Chapter 16

1426 Words
“HINDI AKO nagbibiro, Miss Ellie. Totoo ito. May dinadala kang sanggol,” mariing kumpirma ng doktor. “H-hindi, Dok. Hindi totoo iyan, hindi ba? Hindi ako buntis, hindi ako buntis! Sabihin mong nagbibiro ka!” garalgal ang boses ni Ellie sa sobrang kaba. Napakunot ang noo ng doktor. Nagtataka ito sa inaasta niya. “Hindi ako nagbibiro, Miss. Here’s the result of the test. You may take a look.” Inabot nito ang papel sa harap niya. Nanuyo ang lalamunan ni Ellie. Tinitigan niya ang papel, saka ang doktor. “Sige, tingnan mo,” himok ng doktor. Nanginginig ang kanyang mga daliri nang kunin ang papel. At oo, malinaw na positibo ang resulta. “H-hindi… imposible ito! Hindi!” marahas siyang umiling kasabay niyon ay ang pag-agos ng mga luha sa kanyang mata. “Dok, pakiusap, maaari po ba kayong magsagawa ng panibagong pagsusuri? Baka sa ibang pasyente ito,” desperadong sabi ni Ellie na hindi matatanggap ang katotohanan. “Pero, Miss…” “Please, Dok. Nakikiusap ako,” halos pagmamakaawa na niya. Napabuntong-hininga ang doktor. “Kung iyan ang gusto mo.” Muli nitong kinuha ang sample ng dugo at inasikaso ang lahat ng kailangang gawin. Ngunit kagaya ng naunang resulta, positibo pa rin. Muling napailing si Ellie, halos madurog ang puso habang tinatanggap ang papel. “Hindi! Hindi pwede!” sigaw niya at humahagulgol. “Miss, ano ba ang problema? Hindi ba dapat masaya ka? Magiging ina ka na.” Pinahid ni Ellie ang kanyang luha at huminga nang malalim, saka tumitig sa doktor. “Hindi ninyo nauunawaan…” mahina niyang bulong bago tuluyang lumabas ng silid. Habang naglalakad sa kalsada na walang direksiyon, puno ng iba’t ibang isipin ang kanyang utak. Magiging ina na siya. Isang pagbubuntis na hindi niya kailanman plinano. Hindi maisip ni Ellie na kahit minsan magpabuntis bago ikasal. Ayaw na ayaw niyang manganak nang wala sa tamang panahon at wala sa loob ng kasal. Ngunit ang kapalaran ay may sarili nitong paraan. Sino ba siya para iwasan ang itinakda ng tadhana? At higit sa lahat, ang dinadala niya ay bunga ng panggagahasa. Paano niya haharapin ang mundo kapag nalaman nila ito? Paano kung ang ama ng bata ay hindi man lang handa maging isang ama? Paano kung tanggihan ni Kyo ang balita? Hindi kayang bigkasin ni Ellie ang balita. Mas gugustuhin pa niyang tapusin na lamang ang pagbubuntis na ito kaysa buhayin ang isang batang bunga ng karahasan. Handa niyang tapusin ito, kahit kapalit pa ang sariling buhay. Mabigat ang loob ni Ellie na sumakay sa isang taxi pauwi sa apartment ni Luna. “Ellie! Bakit nandiyan ka sa sahig?!” dali-daling lumapit si Luna nang mapagbuksan siya. Hinawakan ni Luna ang kanyang mukha at lalo pang nanlaki ang mga mata nang makita ang walang tigil na pag-agos ng luha sa pisngi niya. “Ellie, bakit ka umiiyak? Anong nangyari?” nag-aalalang tanong nito. Humikbi si Ellie at niyakap ang sarili. Hindi niya alam kung ano ang gagawin sa hindi inaasahang pagbubuntis. Tama bang ipalaglag niya ang batang ito? O dapat ba muna niyang ipaalam kay Kyo? “Ellie…” marahang tapik ni Luna na nagbalik sa kanyang ulirat. Agad niyang pinupunasan ang luha sa likod ng palad. Napakunot ang noo ni Luna. “Bakit ka umiiyak?” tanong nito muli. Napalunok si Ellie at kinagat ang labi. Hindi alam kung dapat bang sabihin na sa kapatid ang tungkol sa pagbubuntis niya. Mas matapang pa si Luna kaysa sa kanya, at kayang ipaglaban siya sa kahit anong paraan. “Ellie, sagutin mo nga ako! Masama ba ang pakiramdam mo? Nagpatingin ka ba sa doktor? Ano ba ang problema? Sabihin mo, handa akong makinig,” halos pasigaw na sabi ni Luna, nauubusan na ng pasensya. “Nagpa-test ako,” mahina ang tinig ni Ellie, pinapawi ang tuyong lalamunan. “At anong resulta?” “A-ano...” “Ano ka ba? Sabihin mo na,” desperadong udyok nito. Huminga nang malalim si Ellie bago nagsalita. “B-buntis ako,” halos hindi marinig na sambit niya. “Ha?! Anong sabi mo?!” hindi makapaniwalang tanong ni Luna. “Buntis ako, Luna. Dinadala ko ang bunga ng panggagahasa. Hindi ko na kaya, pakiramdam ko gusto ko na lang magpakamatay. Sobra na para sa