“Ba-bakit ka narito?” sambit ko.
“Tinawagan nga ako ng tatay mo,” tugon niya.
Ang lalaking dumating ay si Josias. Naka school uniform pa siyang pumunta sa hospital. Medyo nahalata ko nga na basa ang kanyang uniform, siguro ay dahil sa ulan.
“Ba-bakit ka naman tatawagan ng tatay ko?” nagtataka kong tanong.
“A-ah basta,” tugon niya.
Naupo siya sa upuan na nasa gilid ng aking kama.
“Bakit ka nga tinawagan ng tatay ko?” muli kong pagtatanong.
“Ang dami mo namang tanong. Hindi ba pwedeng magpahinga ka na lang dyan,” sambit ni Josias.
“Eh, bakit ka kasi nandito, mamaya hinahanap ka na ng magulang mo,” tugon ko.
“Nandito ako kasi nga tinawagan ako ng tatay mo. Ilang ulit ko bang sasabihin sayo?” muling sambit ni Josias.
Habang nag-uusap kami ay biglang dumating si tatay.
“Oh anak, sino ‘yan?” sambit ni tatay habang nakaturo kay Josias.
“Tinawagan niyo raw po siya ‘tay, kaya po siya narito,” tugon ko.
“Ay, ikaw ba ‘yon?” tanong ni tatay.
“Opo,” ang naging tugon ni Josias.
“Pasensya ka na at tinawagan pa kita kahit ayaw ni Samantha,” sambit ni tatay na ipinagtaka ko.
“Tay ano pong meron?” tanong ko.
“Ah siya ‘yong…”
Hindi na natapos ni tatay ang nais niyang sabihin dahil biglang hinila ni Josias si tatay palabas.
Ako naman ay naiwan sa ward habang sila ay nag-uusap. Nagtataka nga ako sa kung ano ang kanilang pinag uusapan.
“Ano kayang pinag uusapan nila?”
“Magkakilala kaya silang dalawa? kasi kung magkakilala sila ay wala namang nababanggit si tatay sa akin patungkol kay Josias,” bulong ko sa aking sarili.
Makalipas ang ilang minuto ay bumalik na si tatay.
“Tay nasaan po si Josias?” tanong ko.
“Ah, magkakilala ba kayo anak?” tugon ni tatay.
“Opo ‘tay, classmate ko po siya,” sambit ko.
“Ah, umuwi na siya anak, baka raw kasi hinahanap na siya ng magulang niya,” tugon ni tatay.
“Ah, ganun po ba. Bakit niyo po pala siya tinawagan tay?” tanong ko.
“Ay, anak ano ba ang gusto mong kainin,” ang naging tugon ni tatay.
“May dala akong tinola, hotdog, itlog, ham,” sambit ni tatay habang inilalabas ang pagkain na nasa bag.
Nagtataka ako kung bakit ayaw sagutin ni tatay ang mga tanong ko. Bakit hindi niya masabi sa akin kung bakit niya tinawagan si Josias.
“Tay, bakit niyo po tinawagan si Jo..” hindi ko pa natatapos ang aking sasabihin ay biglang nagpaalam agad si tatay.
“Sandali lang anak at huhugasan ko muna ito,” pagpapaalam ni tatay habang hawak-hawak ang kutsara at tinidor.
Pagkaalis ni tatay ay naisip ko tuloy na baka may itinatago siya sa akin. Na baka sinabi rin ni Josias sa kanya na huwag na sabihin sa akin kung anong pakay niya rito.
Makalipas ang ilang minuto ay muling dumating si tatay.
Inihanda niya ang aking hapunan, pagkatapos ay naupo siya sa bangko na nasa tabi ng aking kama.
“Tay, may tinatago po ba kayo sa akin?” sambit ko.
“Wa-wala a-anak nuh, ano naman ang itatago ko sa’yo?” tugon ni tatay.
“Eh, bakit hindi niyo po masabi sa akin, kung bakit niyo tinawagan si Josias,” sambit ko.
