Chapter 11

2346 Words
MAGMULA nang matapos ang meeting ay hindi nagparamdam si Hymae kay Lorrence. Hindi rin niya sinasagot ang mga text at tawag nito. Naiinis lang siya at halos hindi makapag-concentrate sa trabaho dahil sa kaiisip niya nang makita niyang nag-uusap sina Zandra at Lorrence. Dinadaan niya sa pagiging abala sa trabaho para hindi siya mapansin ng mga kasama niya. Pero hindi siya makatakas sa nangingilatis na mga titig ni Alice. Panay ang sipat nito ng tingin at napapansin ang wala sa loob niyang pagtitipa sa keyboard ng kaniyang desktop. “Seryoso ka ba talaga sa trabaho mo, ma’am?” Ginugulo ni Alice ang sistema niya. “Oo naman. Marami kayang naghihintay na trabaho,” hindi makangiting tugon niya. “Are you sure?” Napangisi ito habang nagtaasan ang mga kilay. Napalingon siya kay Alice. “Ano naman ang problema?” maang na tanong niya. Napanguso si Alice sa mga daliri niya na nagtitipa sa keyboard kahit wala roon ang paningin niya. Natigilan siya. “What’s wrong?” tanong pa niya rito. “I think there’s something wrong with you. Look!” Itinuro ni Alice ang monitor niya. “Kanina ka pa takatak nang takatak diyan sa keyboard mo, eh hindi mo pa na-switch on ang computer mo,” nakangising turan nito. Saka lang niya napagtanto na tama si Alice. Maagap niyang sininyasan ang kaibigan na huwag maingay at magpahalata sa ginawa niya. Napalinga-linga pa siya sa paligid kung may iba pang nakapansin sa kanila. “No worries! Obvious naman na ako lang ang nakapansin. Go na, i-open mo na para maging katotohanan na. Kung sino man ang nagpagulo sa isip mo, sabihin mo lang at ipalalapa natin mamaya sa mga balyena,” pilyang saad ni Alice habang pabalik sa trabaho nito. Napangisi lang siya habang tinutuon ang atensiyon sa pagbukas ng computer. Mabuti na lamang at si Alice ang nakapansin sa kaniya. Kung iba lang siguro iyon ay baka matunaw na siya sa hiya. Kakaiba kasi ang karisma ni Zandra sa lalaki. Pakiramdam tuloy niya ay maagawan siya nito kay Lorrence. Hindi lang niya maiwasang mainis sa sarili kung bakit nahulog ang loob niya kay Lorrence at ibang level ang pagiging selosa niya. Maisip pa lamang niya ang party bukas ni Zandra ay para na siyang sasabak sa giyera. Kailangan niyang ihanda ang sarili. Kailangan niyang magpigil dahil malamang ay hindi tatantanan ni Zandra ang nobyo niya. Wala siyang laban doon dahil hindi puwedeng malaman ng lahat ang tinatagong relasyon nila ni Lorrence. Napabuntong-hininga na lamang siya nang maisandal ang likod sa upuan. Napailing-iling na nilingon siya ni Alice. Wala na siyang pakialam kung ano pa ang iisipin ng kaibigan. Habang tumatagal ay nasasanay na siya na marami itong nalalaman tungkol sa kaniya. “Sabay na tayong mag-lunch mamaya,” anyaya ni Alice sa kaniya nang makalapit ito. “Okay,” tipid lang niyang sagot saka tumutok muli sa trabaho. Napadaan lang si Alice dahil may pupuntahan ito sa kabilang desk, sa ibang kasama nila sa loob. Habang busy siya sa pagsusuri ng mga cabin status ay biglang nag-notify ang email niya na nakabukas sa monitor. Pinapaalala ni Louie ang pagbibigay ng magandang serbisyo sa special on the house guest nila na si Zandra. Nire-request nito na i-priority ang mga needs ni Zandra sa room nito. Masyado kasing demanding ang modelo. Lalo siyang lihim na nanggalaiti sa inis nang makita sa mensahe ng manager ang nakaka-allergy