Umuwi muna si lola para makapagpahinga. Tulog ang aking kapatid, mahimbing ang pagkakatulog. Katatapos niya lang maoperahan kanina at ngayon ay bumabawi ang katawan.
Pinaghalong habag at saya ang aking naramdaman. Sa wakas ay magiging maayos na ang kalagayan ng aking kapatid. Hindi na ito mahihirapan gaya ng dati na halos araw-araw may iniindang sakit. Si lola, siya lamang ang nagmamalasakit sa aming magkapatid. Hindi gaya ng nanay namin na matapos mawala si papa ay nawala na rin siyang parang bula.
Minsan napapaisip ako kung hindi lang kami iniwan ni mama. Hindi siguro ako maghihirap nang sobra nang ganito. Tatlo sana siguro kami ni lola na magtutulung-tulong para alagaan ang may sakit kong kapatid. Ngunit, wala siyang malasakit, wala siyang awa. Parang hindi kami nanggaling sa kaniyang sinapupunan.
Tulala akong napaluha. Tahimik lang na napahikbi sa tabi. Naninikip ang dibdib habang tila nag-kaisa ang problema at sakit na aking naranasan. Sa simula pa lang na magkaroon ako nang muwang sa mundo, hanggang ngayon na patuloy pa ring nakikipagsapalaran sa hirap ng buhay.
Tama lang siguro na tanggapin ko ang alok sa akin ni William. Ang aking boss sa kasalukuyan. Bukas na ako magsisimula sa trabaho. Sana ay hindi ganoon kahirap makatrabaho ang kababata ko na noo'y walang ibang ginawa kung hindi ang asarin ako at saktan ang damdamin.
Muling tumulo ang luha sa aking mata. Kung hindi lamang siguro ako naghihirap ngayon, hindi kami muling magtatagpo ng William na iyon.
Maya-maya pa ay biglang may kumatok. Mabilis kong napunasan ang aking mga luha.
Si Thea, pala.
“Dumaan lang ako para personal kang matanong tungkol sa interview at paghaharap n’yo ni Sir William kanina,” saad niya nang maupo sa tabi ko matapos ilapag sa hita ang shoulder bag.
Napasinghap ako. “Ayos lang naman, mabait pala siya..” tugon ko nang ilihim ang totoong napag-usapan namin.
“Ayy, oo. Mabait ‘yon medyo may pagka-strict nga lang, pero may puso. Hindi rin iyon kuripot sa mga tauhan niya. Kaya lang.. masungit kaunti sa mga babae. Hindi ko nga alam kung hanggang ngayon sila pa rin ng fiancée niya..”
Natigilan ako sa kaniyang sinabi.
Napatakip naman ito kaagad ng bibig. “Ayy, sorry.. masyado akong madaldal.”
“May fiancée siya?” paninigurado kong tanong.
Tumango si Thea. “Oo, bhe. Ang pagkakaalam ko nasa ibang bansa ang jowa niya.. artista iyon at isang model din. Mukhang sa Paris yata.”
‘Kung ganon, bakit niya ako gustong maging asawa sa papel kung gayong may kasintahan siya?’ pagtataka kong tanong sa aking isipan.
“Natahimik ka diyan,” untag niya sa ‘kin.
Napalunok ako. “Ah, wala.. may naisip lang..”
“Sus, baka ang sabihin mo. Na-starstruck kang bigla kay sir, ayaw mo lang aminin..”
Napairap ako. “Hindi ko siya type.”
“Sus, kunwari ka pa. Sino bang hindi magkakagusto kay Sir William? Gwapo na nga, mayaman pa. Siya na nga yata ang pinapangarap ng lahat ng kaniyang empleyadong kababaihan,” paismid niyang wika.
Hindi ako nagbibiro nang sabihin ko iyon, dahil iyon naman talaga ang totoong nararamdaman ko. Sa ganoong klase ng lalaki. Hinding-hindi ako magkakagusto. Malay ko ba kung pinagtitripan niya lang ako dahil iyon naman talaga ang gawain niya noon pa man. May fiancée siya pero ako ang gustong maging asawa? Nahihibang na ba siya?