“Anak, sasabihin ko naman sayo. Pero pwede bang kapag labas mo na lamang ng hospital,” pakiusap ni tatay.
“Ayokong dumagdag pa ito sa isipin mo, kaya ngayon ay magfocus ka na muna sa pagpapagaling mo,” dagdag pa ni tatay.
“Sige po ‘tay, pasensya na po,” tugon ko.
“Hindi lang po kasi ako sanay na dumadalaw po sa akin si Josias,” sambit ko.
“Hayaan mo na muna anak. Oh siya kumain ka na muna,” tugon ni tatay.
Pagkatapos ng aming pag uusap ni tatay ay kumain na ako
“Tay ang sarap naman po ng luto niyo,” papuri ko kay tatay.
“Ano ka ba anak, lagi mo naman ‘yan sinasabi,” tugon ni tatay.
“Ibig sabihin po noon tay, lagi pong masarap ang luto niyo,” sambit ko.
Habang kumakain ako ay may humawi ng kurtina sa aking ward.
Pagtingin ko ay si Anne.
“Samantha, huhuhu,” ang bungad nitong sambit.
“O-oh, ba-bakit ka nandito?” nagtataka kong tanong.
Lumapit si Anne sa akin at niyakap ako.
“Ano bang nangyari sa ‘yo?” sambit niya.
“Ba-bakit? o-okay lang ako,” tugon ko.
“Lagi mo namang sinasabi na okay ka eh. Pero tignan mo ngayon huhuhu, nasa hospital ka,” sambit ni Anne.
“Okay nga lang ako,” tugon ko.
“Pa-paano mo pala nalaman na nandito ako,” nagtataka kong tanong.
“Pumunta ako sa bahay niyo, tapos sabi sa akin ng kapitbahay niyo wala ka raw sa loob ng bahay niyo dahil maaga kang isinugod sa hospital,” kwento ni Anne.
“Noong narinig ko ‘yon kinabahan agad ako, kaya tinanong ko agad kung saang hospital ka ba dinala,” patuloy na pagkukwento ni Anne.
“Sabi ng kapitbahay niyo ay dinala ka raw doon sa hospital kung saan binawian ng buhay ‘yong nanay mo, kaya tumakbo ako agad para pumunta rito,” dagdag pa ni Anne.
“Oh, bakit ka umiiyak? Huwag ka ngang umiyak dyan,” saway ko kay Anne.
Muli itong lumapit at yumakap sa akin.
“Samantha kasi, ano okay ka lang ba talaga, magsabi ka kasi ng totoo,” sambit ni Anne.
“Nagsasabi ako ng totoo, okay lang ako, tinahi nga ‘yong sugat ko pero hindi naman masakit dahil may anesthesia,” tugon ko.
Pagkasabi ko noon ay tumingin si Anne sa aking sugat. Nilapitan at hinawakan niya ito.
“Hala, medyo malaki pala ang sugat mo,” sambit ni Anne.
“Oo, pero malayo naman sa bituka, hindi ko nga maramdaman noong tinatahi eh,” tugon ko.
“Paano ‘yan? makakapasok ka kaya agad?” sambit ni Anne at halata ko sa mukha niya ang pag aalala.
“Hindi ko pa alam, siguro ay magpapahinga muna ako ng ilang araw,” tugon ko.
“Naku, hindi mo ba alam ang lungkot ko kapag wala ka,” kwento ni Anne.
“Bakit ka naman malulungkot? marami ka namang kaibigan sa room,” sambit ko.
“Eh kahit na, wala naman ‘yong bestfriend ko,” tugon ni Anne.
“Alam mo bang ang daming classmate natin ang naghahanap sa ‘yo. Tinatanong nila kung ano na raw ba ang nanyari sa’yo,” kwento ni Anne.
“Sabihin mo ay wala namang nangyari sa akin. Nagpapahinga lang kamo,” sambit ko.
