CHAPTER 3 - Faith and Josh break-up

4370 Words
SUBSOB sa trabaho si Joshua kaya naman hindi na n’ya magawa ang kumain ng tanghalian. Inagaw ang kanyang atensiyon nang mag-ring ang kanyang cellphone, agad niya itong dinampot. “Hello!” “Josh, si Layla ito.  ‘Wag kang mabibigla, ha!” sabi ng nasa kabilang linya. “Bakit? Ano ba’ng p’wede kong ikabigla?” tanong nito na tumigil ng pagtitipa sa kanyang laptop. “Nawawala si Faith!” ang tarantang tinig sa kabilang linya. “What?!” napatayo ito sa kinauupuan. “Papaanong nangyari?! Ano’ng ibig mong sabihing nawawala?!” Hindi maitago ang pag-aalala nito. “Tumawag ako sa kanya, pero staff ng resort ang sumagot at sinabing hindi na raw nakabalik sa room si Faith kagabi. Nakita ang cellphone n’ya sa dalampasigan at ang isang piraso ng tsinelas n’ya.” Parang sinakluban ng langit si Joshua sa narinig, hindi siya makapaniwala. Hindi ba siya pinagti-trip-an ni Layla? “Layla, sabihin mong pinagti-trip-an mo lang ako. P’wede ba! Wala akong oras para patulan ang mga biro mo!”  “At bakit naman ako magbibiro nang ganito?  Josh, totoong nawawala si Faith!” Hindi niya malaman kung ano ang gagawin ng mga sandaling iyon. Palakad-lakad siya habang nag-iisip. Siya namang pagpasok ng opisina nito ang amang si Brandon Santillan. “Joshua, ano na ang nangyari sa mga project na hawak mo? Talaga bang hindi ka magpupursige na ayusin ang trabaho mo? Mamaya isasama kita sa meeting!” ma-awtoridad na sabi nito. Sa opisina ay tila hindi siya kaanu-ano. Kung tratuhin siya nito ay parang hindi s’ya unico hijo.   “Dad, p’wede bang ‘wag muna nating pag-usapan ‘yan? May importante akong pupuntahan!” “At ano pa ang mas importante sa meeting natin, aber?” usisa ng ama. “Dad, nawawala si Faith! Kailangan ko s’yang hanapin!” tarantang sabi nito. “What? At talagang uunahin mo pa ang babaeng ‘yon? P’wede ba! Don’t waste your time sa paghahanap sa kanya!” singhal ng amang si Brandon. “Dad, kung magsalita ka parang balewala lang sayo si Faith.” “At wala naman talaga akong pakialam sa babaeng iyon! Ang mommy mo lang naman ang may gusto sa kanya!  I tell you, hindi makatutulong ang babaeng ‘yan sa’yo, kaya kalimutan mo na siya!” “Are you serious? Dad, she’s my fiancee! Kayo ‘tong gustong makasal kami, ‘di ba?”   Pinagkasundo kasi sila ng mga magulang nila.   Faith is the daughter of Rodolfo Bernabe na matagal na nilang business partner, and knowing that she is the only successor of the family. Kaya napagkasunduan silang ipakasal sa takdang panahon kapag pareho na silang handa. But the secret revealed when Rodolfo died a year ago, na ampon lang pala si Faith. May anak pala itong si Rodolfo sa legal na asawa.  Only then they found out na walang mamanahin si Faith sa pamilyang kinalakihan maliban sa posisyon nito sa kompanya.  Kaya naman nang malaman iyon ni Faith ay nagpursige ang dalaga na hanapin ang kanyang tunay na mga magulang, dahilan para pumunta ito sa Isla ng Samal. Gusto sana niyang samahan ang nobya sa paghahanap. Ngunit alam niyang kokontra agad ang daddy niya, lalo na’t maraming problemang kinakaharap ngayon ang kompanya.   “Walang kasalang magaganap between you and Faith! Hindi s’ya ang successor ni Rodolfo. Kaya para saan pa’t magpapakasal kayo? And besides niloko nila tayo!” wika ng amang si Brandon. “Dad, anong wala na? Bakit nagkagan’on?” Aminado naman siya na bago sila ipagkasundo ay may nobya siya. Nakipaghiwalay ito sa kanya nang malaman na fiancee na niya si Faith.  Si Faith naman ay sumunod lamang sa daddy nito.  Pero sa pagdaan ng mga araw buwan at taon ay parang nahulog na rin ang loob niya kay Faith.  Wala naman sigurong lalaki ang hindi mahuhumaling sa taglay nitong ganda. “You heard me, Joshua? tigilan mo na si Faith. Payag na akong pakasalan mo iyong dati mong nobya ‘wag lang ang Faith na ‘yan!” pagtutuldok ng ginoo sa usapan. “Too late, Dad, matagal nang nag-asawa ‘yong dati kung nobya.  ‘Tsaka p’wede ba, Dad, wag mo na kami pakialaman ni Faith. It doesn’t matter kung siya ang pinakamahirap na babae, I love her,” mahina at kapos sa kumpiyansang pinagtanggol ang dalaga.   “Stupido! Mamili ka mamumuhay ka ng maginhawa o maghihirap ka kasama ang Faith na ‘yan?! Sooner or later darating na ang tunay na anak ni Rodolfo. Who knows? Baka palayasin na ang babaeng ‘yan sa mansiyon at sa kompanya.  Siguro naman hindi matutuwa ang batang Bernabe na makasama ang ampon ng kanyang ama.  How would you feel if you are the legal son? Kaya kung ako sa’yo maghanap-hanap kana ng babaeng ka-level mo!” mariing sabi ng ama. Lumabas na ito ng kanyang opisina.   Dumilim ang mukha ni Joshua sa mga narinig. Pakiramdam niya ay tuluyan nang babagsak si Faith kapag nalaman ang lahat. Napahawak siya sa batok. Gustuhin man niyang magwala pero hindi niya p’wedeng gawin iyon sa harap ng kanyang ama. Alam niya kung ano ang p’wede at kayang gawin nito.  Kaya siyang tiisin nito kahit anak pa siya.    Nakaramdam siya ng awa sa dalaga. Gusto niyang i-comfort ito pero hindi n’ya alam kung saan ito hahanapin. Nag-aalala siya baka may masamang nangyari sa dalaga. Hindi siguro niya mapapatawad ang sarili kapag may nangyaring hindi maganda sa nobya. Kasalanan niya. Kung alam lang niya na ganito ang mangyayari, sana hindi na lang niya ito pinayagang umalis. Dumagdag pa sa gulo ng iniisip niya ang sinabi ng kanyang ama kanina lang.     YUAN’S RESTHOUSE SAMAL ISLAND ….   MAAYOS na ang pakiramdam ni Faith. Medyo naghihilom na ang kaniyang mga sugat, asikasong-asikaso kasi siya ni Aling Flora. Kaya naman abot langit ang pasasalamat niya sa ginang higit sa lahat kay Yuan, dahil sa pagkupkop sa kanya.  Hindi pa rin pala siya nakatatawag kay Joshua, siguradong nag-aalala na iyon sa kanya. Nawala na sa isipan niya ang tumawag sa nobyo dahil sa mga nangyari.   Sobrang sakit pa rin sa kaniya na isipin na wala man lang siyang mamanahin kahit isang kusing man lang.  Hindi ba talaga siya minahal ng Daddy Rodolfo niya? Naging mabait at masunurin naman siyang anak.   Ano mang oras ay babalik na ang tunay na tagapagmana. Hindi n’ya kilala kung sino. Basta ang alam lang niya ay iyon ang tunay na anak ng kaniyang Daddy Rodolfo. Umalis siya ng Maynila dala ang pag-asang mahahanap niya ang tunay na mga magulang sa islang ito. Pero nabigo siya dahil walang nakakakilala sa kaniyang mga magulang. Minalas pa, dahil nadukot siya. Akala siguro ay mayamang turista siya. Pero heto mabuti at buhay pa rin siya. Tila nawalan na siya ng pag-asang mahanap pa ang kaniyang mga magulang.  Alam niyang pagbalik niya ng Maynila ay wala na siyang yaman.    Pero bakit nga ba hindi niya naisip na humingi ng tulong kay Joshua? Isa pa magiging asawa na niya ito.  Tanging ang lalaki na lang ang huling masasandalan niya sa mga panahong ito.  Tama, kailangan niyang makausap si Joshua, tatawagan niya ito.      Agad siyang bumalik sa loob ng bahay at hinagilap ng kaniyang mga mata si Aling Flora na agad naman niyang nakita sa kusina. “Aling Flora!” humahangos na sabi niya habang papalapit sa ginang. “Ikaw pala, hija. Bakit? Kumikirot ba ulit ang mga sugat mo?” “Hindi po. May hihingin po sana akong pabor,” nahihiyang sabi niya. “Ano iyon? Basta kaya ko lang ha,” anang ginang. “Eh, p’wede po ba akong makitawag?” “Aba, oo naman. Kaso pa’no ‘yan wala kasi akong load. Malayo kasi ang bayan dito, nasa kabilang ibayo pa. Pero kung gusto mong makontak ang pamilya mo, hiram ka na lang ng cellphone kay Sir Yuan,” ani Aling Flora.  Tumango-tango siya sa pag-sang ayon. “Sige po,” tugon niya. Narinig iyon ng papalapit na si Yuan.  Nakatingin ito sa direksyon ni Aling Flora at nakasuot pa ito ng damit pantulog.  Tumingin-tingin ito sa niluluto ng ginang, pagkuwa’y bumaling sa kanya. “May tatawagan ka ba?” tanong nito. Tumango si Faith.  “Heto, tawagan mo na ang pamilya mo,” anang lalaki na inabot sa kaniya ang cellphone.  Medyo nahihiya pa sana siya pero wala naman s’yang choice kailangan n’ya talagang makontak si Joshua. Mabuti na lang at kabisado niya ang numero ng lalaki. “Thank you,” wika niya.   Agad niyang idinayal ang numero ni Joshua.  Lumabas siya at umupo sa ‘di kalayuang gazebo para tawagan ang lalaki. May sumagot naman agad sa kabilang linya. “ Who’s this?” “Josh, ako to si, Faith!” aniya nang marinig ang boses ng lalaki. “Nasaan ka? Sobrang nag-alala ako sayo! Ano bang nangyari? Bakit bigla ka na lang daw nawala sa resort?” nag-aalalang tanong ni Joshua sa kabilang linya.  “Oo nga, eh! may mga kalalakihan na dumukot sa akin.  Mahabang k’wento pero mabuti’t nakaligtas ako. Saka ko na lang ikukuwento sa’yo kapag nakabalik na ako riyan, ang mahalaga ay ligtas na ako. May tumulong naman sa akin, kaya ‘wag ka nang mag-alala, okay?” Tila may bumara sa kanyang lalamunan sa napipintong pag-iyak hindi siya makapagsalita. “Hon, are you okay? Nasaan ka ba? Susunduin na kita,” alalang tanong ng lalaki sa kabilang linya.  Pilit siyang humuhugot ng lakas, huminga siya ng malalim. “Okay na ako Josh, sunduin mo ako dito sa isla ibibigay ko sa’yo ang address. Wala kasi akong kapera-pera hindi ako makalabas dahil liblib na lugar ito. Nakakahiya naman kung aabalahin ko pa ang mga tao rito. Ang laki na kasi ng naitulong nila sa akin,” salaysay niya. “Okay, sige ibigay mo ang address at susunduin kita riyan.”   “Ngapala, Josh, gusto ko pagbalik ko d’yan magpakasal na agad tayo, pumapayag na ako.” Baka kasi hindi na siya magkaroon ng pagkakataong sabihin sa lalaki iyon. Dahil sa nangyari sa kanya napagtanto niyang maikli lang pala talaga ang buhay. Kaya dapat kung ano ang magagawa mo sa kasalukuyan ay gawin mo na agad.  Tila natahimik ang lalaki sa kabilang linya. “Josh, are you still there?” tanong niya.  Bakit tila hindi ito natuwa sa narinig? Ang inaakala pa naman niya ay magtatalon ito sa tuwa, dahil matagal na siya nitong niyayayang magpakasal. “Y-Yah, actually I have something to tell you about our wedding. Siguro ‘pag nakabalik ka na lang saka ko sasabihin.” Tila kinabahan siya sa tono ng pananalita ng lalaki. “Ano ba iyon?  Sabihin mo na. Hindi ako matatahimik kapag hindi mo sinabi. Kaya sabihin mo na, please,” pangungulit niya. “’Pag nakabalik ka na lang dito ‘tsaka ko sasabihin,” tugon ng lalaki. “I insist ngayon na, Josh!” pagpupumilit niya. “Please, let’s not talk about this now. Ang isipin mo ang makabalik ka na agad dito.” “Magagalit ako sa’yo kapag hindi mo sinabi!” inis na banta niya. “Hon kasi…” “Kasi ano?” tanong niya. Walang sagot sa kabilang linya. “Kasi ano, Josh?!” this time ay pursigido na siyang malaman. “K-kasi,  wala nang kasalang magaganap between us,” ang nasabi ng lalaki. Totoo ba ang kaniyang narinig? Inulit pa n’ya ang tanong pero parehong sagot ang narinig niya sa lalaki. Hindi n’ya akalaing masakit marinig iyon. Kahit na aminado siyang hindi niya talaga minahal ang lalaki, pero para sa tagal ng kanilang pinagsamahan ay nasaktan siya. Pakiramdam niya ay nainsulto ang kanyang pagkatao.  Kababae niyang tao ay siya pa ang hinihiwalayan ng lalaki.  Maganda siya at hinahabol ng mga kalalakihan, tila hindi niya matanggap na hinihiwalayan na siya ngayon ni Joshua.  Paano na siya ngayon?   “Bakit? Dahil ba ampon lang ako? Dahil ba nalaman n’yo na hindi ako ang tunay na tagapagmana? Ganun ba, Josh?!” puno ng hinanakit sa kanyang tinig. “Hindi ‘yon ga’non, hon. Please listen to me, mag-uusap tayo pagbalik mo. Okay?” “Ang tanong ko, Josh, bakit? Bakit mo nagawa sa akin ‘to?” Nag-init ang kanyang mga mata at nararamdaman niya ang pamumuo ng kanyang mga luha. “’Di ba, ito naman ang gusto mo matagal na? Ang maging malaya. Sabi mo, ang dreamguy mo ‘yong ipagtatanggol ka palagi. ‘Yong mala-hero ang dating. Hon, alam mong hindi ako ‘yon. Kaya nga ni minsan hindi mo masabi sa akin na mahal mo ako. Alam ko ‘yon…nararamdaman ko!” garalgal na tinig ni Josh.   Kung alam lang ng lalaki na sinusubukan niyang itong mahalin at handa na sana siyang gawin iyon.  Hindi na napigil ni Faith nang lumandas ang luha sa kanyang mga pisngi.  Totoo naman ang sinabi ng lalaki matagal na niyang gustong lumaya. Pero bakit naman ngayon pa?  Ngayon pang handa na siyang magpakasal sa lalaki. Pakiramdam niya, iniwan na siya ng mga taong p’wede niyang sandalan. Nakaramdam siya ng awa sa sarili.   Agad niyang ibinaba ang cellphone at napahagulhol. Parang naninikip ang kanyang dibdib. Tumakbo siya sa dalampasigan at doon niya pinakawalan ang kanyang pag-iyak. Doon, kung saan tanging mga alon lamang ang saksi ng kanyang matinding kalungkutan.  