na pangalang iyon. Pormal na lamang niyang nireplayan ng pagsang-ayon kahit naiinis siya. Wala naman siyang magagawa dahil parte ng trabaho niyang panatilihin ang good costumer service. Kaagad siyang gumawa ng memorandum order para sa room service department. Hindi na mabura-bura sa isip niya ang set-up ng kuwarto ni Zandra. Iniisip tuloy niya na kapag nagayuma ni Zandra si Lorrence ay siguradong sabog ang napakagandang ayos ng cabin nito. Gusto niyang sampalin ang sarili sa kung anu-anong naiisip niya. Pati si Alice ay nagtataka na sa madalas na pananahimik niya. Hanggang sa harap ng pagkain ay napapansin siya nito. “Hey! Ang alat-alat ng dagat pero daig mo pang kumakain ng walang asin. Mabubusog ka ba kung paisa-isang butil lang ng kanin ang ngangatngatin mo?” puna ni Alice sa kaniya nang magkaharap na sila sa mesa. Napangisi tuloy siya sa pananalita nito. “Grabe ka, ngatngat talaga? May naiisip lang kasi ako,” pakli niya. “May lahing pating siguro si Lorrence, ano? Hamakin mo, magmula nang nilamon niya ang puso mo, nawiwindang ka na kapag may ibang babae siyang kausap,” pansin sa kaniya ni Alice. “Paano mo nalaman?” aniya at saka isinubo ang pagkain sa kutsara. “Obvious kaya. Si Zandra na naman ba? Eh alam naman ng mundo na amoy lang ni Lorrence ang sinusundan niyon. Kumain ka na lang para may lakas ka at hindi himatayin sa selos.” Napailing-iling siya sa sinabi ni Alice. “Naloloka lang ako sa sarili ko kung bakit para akong magnet na ayaw humiwalay kay Lorrence. Ang dami ko namang manliligaw pero hindi ako naging possisive. Is there something wrong with me or kay Lorrence?” gagad niya. “Nothing. Nahipnotismo lang kayo sa pareho ninyong karisma. Hindi mo ba napapansin na pati ang mga male guest or some employee eh napapalingon sa kaseksihan at kagandahan mo? You’re so attractive and genuine. Panay nga ang pangungumusta ni Mr. Hashi sa iyo.” Tuloy lang sila sa pagkain. “Mr. Hashi is the most valuable guest na dapat lang mabigyan ng magandang serbisyo, onboard services and nothing more. Mabait at palakaibigan siya kaya hindi nakapagtataka kung isa ako sa mapalapit sa kaniya,” turan niya. “Kung sa bagay. Guwapo rin naman si Mr. Hashi, or fan lang talaga ako ng mga singkit. Siya kaya ang pinakamayamang negosyante sa Japan. He do his business kahit nasa barko. Lalabas lang iyon ng business cabin niya kapag napagod na sa trabaho. Pero mantakin mo, ang rest hour niya ay igugol pa niya para kumustahin ka lang?” “Alice, normal lang iyon sa tulad niyang negosyante na maki-socialization para hindi naman siya ma-boring. Wait lang! Nilalakad mo ba siya sa akin?” Natigilan siya at napasulyap sa kaibigan. “Hindi ah. I’m just telling you kung ano ang naoobserbahan ko. Alam ko naman na hindi matatablan ang matinding tama mo kay Lorrence. Hindi ko sinasabing patulan mo si Mr. Hashi. Obvious lang na humahanga siya sa iyo. Sa pagkakilala ko sa Hapones na iyon ay pormal at workaholic. Pero magmula nang makilala ka niya ay parang madalas na ang paglitaw niya sa public area at tumatawag pa para lang kumustahin ka.” “Okay. I thank him for that.” “Ows! Long ng hair natin ah,” napangising tukso ni Alice. Umiling-iling lang siya. “Pero nagtataka ako kung bakit ipinagpalit ka pa ni Bryan sa best friend mo. O baka naman gusto na niyang maka-score.” “Never mind him. Mahilig lang talaga sa talaba ang lalaking iyon. May hinala na ako noon pero hindi ko pinansin.” “Talaga, Hymae? Kuwento mo naman oh,” hirit ni Alice, interesado itong pag-usapan ang nakaraan niya. “Akala ko ba never mind na iyon?” angil niya. “Sige na, kahit short story mo na lang about Bryan,” hiling pa nito. “Ang hirap kasing pag-usapan ang betrayer na tao. Pero okay lang kung iyon ang gusto mong topic. Okay naman sana si Bryan, mabait at malambing na tao. May kaya rin naman sa buhay. Pero jahe ang best friend kong si Cristy na halos itinuring ko nang kapatid.” “Talaga? Paano ba nagsimula ang lahat? May naaktuhan ka na ba?” “Wala pa naman noong kami pa ni Bryan. Pero may katrabaho si Cristy na nakapagsabi sa akin na nakita sila sa isang hindi kilalang hotel kasama ng lalaki na hindi naman sure kung sino. Hindi ako naniwala kasi ang alam ko ay wala pang boyfriend si Cristy at walang planong mag-asawa,” salaysay niya. “Baka matagal na niyang type ang boyfriend mo? Siyempre kung may secret feelings siya, hindi niya hahayaang mabuking mo. Kaso kung kailan nakalayo ka na ay saka naman sila nagtandem,” ani ni Alice. “Wala na akong pakialam sa kanila. Nabuo na ang kahayupan nila kaya bahala na sila sa buhay nila. Kumain na nga lang tayo baka kung saan pa mapunta ang usapang ‘to,” aniya sabay babag sa usapan nila. “Okay, sabi mo eh.” Eksaktong katatapos nilang kumain ni Alice nang sumulpot sina Lorrence at Jake. Alam niyang papalapit sa kanila ang dalawang binata pero hindi niya itinuon ang pansin sa mga ito. Napansin siya ni Alice pero hinayaan na lamang siya nito. Si Jake ang pinansin ng kaibigan niya. “Bakit hindi mo man lang ako hinintay para sabay sana tayong nag-lunch?” bungad na tanong ni Lorrence nang makalapit sa kaniya. “Pasensiya ka na. Baka kasi busy ka sa kung sino man ang kausap o kasama mo. Isa pa, gutom na kami kaya uunahin namin ang mga sikmura namin,” hindi makatinging pakli niya. Napangisi lang si Lorrence. “Ang mabuti pa kumuha na kayo ng kakainin ninyo bago pa maubos ang break time ninyo,” utos naman ni Alice sa dalawang binata. “Tara na, baka maubusan tayo ng pagkain. Halatang ginutom ang mga staff ngayon dahil sa dami ng ginagawa rito sa barko,” anyaya ni Jake kay Lorrence. “Mag-usap tayo mamaya after ng duty natin. Please, don’t ignore my calls and messages,” ani ni Lorrence sa kaniya. Parang wala siyang narinig sa sinabi nito. Napapaisip tuloy si Lorrence kung ano ang problema niya. Walang nahintay na sagot si Lorrence mula sa kaniya hanggang sa hilahin ito ni Jake na tumungo sa food counter. “Let’s go, Alice! Bumalik na tayo sa area natin,” seryosong tawag niya kay Alice. “Are you sure na hindi na natin sila hihintayin?” nag-aalangang wika ni Alice. Nakatayo na siya at handang umalis. “Bakit pa natin sila hihintayin? Napalibutan tayo ng mga camera, baka mabuking pa na masyado tayong close sa kanila. Alangan naman na titigan pa natin kung gaano kalaki ang mga subo nila. Tara na!” aniya at muling tawag sa kaibigan. Wala namang nagawa si Alice kung hindi ay sumunod sa kaniya. Bago dumiritso sa area nila ay dumaan muna sila sa powder room para mag-retouch ng sarili. Maluwang ang silid at maraming cubicles ang naroon. Magkatabi sila ni Alice sa tapat ng built-in at malaking salamin. “Masyado ka talagang pa-obvious. Nakita ko sa mukha ni Lorrence kung paano manabang nang hindi mo pinansin. Malamang nag-iisip na iyon kung ano ang nagawa niyang kasalanan at denedma mo lang,” gagad ni alice habang naglalagay ng eyeliner. “Hindi big deal iyon, ‘no. Nasa open area tayo at hindi lahat ng oras ay papansinin ko siya. Masyadong malikot ang mata ng mga tao sa paligid, mahirap na baka may makapansin at may magparating sa top management. Masisisante ako at baka ihagis na lang ako sa bunganga ng pating,” pakli niya habang inaayos ang inilapat na pink lipstick. Napangisi si Alice sa sinabi niya. “Well, tama ka. Pero kung hindi mo sasakyan ang daloy ng buhay rito sa barko ay siguradong malalapa ka ng mga pating. Ganiyan din ako noong una. Nang magkaroon kami ng relasyon ni Jake, nahirapan talaga akong itago para hindi kami mahalata. Halos I-give up ko na ang pagmamahal ko sa kaniya kasi hindi nga kami malayang iparamdam ang pagmamahalan namin. Nahuli kami pero mabuti na lang at si Lorrence ang nakakita, tinulungan niya kami,” kuwento ni alice. Napatingin siya rito. “Talaga? Paano niya kayo tinulungan? Ano ba kasi ang ginawa ninyo?” kuryus na mga untag niya. “Nagtampo lang ako noon kasi hindi ko na kaya na may ibang babae siyang kausap. Hindi naman maiwasan iyon kasi maraming tao rito sa barko na puwedeng makasalubong o makausap. Nagselos ako at nais ko nang makipaghiwalay. Pero hindi ko inaasahan na halikan niya ako sa public area. Nakita kami ni Lorrence kaya para akong matutunaw sa hiya at nangangamba na baka makarating sa taas. At iyon na nga, inilihim na lang ni Lorrence.” “Matulungin pala ang shokoy na iyon,” aniya. Natawa si Alice. Patuloy ang pag-uusap nila hanggang sa napunta sa biruan. Nagliligpit na sila ng mga inilabas nilang gamit pampaganda nang may pumasok at humarap sa salamin. Natigilan sila ni Alice at pasimpleng nagkatitigan nang sabay na makita ang tumambad na bulto ni Zandra sa malaking salamin. Ngumiti ito sa kanila. Taliwas sa alat ng dagat ang mga ngiting iginanti nila pero hindi na iyon napansin ni Zandra. Bigla siyang sinalakay ng kaba na may halong inis. “How are you, girls?” maarteng tanong ni Zandra sa kanila. “We’re good, ma’am!” tugon ni Alice. Sumabay lang siya sa huwad na pagngiti ni Alice kay Zandra. Hindi siya maka-get over sa nakikita niyang kaluluwa sa dibdib ni Zandra kung saan bumubulaga ang mahabang hiwa roon sa pulang V-shape na dress nito. Kaunting sabit na lang ay mapipigtas na ang strap ng damit nito. Lihim siyang nanggigil nang maisip ang bagay na iyon lalo na kung mataon na si Lorrence ang kaharap nito. Halos mga pasas na lang sa dibdib nito ang natatakpan. Panay ang pasimpleng pagsiko ni Alice sa kaniya dahil napansin nito ang hindi niya pagiging komportable na naroon sa tabi nila ang babaeng kinaiinisan niya. Bago tuluyang manabang ang mga ngiti niya ay niyaya niya si Alice na umalis na. “Wait!” biglang pigil ni Zandra sa kanila. “Have you seen Lorrence?” malamyang tanong nito. Tiim-bagang na inilihim niya ang panggigigil. “Sorry, we don’t know,” payak lang na sagot ni Alice. Tiniis niya ang inis at hinarap ang modelo. “Maybe he is busy with his duty now,” pigil na gigil niyang sagot. Hindi na ito nakaimik nang sagutin niya at nagpaalam sila ni Alice. Gusto niyang sumabog sa panggagalaiti. Hindi na lamang siya nagpahalata kay Alice baka mainis pa ito sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD