CHAPTER 10: OPEN WOUND

2311 Words
Pagkarating ko sa classroom ay napansin kong nakatambay sa harap ng classroom si Josias. Hindi pa rin siya umuuwi at tila ay may hinihintay pa. Ngunit sino naman kaya ang hinihintay niya dahil ang ibang estudyante sa classroom ay umuwi na at kaming mga cleaners lang ng section namin ang naiwan. Hindi ko siya pinansin at pumasok agad ng classroom para macheck kung tapos na ba silang maglinis. “Oh tapos na ba kayo?” sambit ko. “Isasara na lang ‘yong mga bintana,” tugon ng aking isang kaklase. “Sige-sige ako na bahala roon,” sagot ko. Isinara ko na agad ang bintana habang sila naman ay inaayos ang mga upuan. Habang sinasara ko ang bintana ay lumapit sa akin si Anne. “Sino kaya ang hinihintay ni Josias?” pagtatanong niya at kita sa mukha ang pagtataka. “Hindi ko rin alam eh, kanina pa ba siya riyan?” aking ding pagtatanong. “Oo kanina pa siya riyan, pero hindi man lang tumulong maglinis, hmmp,” sabay irap ni Anne habang nakapamewang. “Hahaha, what do you expect? wala namang bago,” pagsang-ayon ko sa kanya. “Kamusta pala ‘yong audition mo,” tanong ni Anne habang inaayos ang cleaning materials. “Okay naman, pinasa lang naman iyong article na pinagpuyatan ko, ‘yan tuloy nalate ako kanina, wala pang result eh, ipopost na lang daw ang names ng mga qualified,” tugon ko. “Sus, automatic na ‘yan, pasado ka na, ikaw pa ba? bestfriend ko pa ba?” sambit ni Anne habang nakangiti. Natapos na kaming maglinis ngunit hindi pa rin umuwi si Josias. Isinarado ko na nga ang pinto ngunit hindi pa rin siya sa kumikibo. Habang bumababa kami ni Anne ay napapansin namin na sinusundan kami ni Josias. Siniko ako ni Anne at.. “Anong problema niyan?” bulong ni Anne. “Hindi ko rin alam,” bulong ko. “Baka ihahatid ka niya? Char,” pang-aasar ni Anne. “Tigil-tigilan mo nga ako,” naiinis kong sagot. Noong malapit na kami sa school gate ay binilisan na ni Josias ang kanyang lakad at siya ay nauuna na sa amin. Nakita kong nakalabas na siya ng gate ngunit kami ni Anne ay naglalakad pa rin palabas. Ngunit ilang minuto lamang ay bumalik ito bago kami lumabas ng gate. Tumayo siya sa harap ko at nakatingin lang sa akin. “Ba-bakit?” kinakabahan at nauutal kong tanong. Hindi ito sumasagot at inangat lang ang kanyang kamay na parang may hinihingi. “A-ano,” pagtatanong ko. “May kinuha ka ba sa kanya o hiniram,” bulong na pagtatanong ni Anne. Ilang minuto na ang lumipas at doon ko lang narealize iyong iniwan niya sa akin kahapon. “A-ah iyong payong,” bulong ko kay Anne. Nakatayo pa rin sa harap ko si Josias ngunit nakatingin sa ibang direksyon. Iniharap ko ang aking bag at hinanap ko kung nadala ko ba iyong payong. “A-asan na ba iyon?” naiinis ko ng tanong. Tinulungan na ako ni Anne sa paghahanap. “Sigurado ka ba na nadala mo iyon?” tanong ni Anne. “Hindi ko na nga matandaan eh, kung nadala ko ba,” tugon ko. Ni hindi gumalaw si Josias sa kanyang pagkakatayo. “Wala naman dito Samantha,” sambit ni Anne. “Baka naiwan ko sa bahay,” tugon ko. Humarap ako kay Josias at nag explain. “A-ah naiwan ko kasi iyong pa-payong, pwede bang bu-bukas ko