“Ang sabi ko ay may sakit ka, may lagnat ka. Kay ma’am ko lang kwinento kung ano talaga ang nangyari sa’yo. Alam mo ba habang kinukwento ko sa kanya ay pati siya ay nagulat, ano raw ba kasi ang ginawa mo, ang tanong ni ma’am. Sabi ko may malalim ka lang iniisip kaya ganoon,” kwento ni Anne.
“Hala nag alala pa si ma’am para sa akin,” tugon ko.
“Ang sabi niya ay magpagaling ka raw. At saka pala nag iistart na ang training ng journalism kaya sabi ni Jeron magpagaling ka na raw agad para makapagtraining ka na,” patuloy na pagkukwento ni Anne.
“Naku, oo nga pala start na pala ng training. Iexplain ko na lang SPA namin kung anong nangyari,” tugon ko.
“Oh diba, ang daming nag aalala sayo. Kaya bilisan mo ng magpagaling at magpalakas dyan,” paalala ni Anne.
Habang kinikwento ang mga ‘yon ni Anne ay hindi ko maiwasan na maantig ang aking puso. Kahit papaano pala ay may nagiging impact ako sa mga tao. Sana kapag malaki na ako at isa ng professional magkaroon pa rin ako ng impact sa tao. Hindi ‘yong impact na magustuhan nila ko sa physical appearance ko. Kung hindi ‘yong impact na magkaroon ako ng purpose at kahit papaano ay magkapag abot ng tulong para sa kanila. Naeexcite tuloy ako maging isang huwaran na prosecutor.
“Kumain ka na ba?” tanong ko kay Anne.
“Hindi pa eh, dumiretso kasi ako rito sa hospital,” tugon niya.
“Halika at kumain ka muna. Marami naman ‘tong niluto ni tatay, Hindi ko kaya itong ubusin,” sambit ko.
Naupo si Anne sa aking gilid at sabay namin na pinagsaluhan ang pagkain na inuluto ni tatay.
“Ooh, ang sarap talaga magluto ng tatay mo. Ang sarap nitong tinola huh,” papuri ni Anne.
“Naku, baka marinig ka ni tatay at lagi ka na niyang ayain maghapunan sa bahay namin,” tugon ko.
“Ganoon naman datii ah, noong mga bata pa tayo, lagi akong naghahapunan sa inyo. Lagi kasi akong inaaya ng nanay mo, at saka ayaw mo rin kumain kapag hindi mo ko kasabay,” sambit ni Anne.
“Kaya tuloy kapag umuuwi na ako noon sa bahay, lagi akong sinasabihan ni nanay na busog na naman daw ako,” patuloy na pagkukwento ni Anne.
“Kaya nga eh, si nanay naman ang daming laging kanin ang binibigay sa’yo dahil hindi ka raw makauuwi hangga’t hindi ka busog,” kwento ko.
“Kaya nga eh. Hay, ang sarap balikan ng pagkabata,” sambit ni Anne.
“Kaya nga eh, noon ang problema lang natin, paano tayo makapaglalaro ng hindi pinapagalitan ng mga kapitbahay. Paano tayo hindi papaluin kapag ginabi sa kalsada,” sambit ko.
“At kung paano tayo pinagbabati kapag nag-aaway tayo noon,” dagdag pa ni Anne.
“Hay, ang sarap bumalik sa pagkabata. Salamat Anne kasi dahil sayo naging kumpleto at masaya ang childhood ko,” sambit ko.
“Maraming masasayang ala-ala ang nababalikan ko dahil sa memories natin,” tugon ko.
“Huwag ka ngang ganyan Samantha, kaiiyak ko lang kanina, ayoko ng umiyak muli,” sambit ni Anne.
“Hindi naman kita pinapaiyak ah, nagpapasalamat lang ako,” tugon ko.
“Ano kaba, ako dapat ang magpasalamat sa’yo, Kasi dahil sa’yo hindi ako sumuko sa buhay, lagi kang nandyan kapag kailangan ko ng masasandalan, hanggang ngayon at kahit may problema ka, kapag nagkukwento ako sayo iniintindi mo pa rin ako,” sambit ni Anne habang naluluha.
“Huwag ka nang umiyak dyan, isipin ng mga tao sa ibang ward malubha na ang kalagayan ko,” tugon ko habang pinupunasan ang luha sa kanyang mga pisngi.
“Tara na nga, kumain na nga tayo,” sambit ni Anne.
Nagpatuloy kami sa pagkain. Matapos ang ilang minuto ay natapos na kaming kumain.
Habang inililigpit ni Anne ang mga tupperware ay napatanong ako sa kanya.
“Anne?”
“Oh? may masakit ba sa’yo?” tugon niya.
“Hindi wala,” sambit ko.
“Itatanong ko lang sana kung pumasok si Josias kanina?” tanong ko kay Anne.
“Hmm… ah oo pumasok siya kanina,” sambit ni Anne.
“Nakasabay ko nga siya kanina lumabas ng gate. Akala ko nga susunduin siya ulit ng maganda at makintab na kotse,” dagdag pa ni Anne.
“Hi-hindi ba siya sinundo ng kotse?” tanong ko.
“Hindi eh, may dala siyang motor, kaya ‘yon ang ginamit niya. Eh kaso noong pag alis niya biglang bumuhos ang mahinang ulan kaya siguro ay nabasa siya,” kwento ni Anne.
“Kaya pala,” sambit ko.
“Bakit mo pala naitanong?”
“Ah, kasi Anne pumunta siya rito, kanina?” sambit ko.
“A-ano? Si Jo-josias pumunta rito?” gulat na tanong ni Anne.
“Oo, pumunta siya rito, nagulat nga rin ako kung bakit siya biglang sumulpot?” sambit ko.
“Bakit daw? bakit daw siya pumunta? anong nakain niya at bigla siyang napadpad dito?” sunod-sunod na tanong ni Anne.
“Noong tinanong ko siya, ang sagot niya ay tinawagan daw siya ni tatay,” sambit ko.
“Tinawagan? may number ni Josias ang tatay mo? magkakilala ba sila?” ang naging tugon ni Anne.
“Tinanong ko si tatay, pero iniiwasan niyang sagutin. Ang sabi niya ay sasabihin niya na lang kapag nakalabas na ako rito,” sambit ko.
“Pero sa tingin mo? may posibilidad ba na magkakilala sila?”
“Hindi ko alam Anne eh, dahil wala namang nabanggit si tatay tungkol kay Josias.Tinanong pa nga niya kung magkakilala kami, ibig sabihin hindi niya alam na classmate kami,” kwento ko.
“Oh, hindi naman siya pupunta rito kung wala siyang reason, kaya feel ko may dahilan kung bakit siya tinawagan ng tatay mo,” sambit ni Anne.
“Naku, kaya magpagaling ka na dyan para malaman mo,” dagdag pa niya.
“Feeling ko rin may reason kung bakit siya pumunta rito at feeling ko rin may reason kung bakit ayaw sagutin ni tatay ang tanong ko,” tugon ko.
“Pero alam mo Samantha, nagtataka ako kay Josias,” sambit ni Anne.
“Bakit naman?” tanong ko.
“Ay naku, huwa na nga, baka dumagdag pa sa iniisip mo,” tugon ni Anne.
“Sabihin mo na Anne,” pilit ko.
“Nagtataka lang ako, hindi ka kasi tinanong sa akin ni Josias. Eh diba noong nakaraan lang grabe ang pag aalala niya sayo, hinila ka pa nga niya sa labas eh para kausapin. Eh ngayon ni isang beses hindi ka niya tinanong,” kwento ni Anne.
“Eh, bakit naman niya ako tatanungin?” tugon ko.
“Siguro, hindi ka niya tinanong dahil baka sa una pa lamang ay alam niya na kung ano ang nangyari sa’yo,” sambit ni Anne.
Pagkarinig ko noon ay bigla akong napaisip, ano kaya ang alam ni Josias sa nangyari sa akin at kung bakit ganito ang kalagayan ko ngayon.