Chapter 9

2170 Words
“Nakakainis talaga ang babaeng iyon!” naghihimutok na saad ni Cielo sa kaniyang mga chuwariwap, habang padaskol na nagliligpit ng kaniyang mga gamit. Hindi na nga siya nagtagumpay sa pananabotahe niya ng dancing dress nito, pati ba naman ang grand champion, hindi pa rin niya nasungkit? “Naku sis, okay lang iyan, maganda ka pa rin naman eh,” sabi ni Bhelan sa kaniya habang tinutulungan siya nitong magligpit ng kaniyang mga gamit. “Oo nga, nagkataon lang na nakakakilig talaga silang panoorin ni Papa Jeff!” kinikilig namang turan ni Gandara, ang baklang kaibigan niya. Lalo naman siyang napasimangot sa sinabi nito’t binato niya ito ng kaniyang compact. “Aray ko naman!” nakabusangot tuloy nitong reklamo sa kaniya nang tumama iyon sa pisngi nito. “Anong nakakakilig doon? Kayang-kaya ko namang gawin iyon eh!” singhal niya rito. Nanahimik tuloy ang dalawa niyang chuwariwap at ipinagpatuloy na lang ang kanilang pag-aayos ng gamit.  “Kailangan talagang mawala sa landas ko ang babaeng iyon, para makuha ko na ang atensiyon ni Jeffrey!” sabi pa niya sa kaniyang sarili. “Eh, sis, paano mo naman gagawin iyon? Eh, ‘di ba nga hindi ka makalapit kay ate girl, dahil palaging nakabantay si Papa Jeff?” tanong pa ng baklang kaibigang si Bhelan.  Nakapamaywang naman siyang nakatingin lang sa kaniyang mga kaibigan. Tama naman ang mga ito, hindi siya makalapit kay Kristine dahil natatakot siya kay Jeffrey. Eh, kung kaibiganin kaya niya si Kristine? Bigla ang pag-aliwalas ng kaniyang mukha sa kaniyang naisip. “Tama!” bigla niyang bulalas sa mga kaibigang nagtatakang nakatingin sa kaniya. “Anong tama?” magkapabay pang tanong ng mga ito sa kaniya. “Kakaibiganin ko si Kristine para makalapit ako sa kaniya. Tapos, ‘pag naging close na kami, malalaman ko na ang kahinaan niya. Ang talino ko talaga!” aniya sabay halakhak sa kaniyang mga kaibigan. “Ayyy, bet! Pero paano mo naman siya kakaibiganin sis?” tanong ni Gandara sa kaniya. “Basta, akong bahala. Gagamitin ko ang natutunan ko sa acting workshop ko,” nakangising tugon naman niya sa mga ito.  “Tapos na ba kayo riyan? Tara na’t kailangan ko pang mag-beauty rest. Alam niyo naman, kailangan palagi akong maganda para mapansin ako ni Jeffrey,” maarte niyang saad sa mga chuwariwap niya. “Oo tapos na! Wait, paano nga pala itong ginupit mong damit ni ate girl? Baka mamaya makita pa nila ito rito lagot ka!” ani Bhelan sa kaniya. Bigla na namang nagliwanag ang kaniyang mukha saka kinuha ang kapiraso ng tela na hawak ni Bhelan. “Hindi ako ang malalagot,” makahulugan iyang saad sa mga ito. “At sino naman?” nakataas pa ang kilay na tanong ni Gandara sa kaniya. “Eh, ‘di ikaw!” nakangisi niyang saad rito saka isiniksik ang hawak niyang tela sa bag na hawak nito. “Ha? Anong ako? Sis naman eh, inutusan mo lang naman ako eh, bakit ako ang mananagot?” tila kinakabahang wika pa nito sa kaniya. “Shut up! Ikaw ang aako sa pagkakagupit ng damit ni Kristine, para maging mapalapit ako sa kaniya. Love mo naman ako ‘di ba beks?” Pinapungay pa niya ang