“Babae, nakita mo ba si Yaya Tasing at saka si Mang Kanor?” tanong niya sa babaeng kinaiinisan niya habang nagpupunas ito sa sahig gamit ang suot nitong damit kahit may mop naman.
Halos araw-araw na lang siyang napapabuga ng hangin sa tuwing nakikita niya ang babaeng ‘to.
Araw-araw ay naghihirap ang utak niya sa kakaunawa sa kabobohan nito, mabuti na lang talaga at kinakaya niya pa.
“Babae.” Bahagya niyang hinawakan ang dulo ng buhok nito para kunin ang atensiyon nito. Sa tingin niya kasi ay bingi rin ito. Lahat na yata ng kapansanan ay sinalo na ng babaeng ‘to. “Alam mo ba kung nasaan sina Yaya Tasing at Mang Kanor?” ulit niyang tanong dito.
Kanina pa kasi siya paikot-ikot pero hindi niya mahanap ang dalawang matanda. Nag-aalala siya na baka umalis ang mga ito para mag-canvass ng baril.
Kapag nagkataon, tiyak na mapagkakamalan ang dalawang ‘yon na pakawala ng sindikato at ‘yon ang inaalala niya kanina pa.
"Ano na?"
Tumitig lang sa kaniya ang babae. Sobrang dumi na ng damit nito dahil hindi ito gumagamit ng utak.
“Señorito, bakit po?”
“'Yong dalawang matanda na kasama natin dito sa bahay, nakita mo ba?” tanong niya rito. Kumunot lang ang noo nito. Hindi niya alam kung bakit hirap na hirap itong sagutin kahit mga simpleng tanong lang. “Ano nakita mo ba?”
Hindi ito sumagot kaya naisip niya na baka bingi ito kaya ang ginawa niya ay ginaya niya ang lakad ng Yaya Tasing niya. Umakto siya na parang kuba at pabalik-balik siyang naglakad sa harap nito. “'Yong matandang ganito ang lakad, nakita mo ba?”
Tumango ito. “Ah, opo.”
Putangina! Kung hindi pa siya naglakad na parang kuba ay hindi pa yata ito sasagot. “Eh, ‘yong matandang lalaki na ganito ang lakad, nakita mo rin ba?” Medyo sakang si Mang Kanor kaya nahirapan siyang gayahin ang lakad nito.
“Opo.”
“So, saan sila nagpunta?” Pawis na pawis siya pagkatapos niyang umarte na parang tanga sa harap ng babaeng ‘to.
Hindi niya alam kung hanggang kailan at kung hanggang saan aabot ang pagtitimpi niya para hindi niya ito masaktan. Kung hindi pa siya um-acting na parang gago ay baka sa susunod pang taon nito masagot ang tanong niya.
“Bumili po sila ng condomens.”
“Condomens?” takang tanong niya. “Ano'ng condomens? Sa tinagal-tagal ko rito sa mundo, ngayon ko lang narinig ang salitang ‘yan. Sigurado ka ba talaga na bumili sila ng condomens? Condomens talaga? Baka naman condom ‘yon?”
“Señorito, wala po akong ideya talaga, eh."
“Ano pa nga ba. Inaasahan ko na ‘yan kaya ‘wag mo nang pahirapan ‘yang utak mo dahil inaasahan ko naman palagi na wala ka talagang alam.”
"Ano po ba ang pagkakaiba ng condomens sa condom?"
"'Wag mo nang alamin dahil baka mahirapan pa ‘yang utak mo." Kahit siya nga mismo hindi niya alam kung ano ang pagkakaiba ng condomens sa condom, eh.
Tumango naman ito sa sinabi niya. Marahil ay tanggap nito ang sinabi niya.
Kailangan naman talaga nitong tanggapin ang sinabi niya at mga sasabihin pa dahil iyon naman ang totoo.
“May gagawin ka ba pagkatapos niyan? Kung wala na, maligo ka dahil ang baho mong tingnan.”
“Po?”
Putangina! Kailangan ba lahat ng itatanong niya rito ay may kasamang action dapat?
Itinaas niya ang kanang kamay niya sa ere at umakto na nagwiwisik ng tubig. “Ang sabi ko, maligo ka. Pumasok ka roon.” Itinuro niya ang banyo. “Pumasok ka roon tapos ‘wag ka nang lumabas kahit kailan.”
“Po?”
“Wala!”
Nang tumayo ito ay muntik itong madulas kaya napahawak ito sa kaniya dahilan para samaan niya ito ng tingin.
Nang may tumikhim sa bandang likuran niya ay mabilis pa sa alas-kuwatro na nabitiwan niya ang babaeng sinalo lahat ng kapintasan sa buhay.
“Jordan, ano'ng ginagawa mo?” nakasimangot na tanong sa kaniya nang magaling niyang Yaya.
May dala-dala itong basket na kagaya ng dinadala ng mga sabungero kapag magsasabong ang mga ito. “Pinopormahan mo ba si Petra kapag hindi kami nakatingin ni Kanor?”
“Yaya, okay pa ba ‘yang pag-iisip niyo? Sa tingin niyo ba magkakagusto ako sa babaeng ‘to? Hinding-hindi mangyaya–”
Napahinto siya sa pagsasalita nang makita niya na ipinasok ni Petra ang hintuturo nito sa loob ng ilong at pinapaikot-ikot nito iyon.
Desididong-desido ito sa pagdukot ng dumi nito sa ilong kaya halos maduwal siya.
Mabilis pa naman siyang masuka kapag mayroon siyang nakikitang hindi kanais-nais sa paligid niya.
“Doon ka nga sa banyo maggaganiyan!” inis niyang sita rito. “Alam mo nang may nag-uusap dito tapos gagawin mo ‘yan. Kadiri ka!”
Naalala niya tuloy ‘yong anak nang kaibigan niya na halos makain na ang sipon dahil sa kaiiyak. Buwan din ang pinalipas niya bago siya nakakain ng normal tapos itong babae na 'to parang uulitin na naman.
Iniwasan na niyang mapatingin sa babae dahil siguradong masusuka na siya kapag tiningnan niya pa ito ulit.
Nilapitan niya ang Yaya niya at inakbayan. Kalaunan ay binulungan niya ito ng hindi tinitingnan ang babae. “Yaya, tingnan mo ‘yang babaeng iniuwi niyo ni Mang Kanor. Tingnan mo ‘yang ginagawa. Tingnan mo. Tama ba ’yan? Nakakasuka ang ginagawa niya, ‘di ba?”
Nakita niyang napangiwi ang Yaya niya habang nakatingin sa aswang na iniuwi nito. Mayamaya ay tumingin ito sa kaniya. Alam niyang pareho silang nandidiri pero dahil naaawa ito sa babae ay pinilit nito ang sarili na ngumiti sabay tapik sa kaniya.
“Ginagawa mo rin naman ‘yan, eh,” sabi nito na para bang kasalanan niya pa na sinita niya ang babae. “Noong bata ka pa, madalas mong gawin ‘yan pero hindi naman kita pinagalitan.”
“Yaya, wala akong natatandaan na ginawa ko ang ganiyan sa harap mo o sa harap ng maraming tao. Hindi ko ugali ang gumawa ng–shit!” Hindi na kinaya ng sikmura niya nang makita niyang seryosong binibilog-bilog ni Petra sa ere ang mga bagay na dinukot nito sa sariling ilong kaya mabilis siyang sumibat para sumagap ng sariwang hangin sa labas.
Mayamaya pa ay napansin niya na nakasunod na rin sa kaniya ang Yaya niya kaya inismiran niya ito lalo na no'ng makita niya na muntikan itong masubsob sa lupa dahil sa laki ng mga hakbang nito.
“Oh, ba't nandito po kayo?” tanong niya rito na may kasamang paninita. “Hindi niyo rin kinaya, ‘no?”
“Ano ba'ng sinasabi mo riyan? Nandito ako dahil gusto kong bisitahin ang mga tanim ko,” anito at pasimpleng nagsubo ng kendi. Aba'y matindi talaga. Nakita niyang naduduwal-duwal ito pero umakto ito na kunwa'y normal lang ang lahat.
“'Wag nga ako, Yaya. Iba na lang ang lokohin mo, ’wag lang ako. Mabuti sana kung hindi kita kilala. Ba't kasi takot na takot kang ibalik ang babaeng ’yon sa abandonadong lugar? Kapag nagtagal ‘yan dito, magkakasakit talaga tayong lahat.”
“May gamot naman. Bili na lang tayo.”
“Ay, naku! Bahala nga kayo!” Mayamaya pa ay namataan na rin niya si Mang Kanor na nagmamadaling maglakad papunta sa gawi nila habang nakatakip ang bibig nito pero lumiko ito at pumupwesto sa ilalim nang puno ng niyog at sumuka ito roon.
“Kita mo na, no'ng tatlo lang tayo dito sa bahay, hindi naman tayo ganito. Pero, no'ng nag-uwi kayo ng aswang, wala na! Sa totoo lang, tinatamad na akong gumising araw-araw. Nakakatamad mabuhay kapag ganiyan ang kasama mo sa bahay, Yaya.”
“Simpleng bagay kasi pinapalaki mo,” sita nito sa kaniya. “Hindi mo ba alam na bawal magtanim ng galit sa kapwa? Jordan, may edad ka na kaya sana maging advance na ‘yang utak mo. Mabuti nga ganoon lang ang ginagawa ni Petra, eh.”
“Ganoon ba, Yaya? Dapat ba hintayin ko pa ‘yong iba niyang gagawin bago ako mag-react? Wow naman, Yaya! Bilib din talaga ako sa iyo! So, kasalanan ko pa pala dahil mahina ang sikmura ko, ganoon ba?”
“Ganoon na nga! Kain ka kasi maraming prutas.”
“Oh, ano'ng tawag mo sa ginagawa ni Mang Kanor ngayon? Kasalanan niya rin ba ang nangyayari sa kaniya ngayon, ha, Yaya?” Nakasalampak na ngayon ang matanda sa lupa habang namumula ang mukha nito. Nang makita nang Yaya Tasing niya ang kalagayan ni Mang Kanor ay mabilis nitong pinuntahan ang matanda habang siya ay nakamasid lang.
Pag-alis ng Yaya niya ay napatingin siya sa basket na inilapag nito sa lupa.
“Ano kaya ang dala-dala ng matandang ‘to?” aniya sa isip. “Hindi kaya baril? Kung sakaling baril, saan naman kaya nito binili?
Kung binili lang nito sa tao ay tiyak na may kasunod na itong pulis mayamaya dahil sigurado siyang illegal ang ginawa nito. Kapag nagkataon, makukulong ito sa edad na seventy five. Iiyak talaga ito sa kulungan kapag nagkataon.
Dahil sa kuryusidad ay pasimple siyang yumuko at dahan-dahan na binuksan ang basket na hindi nito mabitiw-bitiwan.
Pagbukas niya ay bumungad sa kaniya ang iba't ibang style ng kutsilyo na binili yata nito sa palengke.
Ano ba'ng iniisip ng Yaya niya? Iniisip ba nito na magagamit nito ang bagay na nasa harapan niya kung sakaling sugurin nga sila ng mga kasamahan niyang sindikato kuno? Pambihira! Ang lakas ng loob! Baka pagdating ng oras, hindi rin nito mapakinabangan ang mga pinagbibili nito dahil sa nerbyos.
Nang makita niyang inaalalayan na nito si Mang Kanor papunta sa gawi niya ay mabilis niyang isinara ang basket na dala nito at pormal na umupo.
“Ano po'ng nangyari, Mang Kanor? Mukhang Hindi po maayos ang lagay niyo, ah.” Napansin niyang nagluluha ang mga mata nito at may kaunti ring laway na tumutulo mula sa bibig nito kaya medyo kinabahan siya para sa kaligtasan nang matanda. “Yaya, ano'ng nangyari?” Hindi kasi sumagot si Mang Kanor kaya ang Yaya na lang niya ang tinanong niya.
“Nakita niya raw kasi na nagdo-drawing si Petra sa loob ng kuwarto niya kaya siya nasuka.”
“Ano'ng nakakasuka roon?”
“Hijo, nagdo-drawing siya gamit lang naman niya ang kulangot niya…” nanghihinang sagot ni Mang Kanor dahilan para tuluyan siyang maduwal at mapadura. “Diyos ko, hindi ko na talaga kinakaya, Hijo.” Nanghihinang umupo ang matanda sa tabi niya. “Matinding pagsubok ang pinagdaanan ko nitong mga nakaraang taon pero lahat ‘yon nalampasan ko. Pero, ito…mukhang dito ako susuko, Hijo. Numero uno sa akin ang kalinisan at ‘yon ang wala si Petra…”
"Pareho po tayo, Mang Kanor. Pareho po tayo."
“Ang Arte niyo naman!” sikmat ng Yaya niya sa kanila na para bang sinasabi nito na pinapalaki pa nila kahit maliit na bagay lang. “Lahat ng tao may dumi sa katawan. Ano ba kayong dalawa? Ikaw, Kanor? Wala ka bang kulangot? 'Di ba, meron?”
“Meron nga!" pasigaw na tugon ni Mang Kanor sa Yaya niyang todo tanggol kay Petra. "Sino ba ang nagsabi na wala? Pero, nakita mo ba na binilog-bilog ko ang kulangot ko tapos idinikit ko sa papel?”
“Wala tayong magagawa kung artistic si Petra. Eh, malay niyo pangarap niyang maging architect tapos ‘di lang natupad. Hayaan niyo na. Kayo ang nakakatanda kaya kayo na lang sana ang mag-adjust.”
“Aba, Yaya! Ang tindi mo naman yata! Papatayin niyo po ba kaming dalawa ni Mang Kanor? Kapag hindi niyo tinuruan ng proper hygiene ang babaeng ’yon ay sisiguraduhin ko na malapit na ang katapusan niya! Dadalhin ko siya sa kuta namin at doon ko siya papahirapan! Ikukulong ko siya roon ng isang taon na tanging kulangot niya lang ang magiging pagkain niya!”
“Aba'y sobra ka naman!”
“Hindi ako nagbibiro, Yaya. Hindi pa ako nagbiro sa buong buhay ko kaya sabihin mo agad sa kaniya na maglinis-linis siya ng katawan niya. Unti-unti ko na ngang tinatanggap na pangit siya at bobo tapos pati ba naman pagiging marumi niya, dapat tanggapin ko pa rin? Aba, Yaya! Lahat ng bagay ay may hangganan. Kapag hindi niyo talaga tinuruan ‘yan kung paano maging maayos, makikita niyo na lang ‘yan na nakabulagta habang duguan.”
“K-kaya mo bang gawin ‘yon, Hijo?” tanong ni Mang Kanor habang may takot na bumakas sa mukha nito. Dumoble tuloy ang pamumutla nito ngayon. “Aba'y malaking kasalanan ‘yan k-kapag n-nagkataon.”
“Punong-puno na rin naman ako ng kasalanan kaya lulubos-lubusin ko na po, Mang Kanor,” tugon niya rito sabay alis. Narinig niya pang inutusan nito ang Yaya niya na sundan siya at pigilan sa gagawin niya kay Petra.
“Tasing, dalian mo!” narinig niyang sigaw nito sa Yaya niya. “Sundan mo si Jordan dahil baka mapatay niya si Petra!”
“Oo na!”
“Panginoon!” Napahinto siya sa paglalakad nang marinig niya na gumaralgal ang boses ni Mang Kanor. “Linisin mo po sana ang isip ng amo namin! Gabayan niyo po siya! Bigyan niyo po siya nang mahabang pasensya para hindi niya po mapatay ang babaeng iniuwi namin ni Tasing! Gabayan niyo po ang amo namin, Panginoon ko!” halos paulit-ulit nitong usal habang nakatingala sa kalangitan.