilugang mga mata ng bata. Mukha pa rin naman itong kauri nila, ang itim na pakpak lamang nito sa likuran ang pinagkaiba sa kanilang mga ordinaryong nilalang.
"Ano ang pakay mo sa mundo naming mga tao?" tanong muli ng Mahal Na Hari.
Ngunit nanatiling walang imik ang taong-ibon.
"Tinatanong ka ng aming Hari, kaya sumagot ka!" bulyaw na utos ng isang kawal na handa nang hahampasin ito ng latigo.
"Huwag!" mabilis na awat ng Prinsipeng anak ni Haring Agilar, at mabilis itong tumakbo patungo sa hawla ng taong-ibon.
"Kamahalan!" salubong ni Heneral Cazzo, ang kanang kamay ng Mahal Na Hari, "...Ano ang ginagawa po ninyo rito? Hindi po ba't may pagsasanay kayo ng espada?"
"Nadinig ko ang tungkol sa taong-ibong nahuli ng mga mangangaso," magalang na tugon ni Prinsipe Zabdiel, "Naparito ako upang pakiusapan ang Mahal Na Hari na pakawalan ang kakaibang nilalang na ito."
"Ngunit, Kamahalan..." mangangatwiran pa ang Heneral, "...Hindi natin alam kung anong uri'ng nilalang ito? Wala tayong ideya kung saan siya nagmula? Kung ano ang pakay niya, at napadpad siya sa iyong kaharian."
"Ngunit isa pa rin siyang nilalang na nilikha ng Bathala. At wala tayong karapatan na husgahan siya dahil lamang sa kanyang kakaibang anyo," katwiran ng Mahal Na Prinsipe.
Natigilan si Heneral Cazzo sa mga sinabi ng batang prinsipe. Alam nito sa sarili na may katotoohanan ang mga salitang binitiwan ng Mahal na Prinsipe.
"Sino'ng nagsabi sa'yo na maaari kang manghimasok sa usapan ng mas nakakataas sa iyo?" galit na himig ng Mahal na Hari.
"Ngunit Mahal kong Amang Hari..." natigilan ang Mahal na Prinsipe, "...Inihahayag ko lamang ang aking saloobin."
"Tinatanggap ko kung anuman ang iyong saloobin, Mahal kong Anak..." anang Mahal na Hari, "...Subalit nasa sa akin pa rin ang desisyon kung ano ang nararapat nating gawin sa nilalang na ito. At bilang namumuno ng bayang ito, ang tanging iniisip ko lamang ay ang kaligtasan ng lahat. Ang kaligtasan ng aking nasasakupan. At higit sa lahat, ang inyong kaligtasan na aking mga anak!"
Hindi na nakaimik pa si Prinsipe Zabdiel at may awa ang mga mata nitong tumingin sa taong-ibon.
"Bumalik ka na sa iyong guro!" utos ng Mahal na Hari sa kanyang anak.
"Subalit..."
"Kamahalan..." paki-usap ni Heneral Cazzo.
Marahas na hininga na lamang ang pinakawalan ng Mahal na Prinsipe bago niya tinalikuran ang kanyang Amang Hari. Ano nga ba ang magagawa ng isang musmos na katulad niya? Napakuyom ang kamao niya. Wala siyang magawa.
Aktong lalabas na si Prinsipe Zabdiel ng silid na iyon nang makarinig siya ng magandang awitin.
Nagulat ang Mahal na Hari at ang kanyang mga kawal sa magandang tinig na nagmumula sa taong-ibon. Halos umalingawngaw sa buong paligid ng palasyo ang malambing at malamig nitong tinig na wari'y nagpapahele sa kanila.
Namangha ang lahat.
Ngunit ilang saglit pa ay unti-unti nang bumagsak ang mga kawal ng Mahal Na Hari.
Isa-isang nakatulog.
"Ano'ng--" hindi na natapos pa ng Mahal na Hari ang gusto sana niyang sabihin sapagkat bigla na lang itong nakatulog.
Nang tuluyan nang nakatulog ang lahat, nanatiling nakatayo si Prinsipe Zabdiel. Bakas na bakas sa kanyang mukha labis na pagkagulat sa mga nangyari. Mabilis siyang sinakop ng matinding takot at hindi niya magawang makakilos sa kanyang kinatatayuan, "Ano'ng kapangyarihang mayroon ka?" nagtatapang-tapangan niyang tanong.
"Paki-usap..." hindi bumubuka ang bibig ng taong-ibon ngunit nagmamakaawang nakatingin sa Mahal na Prinsipe, "...tulungan mo ako."
Napakuyom ang mga kamao ni Prinsipe Zabdiel. Alam niyang mayroong kakaiba sa nilalang na ito, at ang takot na nararamdaman niya kanina lang ay unti-unting napapalitan ng awa.
Para namang may sariling pag-iisip ang mga kamay ni Prinsipe Zabdiel, at nagawa na niyang kunin ang susi mula kay Heneral Cazzo at madali niyang binuksan ang hawla ng taong-ibon. Hindi na rin niya mapigilan ang pangangatog ng kanyang mga kamay habang isa-isa niyang kinakalag ang mga lubid na nakatali rito.
Nang mawala ang pagkakagapos nito, mabilis na napaatras ang Mahal Na Prinsipe. Ngunit parang nawalan naman siya ng lakas dahil sa matinding takot, at parang ipinako ang kanyang mga paa kung kaya't napaupo siya sa sahig. Kitang-kita ng kanyang dalawang mata ang paglabas ng taong-ibon sa hawla at ang pagbuka ng mga itim nitong pakpak.
Isa ba itong Anghel o isang....Anghel na handa siyang gawan ng masama?
Dahil sa kanyang naiisip ay gumapang ang takot sa kalooban ni Prinsipe Zabdiel. Pagkaraan ay dahan-dahang humakbang papalapit sa kanya ang naturang taong-ibon. Hindi na niya nagawa pang makakilos. At wala na rin siyang ideya kung ano ang plano nitong gawin sa kanya.
Papatayin ba siya?
Kukunin, at gagawing bihag para makaganti sa mga taong nanakit rito lalo na sa kanyang Amang Hari?
Mariin na lamang napapikit si Prinsipe Zabdiel at hinanda na niya ang kanyang sarili sa anumang puwedeng gawin nito sa kanya. Pero bigla siyang natigilan nang maramdaman niya ang mainit nitong mga palad sa kanyang pisngi at pagsayad ng noo nito sa noo niya.
Unti-unti na niyang dinilat ang kanyang mga mata.
Nagtama ang kanilang mga paningin.
Mata sa mata.
At halos nakikita na rin niya ang kanyang sariling repleksyon sa bilugan nitong mga mata.
Hindi na maiwasan ni Prinsipe Zabdiel ang mapalunok. Naramdaman niya ang mabilis na pagkabog ng kanyang dibdib, at hindi niya maunawaan ang kanyang nararamdaman sa mga sandaling iyon.
"Napakabuti mo, hindi ako nagkamali sa pagpili sa'yo..." tila may tinig ng isang babae na bumubulong sa isipan ni Prinsipe Zabdiel, "...ipinapangako ko sa'yo na lagi lang akong nandito. At handa kong ialay ang aking buhay para sa iyo, kamatayan ko man ang maging kapalit, Mahal Kong Hari."
Matapos madinig ng Mahal na Prinsipe ang mga katagang iyon ay naramdaman na lamang niya ang pagsayad ng mga labi nito sa labi niya. Nanlaki ang kanyang mga mata dahil sa ginawa nito. Hindi niya magawang manlaban man lang dahil sa matinding pagkagulat. Matapos ang marahan nitong paghalik sa kanya ay para naman kusang pumikit ang kanyang mga mata.
Bigla siyang inantok.
At nang muling idilat ni Prinsipe Zabdiel ang kanyang mga mata ay para na siyang nagising sa malalim na pagkakatulog. Namalayan na lamang niya na nasa sarili na siyang silid at nakahiga sa malambot niyang kama. Pagkaraan at pinilit niyang inaalala ang mga nangyari. Napahawak siya sa kanyang labi nang maalala niya ang ginawang paghalik sa kanya ng taong-ibon na iyon.
Pero panaginip lang ba ang lahat?
Napatingin si Prinsipe Zabdiel sa bintana ng kanyang silid. Naisipan na niyang bumangon sa kanyang higaan at magtungo sa bintana para salubungin ang sinag ng araw. At isang matamis na ngiti ang gumuhit sa kanyang mga labi nang makita niyang may isang itim na balahibo ng pakpak ng ibon ang nasa harapan niya.