kaniyang mga mata sa harapan ng kaniyang kaibigan at nagpa-cute pa siya rito. “Oo, pero baka naman jombagin ako ni Papa Jeff? Kakaloka! Alam ko namang wala ng sisirain sa fes ko, pero kasi mashaket iyon sis!” nag-aalalang saad pa nito sa kaniya habang nakahawak ito sa mukha nito. “Relax ka lang beks, siyempre hindi ko hahayaan na masapak ka ni Jeffrey. Basta ikaw ang ipapain ko, para mapalapit ako sa babaeng iyon, okay?” aniya rito saka ito tinapik sa braso nito. “Oh, sige. Pero sis siguraduhin mo lang na hindi ako majo-jombag ha?” nag-aalalang tanong pa rin nito sa kaniya. “Oo na nga! Ang kulit naman! Tara na nga at baka napanis na si Manong Egay sa kakahintay sa atin sa labas.”  Tinalikuran na niya ang mga ito’t nagpatiuna nang maglakad palabas sa back stage. May ngiti sa kaniyang mga labi dahil sa naiisip niyang kalokohan sa pakikipaglapit niya kay Kristine. ‘Sa akin pa rin ang huling halakhak girl!’ bulong pa niya sa kaniyang sarili. ***** Pagkatapos magligpit ni Kristine ng kaniyang mga gamit ay agad na rin siyang lumabas sa back stage, at hinanap ng kaniyang paningin si Dianne.  Alam niyang nanood ito at ang dalawa pa nilang kaibigan para suportahan siya.  Nang mapatingin siya sa gawing kanan niya, agad siyang napangiti nang makita ang tatlong babaeng tuwang-tuwa habang kumakaway sa kaniya. “Ang galing-galing mong sumayaw kanina! Grabe, hindi ko alam na marunong palang sumayaw si Jeffrey! Nakakakilig kayo!” agad na bungad ni Althea nang makalapit ang mga ito sa kaniya. “Oo nga, grabe sa paandar! Akala mo naman mga celebrity love team na over magpakilig!” san-ayon naman ni Grace sa sinabing iyon ni Althea. “Paandar? Wala naman kaming paandar ni Jeff,” natatawang saad niya sa mga ito. “Wala? Eh, ano iyong sweet-sweet-an ninyo roon sa stage kanina? Don’t tell me hindi niyo pinag-usapan ang pakilig moment na iyon kanina?” tanong naman ng kaniyang pinsan sa kaniya. Mabilis naman siyang umiling habang nakakunot ang kaniyang noong nakatunghay sa kaniyang mga kaibigan. “Really, girls, wala talaga kaming paandar ni Jeff. Nagalit pa nga yata siya kanina noong umiksi iyong dancing dress ko eh,” aniya sa mga kaibigan, saka nag-umpisa nang maglakad. Tinulungan naman siya ng mga kaibigan sa pagbubuhat ng kaniyang mga gamit. “So, anong ibig mong sabihin? May special something na kayo ni Jeff?” tanong ng kaniyang pinsa. “Teka, teka, teka, hindi ba’t kailan lang eh hindi ka pinapansin ng kurimaw na iyon? Ano naman kayang nakain noon?” nagtatakang tanong ni Grace sa kaniya. “Hmmm, ang mahirap niyan, baka mamaya nagpapakita siya ng ganiyan sa iyo ngayon, tapos bukas wala na naman. Remember the first time you’ve met? Okay naman kayo, tapos isang araw, bigla ka na lang niyang iniwasan?” ani Althea sa kaniya. “Actually, iyan nga rin ang iniisip ko ngayon eh. Baka mamaya humopia ako tapos bigla na naman siyang umiwas. Masakit kaya iyon,” malungkot niyang saad sa mga kaibigan. Inakbayan naman siya ng kaniyang pinsan saka mahinang tinapik-tapik ang kaniyang balikat. “Hmmm, huwag mo na munang isipin iyan cous, jackpot ka naman na kanina eh,” nakangisi pa nitong turan sa kaniya. Nilingon naman niya ito’t kunot-noong tiningnan. “Jackpot?” tanong pa niya rito. “Oo, jackpot kasi nakayakap ka na sa kaniya kanina. At hindi lang iyon, nahawakan mo pa nang matagal ang kaniyang mga kamay. Ayyyiiieee! Kilig siya!” panunukso pa nito sa kaniya habang sinusundot ang kaniyang tagiliran na kaniya namang ikinatawa. “Pero, teka, sino kaya ang gumupit ng dress mo? Napakasalbahe!” ani Althea sa kaniya. “Oo nga. Pero on the other hand, thank you pa rin sa kaniya,” sabi naman ni Dianne. “Thank you? Bakit naman kailangang mag-thank you sa gumawa no’n?” nakataas naman ang isang kilay na tanong ni Grace sa kaniyang pinsan. “Siyempre, mas lalong nagmukhang sexy ang pinsan ko noong umiksi ang damit niya, ‘no!” sagot ni Dianne kay Grace na ngayon ay napapatango-tango na rin sa kaniyang tabi. “Pero girls, sino nga kaya ang gumawa noon, at bakit niya ginawa iyon?” tanong niya sa kaniyang mga kaibigan. “Hindi rin namin alam pero kung sino man siya, well, ito lang masasabi ko— malaki inggit niya sa iyo!” wika naman ni Grace.  “Huwag mo ng isipin iyon cous, ang importante, you still won the contest! And we’re so proud of you!” turan ni Dianne sa kaniya. “Yes, kaya bukas, kailangan pakainin mo kami ha?” wika naman ni Althea sabay taas-baba pa ng mga kilay nito habang nakatingin sa kaniya. Natawa naman siya sa mga ito, saka tumango-tango sa mga ito bilang tugon. Tama naman ang mga ito, ang importante siya pa rin ang nag-uwi ng trophy. Kung sinoman ang sumubok na sumabotahe sa kaniya, sana naging masaya ito sa kinalabasan ng pananabotahe nito.  Napahinga na lang siya nang malalim at ipinagpatuloy na lang ang paglalakad kasabay ng kaniyang mga kaibigan. ***** “Beri nays! Congrats ‘tol!” nakangiting bati ni Rex kay Jeff nang makalapit siya sa kinaroroonan ng kaniyang mga kaibigan. “Hindi mo naman sinabi sa amin na may talent ka pala sa pagsasayaw ng salsa. Hanep ang galaw ng balakang eh!” sabi ni Lester sa kaniya habang kinakamayan siya nito. “Hahaha! Kaya nga— ganito ba iyon?” sabi naman ni Marc saka ito sumayaw sa harapan nila. Tumawa naman sila dahil hindi naman salsa ang ginagawa nito kundi pang macho dancer na sayaw. “Walan’ jo! Ano iyan? Pang-gay bar naman iyan ‘tol eh!” sabi ni Chino rito. “Ayyy, pang macho dancer ba iyon?” nakangisi naman nitong saad saka muling inulit ang paggiling nito sa kanilang harapan. “Hooo! Tigilan mo na iyan, ang sagwa!” sabi niya rito saka ito hinampas ng kaniyang coat bago iyon ibalik sa kaniyang balikat. “Ang yabang mo naman! Por que magaling ka lang mag-salsal este, salsa eh!” nakangising saad nito. Nakatikim tuloy ito ng batok mula kay Lester. “Puro ka kalokohan, tara na nga at gumagabi na,” yayana niya sa mga kaibigan. “Chino, hindi ka ba papagalitan ng tita mo?” baling pa niya kay Chino na nag-uunat ng katawan sa tabi ni Rex. “Hmmm, no’ng umalis ako sa bahay, nagpapahinga na sila. Tiyak ko namang sa mga oras na ito ay naghihilik na ang mga iyon,” balewalang tugon nito sa kaniya. “Mabuti naman. Tara na!” muli niyang yaya sa mga ito. Nagsitayo na rin naman ang iba pa nilang kaibigan saka nag-umpisa nang maglakad palabas ng kanilang campus. Naipagpasalamat na lang niyang walang nag-usisa sa kaniya tungkol sa pinaggagawa niya kanina kay Kristine. Dahil kung hindi, baka abutin sila hanggang umaga sa katatanong ng kaniyang mga kaibigan. Isa pa, paniguradong gigisahin siya ng mga ito sa pang-aasar at katanungan sa kaniya. “Oh, mga ‘tol paano ba iyan? Dito na kami ni Chino. Mag-iingat kayo sa pag-uwi,” paalam ni Lester nang nasa kanto na sila ng kanilang barangay. “Kayo ang mag-iingat, diyan lang sa kabilang kanto ang bahay namin samantalang ang dalawang ito naman ay sa ikatlong kanto lang,” sagot naman niya rito. “Oh, sige, kita-kita na lang tayo bukas sa bahay,” sabi na lang nito sa kanila saka ito nakipagkamay sa kanila. “Sige mga ‘tol, ingat!” sabi naman ni Rex, saka hinintay na makasakay ang dalawang kaibigan sa paparating na jeep. Nang makasakay na ang mga ito, ay saka lang sila naglakad pauwi sa kani-kanilang mga bahay. Habang nasa daan, biglang nagtanong sa kaniya si Rex. “Kumusta na pala kayo ni Kristine? Mukhang okay na kayo ah,” anito sa kaniya. Napalingon naman siya rito saka napangiti. “Ayos lang naman,” matipid niyang sagot sa kanibigan. “Uyyy, anong klaseng ayos ba iyan, hmmn?” usisa naman ni Marc sa kaniya. Pinaggitnaan pa talaga siya ng mga ito na akala mo naman ay tatakbuhan niya ang mga ito. “Ayos lang. Ano bang klaseng ayos ang gusto ninyo?” nakataas ang isang kilay niyang tanong sa mga kaibigan. “Aysus! Sa mga galawan mo kaninang nagsasayaw kayo, parang may iba kang gustong ayusin eh,” kantiyaw ni Rex sa kaniya. “At ano naman ang aayusin ko?” tanong niya rito. “Aba, malay ko sa iyo! Baka lang naman nagbago na ang isip mo at napag-isip-isip mong ‘wag na siyang iwasan,” sabi pa nito sa kaniya. Napaangat naman ang isang sulok ng kaniyang mga labi saka siya humarap sa kaniyang mga kaibigan nang nasa tapat na sila ng kanilang bahay. “Kung anu-ano iyang iniisip ninyo. Wala akong aayusin, dahil wala namang gulo sa pagitan namin ni Tin, okay? Magsi-uwi na nga kayo, antok lang iyan.” Natatawa pa niyang taboy sa dalawa niyang kaibigan. “Sige lang Santos, ipagpatuloy mo iyang pagpapanggap mo. Isang araw, kakainin mo ulit iyang sinasabi mo,” nakangising saad naman ni Marc sa kaniya. “Uyyy, de javu ba ‘tol? Parang nangyari na kasi ito eh, iyan din ang sinabi mo noon,” sabi naman ni Rex sabay appear kay Marc. “Mga loko-loko! Uwi na! Salamat nga pala sa suporta, kita na lang tayo bukas. Daanan ninyo ako ha?” sabi na niya sa dalawang kaibigan saka kinamayan ang mga ito. “Oo na! Umiiwas ka lang eh,” sabi na lang ni Marc saka naglakad na ang mga itong palayo sa kaniya. Napangiti na lang siya habang pinagmamasdang palayo ang dalawang kaibigan. Ewan niya pero mukhang tama na naman si Marc, mukhang kakainin na naman niya ang kaniyang mga sinabi ngayon sa mga ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD