Prologue
“HINDI ko na po kayo masasamahan nang matagal dito, Lola. Kailangan ko pa pong magtungo sa manggahan.”
Itinigil muna ni Venancia ang paglalagay ng mga sariwang bulaklak sa puntod ng kanyang asawa at nginitian ang kanyang apo na si Eduardo. “It’s okay, apo. Go ahead. Kaya ko na.”
Hinagkan nito ang kanyang pisngi. “Susunduin po kayo ni Glanys dito mamaya.”
Umiling si Venancia. “I can make my way home by myself, Dudes.”
“We know that pero mas maigi na `yong may kasama kayo sa paglalakad mamaya. Basta, susunduin po kayo ni Glanys. Kailangan ko na pong umalis. I’ll see you later. Babalik din po ako sa villa bago magtanghali. May meeting kami ng accountant.”
Tumango siya. “Mag-iingat ka.” Nang umalis na ang apo ay ipinagpatuloy ni Venancia ang paglalagay ng mga sariwang bulaklak sa puntod. Inalis niya ang mga natuyong bulaklak at mga dahon na napunta roon.
“Maayos na sina Dudes at Mitch,” pagkukuwento ni Venancia sa kanyang asawa. Noong nakaraan ay naikuwento niya rito na hindi magkasundo ang dalawang apo nila, sina Eduardo at Mitch. “Maraming salamat kay Cecilio. I don’t know what that particular grandson of yours is up to, but I’m still thankful he’s here. Siguro, siya lang talaga ang kailangan nina Dudes at Mitch. Matagal-tagal din silang nagkahiwa-hiwalay. Daig pa nila ang triplets na hindi mapaghiwalay dati. Ces is with Luisita now. Hindi ko alam kung matutuwa ako o ano. Naging nobyo ni Luisita ang tatlong apo natin. But they seemed happy. Cecilio especially. Ngayon ko lang siya nakitang ganoon kasaya. Ang mas nakakatuwa at medyo nakapagtataka, masyadong kalmado ang pagtanggap nina Dudes at Mitch sa sitwasyon. Ces announced he and Lui have a romantic relationship going on and they just kept quiet. It was okay with them. Tila tinanggap na lang nila na wala na silang laban kay Ces. They started talking to each other like they used to. Wala nang angilan at sarcasm. Hindi ko sila nakitang nag-usap at pormal na nagkabati pero ganoon naman sila dati pa. I hope everything goes well now.” Huminga siya nang malalim. “Sana ay magkaroon na ako ng apo sa tuhod sa lalong madaling panahon. Kahit sana paano ay maging malakas pa ako upang kargahin sila. You can still wait, right? Huwag ka munang maiinip. Gusto kong marami akong baon na masasayang kuwento kapag muli tayong nagkita. I have missed you and I want to be with you, but I still have so many things to do, so many things to fix. I know you’d understand.”
Kung ano-ano pa ang ikinuwento ni Venancia sa kanyang asawa hanggang sa maramdaman niyang hindi na siya nag-iisa sa mausoleum. Kahit hindi siya lumingon ay alam niya kung sino ang pumasok doon. Naroon na ang kanyang sundo. Halos hindi niya namalayan na oras na upang umuwi siya.
“`Time to go, `La,” ani Glanys sa masiglang tinig. “Hi, `Lo.”
Nilingon niya ang apo at nginitian. Gumanti ng masiglang ngiti si Glanys. She stretched her hand out towards her. Kaagad na lumapit sa kanya ang apo at inalalayan siya. Sabay silang nagpaalam sa kanyang asawa bago sila naglakad pauwi sa Villa Cattleya. Yumakap ang mga braso ni Glanys sa mga braso niya, saka inihilig ang ulo sa kanyang balikat. She had always loved that gesture. Ang dalawang babaeng apo lang ni Venancia ang gumagawa niyon sa kanya tuwing naglalambing ang mga ito.
“`Wag ka munang susunod kay Lolo, Lola, ha?” ani Glanys sa tonong nakikiusap.
Tila may mainit na kamay na humaplos sa puso ni Venancia. Isa si Glanys sa mga dahilan kung bakit hindi pa niya maaaring lisanin ang mundong ito. Kahit na ngumingiti at masigla sa araw-araw ang apo, alam niya na nahihirapan pa rin ito. She was struggling to put the past behind her. She knew that sometimes being happy or simply smiling hurt.
“Hanggang sa hindi ko nasisigurong magiging maayos kayong lahat, hindi ako aalis sa mundong ito,” pangako niya kay Glanys.
Pagdating nila sa villa ay nagtaka sila sa sasakyang nakatigil sa harap ng mansiyon. Wala silang inaasahang bisita na darating. Natanawan ni Venancia ang isang matangkad na babae. Kausap nito ang isang kawaksi. Hindi pamilyar sa kanya ang babae. Tinanong niya si Glanys kung kilala nito ang kanilang bisita ngunit umiling ito.
“Hi! May I help you?” tanong ni Glanys sa palakaibigang tinig nang makalapit na sila.
Bumaling sa kanila ang babae. Isang magalang na ngiti ang ibinigay nito sa kanila. “Hi! I’m ‘Yllen Stacy Alonzo.’ I’m looking for Cecilio Castañeda. May nakapagsabi po sa `kin na dito siya nagbabakasyon ngayon.”
“Hello,” bati ni Venancia sa babae. Nginitian niya ito. There was something about this lady that she instantly liked. “Ano ang kailangan mo sa apo ko?” Hindi niya nais isipin na naugnay ang babaeng ito kay Cecilio sa romantikong paraan. Ayaw niyang magulo ang relasyon nina Cecilio at Luisita sa ngayon.
“Narito po ako para kausapin siya tungkol sa isang trabaho.”
Nakahinga siya nang maluwang. “Come inside, Miss Yllen Stacy.” Pumasok sila sa loob ng tahanan ng kanyang pamilya. “Welcome to Villa Cattleya.”
PILIT na nilalabanan ni Yllen Stacy ang kabang kanyang nararamdaman, ngunit hindi siya nagtagumpay. Nanginginig ang kanyang kamay. Ibinaba ni Yllen Stacy ang hawak na isang baso ng juice na isinilbi sa kanya ng kawaksi bago pa man mapansin ni Mrs. Venancia Castañeda ang kanyang panginginig.
She liked the old lady. Magiliw itong nakangiti sa kanya. Hindi siya naiilang kahit na alam niyang pinag-aaralan ng matanda ang kanyang kabuuan.
Kinakabahan siya hindi dahil sa matanda. Kinakabahan siya dahil sa isang apo nitong alam niyang naroon din. Naroon siya para kay Cecilio ngunit alam niyang naroon din si Eduardo. Alam niyang malaki ang posibilidad na muli niyang makakaharap ang binata. Hindi alam ni Yllen Stacy kung ano ang kanyang unang mararamdaman sa muling pagkikita nila. Hindi niya maintindihan ang kanyang sarili kung bakit naapektuhan siya nang ganoon. Matagal nang nangyari ang lahat ng namagitan sa kanila. Baka nga hindi na siya makilala ni Eduardo kapag nakita siya. Baka naging katulad na rin siya ng mga babaeng dumaan sa buhay ng binata na ibinaon na nito sa limot.
“Huwag ka nang magpapakita sa `kin kahit na kailan.”
Hanggang ngayon ay tandang-tanda pa rin ni Yllen Stacy ang sinabing iyon sa kanya ni Eduardo. Ano ang magiging reaksiyon ng binata kapag nakita siyang naroon? Ano ang kanyang mararamdaman? Ano na kaya ang hitsura ngayon ni Eduardo?
Kung hindi lang dahil kay Cecilio ay hindi magtutungo roon si Yllen Stacy. Kung hindi lamang niya nais na paluguran ang kanyang ama, hindi niya susundan doon ang binata upang pilitin na gawin ang isang trabaho. Nagkausap na sila ni Cecilio sa Maynila isang araw nang makauwi na ito sa bansa. Kunwari ay namangha pa si Cecilio nang malaman niya ang tungkol sa pag-uwi nito. Ayon dito ay sekreto iyon. But she knew better.
Cecilio knew Luisita had been working on her father’s project these past few weeks. Noong una silang magkita ni Luisita pagkatapos ng maraming taon ay bahagya siyang nailang. Hindi naging maganda ang naging ugnayan nila sa nakaraan. She still felt guilty. Ngunit sa pasasalamat niya ay tila nakalimutan na ni Luisita ang nakaraan. They had been friendly with each other.
“How do you know my grandson?” tanong sa kanya ng matanda.
“Po?”
“Cecilio. How do you know him?”
Nais matawa ni Yllen Stacy dahil ang akala niya ay si Eduardo ang tinutukoy nitong apo. “Everyone knows him. He’s a famous furniture designer.”
The old lady beamed. “He is the best. You’ve seen the furniture here? He designed and handmade some of them.”
“He’s great. Kaya nga po narito ako para sa kanya. My father has been building a world-class hotel and resort and he wants his services. He wants him to design some exclusive furniture for the hotel. He wants his name associated with us.” Alam niya na mahaba ang linya ng mga customer ni Cecilio. Many rich people in the world wanted him to produce exclusively designed furniture for them.
He had turned her down when they first talked. Hindi na gaanong nabigla si Yllen Stacy sa naging desisyon nito dahil inasahan na niya iyon. Nakita niya sa anyo ni Cecilio nang magkausap sila na hindi pa rin nito nakakalimutan ang ginawa niya kay Luisita at sa pinsan nito noon. Wala raw itong pakialam kung nakuha niya ang serbisyo ni Luisita bilang landscape architect.
Nais na sanang sumuko ni Yllen Stacy ngunit kinausap siya ni Jericho. Sinabi nitong magtungo siya roon at kausapin uli si Cecilio at upang makausap na rin nang masinsinan si Eduardo. He said it had been years and she had to let go of the past. Kailangan na niyang makalimutan nang tuluyan ang lahat bago siya magsimula ng panibagong yugto sa kanyang buhay. Sa palagay niya ay may punto ang kanyang kapatid kaya naroon siya.
“I’m sure Cecilio would agree. Hindi sa pagma-mayabang pero talagang world-class ang talento ng apo ko.”
Napangiti siya sa sinabi ng matanda. “Sana nga po ay pumayag na siya.”
“Lola?”
Nanigas si Yllen Stacy nang marinig ang pamilyar na tinig na iyon. Hindi niya iyon makakalimutan kahit na kailan. Napakatagal na mula nang huli niyang marinig ang tinig nito ngunit sigurado siyang si Eduardo iyon.
Bumilis ang t***k ng kanyang puso nang marinig ang palapit na mga yabag. She nearly stopped breathing when she saw him again. His presence totally overpowered her.
NAGSALUBONG ang mga kilay ni Eduardo nang makita niya ang isang hindi pamilyar na sasakyan sa harap ng villa. Hindi iyon sasakyan ng kanyang accountant. May dumating yata silang bisita.
Pumasok siya sa loob ng villa. Nitong mga nakaraang linggo ay madalas ang pagdating ng mga bisita sa katuwaan ng kanyang lola.
Naglakad siya patungo sa living room. Nais niyang makita kung sino ang bagong dating. Malamang na ineestima ni Glanys ang bisita. Nais din niyang makausap ang pinsan tungkol sa ilang paintings nito na nais bilhin ng isang kaibigan.
“Lola?” tawag ni Eduardo habang papasok sa magarang living room.
“Narito ka na pala,” nakangiting sabi ng kanyang lola.
Nakita ni Eduardo kung sino ang kanilang bisita. Tila itinulos siya sa kanyang kinatatayuan. Hindi siya makapaniwala na muli niyang kaharap si Yllen Stacy. She met his eyes. She was not smiling. She was just looking at him. Hindi niya mabasa ang ekspresyon ng dalaga.
“Hi, Eduardo,” bati ni Yllen Stacy sa pormal na tinig. “How have you been?”
Kahit na pilitin ni Eduardo ang kanyang sarili, hindi niya magawang sumagot. Tila may nakabarang kung ano sa kanyang lalamunan. He felt dizzy. Hindi niya alam kung ano ang mas paiiralin niyang damdamin sa kasalukuyan. He hated her. He was furious. He had missed her...
“We’re home!”
Narinig niya ang masiglang tinig ni Cecilio. Naramdaman din niya ang papalapit na mga yabag ng pinsan.
“May naghahanap daw po sa `kin, Lola? Hi, Dudes!”
Marahas na pumihit paharap si Eduardo sa pinsan. Mas pinairal niya ang kanyang galit. Kinuwelyuhan niya si Cecilio at isinalya ito sa pader. Narinig niya ang pagsinghap ng lola at pinsan niyang babae.
Nanlaki naman ang mga mata ni Cecilio. Hindi nito inaasahan na ganoon ang kanyang itutugon sa pagbati nito. Well, he deserved it. “Dudes, what did I do?” inosenteng tanong ni Cecilio.
“Dudes, let go.” Noon lang niya napansin na kasama ni Cecilio si Luisita. Napatingin siya sa dalaga. Hiniling niya na sana ay maging sapat ang presensiya ni Luisita upang kumalma ang kanyang mga rumaragasang damdamin. Ngunit wala itong naging epekto sa kanya.
“Damn you!” he said through gritted teeth. “How dare you do this to me, Ces?!” Galit na galit siya hindi lang sa pinsan niya at kay Yllen Stacy. Mas nagagalit siya nang husto sa kanyang sarili dahil apektado pa rin siya.
Oh, God. Why do I have to see her again?
Lumampas ang tingin ni Cecilio sa balikat niya. “What are you doing here?” magaspang na tanong ng kanyang pinsan. Kahit na hindi niya nakikita, alam niyang si Yllen Stacy ang kausap nito.
“Cecilio! Eduardo!” saway ng kanilang lola. Mataas kaysa sa karaniwan ang tinig nito. Doon tila nagbalik ang kanyang katinuan. His grandmother was angry. “Ganyan ko ba kayo pinalaki? Magandang asal ba ang pagiging bastos sa harap ng bisita?”
Pinakawalan niya si Cecilio. Bahagya siyang nahiya kay Lola Ancia dahil sa kanyang iniasal. Hindi niya nais na makaharap pa si Yllen Stacy kaya walang paalam na nilisan niya ang living room.
Naramdaman agad ni Eduardo ang pagsunod sa kanya ni Cecilio. “I didn’t invite her here.”
Hinarap niya ang pinsan. Marahas niyang itinulak sa dibdib si Cecilio. Sa pagkakataong iyon ay gumanti ito. Itinulak din siya sa dibdib ng kanyang pinsan. Pigil-pigil ni Eduardo ang kanyang sarili na undayan ito ng suntok.
“Hindi ko siya pinapunta rito!” naiinis na sabi ni Cecilio.
“You think I’d buy that, Ces? Pati ba naman ako ay lolokohin mo? Ano ba talaga ang gusto mong mangyari, ha? Hindi ako katulad ni Mitch, pinsan. Kung naging epektibo ang pagdadala mo rito kay Hannah, ang pagbabalik mo sa nakaraan, hindi iyon mangyayari sa `kin. Do you know how much I hate that woman?”
“I know. I know how much she hurt you before. Sana ay alam mo rin na hindi ko magagawa ang bagay na ito sa `yo. First and foremost, I’m not some insecure jealous boyfriend. Hindi ko kailangang ibalik ang mga babae sa nakaraan n’yo para masigurong hindi n’yo aagawin sa `kin si Lui. Second, I can’t hurt you and Mitch. You know that.”
Tinalikuran niya ang pinsan. “Wala na siya dapat dito pagbalik ko,” sabi na lang niya. Hindi niya alam kung maniniwala siya sa mga sinasabi ni Cecilio. May parte sa kanya na naniniwala, ngunit may malaking parte naman na puno ng pagdududa.
Marahas na napabuntong-hininga si Eduardo. Siguro ay mas nais niyang paniwalaan na pinlano ni Cecilio ang pagpunta roon ni Yllen Stacy at ang pagbabalik ni Hannah sa buhay ni Mitch upang masiguro nitong hindi na nila pag-iinteresan si Luisita, ang nobya nito. Mas nais niyang ganoon ang paniwalaan kaysa paniwalaang dahil sa tadhana kaya sila muling nagtagpo ni Yllen Stacy. Ayaw na niyang maramdaman ang sakit na idinulot sa kanya noon ng dalaga. Ayaw na niyang balikan ang lahat.