“Oh, sabay kayo? Sabi na, may something sa inyo, e!”
Tinakpan ko agad ang bunganga ni Ate Cindy. Kakarating lang namin, bibwisitin agad kami! Mabuti nga‘t hindi kami nahuli ngayon! Nag-ayos pa kasi kami ng binta sa bahay. Ewan, ang bait ng mga kapitbahay ko kay Thirdy. Nanghingi siya ng plywood kanina, tapos hindi man lang nagreklamo!
“Alam mo, thankful ako kay Yohan! Magkakabonus yata tayo! Ang dami lagi customer!” Tumatawang sabi niya.
“Sira, si Thirdy lang may bonus,” sagot ko. Totoo naman! Ang gwapo niya kaya walang duda na palaging marami kaming customer dahil sa kaniya. Sa kaniya lang pumipila! Ngayon nga‘y marami ng tao sa labas kahit kakabukas lang namin!
Kumuha na si Thirdy ng mga order at ako naman ay tumulong na lang kay Ate sa paggawa nito. Wala namang pumipila sa‘kin. Baka ako pa ang hindi bigyan ng sahod kasi nakatayo lang ako roon.
Tumingin pa ako sa labas at napairap ako dahi hindi naman siya artista pero maraming nagpapa-picture sa kaniya!
Ewan, naiinis ako. Pero wala akong magagawa, customer ’yan, e. Diyan sila masaya, bahala sila sa buhay nila.
“May nagtatanong ng sss ng jowa mo,” pang-aasar ni Ate Cindy.
Umirap ako. “Hindi ko nga ‘yan jowa! Ang kulit!” Inirapan ko siya. “Friends lang kami, okay?!”
“Friends with-”
“Hoy! Minor kami!” Hinampas ko siya. “Sobrang epal mo te, mga gawain mo ‘no?!”
“Huy, friend with more benefits, hindi lang about s*x!” Pagtatanggol niya sa sarili niya kaya napatakip ako sa tenga, nandidiri. Kung ano-ano sinasabi!
“Well, none of the above kami riyan!” Naiinis na sabi ko.
“Sus, bakit sabay kayo?” Pangungulit niya, hindi talaga naniniwala.
“Wala, tinulungan ako mag-ayos sa bahay,” maikling sagot ko. ‘Yon naman totoo, e. Tinulungan niya ako mag-ayos ng bahay. Ano naman masama roon?! E, sabi niya, magkaibigan kami.
Pero walang benefits, ha! Jusko naman, minor pa! Tsaka never! Ayokong mauwi sa ganoon ang pagkakaibigan namin!
“Oh! Diba, galing pa sa bahay niyo! Gusto ka niyan!” Sulsol ni Ate sa‘kin. Hindi naman ako naniniwala sa mga sinasabi niya, pero naiinis ako dahil ang kulit!
Nilayasan ko na lang siya roon at pumunta ulit sa counter para dalhin ‘yung order sa mga table ng customer. Huminga ako nang malalim dahil ang daming order tapos marami pa ang nakapila. Mukhang wala kaming pahinga ngayon.
“Need mo help?” Parang batang tanong ni Thirdy. Umiling naman ako‘t ngumiti sa kaniya. Kaya ko naman, e! Eto na nga lang gagawin ko, aagawin niya pa!
Nilayasan ko na siya roon at nagpabalik-balik ako para lang ibigay sa mga customer ‘yung order nila. Ako lang mag-isa ang nagdadala ng order sa table dahil tatlo pa lang naman kami rito sa shop. Nakakapagod kapag ganito! Tatlo lang kaming kumikilos! Tapos marami pang customer! Pero again, ano bang magagawa ko?
Nagulat pa ako noong makita ko si Lori sa isang table. Tinitigan ko para makumpirmang siya nga. At hindi ako nagkamali. Nakita niya ako, halata rin sa mukha niya ang gulat. Hindi niya alam na rito ako nagtatrabaho, imposibleng ako ang pinunta niya rito.
Tumingin ako nang tinignan niya si Thirdy.
Now I know.
“Dito pala siya nagtatrabaho,” malambing na sabi niya. Mukhang hindi naman pala niya alam, ang oa ko lang!
“Ah! Oo, kahapon lang,” sagot ko. “Here, caramel macchiato and red velvet cookies. Mabuti alam mo ‘to?!” Umupo ako sa harap niya.
Ngumiti naman siya‘t inalok pa ako ng cookies na order niya.
“Busog ako,” I said. “Kumusta pala ‘yung sa HUMSS week? Ikaw na representative, ha?! Save mo ako! Ayokong maging representative, pag-iinitan na naman ako!”
“I know, chill, I got you!” She laughed. “Are you sure you're not friends with him?” Tumingin siya kay Thirdy.
“Actually, friends na kami ngayon! Bakit?”
Umiling siya. “Nothing, ayoko lang na paglaruan ka ng tao sa paligid mo. Baka, pinagtitripan ka lang.” Nagtaka ako sa sinabi niya, hindi naman siya ganoon sa tao, mag-iisip nang masama. Pero sa sitwasyon ko naman, hindi ko siya masisisi.
Pero kahit na, mukhang hindi naman ganoong tao si Thirdy.
“Hindi naman siguro ganoon, ang judger nito!” Mahina akong tumawa kahit hindi talaga ako natatawa sa mga sinasabi niya.
“Sige, sabi mo,” sagot niya, mukhang hindi naniniwala sa‘kin.
Nakipagkwentuhan pa ako saglit kay Lori bago ako bumalik sa counter. Ewan, naiinis lang ako. Hindi ko alam kung anong nakain niya ngayon at sinisiraan niya si Thirdy. I mean, kung ako naman makakakitang ganoon talaga ang lalaki, ako na mismo lalayo. Pero hindi, e!
Badtrip tuloy ako buong araw pero hindi ko pinahalata sa kanilang apektado ako roon. Ewan ko rin. Pero kung sakaling ganoon nga si Thirdy, ako na mismo ang sasapak sa kaniya!
Kinabukasan ay hindi na ako nagulat noong makita si Thirdy. Linggo ngayon at wala akong shift, hindi niya siguro alam. Iniisip ko pa rin ang sinabi ni Lori, pero hindi naman ganoon ang nakikita ko kaya bahala na.
“Wala akong shift ngayon!” Bungad ko sa kaniya. Naka-uniform siya‘t nakasuot ng bag at may dalang pape bag.
Napansin niyang tumingin ako roon kaya inangat niya. “Let‘s eat?” He asked. Tinaasan ko siya ng kilay pero hinatak niya na ako papasok sa loob.
Normal naman ‘to sa magkaibigan!
Normal lang!
“Bakit ang putla mo?” Biglang tanong niya kaya umayos ako ng tayo.
“Luto mo ‘to?” Tanong ko na lang para hindi niya mapansin ang hitsura ko. Inagaw ko mula sa kamay niya ang paper bag at binubuksan ko ang tupperware na naroon. Tumango naman siya bago inagaw rin sa‘kin ‘yung tupperware para siya ang maghain. “Ako na! Naka-uniform ka na, oh!” Bahagya ko siyang tinulak.
“Kulit,” natatawang sabi niya. “Umupo ka na lang, ako na rito.” Tinulak niya pa ako para mapausod ako malapit sa sofa.
Napasimangot na lang ako‘t hinayaan siyang gawin ‘yon. “Huwag mong dumihan uniform mo!” I yelled at him. Muntik na kasing matapon ‘yung sabaw ng sinigang! “Akin na ‘yan, tubig ang lagyan mo,” utos ko na agad naman niyang sinunod.
Nang matapos kami kumain ay hinatid ko na siya sa labas dahil may trabaho pa siya. Nagsabi rin siyang dadaan siya rito mamaya pagtapos ng shift niya para sa dinner ko. Tumanggi ako sa kaniya dahil pakiramdam ko‘y nagiging pabigat ako sa kaniya.
Sinabi niya lang naman na magkaibigan na kami, kung ano-ano na ginagawa! Balak pa yatang sagutin pagkain ko araw-araw!
Hindi ako pumayag kanina kay Thirdy pero ngayong 9 pm ay nagising ako sa katok mula sa pinto. Napasapo ako sa noo nang makita siya. Hindi ko na magawang sungitan ang lalaki dahil antok na antok na ako. Hindi pa ba ‘to inaantok? Anong oras na, dumaan pa talaga rito! Pagod siya sa trabaho, tapos pumunta pa siya rito!
“Uuwi na rin ako, hindi ka na kakain?” Rinig kong tanong niya. Umiling naman ako, inaantok pa rin.
“Sumakay ka na lang, delikado na,” sabi ko, kinukusot ang mata.
“Kaya ko naman,” sabi niya, bahagyang natatawa. “Matulog ka na, initin mo na lang ’to para may agahan ka bago pumasok.”
“Okay...” Inaantok na sagot ko.
“Huwag kang makulit, Safarah,” tumawa siya.
“Oo nga!” Inis na sabi ko. “Hatid na kita-”
“Matulog ka na nga, kaya ko lumabas,” tinalikod niya ako at dahan-dahang hinatid papunta sa kwarto. “Ako na mag-lolock nung pinto, matulog ka na riyan.”
