Foundation day...
Kasalukuyang nagmimiryenda sina Kristine at Dianne sa canteen, nang may lumapit sa kaniya at bigla siyang lagyan ng posas isang kamay niya. Nagulat naman siya at biglang napatayo nang hilahin siya nito’t dalhin sa kung saan. Bigla ang malakas na pagkabog ng kaniyang puso, nang piringan siya ng lalakeng nagposas sa kaniya.
“Hala, bakit niyo ako piniringan?” tanong niya sa mga kumuha sa kaniya. Dahan-dahan siyang naglakad habang inaalalayan siya ng mga kumuha sa kaniya.
“Uyyy, guys, sagutin niyo naman ako, please?” kinakabahang wika pa niya sa mga ito.
“Basta, relax ka lang, kaming bahala sa iyo,” bumubungisngis namang sagot sa kaniya ng umaalalay sa kaniya.
“Dianne? Are you there?” tanong pa niya dahil hindi niya alam kung sumunod ba sa kaniya ang kaniyang pinsan.
Nang wala siyang marinig na tugon mula sa kaniyang pinsan ay lalo siyang nag-panic. Maya-maya lang ay huminto sila at may pinosasan ulit ang mga ito. Kagaya niya ay umalma rin ang isang boses lalake sa kaniyang tabi, ngunit saglit lang iyon dahil bigla na lang itong nanahimik. Naramdaman na lang niyang pinagsalikop nito ang kanilang mga kamay, bago sila nagpatuloy sa kanilang paglalakad.
Ramdam na ramdam niya ang mainit nitong mga palad na parang kay sarap sa kaniyang pakiramdam. Biglang nawala ang kaniyang pag-aalala nang hawakan siya nito’t alalayan sa kaniyang paglalakad. Hanggang sa muli silang huminto at may magsalita sa kanilang harapan.
“Narito tayo ngayon, upang saksihan ang pag-iisang dibdib ng dalawang taong nagmamahalan sa ating harapan,” anang isang lalake sa kanilang harapan.
Alam niyang nasa marriage booth sila ngayon at ikinakasal. Pero dahil nakapiring pa rin siya, hindi niya alam kung sino ang lalakeng may hawak ng kaniyang kamay. Hindi naman niya maintindihan ang kaniyang sarili, tila napakakumportable kasi ng kaniyang pakiramdam sa lalakeng hindi niya alam kung sino.
“Ikaw babae, tinatanggap mo bang maging kabiyak ang lalakeng ito, na nakatayo sa iyong tabi, at hawak ang iyong kamay, kahit hindi mo pa siya nakikita?” tanong ng tumatayong pari, na binuntutan naman ng pagtawa ng mga tao sa kanilang paligid.
“What will I need to say?” tanong niya rito, dahil wala naman talaga siyang idea kung ano ang kaniyang dapat na itugon sa tanong nito. Muling nagtawanan ang mga tao sa kanilang paligid. Tila may kinikilig pa nga dahil sa impit na pagtiling kaniyang nauulinigan.
“Yes or no lang hija ang isasagot mo. Inuulit ko, tinatanggap mo ba ang lalakeng ito sa iyong tabi, na nakahawak sa iyong kamay, kahit hindi mo pa siya nakikita?” tanong nitong muli sa kaniya.
“Yes?” alanganing tugon niya sa pari. Hindi na yata napigilan ng kung sino ang kilig nito’t napatili na ito ng tuluyan.
“Shhh! Huwag kang maingay ineng, hindi pa sumasagot ang groom, baka malay mo hindi niya tanggapin ang babaeng ito. Sayang naman,” sabi ng nagkakasal sa kanila saka muling nagtawanan ang mga nasa paligid nila.
“Oh, ikaw naman lalake, subukan mong humindi at ibibitin ka namin ng patiwarik sa puno ng sili riyan sa likod ng library.” Natawa naman siya nang tila may pagbabanta sa tinig ng nagkakasal sa kanila.
“Tanungin mo muna father, bago ka magbanta,” saad naman ng isa sa mga nanonood.
“Ahhh, oo nga pala. Ikaw lalake, tinatanggap mo ba ang babaeng ka-holding hands mo na maging kabiyak ng iyong puso, atay, at balun-balunan? Sagot!” anito sa kaniyang katabi.
“Opo, tinatanggap ko po,” tugon naman ng lalakeng tila pamilyar ang boses sa kaniyang pandinig. Bigla ang pagbundol ng kaba sa kaniyang dibdib, lalo na nang muling magsalita ang tumatayong pari.
“Ayown! Oh siya, sige na, you may now kiss the bride!” anunsiyo pa nito sabay tilian ng mga tao sa kanilang paligid.
‘Huh? Kiss the what?’ tili niya sa kaniyang sarili.
Naramdaman pa niya ang pagpihit ng kung sino paharap sa lalakeng katabi. Nang makaharap na siya sa lalake ay ginagap nito ang isa pa niyang kamay, bago tinaggal ng kung sino ang kaniyang piring sa kanyang mga mata.
Napakurap-kurap pa siya ng kaniyang mga mata, dahil nasilaw siya sa biglang pagliwanag ng paligid. Nang makapag-adjust ang kaniyang mga mata sa liwanag ay saka niya tiningala ang lalake sa kaniyang harapan.
Biglang nanlaki ang kaniyang mga mata, nang makitang ang guwapong mukha ni Jeff ang nakatayo sa kaniyang harapan ngayon.
“Ang tagal naman! Kiss the bride na uyyy!” untag pa nang makulit na pari sa kanilang harapan, na walang iba kundi si Rex.
Muli siyang napatingin kay Jeff na unti-unting yumuko palapit sa kaniyang mukha. Pabilis naman nang pabilis ang pagtibok ng kaniyang puso habang papalapit nang papalapit ang mukha nito sa kaniyang mukha.
Hindi niya alam kung anong gagawin, kaya nagulat na lang siya nang maglapat ang kanilang mga labi. Ilang segundo rin ang itinagal niyon, dahil na rin sa mga kamay na nakahawak sa mga ulo nila ni Jeffrey.
“Yehey! Mabuhay ang mga bagong kasal!” sigaw pa ni Rex na malapad ang pagkakangisi sa kanilang harapan.
Nagtitilian naman ang mga kababaehang nanonood sa kanila, nang maglapat ang kanilang mga labi. Nang maghiwalay na ang kanilang mga labi ay pareho silang hindi makatingin sa isa’t isa. Nag-iinit ang kaniyang mga pisngi dahil doon, at napakagat na lang siya sa pang-ibaba niyang labi.
“Siya nga pala, hindi pa namin puwedeng tanggalin ang mga posas ninyo hanggang mamayang uwian, kaya enjoy!” tatawa-tawang saad pa ni Rex sa kanila sabay wagayway nito ng susi sa kanilang harapan.
Mukhang wala na nga silang choice ni Jeffrey ngayon kundi ang maglakad sa loob ng campus, habang nakaposas ang mga kamay nila. Pero paano kapag magsi-CR ang isa sa kanila?
‘Shocks! Alangan namang sumama kami sa loob ng CR, kapag magsi-CR ang isa sa amin?’ bulong pa niya sa kaniyang sarili. Paano nga kaya? Bahala na nga!
*****
Nananahimik si Jeffrey sa isang tabi nang may magkabit ng posas sa kaniyang kamay. Handa na sana siyang magprotesta nang makilala kung sino ang nakaposas sa isang pares ng posas. Hindi na lang tuloy siya umimik at hinawakan ang kamay ni Kristine. Hindi niya alam kung bakit niya iyon ginawa, basta na lang niyang naramdaman na gusto niyang hawakan iyon.
Nang dalhin sila nito sa marriage booth, at nakita niya ang kaibigang si Rex na nakasuot ng puting tela, nahulaan na niya agad na ito ang may pakana ng lahat. Ito na nga siguro ang sinasabi ng mga itong, sila ang bahala sa kanila ni Kristine.
Ang hindi lang niya inaasahan ay noong ianunsiyo nito ang; ‘You may now kiss the bride.’ Ang plano niya ay sa pisngi lang gagawaran ng halik si Kristine, pero ang mga loko-lokong kasabwat ni Rex ay bigla silang itinulak ni Kristine sa kanilang mga ulo. Kaya tuloy imbes na sa pisngi, sa mga labi ni Kristine bumagsak ang kaniyang mga labi.
Kapwa sila nabigla ng dalaga sa nangyari at hindi nakaimik. Ang akala niya ay tapos na ang kalokohan nito, pero hindi pa pala. Ang sira-ulo kasi niyang kaibigan ay hindi pa rin tinanggal ang posas sa mga kamay nila ni Kristine.
Kaya naman ngayon ay nasa loob lang sila ng kanilang classroom habang magkatabing nakaupo, habang nakapatong ang mga kamay nilang magkahugpong sa arm rest ng kaniyang upuan.
“Ahm, okay ka lang ba?” maya-maya ay tanong niya kay Kristine. Nilingon naman siya nito’t tinanguan.
“Ikaw, okay ka lang ba?” balik tanong naman nito sa kaniya.
“Oo, okay naman ako. Pasensiya ka na nga pala sa loko-loko kong kaibigan,” nahihiyang saad niya rito.
Ngumiti naman ito sa kaniya saka niyuko ang kanilang mga kamay na magkahugpong. Bigla naman siyang nahiya at akmang bibitiwan ang kamay nito, nang higpitan nito ang pagkakahawak sa kaniyang kamay.
“Okay lang. Parang gusto ko ngang magpasalamat sa kaniya eh,” nakangiting turan pa nito sa kaniya.
“Bakit naman?” kunot-noong tanong niya rito.
“Kasi kung hindi niya ginawa ito, baka hindi mo pa rin ako kinakausap hanggang ngayon,” tugon nito sa kaniya. “At least kahit ngayong araw lang, nagkaroon tayo ng chance magkausap. Alam ko namang bukas, hindi mo na naman ako papansinin,” tila nagtatampong saad pa nito sa kaniya.
“Sorry ha,” mahinang sambit niya sa dalaga. Nilingon naman siya nito’t nakakunot ang noong nagtanong sa kaniya.
“Sorry? What for?” tanong nito sa kaniya.
“Sorry kung tingin mo iniiwasan kita,” sagot naman niya agad dito.
“Hmp! Bakit ba kasi iniiwasan mo ako? Alam mo bang iniisip ko pa rin hanggang ngayon, kung may nagawa ba akong hindi mo nagustuhan para layuan mo ako?” tila may pagtatampo sa tinig nitong tanong sa kaniya.
“Tell me Jeff, mayroon ba akong nagawang ikinagalit mo?”
Huminga naman siya nang malalim saka niya ito sinulyapan sa kaniyang tabi. “Wala kang nagawang mali, o ikinagalit ko. Ako talaga ang may problema.”
Huminga siyang muli nang malalim, saka ikinulong ang kamay nitong may posas ng kaniyang mga kamay.
“Ang totoo niyan, hindi ko kasi talaga alam kung paano ang dapat kong ikilos sa harapan ng mga babae— sa harapan mo. Lumaki kasi akong puro lalake ang nakakasalamuha ko sa amin, kaya ayun, hindi ko alam kung paano ba dapat pakitunguhan ang mga babae. Sa totoo lang, ikaw lang ang namumukod tanging babaeng hinayaan kong kumausap sa akin. Kahit itanong mo pa sa mga kaibigan ko, wala akong ibang babaeng kinausap maliban sa iyo. Well, maliban din kila Ma’am siyempre,” mahaba-habang litaniya niya rito.
“Kaya noong napapalapit ka na sa akin, hindi ko alam kung paano ko kokontrolin ang sarili ko. Nataranta ako sa nararamdaman ko, kaya ayun, naisip ko na lang na iwasan ka,” patuloy niya sa kaniyang sinasabi rito.
“Ang daya mo naman, sana sinabi mo na lang sa akin, para nainindihan kita agad,” nagtatampo pa rin ang tinig nitong saad sa kaniya.
“Kaya nga sorry na. Promise, simula ngayon, hindi na kita iiwasan. Kakausapin na rin kita, pero sana maintindihan mo ako kung hindi ko iyon magagawa sa harapan ng maraming tao ha?” nahihiyang turan pa niya rito.
“Promise?” paniniyak pa nito sa kaniya nang tingnan siya nito sa kaniyang mga mata.
“Pangako!” nakangiting tugon naman niya sabay taas ng kaniyang kanang kamay. Napangiti naman si Kristine saka ito sumandal sa kaniyang balikat.
“Hayyy, salamat! Alam mo Jeff, ang mga babae, dapat nilalambing, hindi sinusungitan at ipinagtatabuyan,” sabi pa nito sa kaniya.
“Paanong lambing?” tanong naman niya rito.
“Hmmm, kagaya ng sa mga nanay, kapag may gusto kang ipabili sa mama mo, ‘di ba nilalambing mo siya, para ibili ka niya ng gusto mo?” tugon naman nito sa kaniya. Nanahimik naman siya sa sinabi ni Kristine, kaya napatingin ito sa kaniya.
“Nanahimik ka na riyan, may nasabi ba akong hindi maganda?” nag-aalalang tanong nito sa kaniya.
“Wala naman. Hindi lang ako sanay na napag-uusapan ang tungkol sa nanay,” malungkot niyang tugon dito.
“Oh, I’m sorry,” hinging paumanhin naman nito sa kaniya.
“Okay lang,” nginitian naman niya ito’t tinapik ang kamay nito. “Anyway, hayaan mo, matututunan ko rin iyang sinasabi mong paglalambing,” nakangiti na niyang saad kay Kristine.
“Hmmm, oo naman. Basta promise hindi ka na ulit magiging masungit sa akin, at sa iba pang mga girls ha?” nakangiting turan pa nito sa kaniya.
“Oo na!” tugon naman niya rito sabay kamot sa kaniyang batok.
“Kasasabi ko lang na hindi ka na magsusungit, nagsusungit ka na agad sa akin,” nakalabi namang saad nito sa kaniy.
“Sorry! Hindi ako nagsusungit,” nakangiti niyang turan kay Kristine saka ito nginitian.
“Awww! You should smile often, para lalo kang gumuwapo!” sabi pa nito sa kaniya.
Bahagya naman siyang nag-iwas ng tingin rito dahil sa sinabi nitong iyon. Hindi siya sanay na ngumiti nang ngumiti, pero mukhang simula sa araw na ito, mapapadalas na ang kaniyang pagngiti.
Nagpatuloy lang sila sa pagkukuwentuhan ng kung anu-ano, at natagpuan na lang niya ang kaniyang sariling tumatawa kasabay ng dalaga. Masaya siyang kasama ngayon si Kristine at nakakakuwentuhan. Masaya siyang sa wakas ay hindi na niya kailangan pang iwasan ang dalaga. Sana lang magtuloy-tuloy na ang kaligayahan niyang iyon, at sana matutunan niya ang tamang pagtrato sa mga babae sa tulong ni Kristine.
Eh, paano naman kaya ang pagtingin niya sa dalaga? Maipagtapat niya kaya kay Kristine ang kaniyang pagtingin para rito? Kapag naamin kaya niya rito ang kaniyang feelings, masuklian kaya nito iyon?