Lingid sa kaalaman ng dalaga ay kanina pa nakatanaw sa kanya si Yuan. Nakahalukipkip ito habang nakaupo sa ‘di kalayuang terrace. Para itong stalker na binabantayan ang mga kinikilos ng dalaga.   Nakita niya ang pag-iyak ni Faith, nakaramdam siya ng awa.  Parang gusto niya itong lapitan at haplusin. Pero sa palagay niya ay kailangan na muna nitong mapag-isa. Sinundan niya ito ng tingin patungong baybayin. Nakita niyang nilalaro ng mga paa nito ang pinong buhangin habang hinahampas ng banayad na alon.  Abot hanggang tuhod na nito ang tubig at lumusong pa rin ito hanggang umabot sa beywang. Naalarma siya. Hindi maganda ang sumagi sa kanyang isipan, baka magpapakalunod ang babae.   “Hey, Faith!” tawag niya, pero tila hindi siya naririnig nito.  Kaya agad na tumakbo siya sa kinaroroonan ng dalaga. Lumusong siya sa tubig at payakap niya itong hinila paatras ng dalampasigan. “Ano ba? Bitiwan mo nga ako!” nagpupumiglas na sabi Faith. “Anong bitiwan? Hindi p’wede!” Hindi ito makakilos sa higpit nang pagkakayakap ng lalaki. Hanggang sa nawalan sila pareho ng balanse at napahiga. Nagpagulong-gulong sila sa buhangin na para bang nagre-wristling. “Ano ba? Bastos ka!” galit na sambit nito habang hinahampas ang lalaki sa braso. Noon lamang pinakawalan ni Yuan ang dalaga sa pagkakayakap. “Bakit mo ba ako niyayakap!? M*nyakis ka!” sabay dumapo sa lalaki ang malakas na sampal. “Bakit mo ako sinampal?! At anong niyayakap?! Akala mo ba’y pagsasamantalahan kita?!” napabalikwas ito at yamot na tumayo. “Oo! Ano ba sa tingin mo ang ginagawa mo?! Akala ko pa naman mabait kang tao!” Matalim ang mga mata nitong nakatingin sa lalaki.    Napabuga ng hangin ang lalaki halatang pinipigil ang inis habang nakapa meywang ito. Napuno ng buhangin ang kalahating t-shirt nito at short. Umiling ito at gumihit ang sarkastikong ngiti sa sulok ng mga labi nito. “Excuse me? Ako m*nyakis? This is the first time na may tumawag sa akin ng ganyan. At ikaw iyon?” pinasadahan nang tingin nito ang babae. “You know what? Ang inaalala ko lang naman baka bigla mong mabitiwan ang cellphone ko sa tubig! Hindi p’wede mawala ang cellphone ko.  For your information mas mahalaga pa ‘yan kesa sa buhay mo! Akin na nga ‘yang phone ko!” anang lalaki na nakatingin sa dalaga na hindi mawari ang pangmumukha sa inis.    Saka lang naalala ni Faith na hawak pala niya ang cellphone ng lalaki. Para siyang napahiya sa inasta niya. “Eh, b-bakit nagagalit ka? Hindi ko naman nabitiwan, ah!  Palusot ka pa. Oh! ‘yan, salamat!” sabay hagis ng cellphone sa lalaki. Mabuti na lang at maagap namang nasalo iyon ng lalaki.  Nabalutan iyon ng mamasa-masang buhangin. Pinagpag iyon ng lalaki at tinapunan siya nito nang matalim na tingin bago tumalikod.    Hindi na niya magawang magsalita sa nakitang reaksyon ng lalaki.  Nasampal niya si Yuan. Bakit nga ba napakabilis mag-init ng ulo niya? Hindi naman siya dating ganoon.  Naiinis siya sa kanyang sarili. Paano kung bigla siyang palayasin nito? Napaupo siya sa buhangin at lalong napaiyak.     BUMALIK na si Faith sa loob ng bahay. Hinahanap ng kanyang mga mata ang lalaki. Gusto niyang humingi ng paumanhin sa naging asal niya kanina.  Nabigla lang siya sa kanyang mga sinabi hindi niya kasi akalain na bigla siya nitong yayakapin.  