“Sure ka?” Paninigurado ko.
“Oo,” he nodded. “Good night.”
Agad din akong nakatulog noong umalis siya. Kaya kinabukasan, ininit ko ‘yung dala niya kagabi. Adobo naman ‘yon kaya hindi nasira. Pagkatapos ko kumain ay naligo na ako. Dinala ko na rin ang uniform ko sa trabaho dahil hindi na ‘ko uuwi mamaya.
Humss week lang naman ngayon kaya naka-pants at t-shirt ako, ‘yung shirt ng Humss representative kahit tumanggi naman ako at pinasa kay Lori. Pero okay lang din naman, tinangihan ko lang naman ‘yung pagrampa sa stage kaya tutulong pa rin ako mamaya. Nakakabagot kasi, rarampa pa! Hindi naman ako marunong no‘n!
“Safarah, late ka! Aasikasuhin mo raw ‘yung mga waiver para sa mga manonood mamaya!”
Tumango ako sa representative ng grade 12. Hindi na ako dumiresto sa room namin kasi representative naman ako at excuse kami sa dalawang subject. Mabuti na lang at naroon na si Lori dahil mamaya ko pa naman ipapaalam kay Ma'am na siya ang ilalaban sa humss fashion week.
“Gusto mo makeup-an kita later?” Tanong ko kay Lori, nag-aayos siya ng gamit niya sa bag. “Mamaya ang pictorial, e. Ako mag-aayos! May dala ka naman na makeup?”
“Pumayag na ba? Hindi pa yata!” Malakas ngunit puno ng hinhin ang boses niya.
“Payag ‘yon!” Sabi ko, nakangiti. “Kukunin ko lang waiver sa cluster 1, dito ka na lang?”
“Yes,” she nodded.
Tumango naman ako bago tumakbo papunta sa building A. Mukhang wala namang nagkaklase sa humss dahil kahit nakasarado ang dalawang pinto, rinig na rinig ang ingay nila.
“Last na ‘to, Saf?” Tanong ni Lexi, ‘yung vice president ng humss.
“Oo, si Richelle kasi nag-collect nung cluster 2, kaya last na ‘to,” sagot ko habang kinukuha ‘yung last waiver ng section 6. Tinaasan ko ang kamay ko at pinakita sa kaniya. “Balik na ba tayo roon?”
“Yes! Mag-aasikaso pa tayo para sa volleyball mamaya,” she said. “Halika na!”
Tumango ako at inaya siyang bumalik na sa ground, nandoon lang kasi ang lahat. Hindi naman ganoon kainit dahil may trapal naman. Umupo ako at nagpigil ng uhaw. Nakakabanas, magdadala na nga lang ako tubig sa susunod!
Tinulungan ko sila gumawa ng props para sa festival. Isa rin ako sa sasayaw, nakapagbayad na rin ako para sa damit. Ewan ko ba bakit pa ako sumali, mataas pa rin naman grade ko kahit wala ‘to. Sayang lang ang pera!
Actually, kung may pera lang ako, hindi siya sayang dahil magandang experience ’yon. Pero dahil nga kahit pagkain sa isang araw ay hindi ko magawa, sayang ang binayad ko. Hindi man lang kasi ako tinanong bago ilista pangalan ko. Pero wala na akong magagawa, nakalista na.
Ilang oras pa’y naglabasan na ang ilang estudyante dahil recess na, tapos after ng recess may laban na ang basketball kaya sigurado akong hindi lang humss ang manonood dito mamaya.
“Hindi ka ba kakain, Saf? Recess na,” tumayo si Lori at dinala ang bag niya bago siya umupo sa tabi ko.
“Pass, busog pa ako,” I answered. Hindi totoo ‘yon, dahil gutom na gutom na ako pero bahala na, kaya ko pa naman. Kumain naman ako kanina.
“Libre ko na,” hinila niya ang braso ko, nangungilit.
“Busy rin ako, oh! Sige na, buso-” Napatigil ako sa pagsasalita nang makita si Thirdy sa harap namin kaya nabitawan ni Lori ang braso ko.
Napaatras si Lori habang nakatingin kay Thirdy. Binitawan ko ang ginagawa kong tela at tumingin sa kaniya. Umupo naman si Thirdy sa harap ko at nilapag ang ulam at kanin doon. Mukhang niluto pa ‘to ng mama niya!
“Hindi ka kakain?” Tanong ko kay Lori. “Hati tayo ritong tatlo!”
“Hindi na,” umiling siya. “Sa canteen na lang ako.” She said.
——— >