Naabutan ni Jordan na nagbubulungan sina Yaya Tasing at Mang Kanor habang naghuhugas ang mga ito ng plato.
Hindi niya alam kung natulog ba ang dalawang matanda o magdamag itong nagplano sa kung ano ang gagawing hakbang kung sakaling magkagipitan sa pag-aakalang isa nga siyang miyembro ng sindikato.
Kagabi ay walang hinto sa pagbubulungan ang dalawa kahit sinabi niya na matulog na.
Hindi niya akalain na hanggang sa paggising niya ay ganoon pa rin ang ginagawa ng dalawang matanda.
Kapag nagkasakit ang mga ito ay wala siyang ibang sisisihin kun'di ang sarili niya.
“Yaya Tasing, Mang Kanor,” untag niya para makuha ang atensiyon ng dalawa. Nagulat pa nga ang mga ito nang magsalita siya. Hindi kaya, nagkaroon na ng nerbyos ang dalawang ‘to? “Natulog po ba kayong dalawa?”
“Hindi nga, eh,” sagot ni Mang Kanor.
“Bakit po hindi?”
“Paano kasi sa tuwing maiidlip ako ay pinupuntahan ako ni Tasing para gisingin. Bawal daw akong matulog hangga't wala kaming nabubuong plano. May plan A, plan B, at plan C pa siyang nalalaman pero hanggang sa mag-umaga na ay wala naman kaming nabuo," parang bata na sumbong ni Mang Kanor sa kaniya. "Sobrang sakit tuloy ng ulo ko ngayon.”
“Yaya, bakit niyo naman po iniistorbo ang pagtulog ni Mang Kanor? Kaya pala ang iitim ng paligid ng mga mata niyo, eh. 'Wag niyong sabihin sa akin na hindi kayo natulog pareho?”
“Tama talaga ang hula mo, Hijo. Hindi lang kaming dalawa ang walang tulog kun'di maging si Petra ay magdamag ding hindi pinatulog nitong si Tasing."
Ayos lang kahit hindi matulog si Petra dahil halata naman na sanay ito sa ganoong gawain pero itong dalawa na nasa harapan niya ay hindi na p'wedeng magpuyat dahil nga matanda na ang mga ito.
"Mabuti nga hindi ka nito idinamay, eh." Alam kasi ng Yaya niya na magagalit siya kapag inistorbo siya nito.
“Yaya, ano po ba'ng pinaggagawa mo? Talaga bang dinibdib mo ‘yong sinabi ko kahapon? 'Di ba sinabi ko naman na kalimutan niyo na lang ang tungkol sa bagay na ’yon? Bukas o 'di kaya'y sa makalawa ay tiyak na may sakit na kayo kapag hindi niyo tinigilan 'yang ganiyang gawain.”
Parang um-attend sa lamay ang dalawang matanda na nakatayo sa harapan niya. Nagmukhang panda dahil sa mga kalokohan nito.
Duda rin siya kung kumain na ba ang mga ito ng almusal o hindi pa. Pero, sa nakikita niya ngayon ay mukhang hindi pa kumakain ang dalawa.
“Sinabi ko naman sa inyo na kaya ko kayong protektahan, ‘di ba?”
Umiling-iling ang Yaya niya. “Hindi p'wedeng ikaw lang ang kikilos, Jordan. Ang laban mo ay laban na rin namin ni Kanor. Si Kanor, ako at saka si Petra. Tutulungan ka naming tatlo sa abot ng aming makakaya. Hindi tayo p'wedeng mamatay nang hindi man lang lumalaban. Patay kung patay! Pangil sa pangil at ngipin sa ngipin!"
Halatang nababaliw na talaga ang Yaya Tasing niya. Mental is waving.
Kung malakas ang loob ng Yaya niya ay kabaligtaran naman nito si Mang Kanor. Sa tuwing nagbibitiw kasi ng salita ang Yaya niya ay palaging may takot na nakapaskil sa mukha nito. “'Di ba, Kanor?”
Halatang ayaw ni Mang Kanor pero napilitan itong tumango. No choice kumbaga.
“Nag-almusal na po ba kayo?” tanong niya habang palipat-lipat ang tingin sa dalawa. “Mukhang pati pag-aalmusal ay nakalimutan niyo na rin kaya kung ano-ano ang sumasagi sa isip niyo.”
“Sa dami ng plano nitong si Tasing, hindi na nagawa pang magluto. Hindi ko nga alam kung anong oras tayo kakain dahil sa kapaplano niya, eh. Sa dami ng plinano niya, wala akong naintindihan dahil sa sobrang antok."
“Yaya, hindi ka pa nagluluto?”
“Hindi pa.” Tapos nang maghugas ang dalawa.
'Yong kinainan siguro nila kagabi ay ngayon lang nito hinugasan dahil kagaya nga ng sinabi ni Mang Kanor ay hindi pa ito nagluluto kaya malamang wala pa talagang kumakain sa dalawa.
Nagsisisi na tuloy siya kung bakit biniro-biro niya pa ito na isa siyang sindikato.
“Sa labas na lang tayo kumain. 'Wag na kayong magluto,” aniya dahil mukha namang wala itong balak magluto talaga. Pagkatapos kasi nitong maghugas ay cellphone naman nito ang hinarap. “Yaya, sino ba ‘yang ka-text mo?”
“Wala 'to.”
“Eh, ano ‘yang ginagawa mo?”
“Naghahanap ako ng store. Mga sikat na store para makasigurado ako.”
“Store? Bakit? Makasigurado saan?”
“Para makabili tayo ng mga baril na de-kalidad. Gusto ko kasing um-order ng mga isang libong piraso sana. 'Yong kapag ipinutok, sampu agad ang patay. May mga ganoon, 'di ba? Isang kalabit, sampu agad ang patay. Sigurado ako na kahit sabay-sabay silang sumugod sa atin ay hindi nila tayo magagalusan kahit na kaunti man lang.”
Kung makapagsalita ang Yaya niya, akala mo talaga sanay na sanay sa laban, eh. Ni hindi yata nito naiisip na mabagal na itong maglakad tapos kuba pa.
Napahilot siya bigla sa sentido niya dahil biglang kumirot iyon.
“Seryoso ka ba talaga sa ginagawa mong ‘yan, Tasing? Ano ba'ng akala mo, limang piso lang ang halaga ng isang baril para bumili ka ng isang libong piraso? Diyos ko, wala pa mang nagaganap na labanan ay mukhang mamamatay na ako sa nerbyos dahil sa mga sinasabi mong 'yan. Alalahanin mo, sindikato ang mga kakalabanin mo. May mga experience ang mga 'yon samantalang ikaw–Hays! Pagod na akong mag-isip kaya ayaw ko nang magsalita pa!"
Nang pumasok si Petra sa loob ng kusina ay napatingin silang tatlo sa babae. Kung ano ang suot nito kahapon ay ganoon pa rin ang suot nito ngayon.
“Saan ka natulog?” suplado niyang tanong sa babae. “Sa guest room ba?” Ang dumi kasi nito kaya kung saan man ito humiga ay tiyak na dumikit na roon ang dumi nito.
“Doon siya sa kuwarto ko natulog.” Ang Yaya niya ang sumagot. “Puyat rin ‘yan kaya ‘wag mong pag-initan, Jordan. 'Wag mo na rin siyang palayasin para kahit papaano ay may kasama tayong lumaban kung saka-sakali.”
“Tsk! Bakit? Ano ba'ng magagawa ng babaeng ‘to kapag nagkataon? Eh, mukhang titingnan ka lang nito habang nakikipaglaban ka, eh.”
“'Di mo sure, Hijo,” sagot ng Yaya Tasing niya. “Baka nga siya pa ang magligtas sa atin, eh. Siya ang magiging paa ko sa hinaharap kung saka-sakali. Nakaplano na ’yan kaya 'wag kang magulo.”
“Yaya, okay ka lang?” Nasobrahan yata sa pag-iisip ang Yaya niya kaya kung ano-ano na ang pinagsasabi nito. 'Yong utak nito ay talaga namang tinalo pa ang pinuno ng mga sindikato sa sobrang pagka-advance. “Parang nababaliw na po talaga yata kayo, ah. Baliw na po ba kayo? Unang-una, hindi na kayo natutulog. Pangalawa, hindi niyo na naiisip na kumain. Baka po sa susunod niyan hindi ko na kayo makausap.”
“Marami kasing plano ang pumapasok sa isip ko kaya ganoon.”
“Eh, ba't pati si Mang Kanor idinadamay mo? Kung gusto mong magplano, ba't hindi ‘tong babae na ‘to ang istorbohin mo?” Hinarap niya ang babae. Lahat ng nangyayari sa kanila ngayon ay dito sa babaeng ‘to nagsimula kaya dapat dito niya ibunton ang inis niya.
“Ano nga pala ang pangalan mo, babae?” tanong niya rito. Mabilis itong nilapitan ng Yaya niya na para bang sasaktan niya ito. “Ano, hindi ka magsasalita?”
Tiningnan siya ng masama ng Yaya niya kaya tiningnan niya rin ito ng masama. “Bakit mo pa ba tinatanong ang pangalan niya, Jordan? Alam mo namang Petra ang pangalan niya, ‘di ba?”
“Yaya, hayaan mo siyang magsalita. Kung gusto mong tanggapin ko siya rito sa bahay ko, hayaan mo akong makausap ang babaeng ‘yan.” Bahagyang lumayo ang Yaya niya mula sa babae dahil sinenyasan niya ito na lumayo muna. “Uulitin ko ulit ang tanong ko. What is your full name? Where do you live and how old are you? Kung sumihingkot ka ng rugby, magkano at saan ka nakakabili?”
“Ano bang tanong ‘yan, Jordan? Ba't may rugby ka pa?”
“Gusto ko siyang makikala kaya hayaan mo akong interview-hin siya, Yaya.” Binalikan niya ulit ang babae. “Bingi ka ba? Hindi ka ba magsasalita? Ang sabi ko, ano ang pangalan mo at saan ka nakatira dati bago ka pa man mapadpad sa abandonadong lugar?”
Hindi pa rin ito sumagot kaya nag-uumpisa nang uminit ang ulo niya.
Kung nagkataon na lalaki ito ay baka kanina niya pa ito sinikmuraan ng paulit-ulit hanggang sa mahimatay ito.
Ang ayaw pa naman niya sa lahat ay ’yong ginagawa siyang tanga.
Kumuha siya ng kutsilyo kunwari para takutin ito. Ewan niya lang kung hindi pa ito magsalita kapag inambahan niya ito ng kutsilyo.
Hindi na kasi talaga siya natutuwa dahil hindi talaga ito sumasagot bagkus ay nakanganga lang ito at kumukurap-kurap.
Ang gusto yata nito ay basahin niya ang nasa utak nito, eh.
Nang makakuha siya ng kutsilyo ay nakita niya na nanlaki ang mga mata nina Yaya Tasing at Mang Kanor samantalang ang babae ay chill lang.
“Hijo, ‘wag mong sabihing sasaksakin mo siya kapag hindi niya sinagot ang bawat tanong mo?” hindi makapaniwalang tanong ni Mang Kanor sa kaniya. “Aba'y sindikatong-sindikato nga ang dating mo.” Nilapitan nito si Petra. “Hija, sumagot ka kaagad kung ayaw mong maibaon ‘yan sa katawan mo. Diyos ko! Palaki nang palaki ang nerbyos ko sa bahay na ‘to dahil sa iyo.”
“Hindi ko po kasi alam ang sagot sa tanong niya, eh. Ang hirap po kasi. Ano po ba ‘yong pangalan?”
Tumaas ang isa niyang kilay samantalang si Mang Kanor ay napatingin sa kaniya tapos sa Yaya niya tapos balik na naman sa kaniya. Halatang naguguluhan. Ang Yaya niya naman ay napatakip sa bibig nito gamit ang dalawa nitong kamay. Masyadong exaggerated.
“Saang parte ka ba nahirapan?” tanong dito ni Mang Kanor. “Pangalan lang naman ang itinatanong niya sa iyo at saka kung saan ka raw nakatira, ‘di ba? Nahirapan ka na ba roon?”
“Eh, ano po ba ang ibig sabihin noon?”
Hindi kaya…no read, no write ang aswang na 'to? Tangina! Sulit na sulit kung ganoon! Pangit na nga bobo pa!
“Hoy, babae!” pukaw niya sa atensiyon nito sabay hampas ng kutsilyo sa ibabaw ng lamesa kaya halos sabay-sabay na napatalon ang tatlo dahil sa gulat. “Nag-aral ka ba o hindi?”
“Nag-aral?” Tiningnan nito si Mang Kanor. Halatang nagpapatulong ito sa matanda. “Ano po ba ‘yong nag-aral?”
“Maryusip kang bata ka! Pati ba 'yon hindi mo alam? Aba'y, ano lang ba ang alam mo bukod sa pagpopokpok ng lata?”
“Wala po kasi akong alam talaga bukod sa…” Inilabas nito ang dila nito kaya mabilis na lumayo si Mang Kanor dito at nagtago sa likod niya.
“Hijo, ganiyan ang mga aswang, ‘di ba?” pabulong na tanong nito sa likuran niya.
“'Wag po kayong mag-alala, Mang Kanor.” Nanginginig na ito habang nakakapit sa damit niya kaya kailangan niya itong pakalmahin. “Marami akong gasolina kaya hindi ako magdadalawang isip na litsunin siya kapag nagkataon na isa nga siyang alagad ng diyablo.”
“Naku, malabong matulungan tayo niyan sa labanan. Baka pagdating sa labanan, tayo pa ang pagbabarilin niyan imbes na ang mga kalaban. Ang ending, tayo ang patay tapos ‘yong mga kalaban ang buhay.”
“Ganoon din po ang nasa isip ko, Mang Kanor. Kaya, para hindi po tayo umabot sa ganoon,” Pansamantala niyang binitiwan ang kutsilyo dahil inilapag niya muna iyon sa lamesa dahil dudukot siya ng pera sa wallet niya. Inabutan niya ito ng tatlong libo. “Bumili po kayo ng kadena at saka kandado dahil balak ko po siyang dalhin sa second floor o 'di kaya'y sa terrace para gawaing cctv roon habang nakakadena ang leeg niya, kamay at paa.”
“Sobra-sobra naman yata ‘yon, Hijo. Paano kapag nakita ‘yan ng mga kapitbahay natin? Aba'y makukulong tayo dahil pang-aabuso ang gagawin natin.”
“Nakakalimutan niyo po yata na sindikato ako, eh. 'Wag po kayong mag-alala dahil bago pa man nila tayo maisumbong ay napaulanan ko na sila ng bala. Siya nga pala, ibili niyo po ng pagkain ang matitira dahil hindi na yata talaga magluluto si Yaya.”
“S-sige.”
“Mag-ingat po kayo, Mang Kanor. Maging mapagmatyag po kayo at maging alisto. Kapag may napansin po kayong kakaiba, tawagan niyo po agad ako,” bilin niya rito sa seryosong tinig para kapani-paniwala na isa siyang tulisan.
“Aalis na ba ako, Hijo?”
Tumango siya.
“Siya nga pala, paano kita tatawagan? Eh, ‘di ba nga wala na akong cellphone?”
“Bibilhan ko po kayo bukas. Nakalimutan kong wala na nga pala kayong cellphone. Ingat po kayo."
“Sige. Oh, siya, aalis na ako. Bibilisan ko lang para makabalik agad ako.” Pag-alis ni Mang Kanor ay hinarap niya ulit ang babae. Nahuli niya na binubulungan ito ng magaling niyang Yaya.
“Ano'ng sinabi mo riyan, Yaya?”
“Ha? Aba'y, wala! Ano ba'ng dapat kong sabihin sa kaniya?”
Dinampot niya ulit ang kutsilyo at bahagyang nilapitan ang babae. “Hindi ka ba talaga magsasalita, ha? Hindi mo ba talaga sasabihin sa akin kung ano ang totoo mong pangalan?”
“Petra Paraiso po ang tawag nila sa akin," mabilis nitong sagot.
“'Yon ba talaga ang pangalan mo?”
“Ho?”
“Oo o hindi? 'Wag mong painitin ang ulo ko dahil kahapon ka pa namumuro."
“Aling Tasing, ano po ba ang sagot sa tanong niya?” tanong nito sa Yaya Tasing niya kaya kumunot ang noo niya.
“Sabihin mo, oo.” Narinig niyang tinuruan ito ng Yaya niya kaya sinita niya ang Yaya niya. “'Yan ‘ika mo ang tawag nila sa iyo dah–”
“Yaya!” Napahinto ito sa pagbubulong kay Petra nang tawagin niya ng mariin ang pangalan nito. “'Wag mo siyang turuan dahil hindi ko makikilala ang pagkatao niyan kung bubulungan mo ‘yan nang bubulungan.”
Tiningnan siya ng Yaya niya habang nakanguso ito. “Ang totoo niyan, hindi daw siya nakapag-aral kaya wala siyang gaanong alam.”
“Walang gaanong alam o wala talaga siyang alam sa lahat ng bagay?”
“Hijo, hindi nga daw kasi siya nakapag-aral kaya asahan mo nang wala talaga siyang alam.”
“Wow! Jackpot, Yaya! Ang suwerte natin dahil nakakakuha tayo ng babaeng complete package!”
“Ano ba ang jackpot sa ganoon?” Hindi pala nito nakuha ang ibig niyang sabihin!
“Jackpot dahil nag-uwi kayo ng problema dito sa bahay ko. Oh, ngayon? Ano'ng ang gagawin mo sa baliw na ‘yan, Yaya? Kung walang alam ‘yan, ano lang ang gagawin niyan dito? Tatakbo-takbo? Maglalaro? Maglilikot?”
Napasabunot siya sa sariling buhok.
Paano nila ito mapapakinabangan kung wala itong alam? Sa lahat pa naman ng ayaw niya ay iyong may kasamang bobo sa bahay niya.
“Tuturuan ko na lang siya.”
“Yaya, p'wede bang ilayo mo muna sa akin ang babaeng ‘yan? Kapag hindi mo 'yan inilayo, sasaksakin ko 'yan ng kutsilyo hanggang bukas."
“Halika, Hija. Doon muna tayo sa likod.” Mabilis na nailayo ng Yaya niya ang babae. Mapapasabi ka na lang talaga ng putanginang buhay ‘to, oo! Sa dinami-rami ng p'wede nitong makita sa daan, nakatiyempo pa talaga ng walang kaalam-alam! Tangina! Jackpot talaga! Jackpot sa problema!