Pero parang may kung anong malakas na boltahe ng kuryente ang kanyang naramdaman nang magkadikit sila ng katawan. Pilit niyang iwinaglit iyon sa isipan. Muli niyang napagmasdan ng malapitan ang mukha ng lalaki.     Kahit hindi ito nakangiti ay napakaguwapo pa rin nito kahit nakasimangot at galit.  Bumabalik ang mga katagang sinasabi ng lalaki sa kanyang isipan napahiya tuloy siya. Sadyang nakalimutan lang talaga niya na may hawak siyang cellphone ng mga sandaling iyon dahil sa mga narinig niya mula kay Joshua.      Madalas niyang nakikita ang lalaki sa veranda kaya naisipan niyang pumanhik doon.  Hindi nga siya nagkamali, nandoon nga ang binata at tila may kausap ito sa cellphone. “Good job! Saka na lang natin pag-usapan ‘yan. Haharap ako sa kanila kapag nakabalik na ako ng Maynila. Let me enjoy my vacation ayoko muna ng problema. Okay, see you, Attorney.” Nang humarap ang lalaki sa kaniya ay nagkasalubong sila ng tingin.  Tumahip ang kaba sa kanyang dibdib seryoso ang mukha nito.  Matabang ang mga tingin nito, nakahalukipkip habang nakasandal sa grills ng veranda. “Yes? May kailangan ka ba?” tanong nitong napaangat ng kilay sa kanya. “May kailangan lang akong s-sabihin sa’yo,” napalunok siya.  “Ano yon?” matigas ang anyo nito. “Tungkol sa nangyari kanina. Gusto ko sanang humingi ng sorry. Nabigla lang ako hindi ko sinasadya.  Pasensya kana…nakalimutan kong hawak ko pala ang cellphone mo kanina,” mahinahong paliwanag niya. Ngayon ay tila lumambot ang mukha ng lalaki at gumuhit ang ngiti sa mga labi nito. “Nah! You don’t have to say sorry. It’s my fault, too and it’s so sudden. Iyon lang ang naisip ko. Hindi ko naman alam na nananampal ka pala,” pabirong sabi nito. “Pasensya na talaga,” nakayuko lamang siya. “Apology accepted.  I think I need to apologize too for being rude to you earlier,” tugon nito.  Tipid na ngiti lamang ang itinugon niya sa lalaki. “Ayos lang. Pasensya na din. Sige maiwan na kita.” Pagkatapos ay tumalikod na siya para  bumaba ng hagdan.   Gustong kausapin ni Yuan si Faith. Hindi n’ya kasi gaano nakakausap ang dalaga dahil mailap ito sa kanya. Kapag nilalapitan niya ito ay agad na nagdadahilan at umiiwas sa kanya.  Tumikhim siya. “Nakausap mo na ba ang pamilya mo?” tanong niya nang akmang bababa na ng hagdan si Faith. Napahinto ang dalaga at lumingon sa kanya. “Ang totoo, wala na akong pamilya,” sagot ng dalaga.  Napakunot noo siya at saglit na nag-isip. “Bakit nasaan na sila?”  tanong niya. Napabuntong-hininga si Faith pagkuwa’y bahagyang lumapit sa lalaki para magkuwento. “Kaya ako napunta dito sa isla dahil hinahanap ko ang parents ko. Pero kahit kaunting bakas nila wala akong makita. Wala akong mahanap na impormasyon tungkol sa kanila.” Kitang kita ni Yuan ang lungkot sa mga mata nito. “Oh! Sorry, to hear that. But if you want, I can help you.” Tila nagka-interes si Faith nang marinig na tutulungan siya ng lalaki.   “Talaga? Tutulungan mo akong mahanap ang parents ko?” nagningning ang mga mata nito. “Yah, may kakilala ako na p’wedeng tumulong para hanapin ang parents mo.  Siya ang pinagkakatiwalaan ko at pinapahanap ko sa mga taong gustong kong ipahanap,” diretsahang sabi nito.    Napaisip tuloy si Faith kung bakit may pinapahanap na tao itong si Yuan. Hindi kaya isa itong masamang tao na kayang magbayad kapag may hahanaping mga prospect? Kagaya ng mga napapanood n’ya sa pelikula? “Gusto ko. Kaya lang…” tila may pag-aalinlangan siya. “Kaya lang ano?” “Ano’ng magiging kapalit ng pagtulong mo sa akin? Wala na akong malaking pera na p’wede ipambayad sa’yo,” wika niya. “Well it’s up to you. Pero hindi mo naman kailangan magbayad,” sabay tingin sa kanyang mga mata. Hindi niya ito kayang titigan nang matagal. Pakiramdam niya ay matutunaw siya sa tila nangungusap nitong mga mata. Bumibilis ang pintig ng puso niya. Marami na siyang nakitang guwapong lalaki pero iba ang dating ni Yuan.  Lalo siyang nailang nang maalala ang eksena nila kanina lang sa dalampasigan. Napalunok siya at ibinaling ang paningin sa malayo. “Sige payag na ako. Sana matulungan mo akong mahanap ang parents ko.  Ayaw ko sanang magkaroon ng utang na loob sa’yo pero kung ito lang ang paraan tatanggapin ko,” tila may takot ng pagsusugal sa tinig ng dalaga. Umiling ang lalaki at bahagyang kumurba ang isang sulok ng mga labi nito. “Sa ayaw at sa gusto mo may utang na loob kana sa akin, Miss Beautiful. Remember? napulot kita sa dalampasigan, wala kang kamalay- malay ‘non."    Napasinghap si Faith.  Tinawag siya nitong ‘Miss beautiful’ hindi niya lubos maisip kung ano ang itsura niya ng mga sandaling iyon.  “Salamat. Pero sana hindi mo na lang ginawa,” iyon lang ang naisip niyang sabihin.  Napangiti ang lalaki. “Bakit naman? Tingin mo makakaya ng konsensya kong iwanan ka na nakahandusay? Siguro kung mangyayari din sa akin ‘yon, gagawin mo rin kung ano nararapat, ‘di ba?” anang lalaki. “Imposible ka namang malunod ang galing-galing mo kaya lumangoy.” Hindi niya alam kung bakit iyon ang lumabas sa kanyang bibig, wala lang kasi siyang maisip sa idugtong sa mga pinagsasabi nito. Pero kahit kelan talaga ay hindi siya natutong lumangoy. Kaya ganoon na lamang ang paghanga niya sa lalaki.  Madalas kasi niya itong makitang lumalangoy sa swimming pool tuwing gabi. Abot tanaw kasi mula sa kanyang silid ang nasa ibaba ng resthouse at ang dalampasigan.   Sa umaga naman ay sa dagat ito naliligo.  Natigilan siya sa kanyang sinabi baka isipin ng lalaki na lihim niya itong pinanonood.  Itinikom na lang niya ang kanyang bibig. “Eh, Ikaw bakit hindi ka marunong lumangoy? Gusto mo bang turuan kita?” “Ha? Eh, hindi na. A-ayoko,” tarantang sagot niya.  Hindi kasi niya alam kung paano siya tuturuan nito siguradong hahawakan siya ng lalaki. Kapag nagkataon ay lalo lamang mahahalata nitong natataranta siya.  Ngumiti lamang ang lalaki at tila nag-iisip ng sasabihin. “Bakit ganyan ka makatingin?” pansin niya. Nakangiti itong pinasadahan ng tingin ang suot niyang t-shirt at short. “Wala. Napansin ko lang, bagay sa’yo ang damit ko, you look cute.” Kakaibang pakiramdam ang hatid ng papuri na iyon sa kanya. “Ha? Damit mo ‘to?” napayuko siya’t tumingin sa kanyang suot. “Oo. Sinabi ko kay Aling Flora na pahiramin ka ng damit, pero sabi n’ya konti lang daw ang damit niya. Nakakahiya naman daw sa’yo kasi pulos luma na. Kaya sinasabi kong kumuha na lang s’ya sa closet ko at ipahiram sayo.” Nag-init ang kanyang mga pisngi sa hiya. Pakiramdam niya ay namumula na siya. Hindi man lang kasi niya naitanong sa ginang kung kaninong damit ang mga pinapasuot sa kanya. “Hayaan mo kapag nakabalik ako ng Maynila babayaran na lang kita sa mga hiniram ko sayo,” bawi niya. “Ah, no need to do that. Actually you can stay here as long as you want habang hinahanap natin ang parents mo,” bahagyang nakangiti ito sa kanya. “Thank you,” sagot niya. “You will not regret for staying here.  You see, it’s  beautiful and romantic place, right?” “I don’t feel romantic,” tugon niya. “Bakit naman? Dahil ba iniwan ka ng boyfriend mo?” tila nahulaan nito ang sitwasyon niya.  Natawa siya. “Ang galing mo. How did you know that?” “Ang alin?” tanong ng lalaki. “Nahulaan mo na iniwan ako ng fiance ko.” “Well, hindi lang pala basta boyfriend, fiance na pala,” nakangiting tugon ng lalaki. “Tamang-tama pala sayo ‘tong lugar. This is a perfect place for you to cry out.” Tumawa ang lalaki.  Napangiti na lang siya habang hindi maalis ang kanyang mga tingin sa lalaki. “Malay mo dito mo makita sa isla ang p’wede mong ipalit sa walang kwenta mong fiancé,” anang lalaki. Bigla itong bumaling sa kanya. Huling-huli nito na nakatingin siya rito. Agad siyang umiwas at kunwaring napatingin sa dalampasigan. “Para sa akin pare-pareho lang ang mga lalaki. Matino sa una bandang huli iiwanan ka lalo na kapag wala ka nang pakinabang sa kanila.” “Sobra ka naman, pati ba ako kasama ‘ron?” protesta ng lalaki. “Malamang kung lalaki ka, e, di kasama ka nga,” pabirong sabi niya. Napakamot na lang sa ulo ang lalaki.  Pero napangiti ito tila na challenge sa sinabi ng dalaga. “Ikaw, nasaan ang pamilya mo?” seryosong tanong niya.   Hindi agad nakasagot si Yuan. Biglang tumigas ang anyo nito at tila nabalot ng lungkot ang mga mata nitong kanina lang ay nakangiti. “I’m single. Walang kahit ano,” matabang na sagot nito.   Natigilan si Yuan, tila may kirot na gumuhit sa kanyang puso nang marinig niya ang katagang pamilya.  Maging siya man ay wala na ring pamilya. Naghiwalay ang kanyang parents noong pitong taon lang siya. Namatay na rin ang kanyang mommy two years ago. At ngayon nag-iisa na lang siya.  Kung alam nga lang ni Faith na halos pareho sila ng pinagdadaanan. Pero hindi. Hindi niya kayang banggitin ang kanyang mga nakaraan. Alam niyang matapang siya pero sensitive siya kapag pamilya na ang pinag-uusapan.   Napakurap-kurap siya nang maramdaman ang namumuong luha sa kanyang mga mata. “I’ll go ahead. Inaantok na ako, good night!” Tumalikod na siya upang itago sa babae ang lungkot sa kanyang mukha.    Naiwang mag-isa si Faith sa veranda. “Anong nangyari do’n ba’t biglang umalis?” usal ni Faith. Marami pa sana siyang sasabihing kadramahan pero tinalikuran na siya nito.  Hindi kaya na offend sa mga sinabi niya? O baka naman nasobrahan lang talaga ang kadaldalan niya? Napatakip siya sa kanyang bibig.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD