GEORGINA’S POV
“Isang hampas pa ng sinturon mo at hinding hindi ka na makakauwi sa isla ninyo, Delfin!”
Sabay sabay kaming napalingon sa lalaking nagsalita.
Mula sa kinatatayuan ko, una kong napansin ang tindig niya. Kasing tangkad siya ng kuya ko at halos kasinlaki rin ng pangangatawan nito. Malapad ang balikat, matikas ang tayo, at halatang sanay sa mabibigat na gawain. Nakatagilid siya sa pwesto ko kaya hindi ko agad nakita nang buo ang mukha niya, pero sapat na ang nakita ko para mapansing matangos ang ilong niya at maganda ang hubog ng panga.
“Don, kuhaon lang nako si Jenny kay gitaguan aning babae!” galit na sigaw ng ama ni Jenny.
Dahan dahan akong tumayo kahit mahapdi ang hita ko. Ramdam ko pa rin ang hapdi ng sinturon sa balat ko.
“Wala niya gitago si Jenny. Iyaha giayo ayo imong anak na wala nimo nabuhat sa bata!” galit ding sagot ng lalaki.
Tahimik lang akong nakatingin sa kanilang dalawa. Halos puro tandang pananong na lang ang nasa isip ko dahil kakaunti lang ang naiintindihan ko sa mga salitang binibitawan nila.
“Akoa tong anak. Wala moy labot maski unsay buhaton nako niya!”
“Kung ana lang man diay, lakaw diri sa isla kung dili ka gusto magkagubot ta!”
Sa pagkakataong iyon, kahit hindi ko maintindihan ang lahat, nakita ko ang takot sa mukha ng ama ni Jenny. Halata sa paraan ng pag urong ng katawan niya na hindi siya basta basta nakikipagmatigasan sa lalaking nasa harapan niya.
“Molakaw ko karon, pero ayaw pagdahom nga dili nako makuha akong anak!”
Padabog na umalis ang lalaki pagkatapos sabihin iyon.
Ilang segundo akong nanatiling nakatayo habang pinapanood siyang lumayo. Bigla namang lumabas si Jenny mula sa loob at patakbong lumapit sa lalaking tumulong sa amin. Yumuko ito at agad siyang niyakap. May maikli silang usapan, pero hindi ko na iyon narinig dahil medyo malayo sila sa kinatatayuan ko.
“Iha, akin na ang sugat mo at gagamutin ko.”
Napalingon ako sa may ari ng tindahan na kanina ko pa nakita sa may tapat. Dinala niya ako sa upuang nasa labas ng bahay ni Jamie at doon ako pinaupo. Isa isa na ring nagsialisan ang mga kapitbahay na kanina ay nakikiusyoso sa nangyari.
Maingat niyang binuhusan ng alcohol ang namamagang bahagi ng hita ko. Napasinghap ako nang mahapdi iyon, pero tiniis ko lang. Pinunasan niya rin iyon gamit ang malinis na panyo.
Maya maya ay napansin kong lumapit sa amin si Jenny kasama ang lalaking tumulong kanina.
At doon ko siya nakita nang maayos.
Napakurap ako.
Sobrang gwapo ng lalaking iyon. Kayumanggi ang mga mata, matangos ang ilong, at mapupula ang mga labi. Tahimik lang ang aura niya, pero ramdam na ramdam ko ang bigat ng presensya niya. Hindi siya nagsasalita, pero para bang sapat na ang isang tingin niya para patahimikin ang buong paligid.
Umalis na rin si Manang pagkagamot sa sugat ko.
“Ate, sorry po. Ako po may kasalanan kung bakit nasaktan ka.”
Biglang niyakap ako ni Jenny habang umiiyak, kaya napatingin ako sa kanya at marahan siyang hinaplos sa ulo.
“Jenny, huwag ka nang umiyak. Hindi naman ito masakit.”
“Anong hindi, Ate? Namamaga na kaya ang hita mo.”
Napatingin ako sa hita ko. Humahapdi nga iyon, at nang bahagya ko itong hawakan, mas naramdaman ko kung gaano na ito kamaga.
“Oh my gosh. Oh my gosh. Oh my gosh. My legs. Iiiih. Saan nakatira ang tatay mo, Jenny?”
Sa galit ng tono ko, parang lalo tuloy natakot si Jenny.
Agad akong natauhan.
“Oops, sorry. Kalimutan mo na iyon. Halika, tabihan mo na lang si Ate.”
Agad naman siyang tumabi sa akin. Nang maiangat ko ang ulo ko, nagtama ang mga mata namin ng lalaki. Ngunit siya rin ang unang umiwas ng tingin.
“Kuya Dondon, ito pala si Ate G. Ate G, siya pala si Kuya Dondon, iyong nakuwento ko sa iyong bagay kayo.”
Parang gusto kong takpan ang bibig ni Jenny sa hiya.
Grabe ang batang ito.
“Jenny, sumama ka muna sa akin.”
Tumango agad ang bata at sumunod sa kanya.
Ako naman ay pumasok na lang sa loob ng bahay. Ilang sandali pa, bumalik si Jenny na may dalang tatlong cold compress. Inilagay niya agad ang dalawa sa hita ko at iniabot sa akin ang isa para sabay naming ipatong sa namamaga kong balat.
Nang unti unti nang mawala ang lamig ng mga compress at parang tubig na lang ang laman sa loob, tinigil na namin.
Napansin kong alas singko na pala ng hapon.
Parang sakto sa tiyempo, bumungad si Jamie sa pinto at agad napatingin sa akin. Mula sa mukha ko ay bumaba agad ang tingin niya sa hita ko.
“Hala, G. Ang sakit naman niyan. Ang sama talaga ng ugali ng papa ni Jenny.”
Bigla namang nalungkot ang mukha ni Jenny sa narinig.
“Jenny, ayaw na pag mug ot ha?” marahang sabi ni Jamie sa bata.
Tumango naman si Jenny.
“Saan na iyong mga pinamili mo, Jam?” tanong ko.
“Pinagtutulungan nang dalhin dito. Nagtatakbo nga lang ako papunta rito nang malaman ko ang nangyari sa iyo.”
Tumango ako.
“Salamat ha.”
“Bumili rin pala ako ng mini ref, G.”
“Buti na lang naisip mo iyon. Nakalimutan ko kasing ihabilin sa iyo.”
Maya maya ay may pumasok na lalaking may bitbit na aircon. Sunod sunod na ring may nagpasok ng iba pang gamit. Ipinaayos ko ang karamihan sa loob ng kuwarto ko. Nang matapos sila, binigyan ko sila ng tig iisang libo. Halos lumaki ang mga mata nila sa laki ng ibinayad ko. Sinubukan pa nilang isauli ang iba, pero tinanggihan ko.
Okay na iyon. Ang bibigat kaya ng mga dala nila.
Doon na rin ako kumuha mula sa sukli na hawak ni Jamie. Mabuti na lang at naisipan din niyang mag grocery.
Nang matapos ang pag aayos ng mga gamit ko, at nang mailagay na rin nina Jamie at Jenny ang kama ko sa ayos na pwesto, sabay sabay kaming lumabas para tingnan ang generator na inaayos sa labas.
Dahil madilim na, baterya lang muna ng sasakyan ang gamit namin para may ilaw. Nang matapos na ang pag install ng generator, inayos din namin ang lahat ng maaaring ikonekta roon. Marami na ring krudo ang naihanda para masigurong tatagal ang gamit nito.
“Ayan,” nakangiting sabi ni Jamie. “Bahay na bahay na ang dating.”
“Oo nga, Ate,” sabat ni Jenny. “Ang ganda na. Sayang lang, walang TV.”
“Bukas, ako ang bibili ng TV,” sabi ko.
“Naku, Ate, joke lang iyon. May TV naman si Kuya Dondon. Doon na lang ako manonood kung gusto ko,” tuwang tuwang sagot niya.
“Okay, sige. Bibili na lang tayo kapag nag grocery ulit tayo. Ibibigay ko na lang sa iyo ang tab ko.”
Bigla naman siyang tuwang tuwang nagtalon.
“G, spoiler ka ng bata ha,” natatawang sabi ni Jamie.
“Natutuwa lang ako sa kanya.”
Pumasok ako sa kuwarto at kinuha ang tablet ko. Paglabas ko, iniabot ko iyon kay Jenny. Agad naman niya iyong binuksan at isa isang tiningnan ang laman.
“Wow, Ate. Ikaw ito?”
Tumango ako.
“Ang ganda mo, Ate. Hala, Ate, bakit naging dalawa ka rito?”
Napangiti ako dahil larawan naming dalawa ni Gia ang tinitingnan niya.
“Kakambal ko iyan.”
Lumapit din si Jamie at nakiusyoso.
“Wow. Ang gaganda ninyo, G. At wow, ang gwapo naman nito. Pati mga magulang mo. Kapatid mo ito, no? Kamukha ninyong dalawa ng kakambal mo.”
Tumango ulit ako.
“Bakit ka pala nandito sa isla namin?” tanong ni Jamie.
Saglit akong natigilan.
“Nagbabakasyon lang.”
“Aaah. Akala ko katulad ka ng ibang nagpupunta rito at interesado sa islang ito.”
Bigla akong kinabahan. Alam kong tutol ang mga taga isla sa sinumang may balak angkinin ang lugar na tinitirhan nila.
Kaya agad kong iniwas ang usapan.
“Nagugutom na ako, Jamie. Puwede ka bang magluto? Hindi kasi ako marunong.”
“Sige, sandali lang. Nakalimutan na nga pala nating kumain.”
Agad siyang nagpunta sa kusina para magluto. Si Jenny naman ay abala na sa paglalaro gamit ang tablet.
Ako nama’y natahimik.
Napatingin ako sa labas, sa direksyong sinabing bahay ni Kuya Dondon.
Paano ko kaya magagawa ang dapat kong gawin?
Paano ako lalapit sa lalaking iyon?