akin!” humahagulhol na sabi ni Ellie, at niyakap si Luna. Hinayaan siya nitong umiyak sa balikat ng kapatid. “Shhh… it's okay. Lilipas din iyan,” marahang hinahaplos nito ang likod niya. Iniangat ni Ellie ang ulo mula sa balikat ni Luna. “Alam na ba ni Sir Kyo?” tanong ni Luna. “Hindi pa. Ngayon ko pa lang nalaman.” “Okay, kailan mo balak sabihin sa kanya? Baka naman tanggapin niya ang bata. Hindi natin alam,” suhestiyon ni Luna, ngunit umiling si Ellie. “Hinding-hindi ko sasabihin sa kanya. Hindi rin ako handang maging ina.” “Anong ibig mong sabihin?” “Ipapalaglag ko ang bata,” diretsong sagot ni Ellie na ikinasinghap ni Luna. “Anong kabaliwan iyan, Ellie?! Ipapalaglag?! Nababaliw ka na ba?!” napasinghal si Luna habang nanlilisik ang mga mata. “Hindi ako sira, Luna Ayokong maging ina ngayon, hindi mo ba naiintindihan?!” luhaang sigaw niya. Napahinga nang malalim si Luna at tinitigan nang masama ang kapatid. “Hindi ka magpapa-abort! Naisip mo ba ang bata? Ang inosenteng sanggol? Ellie, huwag kang maging manhid. Ang dugo ng inosenteng bata ay habambuhay nasa kamay mo! Huwag mong gawin ito!” mariing sabi ni Luna na pilit siyang pinipigilan. Ngunit nanatili sa kanyang desisyon si Ellie. “Anak ko ito, at gagawin ko ang gusto ko! Hinding-hindi ko ito itutuloy ang pagbubuntis, hindi ngayon! Desisyon ko ito at tapos na!” sigaw niya at mabilis na pumasok sa loob. Nakahiga si Ellie sa kama. Hindi muna siya umuwi sa mansyon. May isang silid sa apartment ni Luna kaya doon siya nagkulong. Hawak-hawak ang resulta ng pagsusuri, pinagmasdan niya iyon habang patuloy na bumabalong ang mga luha. Ang hirap tanggapin ng katotohanan na siya ay buntis. Para bang isa lamang itong panaginip, isang ilusyon na pilit niyang pinaniniwalaan, ngunit sa kasamaang palad iyon ang reyalidad. Napabuntong-hininga siya at dahan-dahang umupo sa gilid ng kama, mahigpit na niyakap ang kanyang mga tuhod. Plano niya noon na magpakasal muna bago magdalang-tao. Ngunit lahat ng mga planong iyon ay naglaho dahil ang pagbubuntis niyang ito ay bunga ng karahasan. Ito na ang pinakamalupit na bagay na nangyari sa kanya. “Good morning,” bati ni Luna dahilan para mapalingon siya. Napapikit sandali si Ellie at pinisil ang mga labi bago dahan-dahang bumangon mula sa pagkakahiga. “Hey…” mahina niyang tugon. Ngumiti si Luna at umupo sa tabi niya. “Kamusta ang pakiramdam mo ngayong umaga?” tanong nito at inabot ang mug ng kape na nasa lamesa para sa kanya. “Salamat,” mahina niyang bulong habang tinanggap ang mug at bahagyang humigop. “Uh... mas maayos na ang pakiramdam ko ngayon.” May pilit na ngiting sabi niya. “Mabuti naman. Sige, maghahanda muna ako ng makakain mo,” anito at tumayo na mula sa kama. “Luna…” tawag niya dahilan para huminto ang kapatid at lumingon. “Bakit?” “Pasensya na sa mga nasabi ko kahapon.” Napabuntong-hininga si Luna at muling umupo sa tabi niya. “Hindi iyon ang iniintindi ko. Ang tanong ko, tungkol sa bata. Balak mo pa rin ba itong ipalaglag?” seryosong tanong nito. Natigilan si Ellie. Ibinaba niya ang mug at isinuksok ang ilang hibla ng buhok sa likod ng tainga. “Uh, desidido pa rin ako. Ipapalaglag ko bago pa malaman ni Kyo,” matigas niyang sabi. “Ellie?!” halos mapasigaw si Luna. “Hindi mo ba naiisip na pinagkakaitan mo si Kyo ng karapatan niyang magpasya para sa anak ninyo? May karapatan siya sa bata kaya hindi tama ang gagawin mo! At pwede ka pa niyang kasuhan dahil diyan!” “Wala akong pakialam! Gawin niya ang gusto niyang gawin! Wala akong pakialam! Kung tutuusin, ni-rape niya ako!” singhal niya. “Akala ko ba, napatawad mo na siya?” mahina ngunit puno ng pagtataka ang tanong ni Luna. “Oo. Pero hindi ko babaguhin ang desisyon ko,” matigas na ulit ni Ellie. “Okay, kung iyan ang pasya mo. Pero sana huwag kang gumawa ng bagay na pagsisisihan mo balang araw. Siya nga pala, bumaba ka na para mag-agahan. Huwag mong gutumin ang anghel.” tumayo ulit si Luna. Ngunit bago pa ito makalabas, nagsalita siya. “Mamamatay rin naman ito, wala ng saysay para pakainin pa.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD