Nananatiling nakatingin sa malayo si Carson. Naririto siya ngayon sa terrace ng kuwarto niya at binabalikan ang naging usapan nila ng kanyang asawa. Dapat ay masaya siya dahil sa wakas ay pumayag na ito sa gusto niyang mangyari: ang magkaroon siya ng pagkakataon na makarelasyon ang babaeng nagugustuhan niya. Ngunit humingi si Kaia ng napakaraming kapalit. Hindi nito ginawang madali ang lahat para sa kanya. Mapait na ngumiti si Carson. Tuso rin pala ang asawa niya. Hindi ito magbibigay kung hindi ito ang lubos na makikinabang. Makakasama nga niya si Shayna kung sakali ngunit obligado pa rin siyang sumunod sa mga kagustuhan ni Kaia. At humihingi pa ito ng anak sa kanya. Ibig bang sabihin ay hindi ito buntis? At para saan ang anak na hinihingi nito? Ito ba ang kapalit ng mamanahin nito?