Well, kung paglalaro lang naman ang nais niya. Then, sasakyan ko siya. Pareho lang rin naman silang mga lalaki. Mapaglaro ng damdamin ng mga babae.
‘Ayaw mo nun, Trisha. Magkakapera ka sa isang laro ng kasal-kasalan?’ Lihim akong napangiti nang mapanloko.
“Ano ang binabalak mong masama? Bakit parang ngiting demonyita ka diyan?”
“Ha? Wala, a. Masyado kang mapag-isip,” pagtanggi kong turan.
“Oh, s’ya. Uuwi na ako, dinaanan lang naman kita rito para sabihang good luck.. baboosh..” Kumaway ito at ngumiti nang pilya.
Sinundan ko na lamang siya ng tingin nang palabas ng pintuan.
Kinabukasan, kabado ako habang papasok ng building. First day ko sa trabahong ito. Kailangan ay maayos at smooth ang trabaho ko mamaya upang hindi ako mapahiya sa harap ng William na iyon.
Nang pipindutin ko na ang button para patungong fifth floor, nanlaki ang mata ko nang makitang magkasama sina Bert at ang kaibigan kong ahas na si Shaina. Agad akong umiwas ng tingin nang mapatingin sila sa ‘kin. Nilinis ko ang tila barado kong lalamunan at pagkatapos ay huminga ako nang malalim.
Alam kong medyo apektado pa rin ako pero pilit kong ipinakita sa kanila na wala sa akin ang lahat ng nakikita ko ngayon. Napaikot ko ang aking mga mata nang maramdaman ang dalawa na sa harapan ko pa talaga sila naglandian. Ayoko namang gumawa ng eskandalo lalo pa't nasa trabaho ako.
“Babe, sa tingin mo. Papasa kaya ako sa interview?” malanding wika ni Shaina na ikinataas ko ng kilay
“Sure, babe. Malakas ang lahat sa ‘yo. Kaya nga sa ‘yo ako nagkagusto.”
Hindi ko alam kung bakit bwisit na bwisit akong pakinggan sila. Sana nga makarating na ‘ko agad sa patutunguhan ko upang mawala na sila sa aking paningin.
Nakahinga ako nang maluwag nang mawala na sa paningin ko ang dalawang asungot na iyon. Nauna nang lumabas ang mga ito sa ikaapat na palapag. Para akong nabunutan ng tinik at pakiramdam ko ay medyo kumalma na hindi na kagaya ng kanina.
Nang bumukas ang elevator sa fifth floor, bumungad sa akin ang seryosong mukha ng boss kong si William. Hindi agad ako nakakibo nang biglang hawakan niya ako sa pulsuhan at hinatak patungo sa kaniyang opisina. Hindi ko alam kung ano ang ikinagagalit niya dahil wala naman akong ideya.
“Ano ba, William! Nasasaktan ako,” mariin kong saad na para bang gusto ko na siyang sigawan sa pagkairita ko. Matalim na titig lamang ang ipinukol niya sa akin, saka ko lamang napagtanto na nasa trabaho nga pala kami. “I'm sorry, sir..” agad kong bawi at napayuko na lamang.
Napasinghap siya saka bahagyang lumapit. Napalunok na lamang ako dahil baka ako ang makatanggap ng sigaw mula sa kaniya.
“Ang bilis mo namang makalimot, Ms. Brenzuela. Anyway, patatawarin muna kita sa ngayon. Pero once na ulitin mo pa sa akin ang pagsigaw sa harapan ko, alam mo na ang aabutin mo,” halos pabulong niyang saad malapit sa tenga ko.
Mariin lamang akong napapikit. “I'm sorry, sir,” ulit ko pa.
Nakita ko ang pagkalma sa kaniyang mukha kahit sa kabila nito’y seryoso pa rin sa pagkakatitig sa ‘kin. Lumakad siya at kumuha ng alak. Isinalin sa whiskey glass.
“Napagpasyahan ko na gawin natin sa susunod na araw ang kasal. Gusto kong ipaalam sa iyo na ang lahat ng ito ay pawang pasikreto lamang. Ayoko na may ibang makaalam. Understood?”
Napasunod na lamang ako ng tango. Kahit hindi ko naman masyadong naiintindihan ang kaniyang sinasabi. Wala naman akong paki kung pasikreto man o hindi. Para sa ‘kin, laro lang naman iyon, ‘yun bang kasal-kasalan na wala namang katuturan.
“At dahil late kang dumating–”
Agad akong napatingin sa suot kong relo. Paanong late, e on time nga ang pag-bio ko sa baba. Kaagad akong nakapamaywang at kunut-noong tiningnan siya nang masama.
“2 minutes late..” dagdag niya pa dahilan para muli kong tingnan ang suot kong relo upang manigurado kung hindi niya ba ako pinagloloko o pinaglalaruan.
Saka ko malinaw na nakita na 8:02 nga ang nakalagay roon. Hindi na lamang ako kumibo kahit ang mga titig niya'y nanunukso.
“Back to work,” saad niya nang hindi man lang nag-abala pang tingnan ako. Ang mga mata niya'y nakatuon na sa papel na nakapatong sa kaniyang mesa.
Bago pa man ako makahakbang sa nabuksan ko nang pintuan, narinig kong muli ang kaniyang boses.
“You have to print this file, kailangan ko ng kopya niyan. And then, bigyan mo ako ng kape.”
Napangiwi ako kasabay nang panlalaki ng mata. “Kape? We, ang aga-aga mong uminom ng alak tapos ngayon manghihingi ka ng kape? Nasisiraan ka na ba, gusto mo bang matigok agad?” bulalas ko pa na hindi napigilan ang pagburak ng aking bibig.
Napakunot lamang siya ng noo sa ‘kin, “Secretary kita hindi ba? Hindi kita nanay o asawa.”
Pakiramdam ko ay uminit bigla ang aking pisngi. Saka ako bahagyang napangiti. “Sorry.. kukuha na po, pero kasi–”
“No more explanations, sundin mo ang utos ko. Lumakad ka na,” mabilis niyang tugon na ikinatalikod ko naman agad, ngunit may nanggugulo sa aking isipan.
Gusto kong pilit sabihin na hindi naman talaga maganda sa katawan na paghaluin ang kape at alak sa umaga. “E, sir, ang kape kasi at ang alak ay hindi pwedeng–”
“Ang kulit mo, isa pa at hahalikan na kita riyan..” tumitig siya sa ‘kin nang seryoso na para bang gustong manlamon nang buhay. Sa pagkakataong iyon, tumayo na ito mula sa kinauupuan.
Kaagad naman akong napatalikod kasabay nang pag-iling. “Ang tigas ng ulo ni sir..” bulong ko sa sarili.
“Anong sabi mo?”
“Wala po, sabi ko kukuha na ako ng kape,” wika ko na patakbong lumabas ng kaniyang opisina.
Nagmamadali kong hinanap ang pantry nang mahagip ng paningin ko sina Bert at Shaina.
‘Ano ba kasi ang ginagawa nila rito? Hindi naman sila rito nagtatrabaho, a?’ sunud-sunod kong bulong sa aking isipan.
Napangiwi ako nang kaagad kong iangat ang aking daliri nang mapaso ito ng kape sa coffee maker.
‘Ang sakit, umuusok pa naman..’ Kaagad ko namang hinipan ang daliri kong nasaktan.
“Tss.. first day sa work, palpak agad?” narinig ko ang mapanlait na boses ni Shaina.
Kaagad ko siyang inirapan at nagpatuloy sa aking ginagawa. Muli akong napatingin nang lumapit sa amin si Bert.
“Kaya ka iniiwan dahil sa katangahan mo.”
Hindi ko alam pero nanggigigil ako. Gustung-gusto ko siyang sabunutan sa harapan ni Bert, ngunit pinigilan ko ang aking sarili. Ayoko ng gulo lalo pa't nasa trabaho ako. Pilit na lamang akong nagtimpi.
“What's wrong?”
Napalingon kaming tatlo sa pinanggalingan ng boses.
'Si William..'