na lang i-isauli?” nauutal kong sambit. Tumingin ito sa baba at pagkatapos ay tumingin sa akin. “Sino bang nagsabi na ‘yong payong ang kailangan ko,” sambit niya habang nakatitig sa akin. “Kinukuha ko ang palad mo at may ibibigay sana ako sa iyo,” dagdag pa niya. Napakamot ito sa ulo, “ pero siguro next time na lang,” sambit niya at umalis na agad. Pagkaalis ni Josias ay naiwan kami ni Anne na nakatitig lang palabas ng gate. Hindi kasi namin magets kung bakit niya pa kami sinundan at binalikan iyon pala ay hindi rin naman niya ibibigay kung ano ang dapat niyang ibigay. “Ano raw?” pagtatakang tanong ni Anne. “Ewan ko ba roon sa mokong na iyon kung ano na naman ang trip niya,” naiinis kong sagot. Habang naglalakad kami ni Anne ay may makintab, maganda at asul na sasakyan ang huminto malapit sa amin. “Oh, ang ganda naman ng sasakyan na iyon,” pagpupuri ni Anne. “Parang ganyan iyong sasakyan na sinakyan ni Josias ah, mas maganda nga lang iyon,” dagdag pa niya. Pagkatapos mag park ay nakita kong may lumabas na matandang babae at lalaki. Noong nakita ko ang kanilang mga mukha ay napansin kong pamilyar ang mga ito. “Parang nakita ko na sila rati, pamilyar ang kanilang mga mukha,” sambit ko kay Anne. “Huh? saan naman?” tanong niya at kita sa mukha ang pagtataka. “Hi-hindi ko maalala eh, pero alam kong nakita ko na sila rati,” tugon ko. Nagpatuloy kami sa paglalakad ni Anne ngunit panay lingon ko pa rin sa direksyon ng matandang babae at lalaki. Napansin ito ni Anne. “Hoy, baka masagasaan ka na nyan dahil sa ginagawa mo?”pag-alala niya. “Mamaya mo na lang isipin kung saan mo sila nakita.” “Anne, bakit iba ang naging pakiramdam ko noong nakita ko sila,” tugon ko. Malapit na kami sa crossing at hudyat na iyon para maghiwalay kami ni Anne. “Saka mo na ‘yan isipin kapag nakauwi ka na. Mag-ingat ka, baka masagasaan ka dahil diyan sa iniisip mo,” pag-alala ni Anne. “Bye,” ang tangi ko lang sagot. Habang naglalakad pauwi ay hindi maalis sa isip ko kung saan at kailan ko ba nakita ang dalawang matandang lalaki at babae na ‘yon. “Nakita ko na sila eh, saan na nga ba iyon?” tanong ko sa aking sarili. Nakauwi na ako ng bahay ngunit iniisip ko pa rin ang nakita kong matandang babae at lalaki. “Narito na po ako,” sambit ko. “Oh anak, medyo maaga ka ngayon ah,” sambit ni tatay. “Tay, iyong matanda…” ani ko. “Anong matanda?” nagtatakang tanong ni tatay. “Este iyong payong po na ipanahiram po sa akin, naitabi niyo po ba?” tanong ko kay tatay. “Oo anak, naroon sa bakuran at pinatuyo ko muna,” tugon ni tatay. “Nakalimutan ko po kasing isauli,” sambit ko. “Bukas na lang anak,” tugon ni tatay. Napansin ni tatay na may tila iniisip pa rin ako. “Parang ang lalim ng iniisip mo anak? Sino ba iyong matanda na nabanggit mo kanina?” pag-aalalang tanong ni tatay. “Wala po tay, pasok na po ako sa kwarto, gagawa lang po ako assignments,” malumanay kong tugon. Pagpasok ko sa aking kwarto ay hindi pa rin mawala sa isip ko ang mukha ng matandang babae at lalaki. Iniisip ko pa rin kung saan ko sila nakita. Habang gumagawa ng assignment ay hindi ako makapag focus. “Ano ba Samantha? hanggang ngayon wala ka pa rin natatapos,” sambit ko sa sarili habang ginugulo ang aking buhok. “Okay, okay focus na muna. Erase, erase,” ani ko habang tinatapik ang aking pisngi. I was out of focus while doing my homework. Ilang minutes lang ako makakapagfocus but afterwards ay maalala ko na naman iyong mukha ng babae at lalaki. “Ano ba itooo?” naiinis ko ng tanong habang sinasabunutan ang sarili. Yumuko ako sa aking study table, pumikit at inalala kung saan ko nakita ang dalawang matanda. Inalala ko kung saan ako nakapunta at kung sino ang aking mga nakahalubilo. Makalipas ang ilang minuto. “Ayun, naalala ko na,” sambit ko. Naalala ko na kung sino ang ilang oras ko ng iniisip. “Iyon ang nanay at tatay ng doctor na nakasagasa kay nanay,” sambit ko. Noong naalala ko na iyon ang magulang ng doctor na sumagasa kay nanay ay tila may namutawaing kirot sa aking puso. Siguro ay dahil hindi ko pa rin tanggap ang pagkawala ni nanay. “Bakit ako umiiyak?” hindi ko na namalayan na tumutulo na pala ang aking luha. “Samantha, lumabas ka na at tayo ay kakain na,” sigaw ni tatay. Inayos ko ang aking gamit, pinunasan ko ang aking luha at agad ng lumabas. Habang nag sasandok ako ng ulam ay may napansin si tatay. “Bakit namumula ang mata mo anak? umiyak ka ba?” mausisa niyang tanong. “Hindi po tay,” tugon ko. Habang kumakain kami ni tatay ay binalot kami ng katahimikan. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin kay tatay kung ano ang aking naalala. Nabasag ang katahimikan ng magtanong muli si tatay. “Samantha, may problema ba?” nag-aalalang tanong ni tatay. Noong una ay hindi ko pa alam kung paano ko iyon sasabihin kay tatay. “Tay, na-nakita ko po iyong magulang ng naka-nakasagasa kay na-nanay,” nauutal kong sambit. Hindi sumagot si tatay at nagpatuloy lang sa pagkain. “Ta-tatay? ba-bakit po wala kayong reaksyon?” pagtataka kong tanong. Lumipas ang ilang minuto ngunit wala pa ring naging reaction si tatay. Naubos ko na ang aking pagkain at noong kukuha na ako ng tubig ay napabulong ako. “Siguro nga ay balewala lang talaga sa inyo ang pagkawala ni nanay.” Narinig iyon ni tatay at tumingin siya sa akin. “Ilang beses ko bang dapat sabihin sa iyo Samantha na hindi na dapat pa pag-usapan ang dahilan ng pagkamatay ng iyong nanay!” pasigaw na sambit ni nanay. Natigilan ako sa sinabi ni tatay at tila napakahirap lunukin ng tubig na iniinom ko. “Ba-bakit po ‘tay? bakit po hindi pwede,” naiiyak ko ng tanong. “Pumasok ka na sa kwarto mo at ako na ang bahala rito,” pasigaw na sambit ni tatay. Iniwan ko ang baso kahit hindi ko pa nauubos ang laman nitong tubig at ako ay agad ng pumasok sa kwarto. Pagpasok sa kwarto ay hindi ko na napigilan pang hindi umiyak. Bakit? Bakit hindi pwedeng pag-usapan ang naging dahilan ng pagkamatay ni nanay. Bakit? bakit hanggang ngayon ay parang wala pa ring epekto ang pagkawala ni nanay. Ang mga tanong na matagal ko ng hinahanapan ng mga kasagutan. “Bakit lagi na lang siyang nagagalit kapag napag-uusapan si nanay?” naiiyak kong tanong. “Bakit hindi siya gumawa ng aksyon noong nawala si nanay?” “Bakit hinayaan lang niya na maging masaya pa rin ang mga Cruz?” “Bakit,huhuhu.” sunod-sunod kong tanong habang humahagulgol. Pakiramdam ko ay parang nabuksan ang sugat na kahit kailanman ay hindi pa naghilom. Oo, inaamin kong hindi naghilom ang sugat, at alam kong hindi ito maghihilom hanggat hindi ko nakukuha ang hustisya para kay nanay. Naalala ko tuloy ang kanta ni Bamboo na “Tatsulok,” ang mga linyang, “Hangga't marami ang lugmok sa kahirapan, At ang hustisya ay para lang sa mayaman.” Tunay nga ba na para lang sa mga mayayaman ang hustisya? Tunay nga ba na hindi sila dapat mabahala sa mga mali nilang nagawa?” Tunay nga ba na mas makapangyarihan ang mga mayayaman. Dahil kung ako ang tatanungin base sa aking nakita kanina? Tanging “Oo” lamang ang aking maisasagot. Dahil noong makita ko ang dalawang matandang babae at lalaki kanina, ni walang bahid ng pagsisi sa kanilang mukha. Walang kaba, pag-aalala at tanging payapa at masayang mukha ang aking nasilayan. Dahil sa bigat ng aking nararamdaman, lumabas ako ng bahay upang magpahangin. Pumunta ako sa tabing ilog na malapit sa amin. Naupo ako sa mga buhangin at tumulala sa kawalan. Ilang minuto rin ang aking pagkatulala at ni hindi ko na nga namalayan na may tao na pala sa likod ko. Hindi ko siguro siya mapapansin hangga’t hindi siya nagsalita. “Noong nakaraang pag kita ko sayo umiiyak ka, tapos ngayon umiiyak ka pa rin?” sambit ng tao na nasa likod. Lumingon ako at nakita ko siyang muli. Nakita kong muli ang lalaki na maayos ang porma na pang mayaman ang lalaking nag-alo ng panyo sa akin nakaraan.Tama nga siya noong nakaraang pagkakita niya sa akin ay umiiyak ako at sa muli namin na pagkikita ay umiiyak pa rin ako. “I-ikaw na naman,” nagtataka kong tanong. “Anong ikaw na naman? Ngayon lang tayo uli nagkita nuh, tagal-tagal mo kasing bumalik,” tugon niya habang nilalabas ang panyo na nasa kanyang bulsa. “Pumupunta ka lang ata rito kapag umiiyak ka eh,” dagdag pa niya. Nang mailabas niya na ang panyo ay kaagad niya itong inabot sa akin. “Oh, baka hindi mo pa rin ito tanggapin huh, hinugot ko pa yan sa bulsa ko,” sambit niya. “Salamat,” tugon ko at kinuha ang panyo. “Bakit ka ba kasi laging umiiyak?” usisa niya. “Nag-away na naman ba kayo ng boyfriend mo?” mapang-asar niyang tanong. “Bo-boyfriend?” nagulat kong tanong. “Oh bakit parang nagulat ka? wala ka ba noon?” sambit niya. “Wala nuh,” masungit kong sagot at inirapan siya. Tumayo ito sa aking harap at muling nagtanong. “Eh, bakit ka nga umiiyak?” pangungulit niya. “Hindi mo rin maiintindihan kahit sabihin ko sayo,” sagot ko habang nakatingin sa ibang direksyon. “Iyong tatay ko nga hindi maintindihan eh,” dagdag ko pa. “Oh, ito na ‘yong panyo mo, salamat,” sambit ko habang inaabot sa kanya ang panyo. Kinuha niya ito at agad na rin siyang tumalikod. Umuwi na rin ako agad pagkaabot ko ng panyo habang ang lalaki naman ay naiwan pa rin sa tabing ilog. Hindi ko tuloy maiwasan isipin na, “bakit kaya siya laging lumilitaw kapag umiiyak ako,” ang naiwan na katanungan sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD